Add parallel Print Page Options

Paghiwalay sa mga Dayuhan

13 Nang(A) araw na binasa sa harap ng mga tao ang Kautusan ni Moises, natuklasan nila roon na mahigpit na ipinagbabawal sa mga Israelita ang makihalubilo sa mga Ammonita o Moabita. Ipinagbawal(B) ito, sapagkat hindi sila binigyan ng pagkain at inumin ng mga Ammonita at Moabita nang dumaan ang mga Israelita sa lupain ng mga ito noong lumabas sila sa Egipto. Sa halip, inupahan pa ng mga ito si Balaam upang sumpain ang Israel, subalit ang sumpang iyon ay ginawa ng Diyos natin na isang pagpapala. Nang ito'y marinig ng mga tao, pinaalis nila ang mga dayuhan.

Ang mga Repormang Ginawa ni Nehemias

Noon si Eliasib ang paring namamahala sa mga bodega sa Templo. Maganda ang pakikitungo niya kay Tobias, palibhasa'y matagal na silang magkaibigan. Kaya't pinahintulutan ni Eliasib si Tobias na gamitin ang malaking silid sa Templo. Ang silid na iyo'y taguan ng mga handog na pagkaing butil, insenso, mga kagamitan sa Templo, mga handog para sa mga pari, ikasampung bahagi ng handog na butil, alak at langis na para sa mga Levita, sa mga mang-aawit at sa mga bantay sa Templo. Habang nagaganap iyon, wala ako noon sa Jerusalem, sapagkat nang si Haring Artaxerxes, hari ng Babilonia ay nasa ika-32 taon ng paghahari, nagpunta ako sa kanya upang mag-ulat. Hindi nagtagal at ako'y pinahintulutan niyang makabalik sa Jerusalem. Noon ko natuklasang binigyan pala ni Eliasib si Tobias ng silid sa loob ng Templo. Labis ko itong ikinagalit at itinapon ko sa labas ang lahat ng kagamitan ni Tobias. Pagkatapos, iniutos kong linisin ang silid at ibalik doon ang mga kagamitan sa Templo pati ang handog na pagkaing butil at insenso.

10 Nalaman(C) ko rin na ang mga Levita at ang mga mang-aawit sa Templo ay umuwi na sa kanilang mga bukirin, sapagkat hindi sila tumatanggap ng bahaging nauukol sa kanila. 11 Nagalit ako sa mga namamahala at sinabi ko, “Bakit pinabayaan ninyo ang Templo ng Diyos?” Kaya't pinabalik ko ang mga Levita at ang mga mang-aawit sa Templo at muling pinagtrabaho sa kani-kanilang tungkulin. 12 Dahil(D) dito, ang lahat ng mamamayan ng Juda ay muling nagdala ng ikasampung bahagi ng kanilang mga inaning butil, alak at langis, at inipon ang mga ito sa mga bodega. 13 Pinamahala ko ang paring si Selemias, si Zadok na dalubhasa sa Kautusan, at si Pedaias na isang Levita. Pinatulong ko sa kanila si Hanan, anak ni Zacur at apo ni Matanias. Alam kong mapagkakatiwalaan sila na mamahagi ng mga pangangailangan ng kanilang mga kasamahan. 14 Alalahanin po ninyo, Diyos ko, ang mga ginawa kong ito para sa Templo at sa pananambahan doon.

15 Noon(E) ko rin nakita na ang mga taga-Juda ay nagpipisa ng ubas sa Araw ng Pamamahinga. Mayroon din namang mga nagkakarga sa mga asno ng mga trigo, alak, ubas, igos at iba pang bagay, at dinadala sa Jerusalem. Binalaan ko silang huwag magtinda ng anuman sa Araw ng Pamamahinga. 16 Ang mga taga-Tiro na nasa lunsod ay nagdadala naman ng isda at lahat ng uri ng paninda, at sa Araw din ng Pamamahinga nila ipinagbibili sa mga taga-Juda na nasa Jerusalem. 17 Dahil dito, pinagalitan ko ang mga namumuno sa Juda. Pinagsabihan ko sila, “Masama ang ginagawa ninyong ito. Nilalapastangan ninyo ang Araw ng Pamamahinga. 18 Ito mismo ang dahilan kaya pinarusahan ng Diyos ang inyong mga ninuno at winasak ang lunsod na ito. Lalo ninyong ginagalit ang Diyos sa ginagawa ninyong paglapastangan sa Araw ng Pamamahinga!”

