Add parallel Print Page Options

Pinagbantaan ng Taga-Asiria ang Jerusalem(A)

13 Nang ikalabing-apat na taon ni Haring Hezekias, si Senakerib na hari ng Asiria ay umahon laban sa lahat ng bayang nakukutaan ng Juda at sinakop ang mga iyon.

14 Si Hezekias na hari ng Juda ay nagsugo sa hari ng Asiria sa Lakish, na nagsasabi, “Ako'y nagkamali; iwan mo ako. Anumang ipataw mo sa akin ay aking papasanin.” At pinatawan ng hari ng Asiria si Hezekias na hari ng Juda ng tatlongdaang talentong pilak at tatlumpung talentong ginto.

15 Ibinigay ni Hezekias sa kanya ang lahat ng pilak na natagpuan sa bahay ng Panginoon, at sa kabang-yaman ng bahay ng hari.

16 Nang panahong yaon ay inalis ni Hezekias ang ginto mula sa mga pintuan ng templo ng Panginoon at mula sa mga haligi na binalutan ni Hezekias na hari ng Juda at ibinigay ito sa hari ng Asiria.

17 Isinugo ng hari ng Asiria ang Tartan, ang Rabsaris, at ang Rabsake na may malaking hukbo mula sa Lakish patungo kay Haring Hezekias sa Jerusalem. At sila'y umahon at nakarating sa Jerusalem. Nang sila'y makarating, sila'y pumasok at tumayo sa tabi ng daluyan ng tubig ng mataas na tipunan ng tubig na nasa lansangan patungo sa Parang na Bilaran.

18 Nang matawag na nila ang hari, lumabas sa kanila si Eliakim na anak ni Hilkias, na siyang katiwala ng bahay, at si Sebna na kalihim, at si Joah na anak ni Asaf na tagapagtala.

19 At sinabi ng Rabsake sa kanila, “Sabihin ninyo kay Hezekias, ‘Ganito ang sabi ng dakilang hari, ang hari ng Asiria: Sa ano ninyo ibinabatay ang pagtitiwala ninyong ito?

20 Iyong sinasabi (ngunit mga salitang walang kabuluhan lamang) may payo at kalakasan sa pakikidigma. Ngayon, kanino ka nagtitiwala, na ikaw ay maghimagsik laban sa akin?

21 Narito ngayon, ikaw ay umaasa sa Ehipto, sa baling tungkod na iyon na tutusok sa kamay ng sinumang taong sasandal doon. Gayon si Faraon na hari ng Ehipto sa lahat ng umaasa sa kanya.

22 Ngunit kung inyong sasabihin sa akin, “Kami ay umaasa sa Panginoon naming Diyos,” hindi ba siya yaong inalisan ni Hezekias ng matataas na dako at ng mga dambana, na sinasabi sa Juda at Jerusalem, “Kayo'y sasamba sa dambanang ito sa Jerusalem?”

23 Halika ngayon, makipagpustahan ka sa aking panginoong hari ng Asiria. Bibigyan kita ng dalawang libong kabayo, kung makakaya mong lagyan ng mga mangangabayo ang mga iyon.

24 Paano mo maitataboy ang isang punong-kawal mula sa pinakamahina sa mga lingkod ng aking panginoon, samantalang umaasa ka sa Ehipto para sa mga karwahe at mga mangangabayo?

25 Bukod dito, ako ba'y umahon na hindi ko kasama ang Panginoon laban sa lugar na ito upang ito'y wasakin? Sinabi ng Panginoon sa akin, Umahon ka laban sa lupaing ito, at wasakin mo ito.’”

26 Nang magkagayo'y sinabi ni Eliakim na anak ni Hilkias, at nina Sebna at Joah sa Rabsake, “Hinihiling ko sa iyo, magsalita ka sa iyong mga lingkod sa wikang Aramaico sapagkat naiintindihan namin iyon. Huwag kang magsalita sa amin sa wikang Juda, sa mga pandinig ng taong-bayan na nasa pader.”

27 Ngunit sinabi ng Rabsake sa kanila, “Sinugo ba ako ng aking panginoon upang sabihin ang mga salitang ito sa iyong panginoon at sa inyo, at hindi sa mga lalaking nakaupo sa pader na nakatadhanang kasama ninyo na kumain ng kanilang sariling dumi at uminom ng kanilang sariling ihi?”

28 Pagkatapos ay tumayo ang Rabsake at sumigaw ng malakas sa wikang Juda, “Pakinggan ninyo ang salita ng dakilang hari, ang hari ng Asiria!”

