Add parallel Print Page Options

Si Gideon

Muling gumawa ng kasamaan laban kay Yahweh ang mga Israelita, kaya sila'y hinayaan niyang masakop ng mga Midianita sa loob ng pitong taon. Higit na makapangyarihan ang mga Midianita kaysa sa mga Israelita. Kaya't ang mga Israelita ay nagsipagtago sa mga kuweba at sa mga kabundukan. Tuwing magtatanim ang mga Israelita sa kanilang mga bukirin, sinasalakay sila ng mga Midianita, Amalekita, at iba pang mga lipi galing sa disyerto. Nagkakampo ang mga ito sa lupain at sinisira ang mga pananim doon hanggang sa may Gaza. Wala silang itinitirang anuman na maaaring pakinabangan ng mga Israelita sapagkat kinukuha nilang lahat pati ang mga tupa, baka at asno. Dumarating silang parang makapal na balang kasama ang kanilang mga baka, tolda at mga kamelyong hindi mabilang sa dami, at sinisira ang lupain. Walang magawâ ang mga Israelita, kaya humingi sila ng tulong kay Yahweh.

Nang marinig ni Yahweh ang pagdaing ng mga Israelita dahil sa pagpapahirap ng mga Midianita, sila'y pinadalhan niya ng propeta at ipinasabi ang ganito: “Inilabas ko kayo sa Egipto. Iniligtas ko kayo sa kanilang pang-aalipin, at sa lahat ng inyong kaaway. Natalo ninyo sila at ibinigay sa inyo ang kanilang lupain. 10 Sinabi ko na sa inyo na ako si Yahweh na inyong Diyos at hindi kayo dapat sumamba sa mga diyos ng mga Amoreo, sa lupaing inyong tinitirhan ngayon. Ngunit hindi kayo nakinig sa akin.”

11 Dumating sa Ofra ang anghel ni Yahweh at naupo sa ilalim ng malaking puno na pag-aari ni Joas na buhat sa angkan ni Abiezer. Si Gideon na anak ni Joas ay kasalukuyang gumigiik noon ng trigo sa pisaan ng ubas. Patago ang kanyang paggiik upang hindi siya makita ng mga Midianita. 12 Nagpakita sa kanya ang anghel ni Yahweh at sinabi sa kanya, “Sumasaiyo si Yahweh, magiting na lalaki.”

13 Sumagot si Gideon, “Mawalang-galang na po. Kung talagang kasama namin si Yahweh, bakit ganito ang nangyayari sa amin? Nasaan na ngayon ang mga kababalaghang ginawa niya noon gaya ng ikinuwento sa amin ng aming mga ninuno, kung paanong sila'y iniligtas niya sa Egipto? Pinabayaan na kami ni Yahweh sa kamay ng mga Midianita.”

14 Sinabi sa kanya ni Yahweh, “Lumakad ka at gamitin mo ang buong lakas mo upang iligtas ang Israel mula sa mga Midianita. Ako mismo ang nagsusugo sa iyo.”

15 Sumagot si Gideon, “Ngunit Panginoon, paano ko maililigtas ang Israel? Ang aming angkan ang pinakamahina sa lipi ni Manases, at ako naman ang pinakahamak sa pamilya namin.”

16 Sinabi sa kanya ni Yahweh, “Makakaya mo ito sapagkat tutulungan kita. Matatalo mo ang mga Midianitang ito na para ka lang lumaban sa isang tao.”

17 Sumagot si Gideon, “Kung ako po ay talagang kalugud-lugod sa inyo, bigyan ninyo ako ng palatandaang kayo nga ang nag-uutos sa akin. 18 Huwag po muna kayong umalis at hahainan ko kayo ng pagkaing handog.”

“Hihintayin kita,” sagot ni Yahweh.

