Add parallel Print Page Options

21 At siya'y tumunghay, at (A)nakita ang mga taong mayayaman na nangaghuhulog ng kanilang mga alay sa kabang-yaman.

At nakita niya ang isang dukhang babaing bao na doo'y naghuhulog ng (B)dalawang lepta.

At sinabi niya, Sa katotohana'y sinasabi ko sa inyo, Ang dukhang babaing baong ito ay naghulog ng higit kay sa kanilang lahat.

Sapagka't ang lahat ng mga yaon ay nangaghulog sa mga alay ng sa kanila'y labis; datapuwa't siya, sa kaniyang kasalatan ay inihulog ang buong kaniyang ikabubuhay na nasa kaniya.

At samantalang sinasalita (C)ng ilan ang tungkol sa templo, kung paanong ito'y pinalamutihan ng magagandang bato at mga hain, ay kaniyang sinabi,

Tungkol sa mga bagay na ito na inyong nangakikita, ay darating ang mga araw, (D)na walang maiiwan ditong isang bato sa ibabaw ng kapuwa bato, na hindi ibabagsak.

At kanilang itinanong sa kaniya, na sinasabi, Guro, kailan nga mangyayari ang mga bagay na ito? at ano ang magiging tanda pagka malapit ng mangyari ang mga bagay na ito?

At sinabi niya, Mangagingat kayo na huwag kayong mangailigaw: (E)sapagka't marami ang paririto sa aking pangalan, na mangagsasabi, Ako ang Cristo; at, Malapit na ang panahon: huwag kayong magsisunod sa kanila.

At pagka kayo'y nangakarinig ng mga digmaan at mga kaguluhan, ay huwag kayong mangasindak: sapagka't kinakailangang mangyari muna ang mga bagay na ito; datapuwa't hindi (F)pa malapit ang wakas.

10 Nang magkagayo'y sinabi niya sa kanila, Magtitindig ang isang bansa laban sa bansa, at ang isang kaharian laban sa kaharian;

11 At magkakaroon ng malalakas na lindol, at sa iba't ibang dako ay magkakagutom at magkakasalot; at magkakaroon ng mga bagay na kakilakilabot, at ng mga dakilang tanda mula sa langit.

12 Datapuwa't bago mangyari ang lahat ng mga bagay na ito, ay huhulihin (G)kayo, at paguusigin kayo, na kayo'y ibibigay sa mga sinagoga at (H)sa mga bilangguan, na kayo'y dadalhin sa harapan ng mga hari at mga gobernador dahil sa aking pangalan.

13 Ito'y magiging patotoo (I)sa inyo.

14 Pagtibayin nga ninyo ang inyong mga puso, (J)na huwag munang isipin kung paano ang inyong isasagot:

15 Sapagka't bibigyan ko kayo ng (K)isang bibig at karunungan, na hindi mangyayaring masalangsang o matutulan man ng lahat ninyong mga kaalit.

16 Datapuwa't kayo'y ibibigay ng kahit mga magulang, at mga kapatid, at mga kamaganak, at mga kaibigan; at ipapapatay nila ang iba sa inyo.

17 At kayo'y kapopootan ng lahat ng mga tao dahil sa aking pangalan.

18 At hindi mawawala kahit (L)isang buhok ng inyong ulo.

19 Sa inyong (M)pagtitiis ay maipagwawagi ninyo ang inyong mga kaluluwa.

20 Datapuwa't pagka nangakita ninyong (N)nakukubkob ng mga hukbo ang Jerusalem, kung magkagayo'y talastasin ninyo na ang kaniyang (O)pagkawasak ay malapit na.

21 Kung magkagayo'y ang mga nasa Judea ay magsitakas sa mga bundok; at ang mga nasa loob ng bayan ay magsilabas; (P)at ang mga nasa parang ay huwag magsipasok sa bayan.

22 Sapagka't ito ang mga araw ng paghihiganti, (Q)upang maganap ang lahat ng mga bagay na nangasusulat.

23 Sa aba ng mga nagdadalang-tao, at ng mga nagpapasuso sa mga araw na yaon! sapagka't magkakaroon ng malaking kahapisan sa ibabaw ng lupa, at kagalitan sa bayang ito.

24 At sila'y mangabubuwal sa pamamagitan ng talim ng tabak, at dadalhing bihag sa lahat ng mga bansa: at (R)yuyurakan ang Jerusalem ng mga Gentil, (S)hanggang sa matupad ang mga panahon ng mga Gentil.

