Add parallel Print Page Options

Hiningi ng Hari ang Payo ni Isaias(A)

19 Nang ito'y marinig ni Haring Hezekias, pinunit niya ang kanyang mga suot, nagbalot ng damit-sako, at pumasok sa bahay ng Panginoon.

Kanyang sinugo kay propeta Isaias na anak ni Amos sina Eliakim na katiwala sa bahay, si Sebna na kalihim, at ang matatanda sa mga pari na may mga balot na damit-sako.

Sinabi nila sa kanya, “Ganito ang sabi ni Hezekias, Ang araw na ito ay araw ng kabagabagan, ng pagsaway at ng kahihiyan. Ang mga bata ay dumating na sa kapanganakan, at walang lakas upang sila'y mailuwal.

Marahil ay narinig ng Panginoon mong Diyos ang lahat ng mga salita ng Rabsake, na siyang sinugo ng kanyang panginoong hari ng Asiria upang tuyain ang buháy na Diyos, at sawayin ang mga salita na narinig ng Panginoon mong Diyos. Kaya't itaas mo ang iyong panalangin para sa nalalabing naiwan.”

At ang mga lingkod ni Haring Hezekias ay dumating kay Isaias,

at sinabi ni Isaias sa kanila, “Sabihin ninyo sa inyong panginoon, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon, Huwag kang matakot dahil sa mga salitang narinig mo, na ipinanlait sa akin ng mga lingkod ng hari ng Asiria.

Ako'y maglalagay ng isang espiritu sa kanya, at siya'y makakarinig ng bali-balita at babalik sa kanyang sariling lupain; at aking ipabubuwal siya sa pamamagitan ng tabak sa kanyang sariling lupain.’”

Muling Nagbanta ang Taga-Asiria(B)

Bumalik ang Rabsake at natagpuan ang hari ng Asiria na nakikipagdigma laban sa Libna: sapagkat nabalitaan niya na nilisan ng hari ang Lakish.

Nang marinig ng hari ang tungkol kay Tirhaca na hari ng Etiopia, “Tingnan mo, siya'y lumabas upang lumaban sa iyo,” siya'y muling nagpadala ng mga sugo kay Hezekias, na sinasabi,

10 “Ganito ang inyong sasabihin kay Hezekias na hari ng Juda, ‘Huwag kang padadaya sa Diyos na iyong inaasahan sa pamamagitan ng pangangako na ang Jerusalem ay hindi ibibigay sa kamay ng hari ng Asiria.

11 Nabalitaan mo ang ginawa ng mga hari ng Asiria sa lahat ng lupain, na ganap nilang winawasak. At ikaw kaya ay maililigtas?

12 Nailigtas ba sila ng mga diyos ng mga bansa, ang mga bansang winasak ng aking mga ninuno—ang Gozan, Haran, Resef, at ang mga mamamayan ng Eden na nasa Telasar?

13 Nasaan ang hari ng Hamat, ang hari ng Arpad, ang hari ng lunsod ng Sefarvaim, ang hari ng Hena, o ang hari ng Iva?’”

14 Tinanggap ni Hezekias ang sulat sa kamay ng mga sugo, at binasa ito. Pagkatapos ay pumanhik si Hezekias sa bahay ng Panginoon at iniladlad ito sa harapan ng Panginoon.

15 At(C) si Hezekias ay nanalangin sa harap ng Panginoon at nagsabi, “O Panginoong Diyos ng Israel na nakaupo sa itaas ng mga kerubin, ikaw ang Diyos, ikaw lamang sa lahat ng mga kaharian sa lupa; ikaw ang lumikha ng langit at lupa.

16 Ikiling mo ang iyong pandinig, O Panginoon, at iyong pakinggan at imulat mo ang iyong mga mata, O Panginoon. Tumingin ka at pakinggan mo ang mga salita ni Senakerib, na kanyang isinugo upang kutyain ang buháy na Diyos.

17 Sa katotohanan, Panginoon, winasak ng mga hari ng Asiria ang mga bansa at ang kanilang mga lupain,

18 at inihagis ang kanilang mga diyos sa apoy, sapagkat sila'y hindi mga diyos, kundi gawa ng mga kamay ng mga tao, mga kahoy at bato; kaya't sila'y winasak.

19 Ngayon nga, O Panginoon naming Diyos, iligtas mo kami sa kanyang mga kamay, isinasamo ko sa iyo, upang makilala ng lahat ng mga kaharian sa lupa na ikaw, Panginoon, ang tanging Diyos.”