29 Ganito ang sabi ng hari, “Huwag kayong padaya kay Hezekias, sapagkat kayo'y hindi niya maililigtas sa aking kamay.

30 Huwag ninyong hayaang pagtiwalain kayo ni Hezekias sa Panginoon sa pagsasabing, ‘Tiyak na ililigtas tayo ng Panginoon, at ang lunsod na ito ay hindi ibibigay sa kamay ng hari ng Asiria.’

31 Huwag kayong makinig kay Hezekias, sapagkat ganito ang sabi ng hari ng Asiria, ‘Makipagpayapaan kayo sa akin at lumabas kayo sa akin; at ang bawat isa sa inyo ay kakain mula sa kanyang sariling puno ng ubas, at ang bawat isa mula sa kanyang sariling puno ng igos, at ang bawat isa sa inyo ay iinom ng tubig sa kanyang sariling balon;

32 hanggang sa ako'y dumating at dalhin ko kayo sa isang lupaing gaya ng inyong sariling lupain, isang lupain ng trigo at ng alak, isang lupain ng tinapay at ng mga ubasan, isang lupain ng langis na olibo at ng pulot, upang kayo'y mabuhay at hindi mamatay. At huwag kayong makinig kay Hezekias kapag kayo'y ililigaw niya sa pagsasabing, Ililigtas tayo ng Panginoon.

33 Mayroon na bang sinuman sa mga diyos ng mga bansa na nakapagligtas ng lupain niya sa kamay ng hari ng Asiria?

34 Nasaan ang mga diyos ng Hamat at Arpad? Nasaan ang mga diyos ng Sefarvaim, Hena at Iva? Nailigtas ba nila ang Samaria sa aking kamay?

35 Sino sa lahat ng mga diyos ng mga lupain ang nakapagligtas ng kanilang lupain sa aking kamay, na anupa't ililigtas ng Panginoon ang Jerusalem sa aking kamay?’”

36 Ngunit ang bayan ay tahimik, at hindi siya sinagot ng kahit isang salita, sapagkat ang utos ng hari ay, “Huwag ninyo siyang sagutin.”

37 Nang magkagayon, si Eliakim na anak ni Hilkias, na katiwala ng sambahayan, si Sebna na kalihim, at si Joah na anak ni Asaf, ang tagapagtala, ay pumunta kay Hezekias na punit ang kanilang suot at sinabi sa kanya ang mga salita ng Rabsake.

Read full chapter

14 Tinanggap ni Hezekias ang sulat sa kamay ng mga sugo, at binasa ito. Pagkatapos ay pumanhik si Hezekias sa bahay ng Panginoon at iniladlad ito sa harapan ng Panginoon.

15 At(A) si Hezekias ay nanalangin sa harap ng Panginoon at nagsabi, “O Panginoong Diyos ng Israel na nakaupo sa itaas ng mga kerubin, ikaw ang Diyos, ikaw lamang sa lahat ng mga kaharian sa lupa; ikaw ang lumikha ng langit at lupa.

16 Ikiling mo ang iyong pandinig, O Panginoon, at iyong pakinggan at imulat mo ang iyong mga mata, O Panginoon. Tumingin ka at pakinggan mo ang mga salita ni Senakerib, na kanyang isinugo upang kutyain ang buháy na Diyos.

17 Sa katotohanan, Panginoon, winasak ng mga hari ng Asiria ang mga bansa at ang kanilang mga lupain,

18 at inihagis ang kanilang mga diyos sa apoy, sapagkat sila'y hindi mga diyos, kundi gawa ng mga kamay ng mga tao, mga kahoy at bato; kaya't sila'y winasak.

19 Ngayon nga, O Panginoon naming Diyos, iligtas mo kami sa kanyang mga kamay, isinasamo ko sa iyo, upang makilala ng lahat ng mga kaharian sa lupa na ikaw, Panginoon, ang tanging Diyos.”

Read full chapter

35 Nang gabing iyon ang anghel ng Panginoon ay lumabas at pumatay ng isandaan at walumpu't limang libo sa kampo ng mga taga-Asiria. At nang ang mga tao'y maagang bumangon kinaumagahan, narito, silang lahat ay mga bangkay.