19 Umuwi nga si Gideon at nagluto ng isang batang kambing at gumawa ng tinapay na walang pampaalsa mula sa limang salop na harina. Pagkaluto, inilagay niya ang karne sa basket at ang sabaw sa isang palayok. Inihain niya ito sa anghel ni Yahweh sa ilalim ng malaking puno. 20 Sinabi sa kanya ng anghel, “Ipatong mo sa malaking batong ito ang karne at ang tinapay. Pagkatapos, buhusan mo ng sabaw.” Iyon nga ang ginawa ni Gideon. 21 Ang karne at ang tinapay ay hinawakan ng anghel ni Yahweh sa pamamagitan ng tungkod. May lumabas na apoy mula sa bato at nasunog ang karne at ang tinapay. Pagkatapos, ang anghel ni Yahweh ay nawala sa kanyang paningin.

22 Saka pa lamang naunawaan ni Gideon na anghel nga ni Yahweh ang nakausap niya. Dahil dito, kinilabutan siya sa takot at sinabi, “Panginoong Yahweh, tulungan mo po ako! Harap-harapan kong nakita ang iyong anghel!”

23 Ngunit sinabi sa kanya ni Yahweh, “Huminahon ka. Huwag kang matakot. Hindi ka mamamatay.”

24 At si Gideon ay nagtayo roon ng isang altar para kay Yahweh na tinawag niyang, “Si Yahweh ay Kapayapaan.” (Hanggang ngayon ay naroon pa sa Ofra ang altar, sa lugar na sakop ng angkan ni Abiezer.)

Sinira ni Gideon ang Altar ni Baal

25 Kinagabihan, sinabi ni Yahweh kay Gideon, “Kunin mo ang toro ng iyong ama, at isa pang toro na pitong taóng gulang. Gibain mo ang altar ni Baal na ipinagawa ng iyong ama at putulin mo ang rebulto ni Ashera sa tabi nito. 26 Pagkatapos, magpatung-patong ka ng mga bato sa ibabaw ng burol na ito bilang altar para kay Yahweh na iyong Diyos. Pagputul-putulin mo ang rebulto ni Ashera at gawin mong panggatong sa ibabaw ng altar. Ialay mo roon ang pangalawang toro ng iyong ama bilang handog na sinusunog.” 27 Kaya't isinama ni Gideon ang sampu sa kanyang mga tagapaglingkod at ginawa ang sinabi sa kanya ni Yahweh. Gabi nang gawin niya ito sapagkat natatakot siya sa kanyang pamilya at sa mga taong-bayan.

28 Kinabukasan ng madaling-araw, nakita na lamang ng mga tao na wasak na ang altar ni Baal at putul-putol na ang rebulto ni Ashera na ipinanggatong sa pangalawang toro na sinunog sa altar na itinayo roon. 29 Nagtanungan sila, “Sino kaya ang may kagagawan nito?” Nagsiyasat sila at nalaman nilang si Gideon na anak ni Joas ang may kagagawan niyon. 30 Sinabi ng mga taong-bayan kay Joas, “Ilabas mo rito ang anak mo at papatayin namin. Giniba niya ang altar ni Baal at pinagputul-putol ang rebulto ni Ashera sa tabi ng altar.”

31 Sumagot si Joas, “Ipinaglalaban ba ninyo si Baal? Ipinagtatanggol n'yo ba siya? Sinumang makipaglaban para sa kanya ay papatayin bago mag-umaga. Kung siya'y talagang diyos, hayaan ninyong ipagtanggol niya ang kanyang sarili. Di ba't kanyang altar ang giniba?” 32 Mula noon, si Gideon ay tinaguriang Jerubaal[a] dahil sa sinabi ni Joas na, “Hayaan ninyong ipagtanggol ni Baal ang kanyang sarili. Hindi ba't sa kanya naman ang altar na giniba?”

33 Ang mga Midianita, Amalekita, at iba pang mga lipi sa silangan ay sama-samang tumawid sa Ilog Jordan at nagkampo sa Libis ng Jezreel. 34 Lumukob kay Gideon ang Espiritu[b] ni Yahweh; hinipan niya ang trumpeta bilang hudyat na sumunod sa kanya ang mga kalalakihan ng angkan ni Abiezer. 35 Nagpadala siya ng mga sugo sa buong nasasakupan ng mga lipi nina Manases, Asher, Zebulun at Neftali upang makiisa sa kanya ang mga liping ito. Nagpasya namang sumama ang mga ito kay Gideon.

