Add parallel Print Page Options

Tungkol sa Pagkawasak ng Templo(A)

24 Si Jesus ay lumabas sa templo at paalis na nang lapitan siya ng kanyang mga alagad upang ipakita sa kanya ang mga gusali ng templo. Sumagot siya sa kanila, “Hindi ba't nakikita ninyo ang lahat ng mga ito? Tinitiyak ko sa inyo, wala ritong maiiwan kahit isang bato na nasa ibabaw ng isa pang bato. Lahat ng mga ito'y pawang ibabagsak.”

Mga Kahirapan at Pag-uusig na Darating(B)

Habang si Jesus ay nakaupo sa Bundok ng mga Olibo, nilapitan siya nang sarilinan ng kanyang mga alagad. Sinabi nila, “Sabihin mo po sa amin, kailan magaganap ang mga bagay na ito at ano ang palatandaan ng iyong pagdating, at ng katapusan ng panahon?” Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, “Mag-ingat kayo! Huwag kayong palilinlang kaninuman. Sapagkat maraming darating na gagamit ng aking pangalan, na magsasabing sila ang Cristo, at marami silang maililigaw. At makaririnig kayo ng mga digmaan at ng usap-usapan ng mga digmaan. Mag-ingat kayo at huwag kayong mabahala, sapagkat kailangang mangyari ito, ngunit hindi pa ito ang wakas. Lulusob ang mga bansa laban sa ibang bansa, at magdidigmaan ang mga kaharian. Magkakaroon ng taggutom at lilindol sa iba't ibang dako. Subalit ang lahat ng mga ito ay simula pa lamang ng paghihirap na katulad ng sa panganganak.

“Pagkatapos (C) ay dadakpin kayo upang pahirapan at kayo'y papatayin. Kayo'y kamumuhian ng lahat ng mga bansa dahil sa aking pangalan. 10 Maraming tatalikod sa pananampalataya, magkakanulo sa isa't isa at mapopoot sa isa't isa. 11 Maglilitawan ang maraming huwad na propeta at lilinlangin nila ang marami. 12 Dahil sa paglaganap ng kasamaan, marami ang manlalamig sa kanilang pag-ibig. 13 Ngunit (D) ang matirang matibay hanggang wakas ay maliligtas. 14 At ang ebanghelyong ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong daigdig bilang patotoo sa lahat ng mga bansa. Pagkatapos ay darating ang wakas.

Ang Matinding Paghihirap(E)

15 “Kaya, (F) kapag nakita ninyong nakatayo sa banal na dako ang kasuklam-suklam na sinabi sa pamamagitan ni propeta Daniel,—unawain ng bumabasa—, 16 ang mga nasa Judea ay tumakas na at pumunta sa mga bundok. 17 Huwag nang bumaba ang (G) nasa ibabaw ng bahay upang kumuha ng anuman sa loob ng kanyang bahay. 18 At ang nasa bukid ay huwag nang bumalik upang kumuha ng kanyang balabal. 19 Ngunit kay saklap para sa mga buntis at mga nagpapasuso ang mga araw na iyon! 20 Kaya't ipanalangin ninyo na ang pagtakas ninyo ay hindi matapat sa taglamig o sa araw ng Sabbath. 21 Sapagkat (H) sa panahong iyon ay magkakaroon ng matinding kapighatiang hindi pa nangyari mula sa pasimula ng sanlibutan hanggang ngayon, at hindi na kailanman mangyayari pa. 22 At malibang paiikliin ang mga araw na iyon, ang lahat ng laman ay mapapahamak. Ngunit alang-alang sa mga pinili ay paiikliin ang mga araw na iyon. 23 At kapag may nagsabi sa inyo, ‘Tingnan ninyo, narito ang Cristo!’ o, ‘Naroon siya!’ huwag kayong maniwala. 24 Sapagkat may magsisilitaw na mga huwad na Cristo at mga huwad na propeta, at magpapakita ng mga kahanga-hangang himala at mga kababalaghan, na dahil dito'y maililihis, kung maaari, pati ang mga pinili. 25 Tandaan ninyo, sinabi ko na sa inyo bago pa man ito mangyari. 26 Kaya, (I) kapag sinabi nila sa inyo, ‘Tingnan ninyo, naroon siya sa ilang,’ huwag kayong lumabas. Kung sabihin nila, ‘Tingnan ninyo, nasa loob siya ng mga silid,’ huwag kayong maniwala. 27 Sapagkat kung paano dumarating ang kidlat mula sa silangan at gumuguhit hanggang sa kanluran, sa gayunding paraan ang pagdating ng Anak ng Tao. 28 Kung (J) nasaan ang bangkay, doon nagkakatipon ang mga buwitre.[a]