36 Pagkatapos ay umalis si Senakerib na hari ng Asiria, at umuwi at nanirahan sa Ninive.

37 Habang siya'y sumasamba sa bahay ni Nisroc na kanyang diyos, pinatay siya ng tabak ng kanyang mga anak na sina Adramalec at Sharezer; at sila'y tumakas patungo sa lupain ng Ararat. Si Esar-hadon na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.

Read full chapter

Ang Babala ng Asiria sa Juda(A)

36 Nang ikalabing-apat na taon ni Haring Hezekias, si Senakerib na hari ng Asiria ay umahon laban sa lahat ng may pader na lunsod ng Juda, at sinakop ang mga ito.

At sinugo ng hari ng Asiria si Rabsake sa Jerusalem mula sa Lakish kay Haring Hezekias, na may malaking hukbo. At siya'y tumayo sa tabi ng padaluyan ng tubig ng mataas na tipunan ng tubig sa lansangan ng Bilaran ng Tela.

At doo'y humarap sa kanya si Eliakim na anak ni Hilkias, na tagapamahala sa bahay, at si Sebna na kalihim, at si Joah na anak ni Asaf na tagapagtala.

Ang Mabangis na Pananalumpati ni Rabsake

At sinabi ni Rabsake sa kanila, “Sabihin ninyo kay Hezekias, ‘Ganito ang sabi ng dakilang hari, ang hari ng Asiria: Sa anong pag-asa ka nagtitiwala?

Aking sinasabing ang iyong payo at kalakasan sa pakikidigma ay mga salita lamang na walang kabuluhan. Ngayo'y kanino ka nagtitiwala, anupa't ikaw ay naghimagsik laban sa akin?

Narito,(B) ikaw ay nagtitiwala sa Ehipto, sa tungkod na ito na tambong wasak, na bubutas sa kamay ng sinumang sumandal dito. Gayon si Faraon na hari ng Ehipto sa lahat ng nagtitiwala sa kanya.

Ngunit kung iyong sabihin sa akin, “Kami ay nagtitiwala sa Panginoon naming Diyos,” hindi ba siya'y inalisan ni Hezekias ng matataas na dako at ng mga dambana, at nagsabi sa Juda at sa Jerusalem, “Kayo'y sasamba sa harapan ng dambanang ito?”

Magsiparito kayo ngayon, makipagtawaran ka sa aking panginoon na hari ng Asiria. Bibigyan kita ng dalawang libong kabayo, kung ikaw ay makapaglalagay ng mga sasakay sa mga iyon.

Paano mo madadaig ang isang kapitan sa pinakamababa sa mga alipin ng aking panginoon, gayong nagtitiwala ka sa Ehipto para sa mga karwahe at sa mga mangangabayo?

10 Bukod dito'y umahon ba ako na di kasama ang Panginoon laban sa lupaing ito upang ito'y lipulin? Sinabi sa akin ng Panginoon, Ikaw ay umahon laban sa lupaing ito, at iyong lipulin.’”

11 Nang magkagayo'y sinabi nina Eliakim, Sebna at Joah kay Rabsake, “Hinihiling ko sa iyo na ikaw ay magsalita sa iyong mga lingkod sa wikang Aramaico, sapagkat iyon ay aming naiintindihan. Huwag kang magsalita sa amin sa wikang Judio sa pandinig ng taong-bayan na nasa pader.”

12 Ngunit sinabi ni Rabsake, “Sinugo ba ako ng aking panginoon sa iyong panginoon, at sa iyo, upang magsalita ng mga salitang ito at hindi sa mga taong nakaupo sa pader, upang kumain ng kanilang sariling dumi at uminom ng kanilang sariling ihi na kasama ninyo?”

13 Nang magkagayo'y tumayo si Rabsake, at sumigaw nang malakas na tinig sa wikang Judio: “Pakinggan ninyo ang mga salita ng dakilang hari, ang hari ng Asiria!

14 Ganito ang sabi ng hari, ‘Huwag kayong padaya kay Hezekias, sapagkat hindi niya kayo maililigtas.

15 Huwag ninyong hayaan si Hezekias na kayo'y papagtiwalain sa Panginoon sa pagsasabing, “Tiyak na ililigtas tayo ng Panginoon; ang lunsod na ito ay hindi mapapasa-kamay ng hari ng Asiria.”

16 Huwag ninyong pakinggan si Hezekias, sapagkat ganito ang sabi ng hari ng Asiria: Makipagpayapaan kayo sa akin, at humarap kayo sa akin. Kung gayo'y kakain ang bawat isa sa inyo mula sa kanyang puno ng ubas, at ang bawat isa sa kanyang puno ng igos, at bawat isa sa inyo ay iinom ng tubig ng kanyang sariling balon;

17 hanggang sa ako'y dumating at dalhin ko kayo sa isang lupaing gaya ng inyong sariling lupain, na lupain ng trigo at ng alak, na lupain ng tinapay at ng mga ubasan.

