Add parallel Print Page Options

Ang Tuntunin sa Pagtatalaga Bilang Nazareo

Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo sa bayang Israel: Kung ang sinuman, babae o lalaki, ay gagawa ng panata at ilalaan niya ang sarili kay Yahweh bilang Nazareo, huwag(A) siyang iinom ng alak o anumang inuming nakakalasing. Huwag din siyang iinom ng anumang inuming galing sa katas ng ubas, at huwag kakain ng ubas, o pasas. Sa buong panahon ng kanyang panata ay huwag din siyang titikim ng anumang galing sa punong ubas kahit balat o buto ng ubas.

“Ang isang may panata ay huwag magpaputol ng buhok sa buong panahon ng kanyang panata; hahayaan niya itong humaba. Siya'y nakalaan para kay Yahweh. Sa buong panahon na inilaan niya ang kanyang sarili kay Yahweh ay hindi siya dapat lumapit sa patay, kahit ito'y kanyang ama, ina o kapatid. Hindi siya dapat gumawa ng anumang makapagpaparumi ayon sa Kautusan, sapagkat ipinapakita ng kanyang buhok na siya'y isang Nazareo. Pananatilihin niyang malinis ang kanyang sarili sa buong panahon ng kanyang panata.

“Kung may biglang mamatay sa kanyang tabi at mahawakan niya ito, pagkalipas ng pitong araw ay aahitin niya ang kanyang buhok sapagkat nadungisan siya ayon sa Kautusan. 10 Sa ikawalong araw, magbibigay siya sa pari ng dalawang inakay ng kalapati o batu-bato sa pintuan ng Toldang Tipanan. 11 Ang isa nito ay handog ukol sa kasalanan at ang isa'y handog na susunugin, bilang katubusan sa naging kasalanan niya sa pagkakahawak sa bangkay. Sa araw ring iyon, muli niyang ilalaan sa Diyos ang kanyang buhok. 12 Ito ang pasimula na siya'y muling inilaan kay Yahweh bilang Nazareo. Ang mga araw na nagdaan sa panahon ng panatang iyon ay hindi ibibilang sapagkat nadungisan siya nang makahawak sa patay at mag-aalay siya ng isang kordero na isang taóng gulang bilang handog na pambayad sa kasalanan.

13 “Ito(B) naman ang gagawin pagkatapos ng kanyang panata bilang Nazareo. Haharap siya sa pintuan ng Toldang Tipanan 14 at maghahandog ng tatlong tupa: isang lalaking tupa na isang taóng gulang at walang kapintasan bilang handog na susunugin; isang babaing tupa na isa ring taóng gulang at walang kapintasan bilang handog para sa kapatawaran ng kasalanan; at isang barakong tupa na walang kapintasan bilang handog na pangkapayapaan. 15 Bukod dito, maghahandog siya ng isang basket na tinapay na walang pampaalsa at hinaluan ng langis, at manipis na tinapay na wala ring pampaalsa at may pahid na langis. Magdadala rin siya ng mga handog na pagkaing butil at inumin.

16 “Ang lahat ng ito'y dadalhin naman ng pari sa harapan ni Yahweh at iaalay ang handog para sa kapatawaran ng kasalanan at handog na susunugin. 17 Ang handog pangkapayapaan ay ihahandog niyang kasama ng basket ng tinapay na walang pampaalsa, saka isusunod ang handog na pagkaing butil at inumin. 18 Pagkatapos, aahitin ng Nazareo ang kanyang buhok at susunugin sa apoy na pinagsusunugan ng handog pangkapayapaan.

19 “Kukunin naman ng pari ang nilagang balikat ng handog pangkapayapaan, sasamahan ng isang tinapay na walang pampaalsa at isang manipis na tinapay at ilalagay sa kamay ng Nazareo. 20 Kukunin niyang muli ang mga ito at iaalay kay Yahweh. Mapupunta ang mga ito sa pari, pati ang pitso at ang hita ng handog pangkapayapaan. Pagkatapos nito, ang Nazareo ay maaari nang uminom ng alak.

21 “Ito ang tuntunin tungkol sa panata ng Nazareo. Ngunit kung nangako siya ng iba pang bagay bukod rito, kailangang tuparin din niya iyon.”

Ang Pagbebendisyon ng mga Pari

22 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 23 “Sabihin mo kay Aaron at sa kanyang mga anak na ang mga salitang ito ang bibigkasin nila sa pagbabasbas nila sa mga Israelita:

24 Pagpalain ka nawa at ingatan ni Yahweh;
25 kahabagan ka nawa at subaybayan ni Yahweh;
26 lingapin ka nawa at bigyan ng kapayapaan ni Yahweh.

27 “Ganito nila babanggitin ang pangalan ko sa pagbabasbas sa mga Israelita at tiyak ngang pagpapalain ko sila.”

'Mga Bilang 6 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.

Batas tungkol sa mga Nazareo.

At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

Salitain mo sa mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila, (A)Pagka ang sinomang lalake o babae ay gagawa ng isang tanging panata, ng panata ng isang Nazareo, upang tumalaga sa Panginoon:

(B)Ay hihiwalay siya sa alak at sa matapang na inumin; siya'y hindi iinom ng suka ng alak, o tubang nakalalasing, ni iinom man ng anomang katas na galing sa ubas o kakain man ng sariwang ubas o pasas.

