Add parallel Print Page Options

Ang mga Espiya(A)

13 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Magpadala ka ng mga tao para mag-espiya sa Canaan – ang lupain na ibibigay ko sa inyong mga Israelita. Ang mga tao na iyong ipapadala ay ang mga pinuno ng bawat lahi ng Israel.” Kaya sinunod ni Moises ang iniutos sa kanya ng Panginoon. Ipinadala niya sa Canaan ang mga pinuno ng mga Israelita mula roon sa Disyerto ng Paran. 4-15 Ito ang mga lahi at mga pangalan nila:

Lahi Pinuno
ReubenShamua na anak ni Zacur
SimeonShafat na anak ni Hori
JudaCaleb na anak ni Jefune
IsacarIgal na anak ni Jose
EfraimHoshea na anak ni Nun
BenjaminPalti na anak ni Rafu
ZebulunGadiel na anak ni Sodi
Manase na anak ni JoseGadi na anak ni Susi
DanAmiel na anak ni Gemali
AsherSeteur na anak ni Micael
NaftaliNabi na anak ni Vofsi
GadGeuel na anak ni Maki

16 Sila ang mga tao na ipinadala ni Moises para mag-espiya sa Canaan. (Pinalitan ni Moises ng Josue ang pangalan ni Hoshea na anak ni Nun.)

17 Bago sila pinaalis ni Moises para mag-espiya sa Canaan, sinabi ni Moises sa kanila, “Maglakad kayo pahilaga at pumunta sa timog ng Canaan,[a] at dumiretso sa kabundukan. 18 Tingnan ninyo kung ano ang itsura ng lupain, at kung malakas ba o mahina ang mga tao roon, at kung marami sila o kaunti lang. 19 Tingnan ninyo kung anong klase ng lupain ang kanilang tinitirhan, kung mabuti o hindi. Tingnan ninyo ang kanilang bayan kung napapalibutan ng pader o hindi. 20 Tingnan din ninyo kung masagana ang lupa o hindi, at kung may mga puno o wala. At pagsikapan ninyong makapagdala ng prutas sa inyong pagbalik.” (Panahon noon ng paghinog ng ubas.)

21 Kaya naglakad sila at tinanaw nila ang lupain mula sa ilang ng Zin hanggang sa Rehob malapit sa Lebo Hamat. 22 Nag-umpisa sila sa Negev hanggang sa nakarating sila sa Hebron, kung saan nakatira sina Ahiman, Sheshai at Talmai, na mga angkan ni Anak. (Itinayo ang Hebron pitong taon bago itinayo ang Zoan sa Egipto.) 23 Pagdating nila sa Lambak ng Eshcol, pumutol sila ng isang kumpol ng ubas. Masyadong mabigat ito kaya itinali nila ito sa isang tukod at magkatulong na binuhat ng dalawang tao. Nagdala rin sila ng mga prutas na pomegranata at igos. 24 Tinatawag ang lugar na iyon na Lambak ng Eshcol[b] dahil sa kumpol ng ubas na pinutol ng mga Israelita.

25 Pagkatapos ng 40 araw na pag-espiya sa lupain, bumalik sila 26 kina Moises, Aaron at sa buong mamamayan ng Israel sa Kadesh, doon sa disyerto ng Paran. Sinabi nila sa buong kapulungan ang kanilang nakita, at ipinakita nila ang kanilang dalang mga prutas. 27 Sinabi nila kay Moises, “Pumunta kami sa lugar na pinapuntahan mo sa amin, maganda at masaganang lupain[c] iyon. Sa katunayan, heto ang mga prutas. 28 Pero makapangyarihan ang mga taong nakatira roon, at malalaki ang kanilang mga lungsod at napapalibutan ng mga pader. Nakita pa namin ang mga angkan ni Anak. 29 Nakatira ang mga Amalekita sa Negev; ang mga Heteo, Jebuseo at mga Amoreo sa kabundukan; at ang mga Cananeo naman ay nakatira malapit sa dagat at sa tabi ng Ilog ng Jordan.”

30 Pinakalma ni Caleb ang mga tao sa harapan ni Moises, at sinabi niya, “Lalakad tayo at sasakupin natin ang lupain, dahil nasisiguro kong maaagaw natin ito.”

31 Pero sinabi ng mga tao na sumama kay Caleb para mag-espiya, “Hindi natin makakaya ang pagsalakay sa kanila dahil mas malakas sila sa atin.” 32 At ipinalaganap nila sa mga Israelita ang masamang balita tungkol sa lupain na kanilang tiningnan. Ito ang kanilang sinabi, “Hindi maganda ang lupaing nakita namin doon, at hindi lang iyan, malalaki ang mga taong nakita namin doon, sobrang tangkad. 33 May nakita pa kaming mga higante,[d] na mga angkan ni Anak. Parang mga tipaklong lang ang tingin namin sa aming mga sarili kung ikukumpara sa kanila, at ganyan din ang kanilang tingin sa amin.”

Footnotes

  1. 13:17 timog ng Canaan: sa Hebreo, Negev.
  2. 13:24 Eshcol: Ang ibig sabihin, kumpol.
  3. 13:27 maganda at masaganang lupain: sa literal, lupain na dumadaloy ang gatas at pulot.
  4. 13:33 higante: sa Hebreo, Nefilim. Tingnan ang Gen. 6:1-4.
'Mga Bilang 13 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.

Nagpadala ng tiktik sa Canaan.