Ang Pagdating ng Anak ng Tao(K)

29 “At (L) kasunod agad ng kapighatian sa mga araw na iyon ay magdidilim ang araw, at ang buwan ay hindi magbibigay ng kanyang liwanag, at ang mga bituin ay mahuhulog mula sa langit, at ang mga kapangyarihan ng kalangitan ay mayayanig. 30 Pagkatapos (M) ay lilitaw sa langit ang palatandaan ng Anak ng Tao, at magluluksa ang lahat ng mga lipi sa lupa. Makikita nila ang Anak ng Tao na dumarating na nasa ibabaw ng mga ulap sa himpapawid, taglay ang kapangyarihan at maringal na kaluwalhatian. 31 At isusugo niya ang kanyang mga anghel na may malakas na hudyat ng trumpeta. Titipunin nila ang kanyang mga pinili mula sa apat na ihip ng hangin, mula sa isang dulo ng kalangitan hanggang sa kabila.

Ang Aral Mula sa Puno ng Igos(N)

32 “Ngayon ay matuto kayo ng aral mula sa puno ng igos: kapag malambot na ang sanga nito at sumisibol na ang mga dahon, nalalaman ninyong malapit na ang tag-init. 33 Gayundin naman, kapag nakita ninyo ang lahat ng mga pangyayaring ito, alam ninyong ito[b] ay malapit na, nasa may pintuan na. 34 Tinitiyak ko sa inyo, hindi lilipas ang salinlahing ito, hanggang hindi nagaganap ang lahat ng mga ito. 35 Lilipas ang langit at ang lupa, ngunit hindi kailanman lilipas ang aking mga salita.

Walang Taong Nakakaalam ng Araw o Oras na Iyon(O)

36 “Subalit tungkol sa araw at oras na iyon ay walang nakaaalam, kahit ang mga anghel sa langit, kahit ang Anak, (P) maliban sa Ama. 37 Kung paano noong kapanahunan ni Noe, gayundin naman sa pagdating ng Anak ng Tao. 38 Sapagkat kung paano noong mga araw na iyon bago dumating ang baha, ang mga tao'y kumakain at umiinom, nag-aasawa at pinag-aasawa, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa daong. 39 At (Q) wala silang kaalam-alam hanggang sa dumating ang baha, at tinangay silang lahat. Gayundin naman sa pagdating ng Anak ng Tao. 40 Sa araw na iyon ay may dalawang taong pupunta sa bukid, kukunin ang isa, at ang isa'y iiwan. 41 May dalawang babaing gumigiling ng butil sa gilingan. Kukunin ang isa, at ang isa'y iiwan. 42 Kaya't magbantay kayo, sapagkat hindi ninyo alam kung anong araw[c] darating ang inyong Panginoon. 43 (R) Unawain ninyo ito: Kung alam ng may-ari ng bahay kung anong bahagi ng gabi darating ang magnanakaw, magbabantay siya at hindi niya hahayaang malooban ang kanyang bahay. 44 Dahil dito'y maging handa rin kayo, sapagkat ang Anak ng Tao ay darating sa oras na hindi ninyo aakalain.

