Add parallel Print Page Options

Ang pagkabihag ng Juda at ang paglagpak ng Babilonia.

25 Ang salita na dumating kay Jeremias tungkol sa buong bayan ng Juda (A)nang ikaapat na taon ni Joacim na anak ni Josias, na hari sa Juda (siya ring unang taon ni Nabucodonosor na hari sa Babilonia),

Na siyang sinalita ni Jeremias na propeta sa buong bayan ng Juda, at sa lahat ng nananahan sa Jerusalem, na sinasabi,

Mula nang ikalabing tatlong taon ni (B)Josias na anak ni Ammon, na hari sa Juda, hanggang sa araw na ito, nitong dalawang pu't tatlong taon, ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, at aking sinalita sa inyo na ako'y bumangong maaga, at nagsalita; nguni't hindi ninyo dininig.

At sinugo ng Panginoon sa inyo ang lahat niyang lingkod na mga propeta na gumising na maaga, at sinugo sila (nguni't hindi ninyo dininig, o ikiniling man ninyo ang inyong pakinig upang mangakinig),

Na nangagsasabi, (C)Magsihiwalay bawa't isa sa inyo sa kanikaniyang masamang lakad, at sa kasamaan ng inyong mga gawa, at (D)kayo'y magsitahan sa lupain na ibinigay ng Panginoon sa inyo at sa inyong mga magulang, mula nang una at hanggang sa magpakailan pa man;

At huwag kayong magsisunod sa ibang mga dios na mangaglingkod sa kanila, at magsisamba sa kanila, at huwag ninyo akong mungkahiin sa galit (E)ng gawa ng inyong mga kamay, at hindi ko kayo sasaktan.

Gayon ma'y hindi kayo nangakinig sa akin, sabi ng Panginoon; upang mungkahiin ninyo ako sa galit, ng gawa ng inyong mga kamay sa inyong sariling ikapapahamak.

Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Sapagka't hindi ninyo dininig ang aking mga salita,

Narito, ako'y magsusugo at kukunin ko ang lahat (F)na angkan sa hilagaan, sabi ng Panginoon, at ako'y magsusugo kay Nabucodonosor na hari sa Babilonia, (G)na aking lingkod, at aking dadalhin sila laban sa lupaing ito, at laban sa mga nananahan dito, at laban sa lahat ng bansang ito sa palibot; at aking lubos na lilipulin sila, at gagawin ko silang katigilan, at kasutsutan, at mga walang hanggang kagibaan.

10 Bukod dito'y aalisin ko sa kanila ang tinig ng kalayawan at ang tinig ng kasayahan, ang tinig ng kasintahang lalaki at ang tinig ng kasintahang babae, (H)ang tunog ng mga (I)batong gilingan, at ang liwanag ng ilawan.

11 At ang buong lupaing ito ay magiging sira, at katigilan; at (J)ang mga bansang ito ay maglilingkod sa hari sa Babilonia na (K)pitong pung taon.

12 At mangyayari, (L)pagkaganap ng pitong pung taon, na aking parurusahan ang hari sa Babilonia, at ang bansang yaon, sabi ng Panginoon, dahil sa kaniyang kasamaan, at ang lupain ng mga Caldeo; at aking gagawing sira magpakailan man.

13 At aking gaganapin sa lupaing yaon ang lahat na aking salita na aking sinalita laban doon, lahat ng nakasulat (M)sa aklat na ito, na inihula ni Jeremias laban sa lahat na bansa.

14 Sapagka't (N)maraming bansa at mga dakilang hari ay paglilingkuran nila, nila nga; at gagantihan ko sila ayon sa kanilang mga kilos, at ayon sa gawa ng kanilang mga kamay.

Ang saro ng alak ng kapusukan ay inihandog sa lahat ng bansa.

15 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, sa akin, (O)Abutin mo itong saro ng alak ng kapusukan sa aking kamay, at painumin mo ang lahat na bansa na pinagsuguan ko sa iyo.

16 At sila'y magsisiinom, at magsisihapay na paroo't parito, na mangauulol, dahil sa tabak na aking pasasapitin sa kanila.

