Add parallel Print Page Options

Hindi Tinanggap si Jesus sa Nazaret(A)

Umalis doon si Jesus at umuwi siya sa sariling bayan kasama ang kanyang mga alagad. Pagdating ng Araw ng Pamamahinga, si Jesus ay nagturo sa sinagoga. Maraming tao ang nakarinig sa kanya at sa kanilang pagkamangha'y nagtanungan sila, “Saan niya natutunan ang lahat ng iyan? Anong karunungan itong ipinagkaloob sa kanya? Paano siya nakakagawa ng mga himala? Hindi ba ito ang karpinterong anak ni Maria,[a] at kapatid nina Santiago, Jose, Judas, at Simon? Tagarito rin ang kanyang mga kapatid na babae, hindi ba?” Kaya hindi sila naniwala sa kanya.

Dahil(B) dito, sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang isang propeta'y iginagalang ng lahat, maliban ng kanyang mga kababayan, mga kamag-anak, at ng kanyang pamilya.” Hindi siya nakagawa ng himala roon, maliban sa ilang maysakit na pinatungan niya ng kanyang kamay at pinagaling. Namangha siya dahil ayaw nilang maniwala sa kanya.

Isinugo ni Jesus ang Labindalawa(C)

Nilibot ni Jesus ang mga nayon sa paligid at tinuruan niya ang mga tagaroon. Tinawag niya ang Labindalawa at isinugo sila nang dala-dalawa. Sila ay binigyan niya ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu, at(D) pinagbilinang, “Sa inyong paglalakbay, huwag kayong magdala ng anuman, maliban sa tungkod. Huwag kayong magdala ng pagkain, ng balutan o ng pera. Magsuot kayo ng sandalyas ngunit huwag kayong magdala ng bihisan.”

10 Sinabi rin niya sa kanila, “Kapag kayo ay pinatuloy sa isang bahay, manatili kayo roon hanggang sa inyong pag-alis sa bayang iyon. 11 Kung(E) ayaw kayong tanggapin o pakinggan sa isang bayan, umalis kayo roon at ipagpag ninyo ang alikabok sa inyong mga paa, bilang babala sa mga tagaroon.”

12 Humayo nga ang Labindalawa at nangaral na ang mga tao ay dapat magsisi at tumalikod sa kanilang mga kasalanan. 13 Pinalayas(F) nila ang mga demonyo mula sa mga sinasapian ng mga ito; pinahiran nila ng langis ang maraming maysakit at pinagaling ang mga ito.

Ang Pagkamatay ni Juan na Tagapagbautismo(G)

14 Nakarating(H) kay Haring Herodes[b] ang balita tungkol kay Jesus, sapagkat nakikilala na siya ng maraming tao. May mga nag-aakala na si Juan na Tagapagbautismo ay muling nabuhay kaya si Jesus ay nakakagawa ng mga himala. 15 Ngunit mayroon ding nagsasabi na siya si propeta Elias. At may iba pang nagsasabing, “Siya'y isang propeta, katulad ng mga propeta noong unang panahon.”

16 Nang ito'y marinig ni Herodes, sinabi niya, “Siya ay si Juan na aking pinapugutan ng ulo. Muli siyang nabuhay.” 17 Si(I) Herodes mismo ang nagpahuli at nagpabilanggo kay Juan dahil sa kagustuhan ni Herodias. (Ang babaing ito ay pinakasalan at kinakasama ni Herodes bagama't ito'y asawa ng kapatid niyang si Felipe.) 18 Sapagkat laging sinasabi ni Juan kay Herodes, “Labag sa batas na kasamahin mo ang asawa ng inyong kapatid!” 19 At dahil dito, si Herodias ay nagkimkim ng galit kay Juan at ibig niya itong ipapatay. Ngunit hindi niya ito magawâ 20 sapagkat alam niyang natatakot si Herodes kay Juan. Itinuturing ng hari na si Juan ay taong matuwid at banal, at sinisikap niyang huwag itong mapahamak. Gustung-gusto niyang makinig kay Juan kahit labis siyang nababagabag sa mga sinasabi nito.[c]