20 Pagkatapos ay nagsugo si Isaias na anak ni Amos kay Hezekias, na nagsasabi, “Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos ng Israel, Sapagkat ikaw ay nanalangin sa akin tungkol kay Senakerib na hari ng Asiria, ikaw ay aking pinakinggan.

Ang Mensahe ni Isaias sa Hari(D)

21 Ito ang salita na sinabi ng Panginoon tungkol sa kanya:

“Hinahamak ka niya, kinukutya ka niya—
    ikaw na anak na babaing birhen ng Zion;
iniiling niya ang kanyang ulo sa likuran mo—
    ikaw na anak na babae ng Jerusalem.
22 “Sino ang iyong hinamak at kinutya?
    Laban kanino mo itinaas ang iyong tinig
at may kapalaluang itinaas ang iyong mga mata?
    Laban sa Banal ng Israel!
23 Sa pamamagitan ng iyong mga sugo ay kinutya mo ang Panginoon,
    at iyong sinabi, ‘Sa pamamagitan ng marami kong mga karwahe
ako'y nakaahon sa kaitaasan ng mga bundok,
    hanggang sa kasuluksulukan ng Lebanon.
Ibinuwal ko ang kanyang pinakamataas na sedro,
    ang kanyang mga piling puno ng cipres;
pinasok ko ang kanyang pinakamalayong tuluyan,
    at ang kanyang pinakamasukal na gubat.
24 Ako'y humukay ng balon
    at uminom ng ibang tubig
at pinatuyo ng talampakan ng aking paa
    ang lahat ng ilog sa Ehipto.’
25 “Hindi mo ba narinig
    na iyon ay matagal ko nang naipasiya?
Binalak ko nang nakaraang mga araw
    ang ngayon ay aking pinapangyayari,
na mga lunsod na may kuta ay gagawin mong mga bunton ng guho,
26 samantalang ang kanilang mga mamamayan ay naubusan ng lakas,
    lupaypay at nalilito,
at naging gaya ng mga halaman sa bukid,
    at gaya ng luntiang gulayin,
gaya ng damo sa mga bubungan,
    na lanta na bago ito lumago?
27 “Ngunit nalalaman ko ang iyong pag-upo
    at ang iyong paglabas at pagpasok,
    at ang iyong pagkagalit laban sa akin.
28 Sapagkat ikaw ay nagalit laban sa akin
    at ang iyong pagmamataas ay nakarating sa aking mga tainga,
ilalagay ko ang aking kawit sa iyong ilong,
    at ang aking busal sa iyong bibig,
at ibabalik kita sa daang
    pinanggalingan mo.

29 “At ito ang magiging tanda para sa iyo: sa taong ito ikaw ay kakain ng tumutubo sa kanyang sarili, at sa ikalawang taon ay ang tumubo roon; at sa ikatlong taon ay maghahasik kayo, at aani, at magtatanim ng ubasan, at kakainin ninyo ang kanilang bunga.

30 Ang naiwang ligtas sa sambahayan ni Juda ay muling mag-uugat pailalim at magbubunga pataas;

31 sapagkat mula sa Jerusalem ay lalabas ang isang nalabi, at sa bundok ng Zion ay isang pangkat ng naiwan. Ang sigasig ng Panginoon ang gagawa nito.

32 “Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa hari ng Asiria. Siya'y hindi papasok sa lunsod na ito, o papana man ng palaso doon, o darating sa unahan na may kalasag, o maglalagay man ng bunton laban doon.

33 Sa daang kanyang pinanggalingan, doon din siya babalik, at hindi siya papasok sa lunsod na ito, sabi ng Panginoon.

34 Sapagkat ipagtatanggol ko ang lunsod na ito upang iligtas ito, alang-alang sa akin at sa aking lingkod na si David.”

35 Nang gabing iyon ang anghel ng Panginoon ay lumabas at pumatay ng isandaan at walumpu't limang libo sa kampo ng mga taga-Asiria. At nang ang mga tao'y maagang bumangon kinaumagahan, narito, silang lahat ay mga bangkay.

36 Pagkatapos ay umalis si Senakerib na hari ng Asiria, at umuwi at nanirahan sa Ninive.

37 Habang siya'y sumasamba sa bahay ni Nisroc na kanyang diyos, pinatay siya ng tabak ng kanyang mga anak na sina Adramalec at Sharezer; at sila'y tumakas patungo sa lupain ng Ararat. Si Esar-hadon na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.