Add parallel Print Page Options

19 Nang magkagayon nga'y tinangnan ni Pilato si Jesus, at siya'y hinampas.

(A)At ang mga kawal ay nangagkamakama ng isang putong na tinik, at ipinutong sa kaniyang ulo, at siya'y sinuutan ng isang balabal na kulay-ube;

At sila'y nagsilapit sa kaniya, at nangagsabi, Magalak, Hari ng mga Judio! at siya'y kanilang pinagsuntukanan.

At si Pilato ay lumabas na muli, at sa kanila'y sinabi, Narito, siya'y inilabas ko sa inyo, upang inyong matalastas na (B)wala akong masumpungang anomang kasalanan sa kaniya.

Lumabas nga si Jesus, na may putong na tinik at balabal na kulay-ube. Sa kanila'y sinabi ni Pilato, Narito, ang tao!

Pagkakita nga sa kaniya ng mga pangulong saserdote at ng mga punong kawal, ay sila'y nangagsigawan, na sinasabi, Ipako siya sa krus, ipako siya sa krus! Sinabi sa kanila ni Pilato, Kunin ninyo siya, at ipako ninyo siya sa krus: sapagka't ako'y walang masumpungang kasalanan sa kaniya.

Nagsisagot sa kaniya ang mga Judio, (C)Kami'y mayroong isang kautusan, at ayon sa kautusang yaon ay nararapat siyang mamatay, sapagka't siya'y nagpapanggap na Anak ng Dios.

Pagkarinig nga ni Pilato ng salitang ito, (D)ay lalong sinidlan siya ng takot;

At siya'y muling pumasok sa Pretorio, at sinabi kay Jesus, Taga saan ka? (E)Nguni't hindi siya sinagot ni Jesus.

10 Sinabi nga sa kaniya ni Pilato, Sa akin ay hindi ka nagsasalita? Hindi mo baga nalalaman na ako'y may kapangyarihang sa iyo'y magpawala, at may kapangyarihang sa iyo'y magpako sa krus?

11 Sumagot si Jesus sa kaniya, Anomang kapangyarihan ay hindi ka magkakaroon laban sa akin malibang ito'y ibinigay (F)sa iyo mula sa itaas: kaya't (G)ang nagdala sa iyo sa akin ay may lalong malaking kasalanan.

12 Dahil dito'y pinagsisikapan ni Pilato na siya'y pawalan: nguni't ang mga Judio ay nagsisigawan, na nangagsasabi, Kung pawalan mo ang taong ito, ay hindi ka kaibigan ni Cesar: (H)ang bawa't isang nagpapanggap na hari ay nagsasalita ng laban kay Cesar.

13 Nang marinig nga ni Pilato ang mga salitang ito, (I)ay inilabas niya si Jesus, at siya'y naupo sa hukuman sa dakong tinatawag na Pavimento, datapuwa't sa Hebreo ay Gabbatha.

14 (J)Noon nga'y Paghahanda ng paskua: at noo'y (K)magiikaanim ng oras. At sinabi niya sa mga Judio, Narito, ang inyong Hari!

15 Sila nga'y nagsigawan, Alisin siya, alisin siya, ipako siya sa krus! Sinabi sa kanila ni Pilato, Ipapako ko baga sa krus ang inyong Hari? Nagsisagot ang mga pangulong saserdote, Wala kaming hari kundi si Cesar.

16 Nang magkagayon nga'y ibinigay siya sa kanila upang maipako sa krus.

17 (L)Kinuha nga nila si Jesus: at siya'y lumabas, (M)na pasan niya ang krus, hanggang sa dakong tinatawag na Dako ng bungo, na sa wikang Hebreo ay tinatawag na Golgota:

18 Na doo'y ipinako nila siya sa krus, at kasama niya ang dalawa pa, isa sa bawa't tagiliran, at si Jesus sa gitna.

19 At sumulat din naman (N)si Pilato ng isang pamagat, at inilagay sa ulunan ng krus. At ang nasusulat ay, JESUS NA TAGA NAZARET, ANG HARI NG MGA JUDIO.

20 Marami nga sa mga Judio ang nakabasa ng pamagat na ito, sapagka't ang dakong pinagpakuan kay Jesus ay malapit sa bayan; at ito'y nasusulat sa Hebreo, at sa Latin, at sa Griego.