21 Subalit nagkaroon din ng pagkakataon si Herodias na ipapatay si Juan nang sumapit ang kaarawan ni Herodes. Si Herodes ay nagpahanda ng malaking salu-salo at inanyayahan niya ang kanyang mga opisyal, mga pinuno ng hukbo, at ang mga pangunahing mamamayan ng Galilea. 22 Nang pumasok ang anak na babae ni Herodias[d] at nagsayaw, labis na nasiyahan si Herodes at ang mga panauhin, kaya't sinabi ng hari sa dalaga, “Hingin mo ang anumang nais mo at ibibigay ko sa iyo.” 23 Naipangako rin niya sa dalaga na ibibigay niya kahit ang kalahati ng kanyang kaharian kung ito ang hihingin.

24 Kaya't lumabas ang dalaga at tinanong ang kanyang ina, “Ano po ang hihingin ko?” “Ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo,” sagot ng ina.

25 Mabilis na nagbalik ang dalaga sa kinaroroonan ng hari at sinabi niya, “Ang nais ko'y ibigay ninyo sa akin ngayon din ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo, na nakalagay sa isang pinggan.”

26 Labis na nalungkot ang hari, subalit dahil sa kanyang sumpang narinig ng mga panauhin, hindi niya matanggihan ang dalaga. 27 Kaagad niyang iniutos sa isang kawal na dalhin sa kanya ang ulo ni Juan. Sumunod nga ang kawal at pinugutan niya ng ulo si Juan sa loob ng bilangguan. 28 Inilagay niya ang ulo sa isang pinggan at ibinigay sa dalaga. Ibinigay naman iyon ng dalaga sa kanyang ina.

29 Nang mabalitaan ito ng mga alagad ni Juan, kinuha nila ang kanyang bangkay at inilibing.

Ang Pagpapakain sa Limanlibo(J)

30 Bumalik kay Jesus ang mga apostol at iniulat nila sa kanya ang lahat ng kanilang ginawa at itinuro. 31 Subalit napakaraming taong dumarating at umaalis, at hindi na nila makuhang kumain. Kaya't sinabi ni Jesus sa mga alagad, “Magpunta tayo sa hindi mataong lugar upang makapagpahinga kayo nang kaunti.” 32 Umalis nga silang sakay ng isang bangka, at nagpunta sa isang liblib na lugar.

33 Ngunit maraming nakakita sa kanilang pag-alis at nakaalam kung saan sila pupunta. Kaya't ang mga tao mula sa lahat ng bayan ay patakbong pumunta sa lugar na iyon at naunahan pa nila sina Jesus. 34 Pagbaba(K) ni Jesus sa bangka, nakita niya ang napakaraming tao. Nahabag siya sa kanila sapagkat para silang mga tupang walang pastol, kaya't sila'y tinuruan niya ng maraming bagay. 35 Nang dapit-hapon na, lumapit sa kanya ang mga alagad at sinabi, “Liblib ang pook na ito at malapit nang lumubog ang araw. 36 Paalisin na po ninyo ang mga tao upang makapunta sila sa mga karatig-nayon at bayan upang makabili ng pagkain.”

37 Ngunit sinabi sa kanila ni Jesus, “Bigyan ninyo sila ng makakain.”

Sumagot ang mga alagad, “Nais po ba ninyong bumili kami ng pagkain sa halagang dalawandaang salaping pilak?”[e]

38 “Ilan ang dala ninyong tinapay? Tingnan nga ninyo,” utos niya.

Pagkatapos tingnan ay kanilang sinabi, “Lima po, at dalawang isda.”