25 At magkakaroon ng mga tanda sa araw at buwan at mga bituin; at sa lupa'y magkakaroon ng kasalatan sa mga bansa, na matitilihan dahil sa ugong ng dagat at mga daluyong;

26 Magsisipanglupaypay ang mga tao dahil sa takot, at dahil sa paghihintay ng mga bagay na darating sa ibabaw ng sanglibutan: sapagka't mangangatal ang mga kapangyarihan sa mga langit.

27 At kung magkagayo'y makikita nila ang Anak ng tao na pariritong nasa isang alapaap na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian.

28 Datapuwa't kung magpasimulang mangyari ang mga bagay na ito, ay magsitingin kayo, at itaas ninyo ang inyong mga ulo; sapagka't malapit na ang pagkatubos ninyo.

29 At sinalita niya sa kanila ang isang talinghaga: Masdan ninyo ang puno ng igos at ang lahat ng mga punong kahoy:

30 Pagka nangagdadahon na sila, ay nakikita ninyo at nalalaman ninyo sa inyong sarili na malapit na ang tagaraw.

31 Gayon din naman kayo, pagka nangakita ninyong nangyari ang mga bagay na ito, talastasin ninyo na malapit na ang kaharian ng Dios.

32 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hindi lilipas ang lahing ito, hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay.

33 Ang langit at ang lupa ay lilipas: datapuwa't ang aking mga salita ay hindi lilipas.

34 Datapuwa't mangagingat kayo sa inyong sarili, baka mangalugmok ang inyong mga puso sa katakawan, at sa kalasingan, at sa mga pagsusumakit ukol sa buhay na ito, at (T)dumating na bigla sa inyo ang araw na yaon na gaya ng silo:

35 Sapagka't gayon darating sa kanilang lahat na nangananahan sa ibabaw ng buong lupa.

36 (U)Datapuwa't mangagpuyat kayo sa bawa't panahon, (V)na mangagsidaing, upang kamtin ninyo ang makatakas sa lahat ng mga bagay na ito na mangyayari, at upang (W)mangakatayo kayo sa harapan ng Anak ng tao.

37 At araw-araw ay (X)nagtuturo siya sa templo; at lumalabas (Y)gabi-gabi at tumatahan sa bundok na tinatawag na Olivo.

38 At ang buong bayan ay maagang pumaparoon sa kaniya sa templo, upang makinig sa kaniya.

Ang Handog ng Babaing Balo(A)

21 Nang tumingala siya, nakita niya ang mayayaman na naglalagay ng kanilang handog sa kabang-yaman ng templo. Nakita rin niya ang isang mahirap na babaing balo na nag-alay ng dalawang kusing, kaya't sinabi niya, “Totoo ang sinasabi ko sa inyo: ang mahirap na babaing balong iyon ang nag-alay ng higit sa ihinandog ng lahat. Sapagkat lahat sila'y naghandog mula sa kanilang kasaganaan, ngunit ang babaing ito, kahit sa kanyang kahirapan ay nag-alay ng buo niyang ikinabubuhay.”

Sinabi ni Jesus ang tungkol sa Pagkawasak ng Templo(B)

Samantalang nag-uusap ang ilan tungkol sa templo, kung paano ito nagagayakan ng magagandang bato at ng mga handog, sinabi ni Jesus, “Darating ang panahon na lahat ng nakikita ninyong ito ay iguguho, at walang bato na makikitang nasa ibabaw ng isa pang bato.”

Mga Tanda at Pag-uusig na Darating(C)

Tinanong ng mga alagad si Jesus, “Guro, kailan po mangyayari ang mga ito? At ano ang magiging tanda na malapit nang mangyari ang mga ito?” At sinabi niya, “Mag-ingat kayo upang hindi mailigaw ng sinuman. Sapagkat marami ang darating na gumagamit ng aking pangalan at magsasabi, ‘Ako ang Cristo!’[a] at ‘Malapit na ang panahon!’ Huwag kayong susunod sa kanila. At kapag nakarinig kayo ng mga digmaan at mga kaguluhan, huwag kayong matakot, sapagkat kailangan munang mangyari ang mga ito, ngunit hindi pa kaagad darating ang wakas.” 10 Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila, “Makikidigma ang isang bansa laban sa isang bansa at ang isang kaharian laban sa isang kaharian. 11 Magkakaroon ng malalakas na lindol, mga taggutom at mga salot sa iba't ibang dako; at mula sa langit ay lilitaw ang mga kakila-kilabot at dakilang tanda. 12 Ngunit bago mangyari ang lahat ng ito, dadakpin muna nila kayo at uusigin. Dadalhin nila kayo sa mga sinagoga at mga bilangguan, at dahil sa aking pangalan ay ihaharap kayo sa mga hari at mga gobernador. 13 Magbibigay sa inyo ito ng pagkakataon upang magpatotoo. 14 Ipanatag ninyo ang inyong kalooban at huwag isipin kung paano ninyo ipagtatanggol ang inyong sarili. 15 Sapagkat ako ang magkakaloob sa inyo ng sasabihin at karunungan na hindi matututulan o mapabubulaanan ng lahat ng mga sumasalungat sa inyo. 16 Ipagkakanulo kayo maging ng inyong mga magulang, mga kapatid, mga kamag-anak at mga kaibigan; at ipapapatay nila ang ilan sa inyo. 17 Kapopootan kayo ng lahat dahil sa aking pangalan. 18 Ngunit kahit isang hibla ng buhok ninyo sa ulo ay hinding-hindi malalagas. 19 Makakamit ninyo ang inyong buhay dahil sa inyong pagtitiis.”