21 Sinabi nga kay Pilato ng mga pangulong saserdote ng mga Judio, Huwag mong isulat, Ang Hari ng mga Judio; kundi, ang kanyang sinabi, Hari ako ng mga Judio.

22 Sumagot si Pilato, Ang naisulat ko ay naisulat ko.

23 (O)Ang mga kawal nga, nang si Jesus ay kanilang maipako na sa krus, ay kanilang kinuha ang kaniyang mga kasuutan at pinagapat na bahagi, sa bawa't kawal ay isang bahagi; at gayon din naman ang tunika: at ang tunika ay (P)walang tahi, na hinabing buo mula sa itaas.

24 Nangagsangusapan nga sila, Huwag natin itong punitin, kundi ating pagsapalaranan, kung mapapakanino: upang matupad ang kasulatan, na nagsasabi,

(Q)Binahagi nila sa kanila ang aking mga kasuutan,
At ang aking balabal ay kanilang pinagsapalaran.

25 Ang mga bagay ngang ito ay ginawa ng mga kawal. Datapuwa't (R)nangakatayo sa piling ng krus ni Jesus ang kaniyang ina, at ang kapatid ng kaniyang ina, na si Maria na asawa ni Cleopas, at si Maria Magdalena.

26 Pagkakita nga ni Jesus sa kanyang ina, at (S)sa nakatayong alagad na kaniyang iniibig, ay sinabi niya sa kaniyang ina, (T)Babae, narito, ang iyong anak!

27 Nang magkagayo'y sinabi niya sa alagad, Narito, ang iyong ina! At buhat nang oras na yaon ay tinanggap siya ng alagad sa kaniyang sariling tahanan.

28 Pagkatapos nito, pagkaalam ni Jesus na ang lahat ng mga bagay ay naganap na nga, (U)upang matupad ang kasulatan, ay sinabi, Nauuhaw ako.

29 Mayroon doong isang sisidlang puno ng suka: kaya't (V)naglagay sila ng isang esponghang basa ng suka sa isang tukod na isopo, at kanilang inilagay sa kaniyang bibig.

30 Nang matanggap nga ni Jesus ang suka, ay sinabi niya, (W)Naganap na: at iniyukayok ang kaniyang ulo, at nalagot ang kaniyang hininga.

31 Ang mga Judio nga, (X)sapagka't noo'y Paghahanda, (Y)upang ang mga katawan ay huwag mangatira sa krus sa sabbath (sapagka't (Z)dakila ang araw ng sabbath na yaon), ay hiniling nila kay Pilato na mangaumog ang kanilang mga hita, at upang sila'y mangaalis doon.

32 Nagsiparoon na ang mga kawal, at inumog ang mga hita ng una, at ng sa isa na ipinako sa krus na kasama niya:

33 Nguni't nang magsiparoon sila kay Jesus, at makitang siya'y patay na, ay hindi na nila inumog ang kaniyang mga hita:

34 Gayon ma'y pinalagpasan ang kaniyang tagiliran ng isang sibat ng isa sa mga kawal, at pagdaka'y lumabas ang (AA)dugo at tubig.

35 At ang nakakita ay nagpatotoo, at ang kaniyang patotoo ay totoo: at (AB)nalalaman niyang siya'y nagsasabi ng totoo, upang kayo naman ay magsisampalataya.

36 Sapagka't ang mga bagay na ito ay nangyari, upang matupad ang kasulatan, Ni isa mang (AC)buto niya'y hindi mababali.

37 At sinabi naman sa ibang kasulatan, (AD)Magsisitingin sila sa kaniya na kanilang pinagulusanan.

38 At pagkatapos ng mga bagay na ito (AE)si Jose na taga Arimatea, palibhasa'y alagad ni Jesus, bagama't lihim dahil sa katakutan sa mga Judio, ay namanhik kay Pilato na makuha niya ang bangkay ni Jesus; at ipinahintulot ni Pilato sa kaniya. Naparoon nga siya, at inalis ang kaniyang bangkay.

39 At naparoon naman si Nicodemo, (AF)yaong naparoon nang una sa kaniya nang gabi, na may dalang isang pinaghalong (AG)mirra at mga aloe, na may mga isang daang (AH)libra.

40 Kinuha nga nila ang bangkay ni Jesus, at binalot nila ng mga kayong lino na may mga pabango, ayon sa kaugalian ng mga Judio sa paglilibing.