Sa lahat ng araw ng kaniyang pagkatalaga ay hindi siya kakain ng anomang bagay na ibinubunga ng puno ng ubas, magmula sa mga butil hanggang sa balat.

Sa lahat ng araw ng kaniyang pagkatalaga ay walang (C)pangahit na daraan sa ibabaw ng kaniyang ulo: hanggang sa matupad ang mga araw na kaniyang itinalaga sa Panginoon, ay magpapakabanal siya; kaniyang pababayaang humaba ang (D)buhok ng kaniyang ulo.

Sa lahat ng araw ng kaniyang pagtalaga sa Panginoon, ay (E)huwag siyang lalapit sa patay na katawan.

(F)Siya'y huwag magpapakarumi sa kaniyang ama o sa kaniyang ina, o sa kaniyang kapatid na lalake, o babae, pagka sila'y namatay: sapagka't ang pagtalaga niya sa Dios, ay sumasa kaniyang ulo.

Sa lahat ng araw ng kaniyang pagtalaga, ay banal siya sa Panginoon.

At kung ang sinoman ay biglang mamatay sa kaniyang siping, at mahawa ang ulo ng kaniyang pagkatalaga: ay (G)aahitan nga niya ang kaniyang ulo sa araw ng kaniyang paglilinis, sa ikapitong araw ay aahitan niya ito.

10 (H)At sa ikawalong araw ay magdadala siya ng dalawang batobato o dalawang inakay ng kalapati sa saserdote, sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan.

11 At ihahandog ng saserdote ang isa na pinakahandog dahil sa kasalanan, at ang isa'y pinakahandog na susunugin at itutubos sa kaniya, sapagka't siya'y nagkasala dahil sa patay, at babanalin ang kaniyang ulo sa araw ding yaon.

12 At itatalaga niya sa Panginoon ang mga araw ng kaniyang pagkatalaga, at siya'y magdadala ng isang korderong lalake ng unang taon na pinakahandog (I)dahil sa pagkakasala: datapuwa't ang mga unang araw ay mawawalan ng kabuluhan, sapagka't ang kaniyang pagkatalaga ay nadumhan.

13 At ito ang kautusan tungkol sa Nazareo, pagka natupad na ang mga (J)araw ng kaniyang pagkatalaga: siya'y dadalhin sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan;

14 At kaniyang ihahandog ang kaniyang alay sa Panginoon, na isang korderong lalake ng unang taon na (K)walang kapintasan, na (L)pinakahandog na susunugin, at isang korderong babae ng unang taon na walang kapintasan na pinakahandog dahil sa kasalanan at isang tupang lalake na walang kapintasan na pinakahandog tungkol sa kapayapaan,

15 At isang bakol na tinapay na walang lebadura, mga (M)munting tinapay ng mainam na harina na (N)hinaluan ng langis at mga manipis na tinapay na walang lebadura na pinahiran ng langis, at ang handog na harina niyaon at ang mga (O)handog na inumin niyaon.

16 At ihaharap ng saserdote yaon sa harapan ng Panginoon, at ihahandog ang kaniyang handog dahil sa kasalanan at ang kaniyang (P)handog na susunugin:

17 At kaniyang ihahandog sa Panginoon ang tupang lalake na pinakahain na handog tungkol sa kapayapaan na kalakip ng bakol ng mga (Q)tinapay na walang lebadura: ihahandog din ng saserdote ang handog na harina niyaon at ang handog na inumin niyaon.

18 (R)At ang Nazareo ay magaahit ng ulo sa kaniyang pagkatalaga sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan at kaniyang dadamputin ang buhok ng ulo ng kaniyang pagkatalaga at ilalagay sa ibabaw ng apoy na nasa ilalim ng hain na handog tungkol sa kapayapaan.

19 At kukunin ng saserdote ang lutong (S)balikat ng tupa, at isang munting tinapay na walang lebadura sa bakol, at isang manipis na tinapay na walang lebadura, at (T)ilalagay sa mga kamay ng Nazareo, pagkatapos na makapagahit ng ulo ng kaniyang pagkatalaga:

20 At (U)aalugin ng saserdote na pinakahandog na inalog sa harapan ng Panginoon; (V)ito'y banal sa saserdote, pati ng dibdib na inalog at ng hitang itinaas; at pagkatapos nito'y ang Nazareo ay makaiinom ng alak.

21 Ito ang kautusan tungkol sa Nazareo na nagpanata, at tungkol sa kaniyang alay sa Panginoon dahil sa kaniyang pagtalaga, bukod pa sa aabutin ng kaniyang mga kaya: ayon sa kaniyang panata na kaniyang ipinanata, ay gayon niya dapat gagawin, ayon sa kautusan tungkol sa kaniyang pagkatalaga.

Basbas ng saserdote sa mga anak ni Israel.

22 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

23 Salitain mo kay Aaron at sa kaniyang mga anak, na sasabihin, (W)Sa ganitong paraan babasbasan ninyo ang mga anak ni Israel; inyong sasabihin sa kanila:

24 Pagpalain ka nawa ng Panginoon at ingatan (X)ka:

25 (Y)Paliwanagin nawa ng Panginoon ang kaniyang mukha sa iyo, (Z)at mahabag sa iyo:

26 Ilingap nawa ng Panginoon ang kaniyang mukha sa iyo, at bigyan ka ng kapayapaan.

27 (AA)Gayon nila ilalagay ang aking pangalan sa mga anak ni Israel; at aking pagpapalain sila.