19 Kaya't iniutos kong mula noon, pagsapit ng Araw ng Pamamahinga, ang mga pintuan ng lunsod ay sarhan bago lumubog ang araw at huwag bubuksan hanggang hindi natatapos ang araw na iyon. Pinabantayan ko sa aking mga tauhan ang mga pintuan upang matiyak na walang anumang panindang maipapasok sa Araw ng Pamamahinga. 20 Kung minsan, ang mga mangangalakal sa Jerusalem ay sa labas ng pader natutulog. 21 Binalaan ko sila na kapag umulit pa sila ay gagamitan ko na sila ng dahas. Mula noo'y hindi na sila dumarating kapag Araw ng Pamamahinga. 22 Iniutos ko sa mga Levita na dapat nilang linisin ang kanilang sarili ayon sa Kautusan at magbantay sa mga pinto upang maingatang banal ang Araw ng Pamamahinga.

Alalahanin po ninyo ako O Diyos, sa ginawa kong ito at huwag ninyo akong parusahan sapagkat dakila ang iyong pag-ibig.

23 Nalaman(F) ko rin noon na maraming mga Judio ang nag-asawa ng mga babaing taga-Asdod, Ammon at Moab. 24 Dahil dito, kalahati ng kanilang mga anak ang nagsasalita ng wikang Asdod at iba pang mga wikang banyaga, ngunit hindi sila nakakapagsalita ng wika ng Juda. 25 Pinagalitan ko ang mga kalalakihan, isinumpa sila, pinalo at sinabunutan. Pagkatapos, pinapanumpa ko sila sa pangalan ng Diyos na sila at ang kanilang mga anak ay hindi na mag-aasawa ng mga dayuhan. 26 “Hindi(G) ba iyan ang sanhi ng pagkakasala ni Solomon?” sinabi ko sa kanila. “Walang sinumang hari saanmang bansa na tulad niya. Mahal siya ng Diyos at ginawang hari sa buong Israel. Subalit nagkasala siya dahil sa mga babaing banyaga. 27 Susundin ba namin ang inyong masamang halimbawa at susuway sa Diyos dahil sa pag-aasawa ng mga dayuhan?”

28 Isa(H) sa mga anak ni Joiada (na anak ng pinakapunong pari na si Eliasib) ay nag-asawa ng isang babae mula sa angkan ni Sanbalat na Horonita; kaya't pinalayas ko siya sa Jerusalem. 29 Alalahanin po ninyo, O aking Diyos, ang paglapastangan nila sa tungkulin ng pagiging pari at sa kasunduang ginawa ninyo sa mga pari at sa mga Levita.

30 Nilinis ko ang sambayanan sa lahat ng pakikitungo nila sa mga dayuhan. Gumawa ako ng mga tuntunin para sa mga pari at mga Levita upang malaman nila ang kanilang mga tungkulin. 31 Isinaayos ko rin ang pagdadala sa takdang oras ng mga kahoy na gagamiting panggatong sa pagsunog ng mga handog, gayundin ang pagdadala ng mga tao sa mga unang ani ng butil at bungangkahoy.

Alalahanin ninyo, O aking Diyos, ang lahat ng ito at ako po'y pagpalain ninyo.

'Nehemias 13 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.

Mga batas sa paglilingkod sa templo.

13 Nang araw na yaon ay (A)bumasa sila sa aklat ni Moises sa pakinig ng bayan; (B)at doo'y nasumpungang nakasulat, na ang Ammonita at Moabita, ay huwag papasok sa kapulungan ng Dios magpakailan man.

Sapagka't hindi nila sinalubong ang mga anak ni Israel ng tinapay at ng tubig, kundi inupahan si (C)Balaam laban sa kanila, upang sumpain sila: (D)gayon ma'y pinapaging pagpapala ng aming Dios ang sumpa.