41 Sa dako nga ng pinagpakuan sa kaniya ay may isang halamanan; at sa halamana'y may isang bagong libingan na kailan ma'y hindi pa napaglalagyan ng sinoman.

42 (AI)Doon nga, dahil sa Paghahanda ng mga Judio (sapagka't malapit ang libingan) ay kanilang inilagay si Jesus.

Ang Paglibak ng mga Kawal kay Jesus

19 Pagkatapos ay ipinakuha niya si Jesus at ipinahagupit. Gumawa ng koronang tinik ang mga kawal at inilagay ito sa kanyang ulo, at isinuot sa kanya ang isang balabal na kulay ube. Lumapit sila sa kanya at nagsabing, “Mabuhay ang hari ng mga Judio!” at siya'y kanilang pinagsasampal. Muling lumabas si Pilato at sinabi sa kanila, “Tingnan ninyo, ilalabas ko siya sa inyo upang malaman ninyo na wala akong nakitang anumang dahilan laban sa kanya.” Kaya lumabas si Jesus, suot ang koronang tinik at kulay ubeng balabal. Sinabi sa kanila ni Pilato, “Masdan ninyo ang taong ito!” Nang makita siya ng mga punong pari at ng mga kawal, sumigaw sila, “Ipako siya sa krus! Ipako siya sa krus!” Sinabi ni Pilato sa kanila, “Kunin ninyo siya at kayo ang magpako sa kanya; wala akong nakitang anuman laban sa kanya.” Sumagot ang mga Judio sa kanya, “Mayroon kaming batas, at ayon sa batas na iyon kailangan siyang mamatay sapagkat inaangkin niyang siya ay Anak ng Diyos.” Nang marinig ito ni Pilato, lalo siyang natakot. Pumasok muli siya ng punong-himpilan at tinanong si Jesus, “Tagasaan ka ba?” Ngunit hindi sumagot si Jesus. 10 Kaya sinabi sa kanya ni Pilato, “Ayaw mo ba akong kausapin? Hindi mo ba alam na ako'y may kapangyarihang palayain ka at ipapako sa krus?” 11 (A)Sumagot si Jesus, “Hindi ako saklaw ng iyong kapangyarihan malibang ibigay ito sa iyo mula sa itaas. Dahil dito, mas mabigat ang kasalanan ng nagdala sa akin sa iyo.” 12 Mula noon, humanap ng paraan si Pilato na palayain siya, ngunit nagsisigaw ang mga Judio, “Kung palalayain mo ang taong ito, hindi ka kakampi ng Emperador.[a] Sinumang nag-aangking siya'y hari ay kumakalaban sa Emperador.” 13 Nang marinig ito ni Pilato, dinala niya si Jesus sa labas at naupo siya sa upuan ng hukom, sa lugar na tinatawag na Platapormang Bato, na sa Hebreo ay Gabbatha. 14 Araw noon ng Paghahanda para sa Paskuwa, at magtatanghaling tapat na. Sinabi ni Pilato sa mga Judio, “Masdan ninyo ang inyong hari!” 15 Kaya sumigaw sila, “Alisin! Alisin ang taong iyan! Ipako siya sa krus!” Tinanong sila ni Pilato, “Ipapako ko ba sa krus ang inyong hari?” Sumagot ang mga punong pari, “Wala kaming hari kundi ang Emperador.” 16 Kaya ibinigay ni Pilato si Jesus sa kanila upang ipako sa krus.

Ang Pagpako kay Jesus sa Krus

Kinuha nga nila si Jesus. 17 Habang pasan ni Jesus ang krus, lumabas siya tungo sa Lugar ng Bungo, na sa Hebreo ay tinatawag na Golgotha. 18 Ipinako nila roon si Jesus, kasama ang dalawa pa, ang isa ay nasa kanan niya, at ang isa ay sa kaliwa. 19 Sumulat si Pilato ng ganitong pahayag at inilagay sa krus: “Si Jesus na taga-Nazareth, ang Hari ng mga Judio.” 20 Nakasulat ito sa wikang Hebreo, Latin at Griyego. Maraming Judio ang nakabasa sa pahayag na ito sapagkat malapit sa lungsod ang lugar na pinagpakuan kay Jesus. 21 Kaya sinabi ng mga punong pari kay Pilato, “Huwag mong isulat, ‘Ang Hari ng mga Judio,’ kundi, ‘Sinabi ng taong ito, “Ako ang Hari ng mga Judio.” ’ ” 22 Sumagot si Pilato, “Ang naisulat ko ay naisulat ko na.” 23 Pagkatapos ipako ng mga kawal si Jesus, kinuha nila ang damit niya at hinati ito sa apat na bahagi, isa para sa bawat kawal. Kinuha rin nila ang kanyang damit-panloob; wala itong tahi at hinabi nang buo mula sa itaas. 24 (B)Kaya sinabi nila sa isa't isa, “Huwag natin itong punitin; magpalabunutan na lang tayo kung kanino ito mapupunta.” Naganap ito upang matupad ang sinasabi ng Kasulatan,