39 Iniutos ni Jesus sa mga alagad na paupuin nang pangkat-pangkat ang mga tao sa damuhan. 40 Kaya't naupo ang mga tao nang tig-iisang daan at tiglilimampu bawat grupo. 41 Kinuha ni Jesus ang limang tinapay at dalawang isda; tumingala siya sa langit at nagpasalamat sa Diyos. Hinati-hati niya ang mga tinapay at ibinigay sa kanyang mga alagad upang ipamahagi sa mga tao. Hinati-hati rin niya ang dalawang isda at ipinamahagi rin nila. 42 Ang lahat ay nakakain at nabusog, 43 at nang tipunin ng mga alagad ang lumabis na tinapay at isda, nakapuno pa sila ng labindalawang kaing. 44 May limanlibong lalaki ang kumain [ng tinapay].[f]

Lumakad si Jesus sa Ibabaw ng Tubig(L)

45 Agad pinasakay ni Jesus sa bangka ang kanyang mga alagad. Sila ay pinauna niya sa Bethsaida, sa kabilang ibayo ng lawa, habang pinapauwi naman niya ang mga tao. 46 Matapos magpaalam, umakyat siya sa bundok upang manalangin.

47 Pagsapit ng gabi, nasa laot na ang bangka, habang si Jesus ay nag-iisa sa pampang. 48 Nakita niyang nahihirapan sa pagsagwan ang kanyang mga alagad dahil pasalungat sila sa ihip ng hangin. Nang madaling-araw na, sumunod sa kanila si Jesus na naglalakad sa ibabaw ng tubig. Nang malalampasan na niya ang mga alagad,[g] 49 nakita ng mga ito na siya ay lumalakad sa ibabaw ng tubig. Akala nila siya ay isang multo kaya sila ay nagsisigaw. 50 Takot na takot silang lahat, ngunit agad na sinabi ni Jesus sa kanila, “Huwag kayong matakot. Ako ito! Lakasan ninyo ang inyong loob!” 51 Sumakay siya sa bangka at pumayapa ang hangin. Sila'y lubhang namangha 52 sapagkat hindi pa nila nauunawaan ang tungkol sa pagpapakain ng tinapay; hindi pa ito abot ng kanilang isip.

Pinagaling ni Jesus ang mga Maysakit sa Genesaret(M)

53 Tumawid sila sa ibayo at pagdating sa Genesaret ay dumaong sila sa pampang. 54 Pagbabang-pagbaba nila, nakilala agad siya ng mga tao. 55 Kaya't nagmadaling nagpuntahan ang mga tao sa mga karatig-pook. Saanman nila mabalitaang naroon si Jesus, dinadala nila ang mga maysakit na nakaratay sa higaan. 56 At saan man siya pumunta, sa nayon, sa lungsod, o sa kabukiran, agad na inilalapit sa kanya ang mga may karamdaman at ipinapakiusap sa kanya na mahawakan man lamang nila ang laylayan ng kanyang damit. At ang lahat ng makahawak dito ay gumagaling.

Footnotes

  1. 3 ang karpinterong anak ni Maria: Sa ibang manuskrito'y ang anak ng karpintero at ni Maria .
  2. 14 HARING HERODES: Ang haring ito ay si Herodes Antipas na gobernador ng Galilea, at anak ni Herodes na Dakila.
  3. 20 kahit labis…sinasabi nito: Sa ibang manuskrito'y kahit na taliwas ang mga ginagawa niya sa sinasabi nito; at sa iba pang mga manuskrito'y kaya't marami siyang ginagawa ayon sa sinasabi nito .
  4. 22 anak na babae ni Herodias: Sa ibang manuskrito'y anak niyang si Herodias .
  5. 37 SALAPING PILAK: Sa Griego ay dinaryo na katumbas ng isang araw na sahod ng isang manggagawa.
  6. 44 ng tinapay: Sa ibang manuskrito'y hindi nakasulat ang mga salitang ito.
  7. 48 Nang malalampasan na niya ang mga alagad: o kaya'y Nang sasama na siya sa mga alagad .

Hindi Kinilala si Jesus sa Nazareth(A)

Umalis doon si Jesus kasama ang mga alagad at pumunta sa sariling bayan. Nang sumapit ang Sabbath, nagsimula siyang magturo sa sinagoga. Namangha ang marami sa mga nakinig sa kanya. “Saan niya natutuhan ang lahat ng ito?” tanong nila. “Ano'ng karunungan ito na ibinigay sa kanya? Paano niya nagagawa ang mga kababalaghang ito? Hindi ba ito ang karpinterong anak ni Maria at kapatid nina Santiago, Jose, Judas, at Simon? Hindi ba naririto rin ang kanyang mga kapatid na babae?” At ayaw nilang maniwala dahil sa kanya. Kaya't (B) sinabi ni Jesus, “Ang propeta'y hindi nawawalan ng karangalan, maliban sa kanyang sariling bayan, mga kamag-anak, at mga kasambahay.” Hindi siya nakagawa ng kahit anong himala roon liban sa pagpapatong ng kanyang mga kamay sa ilang maysakit upang sila'y mapagaling. Nagtaka siya sa kanilang hindi pagsampalataya.

