Add parallel Print Page Options

Ang Pag-aayos ng mga Ilaw sa Toldang Tipanan

Sinabi(A) ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo kay Aaron na pagkasindi ng pitong ilaw, iaayos niya ang mga ito sa ibabaw ng patungan upang magliwanag sa paligid nito.” Iyon nga ang ginawa ni Aaron ayon sa inutos ni Yahweh kay Moises. Ang ilawan ay yari sa pinitpit na ginto, gayundin ang palamuting bulaklak at ang mga tangkay nito. Ginawa ito ni Moises ayon sa anyong huwaran na ipinakita sa kanya ni Yahweh.

Ang Pagtatalaga sa mga Levita

Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Ibukod mo ang mga Levita at linisin ayon sa Kautusan. Wisikan mo sila ng tubig na panlinis ng kasalanan, paahitan ang buo nilang katawan, at palabhan ang kanilang kasuotan. Pagkatapos, pagdalhin mo sila ng dalawang batang toro; ang isa'y ihahandog na kasama ng handog na pagkaing butil, at ang isa'y handog para sa kapatawaran ng kasalanan. Dalhin mo ang mga Levita sa harap ng Toldang Tipanan at iharap mo sa sambayanang Israel. 10 Samantalang inihaharap mo sila kay Yahweh, ipapatong naman ng mga Israelita ang kanilang mga kamay sa ulo ng mga Levita. 11 Ang mga ito'y iaalay ni Aaron kay Yahweh bilang natatanging handog ng bayang Israel para maglingkod sa akin. 12 Pagkatapos, ipapatong ng mga Levita ang kanilang kamay sa ulo ng mga toro; ang isa'y handog para sa kapatawaran ng kasalanan at ang isa'y handog na susunugin upang sila'y matubos sa kanilang mga kasalanan.

13 “Ilaan mo ang mga Levita sa akin bilang natatanging handog, at ilagay mo sila sa ilalim ng pamamahala ni Aaron at ng mga anak niya. 14 Ganyan mo sila ibubukod mula sa sambayanang Israel at sila'y magiging akin. 15 Pagkatapos mo silang linisin ayon sa Kautusan at maialay kay Yahweh bilang natatanging handog, magsisimula na sila sa paglilingkod sa Toldang Tipanan. 16 Nakalaan sila sa akin bilang kapalit ng mga panganay na lalaki ng Israel. 17 Ang(B) mga panganay ng Israel ay itinalaga kong maging akin nang gabing lipulin ko ang mga panganay ng Egipto. Kaya, sila ay akin, maging tao man o hayop. 18 Pinili ko ang mga Levita bilang kapalit ng mga panganay ng Israel, 19 upang makatulong ni Aaron at ng mga anak nito sa paglilingkod sa Toldang Tipanan sa paghahandog para sa katubusan ng kasalanan ng Israel. Sa ganoong paraan ay mailalayo ang mga Israelita sa panganib na mamatay kapag sila'y lumapit sa santuwaryo.”

20 Ang mga Levita ay itinalaga nga ni Moises, ni Aaron at ng buong Israel, ayon sa utos ni Yahweh. 21 Nilinis ng mga Levita ang kanilang katawan gayundin ang kanilang kasuotan. Itinalaga nga sila ni Aaron, at ginanap ang paghahandog para sa kapatawaran ng kanilang kasalanan. 22 Isinagawang lahat ni Moises ang utos ni Yahweh sa kanya tungkol sa mga Levita. Pagkatapos, ginampanan na nila ang kanilang tungkulin sa loob ng Toldang Tipanan bilang katulong ni Aaron at ng mga anak nito.

Ang Itatagal ng Panunungkulan ng mga Levita

23 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 24 “Ganito ang magiging tuntunin tungkol sa mga Levita: mula sa edad na dalawampu't lima, tutulong sila sa gawain sa loob ng Toldang Tipanan. 25 Pagdating nila ng limampung taon, pagpapahingahin na sila sa ganoong gawain. 26 Maaari pa rin silang tumulong sa kanilang mga kapwa Levita sa pagganap ng mga ito ng kanilang tungkulin sa loob ng Toldang Tipanan subalit hindi sila maaaring magsagawa ng paglilingkod.”

'Mga Bilang 8 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.

Ang pitong ilawan sa santuario.

At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

Salitain mo kay Aaron, at sabihin mo sa kaniya, (A)Pagsisindi mo ng mga ilawan, ay iyong papagliliwanagin ang pitong ilawan sa harap ng kandelero.

At ginawang gayon ni Aaron: kaniyang sinindihan ang mga ilawan upang magliwanag sa harap ng kandelero, gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

(B)At ito ang pagkayari ng kandelero, gintong niyari sa pamukpok; mula sa tungtungan niyaon hanggang sa mga bulaklak niyaon ay (C)yari sa pamukpok: (D)ayon sa anyo na ipinakita ng Panginoon kay Moises, ay gayon niya ginawa ang kandelero.