18 Mag-ingat kayo na huwag mailigaw ni Hezekias sa pagsasabing, “Ililigtas tayo ng Panginoon.” Nagligtas ba ang sinuman sa mga diyos ng mga bansa ng kanyang lupain sa kamay ng hari ng Asiria?

19 Saan naroon ang mga diyos ng Hamat at ng Arpad? Saan naroon ang mga diyos ng Sefarvaim? Iniligtas ba nila ang Samaria sa aking kamay?

20 Sino sa lahat na diyos ng mga lupaing ito ang nagligtas ng kanilang lupain sa aking kamay, na ililigtas ng Panginoon ang Jerusalem sa aking kamay?’”

21 Ngunit sila'y tahimik, at hindi sumagot sa kanya ng kahit isang salita, sapagkat ang utos ng hari ay, “Huwag ninyo siyang sagutin.”

22 Nang magkagayo'y pumaroon kay Hezekias si Eliakim na anak ni Hilkias, na siyang tagapamahala sa bahay, at si Sebna na kalihim at si Joah na anak ni Asaf na tagapagtala, na punit ang kanilang kasuotan, at sinabi sa kanya ang mga salita ni Rabsake.

Read full chapter

Ang Sulat ni Senakerib kay Hezekias(A)

Sa gayo'y bumalik si Rabsake, at natagpuan ang hari sa Asiria na nakikipagdigma laban sa Libna; sapagkat nabalitaan niya na nilisan ng hari ang Lakish.

Ngayon nga'y nabalitaan ng hari ang tungkol kay Tirhaca na hari ng Etiopia, “Siya'y lumabas upang makipaglaban sa iyo.” At nang kanyang marinig ito, siya'y nagpadala ng mga sugo kay Hezekias, na sinasabi,

10 “Ganito ang inyong sasabihin kay Hezekias na hari sa Juda: ‘Huwag kang padaya sa iyong Diyos na iyong pinagtitiwalaan na sinasabing ang Jerusalem ay hindi mapapasa-kamay ng hari ng Asiria.

11 Narito, nabalitaan mo kung ano ang ginawa ng mga hari ng Asiria sa lahat ng lupain, na ang mga iyon ay winasak na lubos: At maliligtas ka ba?

12 Iniligtas ba sila ng mga diyos ng mga bansa, ang mga bansa na nilipol ng aking mga magulang, gaya ng Gozan, ng Haran, ng Rezef, at ng mga anak ni Eden na nasa Telasar?

13 Nasaan ang hari sa Hamat, ang hari ng Arpad, ang hari ng lunsod ng Sefarvaim, ang hari ng Hena, o ang hari ng Iva?’”

Ang Panalangin ni Hezekias

14 Tinanggap ni Hezekias ang sulat sa kamay ng mga sugo, at binasa ito; at umahon si Hezekias sa bahay ng Panginoon, at iniladlad ito sa harapan ng Panginoon.

15 Si Hezekias ay nanalangin sa Panginoon,

16 “O(B) Panginoon ng mga hukbo, Diyos ng Israel na nakaupo sa mga kerubin. Ikaw ang Diyos, ikaw lamang, sa lahat ng mga kaharian sa lupa; ikaw ang gumawa ng langit at lupa.

17 Ikiling mo ang iyong pandinig, O Panginoon, at iyong dinggin. Imulat mo ang iyong mga mata, O Panginoon, at tumingin ka. Pakinggan mo ang lahat ng salita ni Senakerib, na kanyang ipinasabi upang lapastanganin ang buháy na Diyos.

18 Sa katotohanan, Panginoon, ang lahat na bansa ay sinira ng mga hari ng Asiria at ang kanilang lupain.

19 Inihagis nila ang kanilang mga diyos sa apoy, sapagkat sila'y hindi mga diyos, kundi mga gawa ng mga kamay ng mga tao, kahoy at bato; kaya't kanilang sinira ang mga ito.

20 Ngayon nga, O Panginoon naming Diyos, iligtas mo kami sa kanyang kamay, upang makilala ng lahat na kaharian sa lupa, na ikaw lamang ang Panginoon.”