13 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

(A)Magsugo ka ng mga lalake na makakapaniktik sa lupain ng Canaan, na aking ibibigay sa mga anak ni Israel: isang lalake sa bawa't isa sa mga lipi ng kanilang mga magulang ay susuguin ninyo, na bawa't isa'y prinsipe sa kanila.

At sinugo sila ni Moises mula sa (B)ilang ng Paran ayon sa utos ng Panginoon: silang lahat ay mga lalaking pangulo sa mga anak ni Israel.

At ito ang kanilang mga pangalan: sa lipi ni Ruben, ay si Sammua na anak ni Zaccur.

Sa lipi ni Simeon, ay si Saphat na anak ni Huri.

(C)Sa lipi ni Juda, ay si (D)Caleb na anak ni Jephone.

Sa lipi ni Issachar, ay si Igal na anak ni Jose.

Sa lipi ni Efraim, ay si Oseas na anak ni Nun.

Sa lipi ni Benjamin, ay si Palti na anak ni Raphu.

10 Sa lipi ni Zabulon, ay si Gaddiel na anak ni Sodi.

11 Sa lipi ni Jose, sa makatuwid baga'y sa lipi ni Manases, ay si Gaddi na anak ni Susi.

12 Sa lipi ni Dan, ay si Ammiel na anak ni Gemalli.

13 Sa lipi ni Aser, ay si Sethur, na anak ni Michael.

14 Sa lipi ni Nephtali, ay si Nahabi na anak ni Vapsi.

15 Sa lipi ni Gad, ay si Geuel na anak ni Machi.

16 Ito ang mga pangalan ng mga lalake na sinugo ni Moises upang tiktikan ang lupain. At tinawag ni Moises na Josue ang anak ni Nun na si (E)Oseas.

17 At sinugo sila ni Moises upang tiktikan ang lupain ng Canaan, at sinabi sa kanila, Sumampa kayo rito sa dakong Timugan at (F)umakyat kayo sa mga bundok:

18 At tingnan ninyo ang lupain, kung ano; at ang bayan na tumatahan doon, kung sila'y malakas o mahina, kung sila'y kaunti o marami;

19 At kung ano ang lupain na kanilang tinatahanan, kung mabuti o masama; at kung ano ang mga bayan na kanilang tinatahanan, kung sa mga kampamento, o sa mga nakukutaan;

20 At kung ano ang lupain, kung mataba o payat, (G)kung mayroong kahoy o wala. At (H)magpakatapang kayo, at magdala kayo rito ng bunga ng lupain. Ngayon ang panahon ay panahon ng mga unang hinog na ubas.

21 Sila nga'y umakyat, at kanilang tiniktikan ang lupain mula sa (I)ilang ng Zin hanggang sa (J)Rehob, sa pagpasok sa Emath.

22 At sila'y umakyat sa dakong Timugan, at sila'y dumating sa Hebron; at si (K)Aimen, si Sesai at si Talmai, na mga anak ni Anac, ay nangaroon. (Ngayon ang Hebron ay (L)natayong pitong taon bago ang Zoan (M)sa Egipto).

23 (N)At sila'y dumating sa libis ng Escol, at sila'y pumutol doon ng isang sangang may isang kumpol na ubas, at dinala sa isang pingga ng dalawa; sila'y nagdala rin ng mga granada, at mga igos.

24 Ang dakong yaon ay tinawag na libis ng Escol, dahil sa kumpol na kinitil ng mga anak ni Israel doon.

Masamang balita ng mga tiktik.

25 At sila'y nagbalik pagkatiktik sa lupain, sa katapusan ng apat na pung araw.

26 At sila'y nagsiyaon at nagsiparoon kay Moises, at kay Aaron at sa buong kapisanan ng mga anak ni Israel, sa ilang ng Paran, (O)sa Cades; at kanilang binigyang sagot sila, at ang buong kapisanan, at kanilang ipinakita sa kanila ang bunga ng lupain.

27 At kanilang isinaysay sa kaniya, at sinabi, Kami ay dumating sa lupaing yaong pinaparoonan mo sa amin, at tunay na binubukalan ng (P)gatas at pulot; at ito ang (Q)bunga niyaon.

28 Gayon man (R)ang bayan na tumitira sa lupaing yaon ay malakas, at ang mga bayan ay nakukutaan, at napakalalaki: at saka aming nakita ang mga anak ni Anac doon.

29 (S)Si Amalec ay tumatahan sa lupain ng Timugan: at ang Hetheo, at ang Jebuseo, at ang Amorrheo ay tumatahan sa mga bundok: at ang Cananeo ay tumatahan sa tabi ng dagat, at sa mga pangpang ng Jordan.

30 At pinatahimik ni (T)Caleb ang bayan sa harapan ni Moises, at sinabi, Ating akyating paminsan, at ating ariin; sapagka't kaya nating lupigin.

31 (U)Nguni't sinabi ng mga lalaking nagsiakyat na kasama niya, Hindi tayo makaaakyat laban sa bayan; sapagka't sila'y malakas kay sa atin.

32 At sila'y nagdala ng masamang balita tungkol sa lupaing kanilang tiniktikan, sa mga anak ni Israel, na sinasabi, Ang lupain na aming pinaroonan upang tiktikan ay isang lupain na kinakain ang mga tumatahan doon; at (V)lahat ng bayan na aming nakita roon, ay mga taong malalaki.

33 (W)At doo'y aming nakita ang mga Nefilim, ang mga anak ni Anac, na mula sa mga Nefilim: at kami sa aming sariling paningin ay naging (X)parang mga balang, at gayon din kami sa kanilang paningin.