Add parallel Print Page Options

Ang Sanlibong Taon

20 Pagkatapos ay nakita ko ang isang anghel na bumababa mula sa langit, dala ang susi ng walang hanggang kalaliman at ang isang malaking tanikala. Sinunggaban (A) niya ang dragon, ang matandang ahas, na siyang Diyablo at Satanas, at iginapos niya ito ng sanlibong taon. Itinapon niya ito sa walang hanggang kalaliman, isinara niya ito at tinatakan sa ibabaw, upang hindi na ito makapanlinlang ng mga bansa, hanggang sa matapos ang sanlibong taon. Pagkalipas nito ay pakakawalan siya sa maikling panahon.

Pagkatapos, (B) nakakita ako ng mga trono, at ang mga nakaupo roon ay binigyan ng kapangyarihang humatol. Nakita ko rin ang mga kaluluwa ng mga pinugutan ng ulo dahil sa kanilang patotoo para kay Jesus at paghahayag ng salita ng Diyos. Hindi sila sumamba sa halimaw o kaya'y sa larawan nito at hindi sila tumanggap ng tatak nito sa kanilang mga noo o mga kamay. Nabuhay sila at nagharing kasama ni Cristo sa loob ng sanlibong taon. Ang ibang mga patay ay hindi nabuhay hanggang sa matapos ang sanlibong taon. Ito ang unang muling pagkabuhay. Pinagpala at banal ang mga nakasama sa unang muling pagkabuhay. Walang kapangyarihan sa kanila ang ikalawang kamatayan, kundi sila'y magiging mga pari ng Diyos at ni Cristo, at maghahari silang kasama niya sa loob ng sanlibong taon.

Ang Pagkagapi ni Satanas

Kapag natapos ang sanlibong taon, pakakawalan si Satanas mula sa kanyang bilangguan, at lalabas (C) siya upang linlangin ang mga bansa sa apat na sulok ng lupa, ang Gog at Magog, upang tipunin sila para sa pakikipaglaban; sila'y kasindami ng mga buhangin sa dagat. Sila'y umahon sa malawak na lupa at pinaligiran ang kampo ng mga banal at ang minamahal na lungsod. Ngunit may apoy na bumaba mula sa langit at nilamon sila. 10 Ang diyablong luminlang sa kanila ay itinapon sa lawa ng apoy at asupre, kung saan naroon ang halimaw at ang huwad na propeta at doon ay pahihirapan sila araw at gabi magpakailanpaman.

Ang Paghuhukom sa Harap ng Puting Trono

11 At (D) nakita ko ang isang malaking puting trono at ang nakaupo roon; mula sa kanyang harapan ay tumakas ang lupa at ang langit, at wala nang matagpuang lugar para sa kanila. 12 At nakita ko ang mga patay, mga dakila at mga hamak, na nakatayo sa harap ng trono, at binuksan ang mga aklat. Isa pang aklat ang binuksan, ang aklat ng buhay. Hinatulan ang mga patay ayon sa kanilang mga gawa, batay sa nakasulat sa mga balumbon. 13 Ibinigay ng dagat ang mga patay na nasa kanya, ibinigay rin ng Kamatayan at ng Hades ang mga patay na nasa kanila, at silang lahat ay hinatulan ayon sa kanilang mga gawa. 14 At ang Kamatayan at ang Hades ay itinapon sa lawa ng apoy. Ito ang ikalawang kamatayan, ang lawa ng apoy. 15 At ang sinuman na ang pangalan ay hindi nakasulat sa balumbon ng buhay ay itinapon sa lawa ng apoy.

20 At nakita ko ang isang anghel na nananaog mula sa langit, (A)na may susi ng kalaliman at isang malaking tanikala sa kaniyang kamay.

At sinunggaban niya (B)ang dragon, (C)ang matandang ahas, na siyang Diablo at Satanas, at ginapos na isang libong taon,

At siya'y ibinulid sa kalaliman at sinarhan, at (D)tinatakan ito sa ibabaw niya, upang huwag ng magdaya sa mga bansa, hanggang sa maganap ang isang libong taon: pagkatapos nito ay kailangang siya'y pawalang kaunting panahon.

At nakakita ako ng mga (E)luklukan, at may mga nagsisiluklok sa mga ito, (F)sila'y pinagkalooban ng paghatol: at nakita ko (G)ang mga kaluluwa ng mga pinugutan ng ulo dahil sa patotoo ni Jesus, at dahil sa salita ng Dios, at (H)ang mga hindi sumamba sa hayop, o sa (I)kaniyang larawan man, at hindi tumanggap ng tanda sa kanilang noo at sa kanilang kamay; at sila'y nangabuhay, at (J)nagsipagharing kasama ni Cristo sa loob ng isang libong taon.

Ang mga iba sa mga patay ay hindi nangabuhay hanggang sa naganap ang isang libong taon. Ito (K)ang unang pagkabuhay na maguli.

Mapalad at banal ang makalakip sa unang pagkabuhay na maguli: sa mga ito'y walang kapangyarihan (L)ang ikalawang kamatayan; kundi sila'y magiging (M)mga saserdote ng Dios at ni Cristo, at mangaghaharing kasama niya sa loob ng isang libong taon.

At kung maganap na ang isang libong taon, si Satanas ay kakalagan (N)sa kaniyang bilangguan,

At lalabas upang dumaya sa mga bansa na nasa apat na sulok ng lupa, (O)sa Gog at sa Magog, (P)upang tipunin sila sa pagbabaka: na ang bilang nila ay gaya ng buhangin sa dagat.

At (Q)nangagsipanhik sila sa kalaparan ng lupa, at kinubkob ang kampamento ng mga banal, at (R)ang bayang iniibig: at bumaba ang (S)apoy mula sa langit, at sila'y nasupok.

10 At ang diablo na dumaya sa kanila ay ibinulid sa dagatdagatang apoy at asupre, (T)na kinaroroonan din naman ng hayop at ng bulaang propeta; at sila'y pahihirapan araw at gabi magpakailan kailan man.

11 At nakita ko ang isang malaking luklukang maputi, at ang nakaluklok doon, na sa kaniyang harapan, (U)ang lupa at ang langit ay tumakas; at (V)walang nasumpungang kalalagyan nila.

12 At nakita ko ang mga patay, malalaki at maliliit, na nangakatayo sa harapan ng luklukan; at nangabuksan (W)ang mga aklat: (X)at nabuksan ang ibang aklat, na siyang aklat ng buhay: at ang mga patay ay hinatulan ayon sa mga bagay na nasusulat sa mga aklat, (Y)ayon sa kanilang mga gawa.

13 At ibinigay ng dagat ang mga patay na nasa kaniya; (Z)at ibinigay ng kamatayan at ng Hades ang mga patay na nasa kanila: at sila'y hinatulan bawa't tao ayon sa kanikaniyang mga gawa.

14 At (AA)ang kamatayan at ang Hades ay ibinulid sa dagatdagatang apoy. Ito (AB)ang ikalawang kamatayan, sa makatuwid ay ang dagatdagatang apoy.

15 At kung ang sinoman ay hindi nasumpungang nakasulat sa aklat ng buhay, ay ibinulid sa dagatdagatang apoy.