17 Nang magkagayo'y inabot ko ang saro sa kamay ng Panginoon, at (P)pinainom ko ang lahat na bansang pinagsuguan ng Panginoon:

18 Sa makatuwid, ang Jerusalem, at ang mga bayan ng Juda, at ang mga hari niyaon, at ang mga prinsipe niyaon, upang gawin silang kagibaan, katigilan, kasutsutan, at sumpa; gaya sa araw na ito;

19 Si Faraong (Q)hari sa Egipto, at ang kaniyang mga lingkod, at ang kaniyang mga prinsipe, at ang buong bayan niya;

20 At ang (R)lahat ng halohalong bayan, at ang lahat ng hari (S)sa lupain ng Hus, (T)at ang lahat ng hari sa lupain ng mga Filisteo, at ang Ascalon, at ang Gaza, at ang Ecron, at ang nalabi sa Asdod;

21 Ang (U)Edom, (V)at ang Moab, at ang mga anak ni (W)Ammon;

22 At ang lahat ng hari sa (X)Tiro, at ang lahat ng hari sa (Y)Sidon, at ang hari sa pulo na (Z)nasa dako roon ng dagat;

23 Ang Dedan, at ang Tema, at ang Buz, at ang lahat ng magsisiputol ng mga laylayan ng kanilang buhok;

24 At ang lahat ng hari sa Arabia, at ang lahat ng hari sa halohalong (AA)bayan na nagsisitahan sa ilang;

25 At ang lahat ng hari sa Zimri, at ang lahat ng hari sa Elam, at ang lahat ng hari ng mga Medo;

26 (AB)At ang lahat ng hari sa hilagaan, malayo't malapit na isa't isa; at ang lahat ng kaharian sa sanglibutan, na nangasa ibabaw ng lupa: at ang hari sa (AC)Sesach ay magsisiinom pagkatapos nila.

27 At iyong sasabihin sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Kayo'y magsiinom, at kayo'y mangagpakalasing, at kayo'y magsisuka, at mangabuwal, at huwag na kayong magsibangon, dahil sa tabak na aking pasasapitin sa inyo.

28 At mangyayari, kung tanggihan nilang (AD)abutin ang saro sa iyong kamay upang inuman, sasabihin mo nga sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Kayo'y walang pagsalang magsisiinom.

29 Sapagka't, narito, ako'y nagpapasimulang gumawa ng kasamaan sa bayang tinawag sa aking pangalan, at kayo baga'y lubos na hindi mapaparusahan? Kayo'y walang pagsalang parurusahan; sapagka't aking tatawagin ang tabak laban sa lahat ng nananahan sa lupa, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.

30 Kaya't ihula mo laban sa kanila ang lahat ng mga salitang ito, at sabihin mo sa kanila, Ang Panginoon (AE)ay uungol mula sa itaas, at ilalakas ang kaniyang tinig mula (AF)sa kaniyang banal na tahanan; siya'y uungol ng malakas laban sa kaniyang kulungan; siya'y hihiyaw, gaya nila na magsisiyapak ng ubas, laban sa lahat na nananahan sa lupa.

31 Ang ingay ay darating hanggang sa wakas ng lupa; (AG)sapagka't ang Panginoon ay may pakikipagpunyagi sa mga bansa, (AH)siya'y papasok sa paghatol sa lahat ng tao; tungkol sa masasama ay kaniyang ibibigay sila sa tabak, sabi ng Panginoon.

32 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Narito, kasamaan ay mangyayari sa bansa at bansa, at malakas na bagyo ay ibabangon mula sa kahulihulihang bahagi ng lupa.

33 At ang mapapatay ng Panginoon sa araw na yao'y magiging mula sa isang dulo ng lupa hanggang sa kabilang dulo ng lupa: (AI)sila'y hindi tataghuyan, o dadamputin man, o ililibing man; sila'y magiging dumi sa ibabaw ng lupa.

34 Kayo'y (AJ)magsiangal, kayong mga pastor, at kayo'y magsihiyaw; at kayo'y mangagsigumon sa abo, kayong pinakamainam sa kawan; sapagka't ang mga kaarawan ng pagpatay at ang pangangalat sa inyo ay lubos na dumating, at kayo'y mangababagsak na parang mainam na sisidlan.

35 At ang mga pastor ay walang daang tatakasan, o tatanan man ang pinakamainam sa kawan.

36 Tinig ng hiyaw ng mga pastor, at ng angal ng pinakamainam sa kawan! sapagka't inilalagay ng Panginoon na sira ang kanilang pastulan.