Sinabi ni Jesus ang tungkol sa Pagbagsak ng Jerusalem(D)

20 “Kapag nakita ninyong napalilibutan ng mga hukbo ang Jerusalem, alam ninyong malapit na ang pagkawasak nito. 21 Kaya't ang mga nasa Judea ay tumakas na patungo sa bundok at ang mga nasa loob ng lungsod ay lumabas mula rito, at ang mga nasa bukid sa palibot nito ay huwag nang pumasok pa. 22 Sapagkat ito ang mga araw ng kaparusahan, bilang katuparan ng lahat ng mga naisulat. 23 Kaysaklap ng sasapitin ng mga nagdadalang-tao at nagpapasuso sa mga araw na iyon. Magkakaroon ng matinding pagdurusa sa lupain at poot laban sa bayang ito. 24 Mamamatay ang ilan sa pamamagitan ng patalim at ang iba'y dadalhing bihag sa lahat ng mga bansa; at yuyurakan ng mga Hentil ang Jerusalem hanggang matupad ang mga panahon ng mga Hentil.”

Ang Pagdating ng Anak ng Tao(E)

25 “Magkakaroon ng mga tanda sa araw, buwan at mga bituin. At sa lupa, mababagabag ang mga bansa at ikalilito nila ang ugong at daluyong ng dagat. 26 Hihimatayin ang mga tao sa takot at mangangamba dahil sa mga darating sa daigdig sapagkat mayayanig ang mga kapangyarihan sa kalangitan. 27 Pagkatapos ay makikita nila ang Anak ng Tao na dumarating na nasa alapaap at may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian. 28 At kapag nagsimula na ang mga ito, tumayo kayo at itingala ang inyong ulo sapagkat malapit na ang pagtubos sa inyo.”

Ang Aral tungkol sa Puno ng Igos(F)

29 At isinalaysay niya sa kanila ang isang talinghaga, “Masdan ninyo ang puno ng igos at ang lahat ng mga punongkahoy. 30 Kapag nagkakadahon na ang mga ito, nakikita ninyo at nalalaman ninyong malapit na ang tag-araw. 31 Gayundin naman kayo; kapag nakita ninyong nangyayari na ang mga ito, alam ninyong nalalapit na ang paghahari ng Diyos. 32 Tinitiyak ko sa inyo: hinding-hindi lilipas ang salinlahing ito hangga't hindi nagaganap ang lahat. 33 Lilipas ang langit at ang lupa, ngunit hinding-hindi lilipas ang aking mga salita.”

Kailangang Magbantay

34 “Mag-ingat kayo upang hindi magumon ang inyong mga puso sa katakawan, at paglalasing, at sa mga alalahanin sa buhay. Baka bigla na lang sumapit ang araw na iyon 35 na parang isang bitag. Sapagkat darating ito sa lahat ng nabubuhay sa ibabaw ng lupa. 36 Kaya't maging handa kayo sa lahat ng oras. Idalangin ninyong magkaroon kayo ng lakas upang makatakas kayo sa lahat ng mangyayaring ito at tumayo sa harap ng Anak ng Tao.”

37 Si Jesus ay nagtuturo sa templo sa araw ngunit sa gabi ay nagpapalipas siya ng magdamag sa Bundok ng mga Olibo. 38 Maaga pa lang ay nagpupunta na sa templo ang mga tao upang mapakinggan siya.

Footnotes

  1. Lucas 21:8 Ako ang Cristo: Sa Griyego, Ako siya.