Ang Pagsusugo sa Labindalawa(C)

Siya'y lumibot na nagtuturo sa mga karatig-nayon. Tinawag niya ang labindalawa at isinugo sila nang dala-dalawa, at pinagkalooban ng kapangyarihan laban sa mga maruruming espiritu. Ipinagbilin niya sa kanila na huwag magdadala ng anuman sa kanilang paglalakbay gaya ng tinapay, balutan, at salapi sa kanilang mga pamigkis maliban sa isang tungkod. Pinapagsuot sila ng sandalyas ngunit hindi pinapagdala ng damit na bihisan. 10 Sinabi niya sa kanila, “Pagtuloy ninyo sa isang bahay, manatili kayo roon hanggang umalis kayo sa lugar na iyon. 11 Kung (D) (E) tanggihan kayo at ayaw pakinggan sa alinmang bayan, ipagpag ninyo ang alikabok sa inyong mga paa pag-alis ninyo sa lugar na iyon bilang patotoo laban sa kanila.” 12 Humayo nga ang labindalawa at ipinangaral sa mga tao na dapat silang magsisi. 13 Nagpalayas (F) sila ng maraming demonyo, nagpahid ng langis sa maraming maysakit at nagpagaling sa mga ito.

Ang Pagkamatay ni Juan na Tagapagbautismo(G)

14 Nabalitaan (H) ni Haring Herodes ang mga bagay na ito sapagkat tanyag na ang pangalan ni Jesus. Sinasabi ng iba, “Iyan si Juan na Tagapagbautismo na muling nabuhay kaya siya nakakagawa ng mga himala.” 15 Sabi naman ng iba, “Si Elias iyan.” May iba pang nagsasabi, “Siya'y propeta, tulad ng mga propeta noong una.” 16 Ngunit nang marinig ito ni Herodes ay sinabi niya, “Muling nabuhay si Juan na aking pinapugutan ng ulo!” 17 Si (I) Herodes mismo ang nagpadakip at nagpakulong kay Juan. Ginawa niya ito dahil sa kinakasama niyang si Herodias, na asawa ng kapatid niyang si Felipe. 18 Laging sinasabi noon ni Juan kay Herodes, “Hindi tamang angkinin mo ang asawa ng iyong kapatid.” 19 Kaya't nagtanim ng galit kay Juan si Herodias at hinangad itong ipapatay. Ngunit hindi niya ito magawa, 20 sapagkat natatakot si Herodes kay Juan. Pinagsikapan pa ni Herodes na huwag itong mapahamak dahil alam niyang si Juan ay matuwid at banal. Nasisiyahan siya sa pakikinig kay Juan bagama't labis siyang nababagabag sa mga sinasabi nito. 21 Ngunit dumating ang pagkakataon nang sumapit ang kaarawan ni Herodes. Nagdaos ng piging si Herodes para sa kanyang mga opisyal, mga pinuno ng hukbo at mga pangunahing mamamayan ng Galilea. 22 Nagsayaw ang anak na babae ni Herodias, bagay na nagustuhan ni Herodes at ng kanyang mga panauhin. Sinabi ng hari sa dalaga, “Hingin mo anuman ang gusto mo at ibibigay ko sa iyo.” 23 Nanumpa pa siya sa dalaga, “Ibibigay ko sa iyo anumang hingin mo, kahit na kalahati ng aking kaharian.” 24 Lumabas ang dalaga at itinanong sa kanyang ina, “Ano ang aking hihingin?” Sumagot si Herodias, “Hingin mo ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo.” 25 Nagmamadaling bumalik ang dalaga sa kinaroroonan ng hari at sinabi, “Gusto kong ibigay mo sa akin ngayon din sa isang pinggan ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo.” 26 Labis na nanlumo ang hari, ngunit dahil sa kanyang pangako at sa kanyang mga panauhin, hindi niya magawang tanggihan ang dalaga. 27 Noon di'y inutusan ng hari ang isang kawal upang dalhin sa kanya ang ulo ni Juan.[a] Sumunod ang kawal at pinugutan ng ulo si Juan sa bilangguan. 28 Bumalik itong dala ang ulo ni Juan sa isang pinggan. Ibinigay niya ito sa dalaga, at ibinigay naman iyon ng dalaga sa kanyang ina. 29 Nang mabalitaan ito ng mga alagad ni Juan, kinuha nila ang kanyang bangkay at inilibing.