At nangyari, nang kanilang marinig ang kautusan, na (E)inihiwalay nila sa Israel ang buong karamihang (F)halohalo.

Si Tobias ay pinaalis sa templo.

Bago nga nangyari ito, si (G)Eliasib na saserdote, na nahalal sa mga silid ng bahay ng aming Dios, palibhasa'y nakipisan kay (H)Tobias.

Ay ipinaghanda siya ng isang malaking silid, na (I)kinasisidlan noong una ng mga handog na harina, ng mga kamangyan, at ng mga sisidlan, at ng mga ikasangpung bahagi ng trigo, ng alak, at ng langis, na nabigay sa pamamagitan ng utos sa mga Levita, at sa mga mangaawit, at sa mga tagatanod-pinto; at ang mga handog na itataas na ukol sa mga saserdote.

Nguni't sa buong panahong ito ay wala ako sa Jerusalem: (J)sapagka't sa ikatatlong pu't dalawang taon ni Artajerjes na (K)hari sa Babilonia ay naparoon ako sa hari, at pagkatapos ng ilang araw ay nagpaalam ako sa hari:

At ako'y naparoon sa Jerusalem, at naalaman ko ang kasamaang ginawa ni Eliasib tungkol kay Tobias, sa paghahanda niya sa kaniya ng isang silid sa mga looban ng bahay ng Dios.

At ikinamanglaw kong mainam: kaya't aking inihagis ang lahat na kasangkapan ni Tobias sa labas ng silid.

Nang magkagayo'y nagutos ako, at (L)nilinis nila ang mga silid; at dinala ko uli roon ang mga sisidlan ng bahay ng Dios pati ng mga handog na harina at ng kamangyan.

10 At nahalata ko na ang mga bahagi ng mga Levita ay (M)hindi nangabigay sa kanila; na anopa't ang mga Levita, at ang mga mangaawit na nagsisigawa ng gawain, ay nangagsitakas bawa't isa sa kanikaniyang (N)bukid.

11 Nang magkagayo'y (O)nakipagtalo ako sa mga pinuno, at sinabi ko, Bakit pinabayaan ang bahay ng Dios? At pinisan ko sila, at inilagay sa kanilang kalagayan.

12 Nang magkagayo'y dinala ng (P)buong Juda ang ikasangpung bahagi ng trigo at ng alak at ng langis sa mga ingatang-yaman.

13 (Q)At ginawa kong mga tagaingat-yaman sa mga ingatang-yaman, si Selemias na saserdote, at si Sadoc na kalihim, at sa mga Levita, si Pedaias: at kasunod nila ay si Hanan na anak ni Zaccur, na anak ni Mathanias: sapagka't sila'y nangabilang na (R)tapat, at ang kanilang mga katungkulan ay magbahagi sa kanilang mga kapatid.

14 (S)Alalahanin mo ako, Oh aking Dios, tungkol dito, at huwag mong pawiin ang aking mga mabuting gawa na aking ginawa sa ikabubuti ng bahay ng aking Dios, at sa pagganap ng kaugaliang paglilingkod doon.

Ang pagsuway sa sabbath ay natigil.

15 Nang mga araw na yaon ay nakita ko sa Juda ang ilang nagpipisa sa mga ubasan sa (T)sabbath, at nagdadala ng mga uhay, at nangasasakay sa mga asno; gaya naman ng alak, mga ubas, at mga higos, at lahat na sarisaring pasan, na kanilang (U)ipinapasok sa Jerusalem sa araw ng sabbath: at ako'y nagpatotoo laban sa kanila sa kaarawan na kanilang ipinagbibili ang mga pagkain.

16 Doo'y nagsisitahan naman ang mga taga (V)Tiro, na nangagpapasok ng isda, at ng sarisaring kalakal, at nangagbibili sa sabbath sa mga anak ni Juda, at sa Jerusalem.

17 (W)Nang magkagayo'y nakipagtalo ako sa mga mahal na tao sa Juda, at sinabi ko sa kanila, Anong masamang bagay itong inyong ginagawa, at inyong nilalapastangan ang araw ng sabbath?