Ang Tapat at ang Di-tapat na Alipin(S)

45 “Sino nga ba ang mapagkakatiwalaan at matalinong alipin? Hindi ba't siya na pinagbilinan ng kanyang panginoon na mamahala sa kanyang sambahayan, upang mamahagi sa kanila ng pagkain sa takdang panahon? 46 Pinagpala ang alipin na sa pagdating ng kanyang panginoon ay matagpuan siyang ganoon nga ang ginagawa. 47 Tinitiyak ko sa inyo, pamamahalain siya ng kanyang panginoon sa lahat ng ari-arian nito. 48 Subalit kung masama ang aliping iyon at magsabi sa kanyang sarili, ‘Matatagalan pa ang aking panginoon,’ 49 magsisimula siyang manakit ng mga kapwa niya alipin. At makisalo at makipag-inuman pa sa mga lasenggo. 50 Ang panginoon ng aliping iyon ay darating sa araw na hindi niya akalain at sa oras na hindi niya nalalaman. 51 Siya'y pagpuputul-putulin ng kanyang panginoon at ilalagay sa lugar ng mga mapagpanggap, at doo'y magkakaroon ng pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin.

Read full chapter

Footnotes

  1. Mateo 24:28 o agila.
  2. Mateo 24:33 o siya.
  3. Mateo 24:42 Sa ibang mga manuskrito ay oras.

Sinabi ang Pagkawasak ng Templo(A)

13 Nang lumabas si Jesus sa Templo, sinabi sa kanya ng isa sa mga alagad, “Guro, tingnan po ninyo! Napakalaki ng mga bato at napakaganda ng mga gusali!” Sinabi ni Jesus, “Nakikita mo ba ang malalaking gusaling ito? Wala ni isa mang bato dito ang matitirang nakapatong sa ibabaw ng isa pang bato. Iguguho ang lahat na iyan!”

Mga Kaguluhan at Pag-uusig na Darating(B)

Habang nakaupo si Jesus sa Bundok ng mga Olibo sa tapat ng templo, sarilinan siyang tinanong nina Pedro, Santiago, Juan, at Andres, “Maaari po bang sabihin ninyo kung kailan mangyayari ang mga ito at ano ang magiging palatandaan na malapit nang mangyari ang lahat ng mga ito?” Sinabi ni Jesus, “Mag-ingat kayo na hindi kayo mailigaw ninuman. Marami ang darating na gumagamit ng aking pangalan at magsasabing sila ang Cristo at ililigaw nila ang marami. Huwag kayong mababahala kapag nakarinig kayo ng mga digmaan at mga balita tungkol sa digmaan. Kailangang mangyari ang mga ito, ngunit hindi pa ito ang wakas. Maglalaban-laban ang mga bansa at mga kaharian. Magkakaroon ng mga lindol at taggutom sa iba't ibang lugar. Pasimula lamang ang mga ito ng paghihirap tulad ng sa panganganak. Mag-ingat (C) kayo! Dadalhin kayo sa mga hukuman at hahampasin sa mga sinagoga. Ihaharap kayo sa mga gobernador at mga hari upang sa kanila'y magpatotoo kayo alang-alang sa akin. 10 Kailangan munang maipangaral ang ebanghelyo sa lahat ng mga bansa. 11 Kapag kayo'y dinala nila at iharap sa paglilitis, huwag kayong mag-alala kung ano ang inyong sasabihin. Sabihin ninyo ang ipagkakaloob sa inyo sa oras na iyon sapagkat hindi na kayo ang magsasalita kundi ang Banal na Espiritu. 12 Ipagkakanulo ng kapatid ang kanyang kapatid upang ipapatay. Gayon din ang sa kanyang anak. Maghihimagsik ang mga anak laban sa kanilang mga magulang at ang mga ito'y ipapapatay. 13 Kamumuhian (D) kayo ng lahat dahil sa aking pangalan. Ngunit ang magtiis hanggang wakas ay siyang maliligtas.