37 At ang mga payapang (AK)tahanan ay nangadala sa katahimikan dahil sa mabangis na galit ng Panginoon.

38 Kaniyang pinabayaan ang kaniyang kublihan na gaya ng leon; sapagka't ang kanilang lupain ay naging katigilan dahil sa kabangisan ng mamimighating tabak, at dahil sa kaniyang mabangis na kagalitan.

'Jeremias 25 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.

Ang Kaaway mula sa Hilaga

25 Ang(A) salita na dumating kay Jeremias tungkol sa buong sambayanan ng Juda, nang ikaapat na taon ni Jehoiakim na anak ni Josias, na hari ng Juda (iyon din ang unang taon ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia),

na binigkas ni Jeremias na propeta sa buong sambayanan ng Juda, at sa lahat ng naninirahan sa Jerusalem, na sinasabi,

“Sa loob ng dalawampu't tatlong taon, mula nang ikalabintatlong taon ni Josias, na anak ni Amon, na hari ng Juda, hanggang sa araw na ito, ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, at ako'y matiyagang nagsalita sa inyo, ngunit hindi kayo nakinig.

Hindi kayo nakinig ni ikiniling man ang inyong mga tainga upang makinig bagaman patuloy na sinugo ng Panginoon sa inyo ang lahat niyang mga lingkod na propeta,

na nagsasabi, ‘Bawat isa sa inyo ay tumalikod mula sa kanyang masamang lakad at masasamang mga gawa, at kayo'y mananatili sa lupain na ibinigay ng Panginoon sa inyo at sa inyong mga ninuno, mula nang una at hanggang sa magpakailanman.

Huwag kayong sumunod sa ibang mga diyos upang paglingkuran at sambahin sila, o galitin ako sa pamamagitan ng gawa ng inyong mga kamay. Kung gayo'y hindi ko kayo gagawan ng masama!’

Gayunma'y hindi kayo nakinig sa akin, sabi ng Panginoon; kaya't ginalit ninyo ako sa pamamagitan ng gawa ng inyong mga kamay tungo sa inyong sariling kapahamakan.

“Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Sapagkat hindi ninyo pinakinggan ang aking mga salita,

tatawagin ko ang lahat ng mga lipi sa hilaga, at si Nebukadnezar na hari ng Babilonia, ang aking lingkod. Dadalhin ko sila laban sa lupaing ito at sa mga mamamayan nito, at laban sa lahat ng mga bansang ito sa palibot. Ganap ko silang lilipulin, at gagawin ko silang kasuklamsuklam, pagsisitsitan at isang walang hanggang kakutyaan,[a] sabi ng Panginoon.

10 Bukod(B) dito'y papawiin ko sa kanila ang tinig ng kasayahan at ang tinig ng katuwaan, ang tinig ng lalaking ikakasal at ang tinig ng babaing ikakasal, ang ingay ng mga batong gilingan, at ang liwanag ng ilawan.

11 Ang(C) buong lupaing ito ay magiging guho at katatakutan; at ang mga bansang ito ay maglilingkod sa hari ng Babilonia sa loob ng pitumpung taon.

12 At pagkalipas ng pitumpung taon, parurusahan ko ang hari ng Babilonia at ang bansang iyon, ang lupain ng mga Caldeo, dahil sa kanilang kasamaan, sabi ng Panginoon, at gagawin ko iyong wasak magpakailanman.

13 Dadalhin ko sa lupaing iyon ang lahat ng mga salitang aking binitiwan laban doon, ang lahat ng nakasulat sa aklat na ito na inihayag ni Jeremias laban sa lahat ng mga bansa.

14 Sapagkat gagawin din silang mga alipin ng maraming bansa at mga dakilang hari, at gagantihan ko sila ayon sa kanilang mga gawa, at sa gawa ng kanilang mga kamay.”

Ang Saro ng Alak ng Kabagsikan ay Inihandog sa Lahat ng Bansa

15 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel, sa akin, “Kunin mo sa aking kamay itong saro ng alak ng poot, at painumin mo ang lahat ng bansa na pinagsuguan ko sa iyo.