Ang Mensahe ni Isaias kay Haring Hezekias(C)

21 Nang magkagayo'y nagsugo si Isaias na anak ni Amoz kay Hezekias, na nagsasabi, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ang Diyos ng Israel: Yamang ikaw ay nanalangin sa akin tungkol kay Senakerib na hari ng Asiria,

22 ito ang sinabi ng Panginoon tungkol sa kanya:

‘Hinamak ka ng anak na dalaga ng Zion,
    tinawanan ka niya—
iniiling ng anak na babae ng Jerusalem
    ang kanyang ulo sa likod mo.

23 ‘Sino ang iyong inalipusta at hinamak?
    Laban kanino mo itinaas ang iyong tinig
at may pagmamalaking itinaas mo ang iyong mga mata?
    Laban nga sa Banal ng Israel!
24 Sa pamamagitan ng iyong mga lingkod ay hinamak mo ang Panginoon,
    at sinabi mo, “Sa pamamagitan ng marami kong karwahe,
nakaahon ako sa tuktok ng mga bundok,
    sa pinakamalalayong bahagi ng Lebanon.
Aking pinutol ang matatayog na sedro niyon,
    at ang mga piling sipres niyon;
ako'y dumating sa pinakataluktok na kataasan,
    ng pinakamakapal na gubat.
25 Ako'y humukay ng balon
    at uminom ng tubig,
at aking tinuyo ang lahat ng mga ilog sa Ehipto sa pamamagitan ng talampakan ng aking mga paa.

26 ‘Hindi mo ba nabalitaan
    na iyon ay aking ipinasiya noon pa?
Aking pinanukala noong mga nakaraang panahon,
    ngayo'y aking pinapangyari na maganap
at mangyayaring iyong gibain ang mga may pader na lunsod
    upang maging mga nakaguhong bunton,
27 kaya ang kanilang mga mamamayan ay kulang sa lakas,
    nanlupaypay at napahiya.
Sila'y naging parang damo sa bukid,
    at tulad ng sariwang gulayin,
parang damo sa mga bubungan,
    na natuyo na bago pa tumubo.

28 ‘Nalalaman ko ang iyong pag-upo,
    at ang iyong paglabas at ang iyong pagpasok,
    at ang iyong galit laban sa akin.
29 Dahil sa iyong galit laban sa akin,
    at ang iyong kapalaluan ay nakarating sa aking mga pandinig,
ilalagay ko ang aking kawit sa iyong ilong,
    at ang aking pamingkaw sa iyong bibig,
at pababalikin kita sa daan
    na iyong pinanggalingan.’

30 “At ito ang magiging tanda sa iyo: sa taong ito kainin ninyo ang tumutubo sa kanyang sarili, at sa ikalawang taon ay kung ano ang tumubo doon; at sa ikatlong taon kayo'y maghasik at mag-ani, at magtanim ng mga ubasan, at kumain ng bunga niyon.

31 At ang nakaligtas na nalabi sa sambahayan ni Juda ay muling mag-uugat pailalim, at magbubunga paitaas.

32 Sapagkat sa Jerusalem ay lalabas ang nalabi, at mula sa Bundok ng Zion ay pangkat ng naligtas. Isasagawa ito ng sigasig ng Panginoon ng mga hukbo.

33 “Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa hari ng Asiria: Siya'y hindi paparito sa lunsod na ito o magpapahilagpos man ng palaso diyan, o haharap man siya diyan na may kalasag, o magkukubkob laban diyan.

34 Sa daan na kanyang pinanggalingan, doon din siya babalik, at hindi siya paparito sa lunsod na ito, sabi ng Panginoon.

35 Sapagkat aking ipagtatanggol ang bayang ito upang iligtas, alang-alang sa akin, at dahil sa aking lingkod na si David.”

Si Senakerib ay Nawalan ng Loob at Pinatay

36 At ang anghel ng Panginoon ay humayo at pumatay sa kampo ng mga taga-Asiria ng isandaan walumpu't limang libo; at nang ang mga tao ay maagang bumangon kinaumagahan, narito, silang lahat ay mga bangkay.

37 Sa gayo'y umalis si Senakerib na hari ng Asiria, bumalik at nanirahan sa Ninive.

38 At nang siya'y sumasamba sa bahay ni Nisroc na kanyang diyos, pinatay siya ng tabak nina Adramalec at Sharezer na kanyang mga anak at sila'y tumakas sa lupain ng Ararat. At si Esarhadon na kanyang anak ang nagharing kapalit niya.

Read full chapter