Ang Pagpapakain sa Limang Libo(J)

30 Bumalik kay Jesus ang mga apostol at ibinalita sa kanya ang lahat ng kanilang ginawa at itinuro. 31 Napakaraming tao ang dumarating at umaalis, at halos wala na silang panahong makakain. Kaya't sinabi ni Jesus sa mga alagad, “Sumama kayo sa akin sa isang lugar na malayo sa karamihan upang makapagpahinga kayo kahit sandali.” 32 Sumakay sila sa isang bangka at nagtungo sa isang ilang na lugar. 33 Ngunit maraming nakakita sa kanilang pag-alis at nakakilala sa kanila. Nagtakbuhan ang mga tao mula sa lahat ng bayan at nauna pang dumating sa pupuntahan nina Jesus. 34 Pagbaba (K) ni Jesus sa pampang ay nakita niya ang napakaraming tao. Nahabag siya sa kanila, sapagkat sila'y tulad ng mga tupang walang pastol. At marami siyang itinuro sa kanila. 35 Nang gumagabi na, lumapit sa kanya ang kanyang mga alagad at nagsabi, “Ilang ang pook na ito, at gumagabi na. 36 Paalisin na po ninyo ang mga tao upang makabili ng makakain sa mga karatig-nayon.” 37 Ngunit sumagot si Jesus, “Kayo ang magbigay sa kanila ng makakain.” Sumagot ang mga alagad, “Makabibili ba tayo ng dalawandaang denaryong[b] halaga ng tinapay upang mapakain ang mga taong ito? ” 38 “Ilang tinapay ang dala ninyo?” tanong ni Jesus. “ Tingnan nga ninyo.” Pagkatapos tingnan ay sinabi nila sa kanya, “Limang tinapay, at dalawang isda.” 39 Inutusan ni Jesus ang mga alagad na paupuin ang mga tao nang pangkat-pangkat sa luntiang damuhan. 40 Kaya't naupo ang mga tao, tig-iisandaan at tiglilimampu bawat pangkat. 41 Kinuha ni Jesus ang limang tinapay at ang dalawang isda, tumingala siya sa langit, nagpasalamat, hinati-hati ang mga tinapay at ibinigay niya sa mga alagad upang ipamahagi sa mga tao. Hinati-hati rin niya ang dalawang isda upang ipamahagi sa lahat. 42 Kumain silang lahat at nabusog. 43 Tinipon ng mga alagad ang mga lumabis, at nakapuno sila ng labindalawang kaing. 44 Limang libong lalaki ang nakakain ng tinapay.

Lumakad si Jesus sa Ibabaw ng Tubig(L)

45 Agad pinasakay ni Jesus ang kanyang mga alagad sa bangka at pinauna sa ibayo, sa Bethsaida, habang pinapauwi niya ang maraming tao. 46 Pagkatapos magpaalam, umakyat siya sa bundok upang manalangin. 47 Nang sumapit ang gabi, ang bangka ay nasa gitna ng dagat habang si Jesus ay nag-iisa sa lupa. 48 Nakita ni Jesus na nahihirapan ang kanyang mga alagad sa pagsagwan dahil pasalungat sila sa hangin. Nang malapit na ang madaling araw,[c] sumunod sa kanila si Jesus na lumalakad sa ibabaw ng tubig. Nang malapit na niyang malampasan ang mga ito, 49 nakita nilang lumalakad siya sa ibabaw ng lawa. Inakala nilang siya'y isang multo kaya't sila'y nagsigawan. 50 Takot na takot silang lahat, kaya't agad silang sinabihan ni Jesus, “Lakasan ninyo ang inyong loob. Ako ito! Huwag kayong matakot.” 51 Sumakay siya sa bangka at agad huminto ang hangin. Labis silang namangha, 52 sapagkat hindi nila nauunawaan ang pangyayari tungkol sa tinapay. Sa halip, tumigas ang kanilang mga puso.

