Add parallel Print Page Options

20 At sinabi ng Panginoon, “Ako'y nagpatawad ayon sa iyong salita;

21 gayunman,(A) na kung paanong ako'y buháy at kung paanong mapupuno ng kaluwalhatian ng Panginoon ang buong lupa,

22 wala sa mga taong iyon na nakakita ng aking kaluwalhatian at ng aking mga tanda na aking ginawa sa Ehipto at sa ilang, ngunit tinukso pa rin ako nitong makasampung ulit, at hindi dininig ang aking tinig,

23 ang makakakita sa lupain na aking ipinangako sa kanilang mga ninuno, at walang sinuman sa kanila na humamak sa akin ang makakakita nito.

24 Ngunit(B) ang aking lingkod na si Caleb, sapagkat siya'y nagtaglay ng ibang espiritu at sumunod nang lubos sa akin, ay dadalhin ko sa lupain na kanyang pinaroonan; at aariin ng kanyang mga binhi.

25 Ngayon, sapagkat ang mga Amalekita at ang mga Cananeo ay naninirahan sa libis, bumalik kayo bukas at kayo'y maglakbay sa daang patungo sa Dagat na Pula.”

Ang Parusa sa Israel

26 At nagsalita ang Panginoon kina Moises at Aaron, na sinasabi,

27 “Hanggang kailan magrereklamo laban sa akin ang masamang kapulungang ito? Aking narinig ang mga reklamo ng mga anak ni Israel na kanilang sinasabi laban sa akin.

28 Sabihin mo sa kanila, ‘Ako'y buháy, sabi ng Panginoon, kung ano ang sinabi ninyo sa aking pandinig ay gayon ang gagawin ko sa inyo.

29 Ang(C) inyong mga bangkay ay mabubuwal sa ilang na ito; at ang lahat na nabilang sa inyo ayon sa inyong kabuuang bilang, mula sa dalawampung taong gulang pataas na nagreklamo laban sa akin,

30 ay hindi papasok sa lupaing aking ipinangako na patitirahan ko sa inyo, maliban kay Caleb na anak ni Jefone at kay Josue na anak ni Nun.

31 Ngunit ang inyong mga bata, na inyong sinabing magiging mga biktima ay aking papapasukin, at kanilang makikilala ang lupain na inyong itinakuwil.

32 Ngunit tungkol sa inyo, ang inyong mga bangkay ay mabubuwal sa ilang na ito.

33 At(D) ang inyong mga anak ay magiging palaboy sa ilang na apatnapung taon, at magdurusa dahil sa kawalan ninyo ng pananampalataya, hanggang sa ang huli sa inyong mga bangkay ay humandusay sa ilang.

34 Ayon sa bilang ng mga araw na inyong lihim na ipinagsiyasat sa lupain, samakatuwid ay apatnapung araw, sa bawat araw ay isang taon, inyong pananagutan ang inyong mga kasamaan, nang apatnapung taon, at inyong makikilala ang aking sama ng loob!

35 Akong Panginoon ang nagsalita, tunay na ito'y aking gagawin sa buong masamang kapulungang ito, na nagtitipon laban sa akin. Sa ilang na ito, sila'y magwawakas, at dito sila mamamatay.’”

36 Ang mga lalaki na sinugo ni Moises upang lihim na magsiyasat sa lupain, na bumalik at naging dahilan upang magreklamo ang buong kapulungan laban sa kanya dahil sa paghahatid ng masamang balita laban sa lupain,

37 samakatuwid ay ang mga taong naghatid ng masamang balita tungkol sa lupain ay namatay sa salot sa harap ng Panginoon.

38 Ngunit si Josue na anak ni Nun, at si Caleb na anak ni Jefone ay naiwang buháy sa mga taong iyon na pumaroon upang lihim na siyasatin ang lupain.

Hinabol Hanggang sa Horma(E)

39 At sinabi ni Moises ang mga salitang ito sa lahat ng mga anak ni Israel at ang bayan ay lubhang nanangis.

40 Kinaumagahan, sila'y maagang bumangon at umakyat sa taluktok ng bundok, na sinasabi, “Narito kami, at kami ay aakyat sa dakong ipinangako ng Panginoon, sapagkat kami ay nagkasala.”

41 Ngunit sinabi ni Moises, “Bakit sinusuway ninyo ngayon ang utos ng Panginoon? Iyan ay hindi magtatagumpay.

42 Huwag kayong umahon, baka kayo'y masaktan sa harap ng mga kaaway, sapagkat ang Panginoon ay hindi ninyo kasama.

43 Sapagkat naroon ang mga Amalekita at ang mga Cananeo sa harap ninyo, at kayo'y babagsak sa tabak, sapagkat kayo'y tumalikod sa pagsunod sa Panginoon, kaya't ang Panginoon ay hindi ninyo makakasama.”

44 Ngunit sila'y nagpumilit umakyat sa taluktok ng bundok; gayunman ang kaban ng tipan ng Panginoon at si Moises ay hindi lumabas sa kampo.

45 Nang magkagayon ang mga Amalekita at ang mga Cananeo na naninirahan sa bundok na iyon ay bumaba, nilupig sila at hinabol hanggang sa Horma.

Read full chapter