Paglilinis sa mga Levita.

At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

Kunin mo ang mga Levita sa gitna ng mga anak ni Israel at linisin mo sila.

At ganito ang gagawin mo sa kanila, upang linisin sila: (E)iwisik mo sa kanila ang tubig na panglinis ng sala, (F)at kanilang paraanin ang pang-ahit sa buong laman nila, at labhan nila ang kanilang mga suot, at sila'y magpakalinis.

(G)Kung magkagayo'y pakunin mo sila ng isang guyang toro at ng handog na harina niyaon, na mainam na harina na hinaluan ng langis, at kukuha ka ng ibang guyang toro na handog dahil sa kasalanan.

(H)At ihaharap mo ang mga Levita sa harap ng tabernakulo ng kapisanan (I)at pipisanin mo ang buong kapisanan ng mga anak ni Israel:

10 At ihaharap mo ang mga Levita sa harap ng Panginoon. At (J)ipapatong ng mga anak ni Israel ang kanilang mga kamay sa mga Levita:

11 At ihahandog ni Aaron ang mga Levita sa harap ng Panginoon na pinakahandog, na inalog sa ganang mga anak ni Israel upang kanilang gawin ang paglilingkod sa Panginoon.

12 (K)At ipapatong ng mga Levita ang kanilang mga kamay sa mga ulo ng mga guyang toro: at ihandog mo ang isa na pinakahandog dahil sa kasalanan, at ang isa'y pinakahandog na susunugin sa Panginoon, upang itubos sa mga Levita.

13 At patayuin mo ang mga Levita sa harap ni Aaron at sa harap ng kaniyang mga anak, at ihahandog mo ang mga yaon na pinakahandog na inalog sa Panginoon.

14 Ganito mo ihihiwalay ang mga Levita sa gitna ng mga anak ni Israel: at ang mga Levita ay (L)magiging akin.

15 At pagkatapos nito ay magsisipasok ang mga Levita, upang gawin ang paglilingkod sa tabernakulo ng kapisanan at iyo silang lilinisin, at ihahandog mo na pinakahandog na inalog.

16 Sapagka't sila'y buong nabigay sa akin sa gitna ng mga anak ni Israel; (M)na kinuha ko silang kapalit ng lahat ng nagsisipagbukas ng bahay-bata, ng mga panganay sa lahat ng mga anak ni Israel.

17 (N)Sapagka't lahat ng mga panganay sa gitna ng mga anak ni Israel ay akin, maging tao at maging hayop: nang araw na aking lipulin ang lahat ng mga panganay sa lupain ng Egipto, ay aking pinapagingbanal para sa akin.

18 At aking kinuha ang mga Levita na kapalit ng lahat ng mga panganay sa gitna ng mga anak ni Israel.

19 At (O)aking ibinigay ang mga Levita na pinaka kaloob kay Aaron at sa kaniyang mga anak mula sa gitna ng mga anak ni Israel (P)upang gawin nila ang paglilingkod sa mga anak ni Israel sa tabernakulo ng kapisanan, at upang magsigawa ng pangtubos sa mga anak ni Israel, upang huwag magkaroon ng salot sa gitna ng mga anak ni Israel, pagka ang mga anak ni Israel, ay lumalapit sa santuario.

20 Ganito ang ginawa ni Moises, at ni Aaron, at ng buong kapisanan ng mga anak ni Israel sa mga Levita: ayon sa lahat ng iniutos ng Panginoon kay Moises tungkol sa mga Levita, ay gayon ginawa ng mga anak ni Israel sa kanila.

21 (Q)At ang mga Levita ay nagsipaglinis ng kanilang sarili sa kasalanan, at nagsipaglaba ng kanilang mga damit; at inihandog ni (R)Aaron sila na pinaka handog na inalog sa harap ng Panginoon; at si Aaron ay naggawa ng pangtubos sa kanila upang linisin sila.

22 At pagkatapos niyaon ay nagsipasok ang mga Levita upang gawin ang kanilang paglilingkod sa tabernakulo ng kapisanan sa harap ni Aaron at sa harap ng kaniyang mga anak: kung paano ang iniutos ng Panginoon kay Moises tungkol sa mga Levita, ay gayon ang ginawa nila sa kanila.

23 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

24 Ito ang nauukol sa mga Levita: (S)mula sa dalawang pu't limang taong gulang na patanda, ay papasok upang maglingkod sa gawa ng tabernakulo ng kapisanan.

25 At mula sa limang pung taong gulang ay titigil sila sa paglilingkod sa gawain at hindi na sila maglilingkod;

26 Nguni't sila'y mangangasiwa ng kanilang mga kapatid sa tabernakulo ng kapisanan, (T)upang ingatan ang katungkulan, at sila'y walang gagawing paglilingkod. Gayon ang gagawin mo sa mga Levita tungkol sa kanilang mga katungkulan.