Pinagaling ni Jesus ang mga Maysakit sa Genesaret(M)

53 Nang makatawid na sila, dumating sila sa Genesaret at doon idinaong ang bangka. 54 Pagbaba nila mula sa bangka, nakilala agad si Jesus ng mga tao. 55 Kaya't nilibot ng mga tao ang buong lugar na iyon at sinundo ang mga maysakit. Dinala nila ang mga nakaratay sa higaan saanman nila mabalitaan na naroon si Jesus. 56 Saanmang nayon, bukid o bayan makarating si Jesus, dinadala ng mga tao ang kanilang maysakit sa mga pamilihan, at pinapakiusapan siya na ipahawak man lamang sa kanila ang laylayan ng kanyang damit. At ang lahat ng makahawak nito ay gumaling.

Footnotes

  1. Marcos 6:27 Sa Griyego ulo niya.
  2. Marcos 6:37 Tingnan ang Talaan ng mga Salita.
  3. Marcos 6:48 Sa Griyego, ika-4 na pagbabantay sa gabi.

At umalis siya doon; (A)at napasa kaniyang sariling lupain; at nagsisunod sa kaniya ang kaniyang mga alagad.

At nang dumating ang sabbath, ay nagpasimulang magturo siya sa sinagoga: at marami sa nangakakarinig sa kaniya ay nangagtataka, na nangagsasabi, Saan nagkaroon ang taong ito ng mga bagay na ito? at, Anong karunungan ito na sa kaniya'y ibinigay, at anong kahulugan ng gayong mga makapangyarihang gawa na ginagawa ng kaniyang mga kamay?

Hindi baga ito ang anluwagi, ang anak ni Maria, at kapatid ni Santiago, at ni Jose, at ni Judas, at ni Simon? at hindi baga nangaririto sa atin ang kaniyang mga kapatid na babae? At siya'y kinatitisuran nila.

At sinabi sa kanila ni Jesus, Walang propetang di may kapurihan, liban sa kaniyang sariling lupain, at sa gitna ng kaniyang sariling mga kamaganak, at sa kaniyang sariling bahay.

At (B)hindi siya nakagawa doon ng anomang makapangyarihang gawa, liban sa ipinatong niya ang kaniyang mga kamay sa ilang mga maysakit, at pinagaling sila.

At nanggigilalas siya sa kanilang di pananampalataya. At siya'y lumibot na nagtuturo sa mga nayong nasa paligidligid.

At pinalapit niya sa kaniya ang labingdalawa, (C)at nagpasimulang sinugo sila na daladalawa; at binigyan niya sila ng kapamahalaan laban sa mga karumaldumal na espiritu;

At ipinagbilin niya sa kanila (D)na huwag silang magsipagbaon ng anoman sa paglakad, kundi tungkod lamang; kahit tinapay, kahit supot ng ulam, kahit salapi sa kanilang supot;

Datapuwa't gumamit ng mga sandalyas: at, huwag magsuot ng dalawang tunika.

10 At sinabi niya sa kanila, Saan man kayo magsipasok sa isang bahay, mangatira kayo roon hanggang sa kayo'y magsialis doon.

11 At sa alin mang dakong hindi kayo tanggapin, at hindi kayo pakinggan, pagalis ninyo doo'y ipagpag ninyo ang alabok na nasa ilalim ng inyong talampakan bilang patotoo sa kanila.

12 At sila'y nangagsialis, at (E)nagsipangaral na mangagsisi ang mga tao.

13 At nangagpalabas ng maraming demonio, (F)at nangagpahid ng langis sa maraming may-sakit, at pinagaling sila.

14 (G)At narinig ng haring Herodes; sapagka't nabantog na ang pangalan niya; at sinabi niya, Si Juan na Mangbabautismo ay nagbangon sa mga patay, at kaya sumasa kaniya ang mga kapangyarihang ito.