Humingi ng Palatandaan si Gideon

36 Sinabi ni Gideon sa Diyos, “Sinabi ninyo sa akin na ako ang gagamitin ninyo upang iligtas ang Israel. 37 Dahil dito, maglalatag ako ng isang lana sa giikan ng trigo. Kapag nabasa ito ng hamog ngunit tuyo ang paligid, ako nga ang gagamitin ninyo upang iligtas ang Israel.” 38 Ganoon nga ang ginawa ni Gideon. Kinabukasan ng umaga, kinuha niya ang lanang inilatag sa giikan, at nang pigain niya ito, napuno niya ng tubig ang isang mangkok. 39 Sinabi ni Gideon sa Diyos, “Huwag po kayong magagalit sa akin. Mayroon pa po akong isang hihilingin. Nais ko pong matuyo naman itong lana at mabasa ng hamog ang lupa sa paligid.” 40 Kinagabihan, ginawa nga iyon ng Diyos. Tuyo ang lana ngunit basa ng hamog ang lupa sa paligid nito.

Footnotes

  1. Mga Hukom 6:32 JERUBAAL: Sa wikang Hebreo, ang kahulugan ng salitang ito'y “Hayaan ninyong ipagtanggol ni Baal ang kanyang sarili”.
  2. Mga Hukom 6:34 Espiritu: o kaya'y kapangyarihan .
'Mga Hukom 6 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.

Ang Israel ay napasa kamay ng Madian.

At ginawa ng (A)mga anak ni Israel yaong masama sa paningin ng Panginoon: at ibinigay sila ng Panginoon sa kamay ng (B)Madian na pitong taon.

At ang kamay ng Madian ay nanaig laban sa Israel: at dahil sa Madian ay gumawa ang mga anak ni Israel ng mga kutang nangasa bundok, at ng mga yungib, at ng mga dakong matibay.

At ganito ang nangyari, noong ang Israel ay nakapaghasik, na nagsiahon ang mga Madianita, at ang mga (C)Amalecita, (D)at ang mga anak sa silanganan; sila'y nagsiahon laban sa kanila;

At sila'y humantong laban sa kanila, at kanilang (E)sinira ang bunga ng lupa, hanggang sa sila'y dumating sa Gaza, at wala silang iniwang anoman sa Israel, maging tupa, o baka man, o asno man.

Sapagka't sila'y nagsiahong dala nila ang kanilang kawan at ang kanilang mga tolda; at sila'y nagsipasok na parang balang sa (F)karamihan; sila at ang kanilang mga kamelyo ay walang bilang: at kanilang pinasok ang lupain upang gibain.

At ang Israel ay huminang (G)totoo dahil sa Madian; at ang mga anak ni Israel ay dumaing sa Panginoon.

At nangyari, nang dumaing sa Panginoon ang mga anak ni Israel, dahil sa Madian.

Ay nagsugo ang Panginoon ng isang propeta sa mga anak ni Israel: at kaniyang sinabi sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoon ng Dios ng Israel, Kayo'y aking (H)iniahon mula sa Egipto, at inilabas ko kayo sa bahay ng pagkaalipin;

At pinapaging laya ko kayo sa kamay ng mga taga Egipto, at sa kamay ng mga pumipighati sa inyo, at aking pinalayas sila sa harap ninyo, at ibinigay ko sa inyo ang kanilang lupain;

10 At aking sinabi sa inyo, Ako ang Panginoon ninyong Dios; kayo'y (I)huwag matatakot sa mga dios ng mga Amorrheo, na siyang lupaing inyong tinatahanan: nguni't hindi ninyo dininig ang aking tinig.

Si Gedeon ay dinalaw ng anghel ng Panginoon.

11 At ang anghel ng Panginoon ay naparoon at umupo sa ilalim ng encina na nasa Ophra, na kay Joas na (J)Abiezerita: at ang kaniyang anak na si (K)Gedeon ay pumapalo ng trigo sa ubasan, upang itago sa mga Madianita.