18 (X)Hindi ba nagsigawa ng ganito ang inyong mga magulang, at hindi ba dinala ng ating Dios ang buong kasamaang ito sa atin, at sa bayang ito? gayon ma'y nangagdala pa kayo ng higit na pagiinit sa Israel, sa paglapastangan ng sabbath.

19 At nangyari, na nang ang pintuang-bayan ng Jerusalem ay magpasimulang magdilim (Y)bago dumating ang sabbath, aking iniutos na ang mga pintuan ay sarhan, at iniutos ko na huwag nilang buksan hanggang sa makaraan ang sabbath: at ang ilan sa aking mga lingkod ay inilagay ko sa mga pintuang-bayan, upang walang maipasok na pasan sa araw ng sabbath.

20 Sa gayo'y ang mga mangangalakal at manininda ng sarisaring kalakal, ay nangatigil sa labas ng Jerusalem na minsan o makalawa.

21 Nang magkagayo'y nagpatotoo ako laban sa kanila, at nagsabi sa kanila, Bakit nagsisitigil kayo sa may kuta? kung kayo'y magsigawa uli ng ganiyan, aking pagbubuhatan ng kamay kayo. Mula nang panahong yaon ay hindi na sila naparoon pa ng sabbath.

22 At ako'y nagutos sa mga Levita (Z)na sila'y mangagpakalinis, at sila'y magsiparoon, at ingatan ang mga pintuang-bayan, upang ipangilin ang araw ng sabbath. Alalahanin mo ako, Oh aking Dios, dito man, at kahabagan mo ako ayon sa kalakhan ng iyong kaawaan.

Sinumpa ang pagaasawa sa taga ibang lupa.

23 Nang mga araw namang yaon ay nakita ko ang mga Judio na (AA)nangagaasawa sa mga babae ng (AB)Asdod, ng (AC)Ammon, at ng Moab:

24 At ang kanilang mga anak ay nagsasalita ng kalahati sa wikang Asdod, at hindi makapagsalita ng wikang Judio, kundi ayon sa wika ng bawa't bayan.

25 At ako'y nakipagtalo sa kanila, at sinumpa ko sila, at sinaktan ko ang iba sa kanila, at sinabunutan ko sila, at (AD)pinasumpa ko sila sa pamamagitan ng Dios, na sinasabi ko, Kayo'y huwag mangagbibigay ng inyong mga anak na babae na maging asawa sa kanilang mga anak na lalake, ni magsisikuha man ng kanilang mga anak na babae sa ganang inyong mga anak na lalake, o sa inyong sarili.

26 (AE)Hindi ba nagkasala si Salomon na hari sa Israel sa pamamagitan ng mga bagay na ito? gayon man sa gitna ng maraming bansa ay walang haring gaya niya; at siya'y (AF)minahal ng kaniyang Dios, at ginawa siyang hari ng Dios sa buong Israel: gayon ma'y pinapagkasala rin siya ng mga babaing taga ibang lupa.

27 Didinggin nga ba namin kayo na inyong gawin ang lahat na malaking kasamaang ito, na (AG)sumalangsang laban sa ating Dios sa pagaasawa sa mga babaing taga ibang lupa?

28 At isa sa mga anak ni (AH)Joiada, na anak ni (AI)Eliasib na dakilang saserdote, ay manugang ni (AJ)Sanballat na Horonita: kaya't aking pinalayas siya sa akin.

29 (AK)Alalahanin mo sila, Oh Dios ko, sapagka't (AL)kanilang dinumhan ang pagkasaserdote, at ang tipan ng pagkasaserdote at ng sa mga Levita.

30 Ganito ko (AM)nilinis sila sa lahat ng taga ibang lupa, at tinakdaan ko ng mga katungkulan ang mga saserdote at ang mga Levita, na bawa't isa'y sa kaniyang gawain;

31 At tungkol sa (AN)kaloob na panggatong, sa mga takdang (AO)panahon, at tungkol sa mga unang bunga. (AP)Alalahanin mo ako, Oh Dios ko, sa ikabubuti.