15 At sinasabi ng mga iba, (H)Siya'y si Elias. At sinasabi ng mga iba, Siya'y propeta, na gaya ng ibang mga propeta.

16 Datapuwa't nang marinig ni Herodes, ay sinabi, Si Juan na aking pinugutan ng ulo, siya'y nagbangon.

17 Sapagka't si Herodes din ang nagsugo sa mga kawal at nagpahuli kay Juan, at nagpatanikala sa kaniya sa bilangguan dahil kay Herodias, na asawa ni Filipo na kaniyang kapatid; sapagka't nagasawa siya sa kaniya.

18 Sapagka't sinabi ni Juan kay Herodes, Hindi matuwid sa iyo na iyong ariin ang asawa ng iyong kapatid.

19 At ipinagtanim siya ni Herodias, at hinahangad siyang patayin; at hindi niya magawa;

20 Sapagka't natatakot si Herodes kay Juan palibhasa'y nalalamang siya'y lalaking matuwid at banal, at siya'y ipinagsanggalang niya. At kung siya'y pinakikinggan niya, ay natitilihan siyang mainam; at pinakikinggan niya siya (I)na may galak.

21 At nang sumapit ang isang kaukulang araw, na kapanganakan niya, ay ipinaghanda ni Herodes ng isang hapunan ang kaniyang mga maginoo, at mga mataas na kapitan, at mga pangulong lalake (J)sa Galilea;

22 At nang pumasok ang anak na babae ni Herodias ay sumayaw, at siya'y kinalugdan ni Herodes at ng mga kasalo niyang nakaupo sa dulang; at sinabi ng hari sa dalaga, Hingin mo sa akin ang maibigan mo, at ibibigay ko sa iyo.

23 At ipinanumpa niya sa kaniya, Ang anomang hingin mo sa akin ay ibibigay ko sa iyo, kahit ang kalahati ng aking kaharian.

24 At lumabas siya, at sinabi sa kaniyang ina, Ano ang aking hihingin? At sinabi niya, Ang ulo ni Juan ang Mangbabautismo.

25 At pagdaka'y pumasok siyang dalidali sa kinaroroonan ng hari, at humingi, na sinasabi, Ibig ko na (K)ngayon din ang ibigay mo sa akin na nasa isang pinggan ang ulo ni Juan Bautista.

26 At namanglaw na lubha ang hari; datapuwa't dahil sa kaniyang sumpa, at sa nangakaupo sa dulang, ay hindi niya itinanggi.

27 At pagdaka'y nagsugo ang hari sa isang kawal na kaniyang bantay, at ipinagutos na dalhin sa kaniya ang ulo niya: at yumaon siya at pinugutan siya ng ulo sa bilangguan,

28 At dinala ang kaniyang ulo na nasa isang pinggan, at ibinigay sa dalaga; at ibinigay ng dalaga sa kaniyang ina.

29 At nang mabalitaan ng kaniyang mga alagad, ay nagsiparoon sila at binuhat ang kaniyang bangkay, at inilagay sa isang libingan.

30 At ang mga apostol ay (L)nangagpisan kay Jesus; at isinaysay nila sa kaniya ang lahat ng mga bagay na kanilang ginawa, at ang lahat ng kanilang itinuro.

31 At sinabi niya sa kanila, Magsiparito kayo ng bukod sa isang dakong ilang, at mangagpahinga kayo ng kaunti. Sapagka't (M)marami ang nangagpaparoo't parito, at sila'y hindi man lamang mangagkapanahon na magsikain.

32 At (N)nagsiyaon silang nangasa daong at nangapasa isang dakong ilang at bukod.

33 At nangakita sila ng mga tao sa pagalis, at sila'y nangakilala ng marami at paraparang nagsisitakbo na nagsiparoon doon mula sa lahat ng mga bayan, at nangaunang nagsirating pa kay sa kanila.