12 At napakita ang anghel ng Panginoon sa kaniya, at sinabi sa kaniya, Ang (L)Panginoo'y sumasaiyo, ikaw lalaking makapangyarihang may tapang.

13 At sinabi ni Gedeon sa kaniya, Oh Panginoon ko, kung ang Panginoon ay sumasaamin, bakit nga ang lahat ng ito ay sumapit sa amin? at (M)saan naroon ang lahat niyang kababalaghang gawa (N)na isinaysay sa amin ng aming mga magulang, na sinasabi, Hindi ba tayo iniahon ng Panginoon mula sa Egipto? nguni't ngayo'y hiniwalayan kami ng Panginoon at ibinigay kami sa kamay ng Madian.

14 At tiningnan siya ng Panginoon, at sinabi, (O)Yumaon ka sa kalakasan mong ito, at iligtas mo ang Israel sa kamay ng Madian: (P)hindi ba kita sinugo?

15 At sinabi niya sa kaniya, Oh Panginoon, paanong ililigtas ko ang Israel? narito, ang (Q)aking angkan ay siyang pinakadukha sa Manases, at ako ang pinakamaliit sa bahay sangbahayan ng aking ama.

16 At sinabi ng Panginoon sa kaniya, (R)Walang pagsalang ako'y sasaiyo; at iyong sasaktan ang mga Madianita na parang isang lalake.

17 At sinabi niya sa kaniya, Kung ngayo'y (S)nakasumpong (T)ako ng biyaya sa iyong paningin, ay bigyan mo nga ako ng isang tanda, na ikaw ang nakikipagusap sa akin.

18 (U)Isinasamo ko sa iyo na huwag kang umalis dito, hanggang sa ako'y parito sa iyo, at ilabas ko ang aking handog, at ilapag ko sa harap mo. At kaniyang sinabi, Ako'y maghihintay hanggang sa ikaw ay bumalik.

19 (V)At si Gedeon ay pumasok, at naglutong madali ng isang anak ng kambing, at ng isang efa ng harina, ng mga munting tinapay na walang lebadura: inilagay ang karne sa isang buslo, at kaniyang inilagay ang sabaw sa isang palyok, at inilabas sa kaniya sa ilalim ng encina, at inihain.

20 At sinabi ng anghel ng Dios sa kaniya, Kunin mo ang karne at ang mga munting tinapay na walang lebadura (W)at ipatong mo sa batong ito at (X)ibuhos mo ang sabaw. At kaniyang ginawang gayon.

21 Nang magkagayo'y iniunat ng anghel ng Panginoon ang dulo ng tungkod, na nasa kaniyang kamay, at sinalang ang karne at ang mga munting tinapay na walang lebadura; at (Y)napailanglang ang apoy sa bato, at pinugnaw ang karne at ang mga munting tinapay na walang lebadura; at ang anghel ng Panginoon ay nawala sa kaniyang paningin.

22 At (Z)nakita ni Gedeon na siya ang anghel ng Panginoon; at sinabi ni Gedeon, Aba, Oh Panginoon Dios! (AA)sapagka't aking nakita ang anghel ng Panginoon na mukhaan.

23 At sinabi ng Panginoon sa kaniya, (AB)Kapayapaan ang sumaiyo; huwag kang matakot: hindi ka mamamatay.

24 Nang magkagayo'y nagtayo roon si Gedeon ng isang dambana sa Panginoon, at tinawag na Jehova-salom: hanggang sa araw na ito ay nasa sa (AC)Ophra pa ng mga Abiezerita.

Iginiba ni Gedeon ang Altar ni Baal.

25 At nangyari nang gabi ring yaon, na sinabi ng Panginoon sa kaniya, Kunin mo ang toro ng iyong ama, ang ikalawang toro na may pitong taong katandaan, at iwasak mo ang dambana ni Baal na tinatangkilik ng iyong ama, at putulin mo ang (AD)Asera na nasa siping niyaon.

