Add parallel Print Page Options

Pinagbantaan ng Asiria ang Jerusalem(A)

32 Pagkatapos ng mga bagay na ito at ng ganitong gawa ng katapatan, si Senakerib na hari ng Asiria ay dumating at sinalakay ang Juda at kinubkob ang mga lunsod na may kuta, na iniisip na sakupin ang mga iyon para sa kanyang sarili.

Nang makita ni Hezekias na si Senakerib ay dumating at nagbabalak labanan ang Jerusalem,

nakipagsanggunian siya sa kanyang mga pinuno at sa kanyang mga mandirigma na patigilin ang tubig sa mga bukal na nasa labas ng lunsod; at kanilang tinulungan siya.

Napakaraming tao ang nagtipon at kanilang pinatigil ang lahat ng bukal at ang batis na umaagos sa lupain, na sinasabi, “Bakit paparito ang mga hari ng Asiria, at makakatagpo ng maraming tubig?”

At si Hezekias[a] ay gumawang may katatagan, at itinayo ang lahat ng pader na bumagsak, at pinataas ang mga muog, at sa labas nito ay nagtayo siya ng iba pang pader. Pinatibay niya ang Milo sa lunsod ni David. Gumawa rin siya ng maraming sandata at mga kalasag.

Siya'y naglagay ng mga pinunong mandirigma upang mamuno sa mga tao, at sila'y tinipon niya sa liwasang-bayan sa pintuan ng lunsod at nagsalita ng pampalakas-loob sa kanila, na sinasabi,

“Kayo'y magpakalakas at magpakatapang na mabuti. Huwag kayong matakot o manlupaypay sa harapan ng hari ng Asiria at sa lahat ng mga hukbong kasama niya sapagkat sa panig natin ay mayroong lalong dakila kaysa kanya.

Ang nasa kanya ay isang kamay na laman, ngunit kasama natin ang Panginoon nating Diyos na tutulong at lalaban sa ating mga pakikipaglaban.” At ang bayan ay nagtiwala mula sa mga salita ni Hezekias na hari ng Juda.

Pagkatapos nito, sinugo ni Senakerib na hari ng Asiria, na noo'y sumasalakay sa Lakish kasama ang lahat ng mga tauhan, ang kanyang mga lingkod sa Jerusalem kay Hezekias na hari ng Juda at sa lahat ng mamamayan ng Juda na nasa Jerusalem, na sinasabi,

10 “Ganito ang sabi ni Senakerib na hari ng Asiria, ‘Sa ano kayo umaasa upang kayo'y makatagal na nakukubkob sa Jerusalem?

11 Hindi ba't inililigaw kayo ni Hezekias, upang kayo'y maibigay niya upang mamatay sa gutom at uhaw, nang sabihin niya sa inyo, “Ililigtas tayo ng Panginoon nating Diyos sa kamay ng hari ng Asiria?”

12 Hindi ba ang Hezekias ding ito ang nag-alis ng kanyang matataas na dako at mga dambana at nag-utos sa Juda at sa Jerusalem, “Kayo'y magsisisamba sa harapan ng isang dambana, at sa ibabaw niyon ay magsusunog kayo ng inyong mga handog?”

13 Hindi ba ninyo nalalaman kung ano ang ginawa ko at ng aking mga ninuno sa lahat ng mga tao ng ibang mga lupain? Ang mga diyos ba ng mga bansa ng mga lupaing iyon ay nakapagligtas sa kanilang lupain sa aking kamay?

14 Sino sa lahat ng mga diyos ng mga bansang iyon na lubos na giniba ng aking mga ninuno ang nakapagligtas ng kanyang bayan sa aking kamay, na magagawa ng inyong Diyos na kayo'y mailigtas sa aking kamay?

15 Kaya't ngayo'y huwag kayong padaya kay Hezekias o hayaang iligaw kayo sa ganitong paraan. Huwag ninyo siyang paniwalaan, sapagkat walang diyos ng alinmang bansa o kaharian na nakapagligtas ng kanyang bayan sa aking kamay at sa kamay ng aking mga ninuno. Gaano pa kaya ang inyong Diyos na makapagliligtas sa inyo sa aking kamay!’”

16 Ang kanyang mga lingkod ay nagsalita ng marami pa laban sa Panginoong Diyos at sa kanyang lingkod na si Hezekias.

17 Siya'y sumulat ng mga liham upang alipustain ang Panginoong Diyos ng Israel at upang magsalita laban sa kanya, “Gaya ng mga diyos ng mga bansa ng mga lupain na hindi nakapagligtas ng kanilang bayan sa aking kamay, gayundin hindi maililigtas ng Diyos ni Hezekias ang kanyang bayan sa aking kamay.”

18 Iyon ay kanilang isinigaw sa malakas na tinig sa wika ng Juda sa mga mamamayan ng Jerusalem na nasa pader, upang takutin at sindakin sila, upang kanilang masakop ang lunsod.

19 At sila'y nagsalita tungkol sa Diyos ng Jerusalem na gaya ng sa mga diyos ng mga bayan sa lupa, na gawa ng mga kamay ng mga tao.

Read full chapter

Footnotes

  1. 2 Cronica 32:5 Sa Hebreo ay siya .

Ang Babala ng Asiria sa Juda(A)

36 Nang ikalabing-apat na taon ni Haring Hezekias, si Senakerib na hari ng Asiria ay umahon laban sa lahat ng may pader na lunsod ng Juda, at sinakop ang mga ito.