“Pinaghati-hatian nila ang aking kasuotan, at para sa aking damit sila'y nagpalabunutan.”

Gayon nga ang ginawa ng mga kawal. 25 Samantala, nakatayong malapit sa krus ni Jesus ang kanyang ina, ang kapatid nitong si Maria na asawa ni Cleopas, at si Maria Magdalena. 26 Nang makita ni Jesus ang kanyang ina at ang alagad na kanyang minamahal na nakatayo sa tabi nito, sinabi niya sa kanyang ina, “Ginang, narito ang iyong anak.” 27 At sinabi niya sa alagad, “Narito ang iyong ina.” At mula noon, kinupkop na ng alagad si Maria sa kanyang tahanan.

Ang Pagkamatay ni Jesus

28 (C)Pagkatapos nito, nang malaman ni Jesus na ang lahat ay naganap na, sinabi niya, upang matupad ang Kasulatan, “Nauuhaw ako.” 29 Isang sisidlang puno ng maasim na alak ang naroon. Kaya isinawsaw nila sa maasim na alak ang isang espongha at inilagay ito sa sanga ng isopo at inilapit sa bibig ni Jesus. 30 Matapos tanggapin ni Jesus ang alak, sinabi niya, “Naganap na.” Pagkatapos, yumuko siya at isinuko ang kanyang espiritu.

Ang Pagtusok sa Tagiliran ni Jesus

31 Dahil araw noon ng Paghahanda, ayaw ng mga Judio na manatili ang mga bangkay sa krus sa araw ng Sabbath, lalo na't ang Sabbath na iyon ay dakila. Kaya hiniling nila kay Pilato na baliin ang mga binti ng mga nakapako sa krus at alisin ang mga bangkay. 32 Kaya dumating ang mga kawal at binali ang mga binti ng una at ng isa pang lalaki na kasama ni Jesus na ipinako. 33 Subalit nang dumating sila kay Jesus at nakitang siya ay patay na, hindi na nila binali ang kanyang mga binti. 34 Tinusok na lang ng sibat ang kanyang tagiliran ng isang kawal, at kaagad na lumabas ang dugo at tubig. 35 (Siya na nakakita nito ay nagpapatotoo upang kayo ay maniwala. Ang kanyang pagpapatunay ay totoo, at alam niya na totoo ang kanyang sinasabi.) 36 (D)Nangyari ang mga ito upang maganap ang Kasulatan, “Wala ni isa man sa kanyang mga buto ang babaliin.” 37 (E)At muli, sinasabi rin ng isa pang bahagi ng Kasulatan, “Pagmamasdan nila ang tinusok nila ng sibat.”

Ang Paglilibing kay Jesus

38 Pagkatapos ng mga ito, hiniling ni Jose na taga-Arimatea na payagan siyang kunin ang katawan ni Jesus. Siya ay isang lihim na alagad ni Jesus dahil sa takot sa mga pinuno ng mga Judio. Pumayag si Pilato, kaya pumunta si Jose at tinanggal ang katawan ni Jesus sa krus. 39 (F)Dumating din si Nicodemo, na nagpunta noon kay Jesus isang gabi. May dala siyang mga pabango, na pinaghalong mira at mga aloe na may isang daang libra ang timbang. 40 Kinuha nila ang katawan ni Jesus at binalot ito ng mga telang may pabango ayon sa kaugalian ng mga Judio sa paglilibing. 41 May halamanan sa lugar na pinagpakuan kay Jesus. Doon ay may isang libingang kailanman ay hindi pa nagagamit. 42 Dahil ang libingan ay di-kalayuan, at noon ay araw ng Paghahanda ng mga Judio, doon nila inilibing si Jesus.

Footnotes

  1. Juan 19:12 Emperador, Sa Griyego, Cesar.