Add parallel Print Page Options

Nagpadala Sila ng mga Espiya(A)

19 “Ayon sa iniutos ng Panginoon na ating Dios, umalis tayo sa Bundok ng Sinai,[a] at naglakbay sa malawak at nakakatakot na ilang na nakita mismo ninyo, at pumunta tayo sa kaburulan ng mga Amoreo. Pagdating natin sa Kadesh Barnea, 20 sinabi ko sa inyo, ‘Nakarating na tayo sa kaburulan ng mga Amoreo na ibinibigay sa atin ng Panginoon na ating Dios. 21 Tingnan ninyo ang lupaing ibinigay niya sa inyo. Angkinin ninyo ito ayon sa sinabi ng Panginoon, ang Dios ng inyong mga ninuno. Huwag kayong matakot o manghina.’

22 “Lumapit kayong lahat sa akin at sinabi, ‘Magpadala muna tayo ng mga tao para mag-espiya sa lupain upang masabihan nila tayo kung saan tayo dadaan at kung saan ang mga bayan na pupuntahan natin.’

23 “Napag-isip-isip ko na mabuti ang planong iyon kaya pumili ako ng 12 tao, isa sa bawat lahi. 24 Lumakad sila at dumaan sa kaburulan, at nakarating sa Lambak ng Eshcol at nagmanman sila roon. 25 Sa kanilang pagbalik, may dala sila sa ating mga prutas galing doon, at ibinalita nila na masagana ang lupaing ibinibigay ng Panginoon na ating Dios.

26 “Pero ayaw ninyong pumunta roon, sinuway ninyo ang utos ng Panginoon na inyong Dios. 27 Nagreklamo kayo sa inyong mga tolda at sinabi, ‘Kinasusuklaman tayo ng Panginoon, kaya pinaalis niya tayo sa Egipto para ibigay sa kamay ng mga Amoreo at kanilang patayin. 28 Paano tayo makakapunta roon? Tinakot tayo ng mga nagmanman sa lupain. Sinasabi nilang mas malalakas at mas matataas pa sa atin ang mga tao roon, at ang mga lungsod nila ay malalaki at napapalibutan ng mga pader na parang umabot na sa langit ang taas. At nakita pa nila roon ang mga angkan ni Anak.’

29 “Pagkatapos, sinabi ko sa inyo, ‘Huwag kayong masindak o matakot sa kanila. 30 Ang Panginoon na inyong Dios ang mangunguna at makikipaglaban para sa inyo, kagaya ng nakita ninyong ginawa niya sa Egipto 31 at sa ilang. Nakita ninyo kung paano kayo inalagaan ng Panginoon na inyong Dios, katulad ng ama na nag-aalaga sa kanyang anak, hanggang sa makarating kayo sa lugar na ito.’

32 “Pero sa kabila ng lahat ng ito, hindi pa rin kayo nagtiwala sa Panginoon na inyong Dios 33 na nangunguna sa inyong paglalakbay, sa pamamagitan ng apoy sa gabi at ulap kung araw. Inihanap niya kayo ng mga lugar na mapagkakampuhan ninyo at itinuro sa inyo kung saan kayo dadaan.

Read full chapter

Footnotes

  1. 1:19 Bundok ng Sinai: Tingnan ang “footnote” sa talatang 2.