26 At ipagtayo mo, sa isang paraang maayos ng isang dambana ang Panginoon mong Dios sa taluktok nitong matibay na dako; at kunin mo ang ikalawang toro, at maghandog ka ng isang handog na susunugin sangpu ng kahoy ng Asera na iyong puputulin.

27 Nang magkagayo'y kumuha si Gedeon ng sangpung lalake sa kaniyang mga bataan, at ginawa ang ayon sa sinalita ng Panginoon sa kaniya: at nangyari, na sapagka't siya'y natakot sa sangbahayan ng kaniyang ama at sa mga lalake sa bayan, kaya't hindi niya nagawa sa araw ay kaniyang ginawa sa gabi.

28 At nang bumangong maaga ang mga lalake sa bayan ng kinaumagahan narito, ang dambana ni Baal ay wasak, at ang Asera na nasa siping niyaon ay putol, at ang ikalawang toro ay inihandog sa dambana na itinayo.

29 At sila'y nangagsalitaan, Sino ang gumawa ng bagay na ito? At nang kanilang usisain at itanong ay kanilang sinabi, Ginawa ni Gedeon na anak ni Joas ang bagay na ito.

30 Nang magkagayo'y sinabi kay Joas ng mga lalake sa bayan, Ilabas mo ang iyong anak upang siya'y mamatay: sapagka't kaniyang iniwasak ang dambana ni Baal, at sapagka't kaniyang pinutol ang Asera na nasa siping niyaon.

31 At sinabi ni Joas sa lahat na nakatayong laban sa kaniya, Ipagsasanggalang ba ninyo si Baal? o ililigtas ba ninyo siya? yaong magsasanggalang sa kaniya ay papatayin samantalang umaga pa; kung siya'y dios ay magsanggalang siya sa kaniyang sarili, sapagka't may nagwasak ng kaniyang dambana.

32 Kaya't nang araw na yaon ay (AE)tinawag siyang Jerobaal, na sinasabi, Magsanggalang si Baal laban sa kaniya, sapagka't iniwasak niya ang kaniyang dambana.

33 Nang magkagayo'y lahat ng mga (AF)Madianita, at mga Amalecita at mga anak sa silanganan ay nagpulong; at sila'y nagtuloy at humantong sa (AG)libis ng Jezreel.

34 (AH)Nguni't ang Espiritu ng Panginoon ay suma kay Gedeon; at (AI)humihip siya ng isang pakakak; at ang mga Abiezerita ay nangagkapisan sa kaniya.

35 At nagsugo ng mga sugo sa buong Manases; at sila man ay nangakipisan sa kaniya: at siya'y nagsugo ng mga sugo sa Aser, at sa Zabulon, at sa Nephtali, at sila'y umahong sumalubong sa kanila.

Ang tanda ng balat na lana.

36 At sinabi ni Gedeon sa Dios, Kung iyong ililigtas ang Israel sa pamamagitan ng aking kamay, gaya ng iyong sinalita.

37 (AJ)Narito, aking ilalagay ang isang balat na lana sa giikan; kung dumoon lamang sa balat ang hamog, at maging tuyo ang buong lupa, ay malalaman ko nga na iyong ililigtas ang Israel sa pamamagitan ng aking kamay, gaya ng iyong sinalita.

38 At nagkagayon: sapagka't siya'y bumangong maaga ng kinaumagahan, at hinigpit ang buong balat, at piniga ang hamog sa balat, na isang tasang malaki ng tubig.

39 At sinabi ni Gedeon sa Dios, (AK)Huwag magalab ang iyong galit laban sa akin, at magsasalita na lamang ako ng minsan pa: isinasamo ko sa iyo na ipasubok mo pa sa aking minsan sa pamamagitan ng balat: tuyuin mo ngayon ang balat lamang, at sa buong lupa ay magkaroon ng hamog.

40 At ginawang gayon ng Dios nang gabing yaon: sapagka't natuyo ang balat lamang, at nagkaroon ng hamog sa buong lupa.