At sinugo ng hari ng Asiria si Rabsake sa Jerusalem mula sa Lakish kay Haring Hezekias, na may malaking hukbo. At siya'y tumayo sa tabi ng padaluyan ng tubig ng mataas na tipunan ng tubig sa lansangan ng Bilaran ng Tela.

At doo'y humarap sa kanya si Eliakim na anak ni Hilkias, na tagapamahala sa bahay, at si Sebna na kalihim, at si Joah na anak ni Asaf na tagapagtala.

Ang Mabangis na Pananalumpati ni Rabsake

At sinabi ni Rabsake sa kanila, “Sabihin ninyo kay Hezekias, ‘Ganito ang sabi ng dakilang hari, ang hari ng Asiria: Sa anong pag-asa ka nagtitiwala?

Aking sinasabing ang iyong payo at kalakasan sa pakikidigma ay mga salita lamang na walang kabuluhan. Ngayo'y kanino ka nagtitiwala, anupa't ikaw ay naghimagsik laban sa akin?

Narito,(B) ikaw ay nagtitiwala sa Ehipto, sa tungkod na ito na tambong wasak, na bubutas sa kamay ng sinumang sumandal dito. Gayon si Faraon na hari ng Ehipto sa lahat ng nagtitiwala sa kanya.

Ngunit kung iyong sabihin sa akin, “Kami ay nagtitiwala sa Panginoon naming Diyos,” hindi ba siya'y inalisan ni Hezekias ng matataas na dako at ng mga dambana, at nagsabi sa Juda at sa Jerusalem, “Kayo'y sasamba sa harapan ng dambanang ito?”

Magsiparito kayo ngayon, makipagtawaran ka sa aking panginoon na hari ng Asiria. Bibigyan kita ng dalawang libong kabayo, kung ikaw ay makapaglalagay ng mga sasakay sa mga iyon.

Paano mo madadaig ang isang kapitan sa pinakamababa sa mga alipin ng aking panginoon, gayong nagtitiwala ka sa Ehipto para sa mga karwahe at sa mga mangangabayo?

10 Bukod dito'y umahon ba ako na di kasama ang Panginoon laban sa lupaing ito upang ito'y lipulin? Sinabi sa akin ng Panginoon, Ikaw ay umahon laban sa lupaing ito, at iyong lipulin.’”

11 Nang magkagayo'y sinabi nina Eliakim, Sebna at Joah kay Rabsake, “Hinihiling ko sa iyo na ikaw ay magsalita sa iyong mga lingkod sa wikang Aramaico, sapagkat iyon ay aming naiintindihan. Huwag kang magsalita sa amin sa wikang Judio sa pandinig ng taong-bayan na nasa pader.”

12 Ngunit sinabi ni Rabsake, “Sinugo ba ako ng aking panginoon sa iyong panginoon, at sa iyo, upang magsalita ng mga salitang ito at hindi sa mga taong nakaupo sa pader, upang kumain ng kanilang sariling dumi at uminom ng kanilang sariling ihi na kasama ninyo?”

13 Nang magkagayo'y tumayo si Rabsake, at sumigaw nang malakas na tinig sa wikang Judio: “Pakinggan ninyo ang mga salita ng dakilang hari, ang hari ng Asiria!

14 Ganito ang sabi ng hari, ‘Huwag kayong padaya kay Hezekias, sapagkat hindi niya kayo maililigtas.

15 Huwag ninyong hayaan si Hezekias na kayo'y papagtiwalain sa Panginoon sa pagsasabing, “Tiyak na ililigtas tayo ng Panginoon; ang lunsod na ito ay hindi mapapasa-kamay ng hari ng Asiria.”

16 Huwag ninyong pakinggan si Hezekias, sapagkat ganito ang sabi ng hari ng Asiria: Makipagpayapaan kayo sa akin, at humarap kayo sa akin. Kung gayo'y kakain ang bawat isa sa inyo mula sa kanyang puno ng ubas, at ang bawat isa sa kanyang puno ng igos, at bawat isa sa inyo ay iinom ng tubig ng kanyang sariling balon;

17 hanggang sa ako'y dumating at dalhin ko kayo sa isang lupaing gaya ng inyong sariling lupain, na lupain ng trigo at ng alak, na lupain ng tinapay at ng mga ubasan.

18 Mag-ingat kayo na huwag mailigaw ni Hezekias sa pagsasabing, “Ililigtas tayo ng Panginoon.” Nagligtas ba ang sinuman sa mga diyos ng mga bansa ng kanyang lupain sa kamay ng hari ng Asiria?

19 Saan naroon ang mga diyos ng Hamat at ng Arpad? Saan naroon ang mga diyos ng Sefarvaim? Iniligtas ba nila ang Samaria sa aking kamay?

20 Sino sa lahat na diyos ng mga lupaing ito ang nagligtas ng kanilang lupain sa aking kamay, na ililigtas ng Panginoon ang Jerusalem sa aking kamay?’”

21 Ngunit sila'y tahimik, at hindi sumagot sa kanya ng kahit isang salita, sapagkat ang utos ng hari ay, “Huwag ninyo siyang sagutin.”

22 Nang magkagayo'y pumaroon kay Hezekias si Eliakim na anak ni Hilkias, na siyang tagapamahala sa bahay, at si Sebna na kalihim at si Joah na anak ni Asaf na tagapagtala, na punit ang kanilang kasuotan, at sinabi sa kanya ang mga salita ni Rabsake.

Read full chapter