34 At lumabas siya at (O)nakita ang lubhang maraming tao, at nahabag siya sa kanila, (P)sapagka't sila'y gaya ng mga tupa na walang pastor: at siya'y nagpasimulang tinuruan sila ng maraming bagay.

35 At nang gumabi na, ay nagsilapit sa kaniya ang kaniyang mga alagad, at nangagsabi, Ilang ang dakong ito, at gumagabi na;

36 Payaunin mo sila, upang sila'y magsiparoon sa mga bayan at mga nayon sa palibotlibot nito, at mangagsibili ng anomang makakain.

37 Datapuwa't siya'y sumagot at sinabi sa kanila, Bigyan ninyo sila ng makakain. At sinabi nila sa kaniya, Magsisiyaon ba kami at magsisibili ng dalawang daang denariong tinapay, at ipakakain namin sa kanila?

38 At sinabi niya sa kanila, Ilang tinapay mayroon kayo? magsiparoon kayo at inyong tingnan. At nang mangaalaman nila, ay kanilang sinabi, Lima, at dalawang isda.

39 At iniutos niya sa kanila na paupuin silang lahat na pulupulutong sa ibabaw ng damuhang sariwa.

40 At sila'y nagsiupong hanayhanay, na tigsasangdaan, at tiglilimangpu.

41 At kinuha niya ang limang tinapay at ang dalawang isda, at pagtingala sa langit, ay kaniyang pinagpala, at pinagputolputol ang mga tinapay; at ibinigay niya sa mga alagad upang ihain nila sa kanila; at ipinamahagi niya sa kanilang lahat ang dalawang isda.

42 At nagsikain silang lahat, at nangabusog.

43 At kanilang pinulot ang mga pinagputolputol, labingdalawang bakol na puno ng tinapay at mga isda naman.

44 At ang nagsikain ng mga tinapay ay limang libong lalake.

45 At (Q)pagdaka'y pinalulan niya sa (R)daong ang kaniyang mga alagad, at pinauna sa kaniya sa kabilang ibayo, sa (S)Betsaida, samantalang pinayayaon niya ang karamihan.

46 At pagkatapos na mapagpaalam niya sila, ay naparoon siya sa bundok upang (T)manalangin.

47 At nang dumating ang gabi, ang daong ay nasa gitna ng dagat, at siya'y nagiisa sa lupa.

48 At pagkakita sa kanila na totoong nangalulumbay sa paggaod, sapagka't sinasalunga sila ng hangin, at malapit na ang ikaapat na pagpupuyat sa gabi ay naparoon siya sa kanila, na lumalakad sa ibabaw ng dagat; at ibig silang lagpasan:

49 Datapuwa't sila, nang makita nilang siya'y lumalakad sa ibabaw ng dagat, ay inakala nilang siya'y isang multo, at nangagsisigaw;

50 Sapagka't nakita siya nilang lahat, at nangagulumihanan. Datapuwa't pagdaka'y nagsalita siya sa kanila, at sa kanila'y sinabi, Laksan ninyo ang inyong loob: ako nga; huwag kayong mangatakot.

51 At pinanhik niya sila sa daong; at humimpil ang hangin: at sila'y nanganggilalas ng di kawasa sa kanilang sarili;

52 Palibhasa'y hindi (U)pa nila natatalastas yaong tungkol sa mga tinapay, dahil sa ang kanilang puso'y pinatigas.

53 At nang mangakatawid na sila, ay narating nila ang lupa ng Genezaret, at nagsisadsad sa daungan.

54 At paglunsad nila sa daong, pagdaka'y nakilala siya ng mga tao,

55 At nang malibot nilang nagtutumulin ang buong lupaing yaon, at nagpasimulang dalhin sa kaniya ang mga may-sakit na nasa kanilang higaan, saan man nila marinig na naroon siya.

56 At saan man siya pumasok, sa mga nayon, o sa mga bayan o sa mga bukid, ay inilalagay nila sa mga liwasan ang mga may-sakit, at ipinamamanhik sa kaniya na ipahipo man lamang sa kanila ang laylayan ng kaniyang damit: at ang lahat ng nagsihipo sa kaniya ay pawang nagsigaling.