Ang Matinding Kapighatian(E)

14 “Ngunit (F) kapag nakita na ninyo ang karumal-dumal na paglapastangan na nakatayo sa dakong hindi niya dapat kalagyan (unawain ito ng bumabasa), dapat nang tumakas ang mga nasa Judea patungo sa kabundukan. 15 Ang (G) nasa ibabaw ng bahay ay huwag nang bumaba o pumasok ng bahay upang kumuha ng anuman. 16 Ang nasa bukirin ay huwag nang bumalik upang kunin ang kanyang balabal. 17 Kawawa ang mga nagdadalang-tao at mga nagpapasuso sa mga araw na iyon. 18 Ipanalangin ninyo na huwag itong mangyari sa taglamig. 19 Sapagkat (H)magkakaroon sa mga araw na iyon ng kapighatiang walang kapantay, na hindi pa nararanasan mula nang likhain ng Diyos ang sanlibutan, at wala nang mararanasang tulad nito kailanman. 20 Malibang paikliin ng Panginoon ang araw na iyon ay walang taong maliligtas. Ngunit alang-alang sa mga hinirang na kanyang tinawag, pinaikli niya ang mga araw na iyon. 21 Kung may magsabi sa inyo, ‘Tingnan ninyo! Narito ang Cristo!’ o kaya'y, ‘Tingnan ninyo! Naroon siya!’ huwag kayong maniwala. 22 Sapagkat lilitaw ang mga huwad na Cristo at ang mga huwad na propeta. Magpapakita sila ng mga himala at mga kababalaghan upang kung maaari'y mailigaw nila ang mga hinirang. 23 Kaya mag-ingat kayo! Sinabi ko na sa inyo ang lahat bago pa ito mangyari.

Ang Pagdating ng Anak ng Tao(I)

24 “Ngunit (J) pagkatapos ng kapighatiang iyon, magdidilim ang araw at hindi magliliwanag ang buwan, 25 at (K) malalaglag ang mga bituin mula sa kalangitan, at mayayanig ang mga panlangit na kapangyarihan. 26 At (L) ang Anak ng Tao ay makikitang dumarating na nasa ulap, may dakilang kapangyarihan at kaluwalhatian. 27 At pagkatapos ay isusugo niya ang kanyang mga anghel at titipunin ang kanyang mga hinirang mula sa apat na sulok, mula sa dulo ng lupa hanggang sa dulo ng langit.

Ang Aral mula sa Puno ng Igos(M)

28 “Unawain ninyo ang aral mula sa punong igos: Kapag nananariwa ang mga sanga nito, at umuusbong na ang mga dahon, alam ninyong malapit na ang tag-araw. 29 Gayundin naman, kapag nakita ninyong nangyayari ang mga ito, alam ninyong malapit na, nasa mga pintuan na. 30 Tinitiyak ko sa inyo na hindi lilipas ang lahing ito hanggang maganap ang mga ito. 31 Ang langit at ang lupa ay lilipas ngunit ang aking mga salita ay hindi lilipas kailanman.

Walang Taong Nakakaalam ng Araw o Oras na Iyon(N)

32 “Subalit (O) tungkol sa araw at oras na iyon ay walang nakakaalam kahit ang mga anghel sa langit, kahit ang Anak, maliban sa Ama. 33 Mag-ingat kayo at maging handa[a], sapagkat hindi ninyo alam kung kailan darating ang takdang panahon. 34 Tulad (P) nito ay isang taong umalis upang maglakbay. Sa pag-alis niya'y iniwan niya sa kanyang mga alipin ang pamamahala. Binigyan niya ng tungkulin ang bawat isa, at inutusan ang tanod sa pinto na magbantay. 35 Kaya nga magbantay kayo sapagkat hindi ninyo alam kung kailan babalik ang panginoon ng sambahayan, kung sa gabi, sa hatinggabi, sa pagtilaok ng manok, o sa pagbubukang-liwayway. 36 Baka bigla siyang dumating at madatnan niya kayong natutulog. 37 Anumang sinasabi ko sa inyo'y sinasabi ko sa lahat: Magbantay kayo.”

Read full chapter

Footnotes

  1. Marcos 13:33 Sa ibang manuskrito may karugtong na “at manalangin”