16 Sila'y iinom at magpapagiray-giray, at mauulol dahil sa tabak na aking ibibigay sa kanila.”

17 Kaya't kinuha ko ang saro mula sa kamay ng Panginoon, at pinainom ko ang lahat ng mga bansang pinagsuguan sa akin ng Panginoon:

18 ang Jerusalem at ang mga bayan ng Juda, ang mga hari at mga pinuno nito, upang gawin silang giba, katatakutan, kakutyaan at sumpa gaya ng sa araw na ito;

19 Si Faraon na hari ng Ehipto, ang kanyang mga lingkod, mga pinuno, at ang buong sambayanan niya;

20 at ang lahat ng mga dayuhang kasama nila, ang lahat ng hari sa lupain ng Uz, at ang lahat ng hari sa lupain ng mga Filisteo, (Ascalon, Gaza, at ang Ekron, at ang nalabi sa Asdod);

21 ang Edom, Moab, at ang mga anak ni Ammon;

22 lahat ng mga hari ng Tiro, lahat ng mga hari ng Sidon, at ang mga hari sa baybayin sa kabila ng dagat;

23 ang Dedan, Tema, Buz, at ang lahat ng nagpuputol ng mga sulok ng kanilang buhok;

24 lahat ng mga hari ng Arabia at ang lahat ng mga hari ng halu-halong lipi na naninirahan sa disyerto;

25 lahat ng mga hari ng Zimri, lahat ng mga hari ng Elam, lahat ng mga hari ng Media;

26 lahat ng mga hari sa hilaga, malayo at malapit, na magkakasunod; at ang lahat ng mga kaharian sa daigdig, na nasa ibabaw ng lupa. Pagkatapos nila ang hari ng Sheshach[b] ay iinom.

27 “At iyong sasabihin sa kanila, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Kayo'y uminom, magpakalasing, at magsuka. Mabuwal kayo at huwag nang bumangon pa, dahil sa tabak na aking ibibigay sa inyo.’

28 “At kung ayaw nilang tanggapin ang saro sa iyong kamay upang inuman, sasabihin mo nga sa kanila, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Kailangang uminom kayo!

29 Sapagkat narito, ako'y nagsisimulang gumawa ng kasamaan sa lunsod na tinatawag sa aking pangalan, at kayo ba'y aalis na hindi mapaparusahan? Kayo'y tiyak na parurusahan sapagkat ako'y tumatawag ng tabak laban sa lahat ng naninirahan sa lupa, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.’

30 “Kaya ikaw ay magsasalita ng mga salitang propesiyang ito laban sa kanilang lahat at sabihin mo sa kanila:

‘Ang Panginoon ay dadagundong mula sa itaas,
    at ilalakas ang kanyang tinig mula sa kanyang banal na tahanan;
siya'y uungol nang malakas laban sa kanyang kawan;
    siya'y sisigaw, gaya ng mga pumipisa ng ubas,
    laban sa lahat ng naninirahan sa lupa.
31 Ang ingay ay aabot hanggang sa mga dulo ng lupa;
    sapagkat ang Panginoon ay may usapin laban sa mga bansa,
siya'y pumapasok sa paghatol kasama ng lahat ng laman.
    Tungkol sa masasama, sila'y ibibigay niya sa tabak, sabi ng Panginoon.’

32 “Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo:
Narito, ang kasamaan ay lumalaganap sa mga bansa
at isang malakas na bagyo ay namumuo
    mula sa pinakamalayong bahagi ng daigdig!

33 “At ang mapapatay ng Panginoon sa araw na iyon ay magiging mula sa isang dulo ng lupa hanggang sa kabilang dulo. Sila'y hindi tataghuyan, o titipunin, o ililibing man; sila'y magiging dumi sa ibabaw ng lupa.

34 “Humagulhol kayo, mga pastol, at sumigaw;
    at gumulong kayo sa abo, kayong mga panginoon ng kawan;
sapagkat ang mga araw ng pagkatay sa inyo at pangangalat ninyo ay dumating na,
    at kayo'y babagsak na parang piling sisidlan.
35 Walang daang matatakbuhan ang mga pastol,
    o pagtakas man para sa mga panginoon ng kawan.
36 Pakinggan ninyo ang sigaw ng mga pastol,
    at ang hagulhol ng mga panginoon ng kawan!
Sapagkat sinisira ng Panginoon ang kanilang pastulan,
37     at ang payapang mga kulungan ay nasasalanta
    dahil sa mabangis na galit ng Panginoon.
38 Gaya ng leon ay iniwan niya ang kanyang kublihan,
    sapagkat ang kanilang lupain ay nasira
dahil sa tabak ng manlulupig,
    at dahil sa kanyang mabangis na galit.”

Footnotes

  1. Jeremias 25:9 o pagkawasak .
  2. Jeremias 25:26 SHESHACH: Isang lihim na pangalan para sa Babilonia.