Add parallel Print Page Options

Ang Talinghaga ng Manghahasik(A)

Siya'y(B) muling nagpasimulang magturo sa tabi ng dagat. At nagtipon sa palibot niya ang napakaraming tao, kaya't siya'y sumakay sa isang bangkang nasa lawa at naupo roon. Ang lahat ng tao ay nasa dalampasigan.

Sila'y tinuruan niya ng maraming bagay sa pamamagitan ng mga talinghaga at sa kanyang pagtuturo ay sinabi niya sa kanila,

“Makinig kayo. Ang isang manghahasik ay lumabas upang maghasik.

At nangyari, sa kanyang paghahasik, ang ilang binhi ay nahulog sa tabi ng daan at nagdatingan ang mga ibon at kinain ito.

Ang iba ay nahulog sa batuhan na doo'y walang maraming lupa. Agad itong sumibol sapagkat hindi malalim ang lupa.

Nang sumikat ang araw, nainitan ito at dahil sa walang ugat, ito'y natuyo.

Ang iba ay nahulog sa tinikan at lumaki ang mga tinik at sinakal ito, at ito'y hindi namunga.

Ang iba ay nahulog sa mabuting lupa at namunga, na tumataas, lumalago at namumunga ng tatlumpu, animnapu, at isandaan.”

At sinabi niya, “Ang may taingang pandinig ay makinig.”

Ang Layunin ng mga Talinghaga(C)

10 Nang siya'y mag-isa na, ang mga nasa palibot niya kasama ang labindalawa ay nagtanong sa kanya tungkol sa mga talinghaga.

11 At sinabi niya sa kanila, “Sa inyo ipinagkaloob ang hiwaga ng kaharian ng Diyos, ngunit sa kanilang nasa labas, ang lahat ng mga bagay ay ginagawa sa mga talinghaga;

12 upang(D) kung sa pagtingin ay hindi sila makakita; at sa pakikinig ay hindi sila makaunawa, baka sila'y magbalik-loob at mapatawad.”

13 At sinabi niya sa kanila, “Hindi ba ninyo nalalaman ang talinghagang ito? Paano nga ninyo mauunawaan ang lahat ng mga talinghaga?

14 Ang manghahasik ay naghahasik ng salita.

15 Ito ang mga nasa tabi ng daan na nahasikan ng salita. Nang kanilang mapakinggan ito, agad dumating si Satanas at inagaw ang salitang inihasik sa kanila.

16 Gayundin naman ang mga nahasik sa batuhan, nang marinig nila ang salita, agad nila itong tinanggap na may galak;

17 at hindi ito nagkaugat sa kanilang sarili, kundi panandalian lamang. Kaya't nang dumating ang kapighatian o ang mga pag-uusig dahil sa salita, kaagad silang tumatalikod.[a]

18 Ang iba'y nahasik sa tinikan. Ang mga ito ang nakinig ng salita,

19 ngunit ang mga alalahanin ng sanlibutan, ang pang-akit ng mga kayamanan, at ang mga pagnanasa sa ibang bagay ay pumasok at sinakal ang salita at ito'y hindi nakapamunga.

20 Ang mga ito ang nahasik sa mabuting lupa: narinig nila ang salita, tinanggap ito at namumunga ng tatlumpu, animnapu at isandaan.”

Ang Ilawan sa Ilalim ng Takalan(E)

21 At(F) sinabi niya sa kanila, “Inilalabas ba ang ilawan upang ilagay sa ilalim ng takalan, o sa ilalim ng higaan, at hindi sa talagang lalagyan ng ilawan?

22 Sapagkat(G) walang bagay na nakatago na hindi ihahayag; o walang nalilihim na hindi ilalantad sa liwanag.

23 Kung ang sinuman ay may taingang ipandirinig, hayaan siyang makinig.”

24 At(H) sinabi niya sa kanila, “Pag-ingatan ninyo kung ano ang inyong pinapakinggan: sa panukat na inyong isinusukat, kayo'y susukatin; at higit pa ang sa inyo'y ibibigay.

25 Sapagkat(I) ang mayroon ay lalo pang bibigyan; at ang wala, pati na ang nasa kanya ay kukunin pa.”

Ang Binhing Tumutubo

26 Sinabi niya, “Ang kaharian ng Diyos ay gaya ng isang taong naghahasik ng binhi sa lupa,

27 at natutulog at bumabangon siya sa gabi at araw. Sumisibol at lumalaki ang binhi na hindi niya nalalaman kung paano.

28 Ang lupa mismo ang nagpapasibol sa halaman,[b] una ang usbong, saka ang uhay, pagkatapos ay ang uhay na hitik sa butil.

29 Ngunit(J) kapag hinog na ang bunga, agad niyang kinukuha ang karit, sapagkat dumating na ang pag-aani.”

Ang Butil ng Mustasa(K)

30 Kanyang sinabi, “Sa ano natin maihahambing ang kaharian ng Diyos; o anong talinghaga ang gagamitin natin para dito?

31 Ito'y tulad sa butil ng binhi ng mustasa na kapag naihasik sa lupa, bagama't siyang pinakamaliit sa lahat ng mga binhi na nasa lupa,

32 ngunit kapag ito'y naihasik ay tumutubo, nagiging mas malaki kaysa lahat ng mga halaman, at nagsasanga ng malalaki, anupa't ang mga ibon sa himpapawid ay nakakagawa ng mga pugad sa lilim nito.”

Ang mga Talinghaga ni Jesus

33 Sa pamamagitan ng gayong maraming talinghaga, sinabi niya sa kanila ang salita, ayon sa kakayahan nilang makinig.

34 At hindi siya nagsalita sa kanila maliban sa talinghaga ngunit sa kanyang sariling mga alagad ay sarilinan niyang ipinapaliwanag ang lahat ng mga bagay.

Pinatigil ni Jesus ang Unos(L)

35 Nang araw ding iyon, nang sumapit na ang gabi ay sinabi niya sa kanila, “Tumawid tayo sa kabilang ibayo.”

36 Pagkaiwan sa maraming tao, siya'y kanilang isinama sa bangka, ayon sa kanyang kalagayan. At may iba pang mga bangka na kasama niya.

37 At nagkaroon ng isang malakas na unos, sumalpok ang mga alon sa bangka, anupa't ang bangka ay halos napupuno na ng tubig.

38 Ngunit siya'y nasa hulihan ng bangka at natutulog na may inuunan. Siya'y ginising nila, at sinabi sa kanya, “Guro, hindi ka ba nababahala na mapapahamak tayo?”

39 Paggising niya ay sinaway niya ang hangin at sinabi sa dagat, “Pumayapa ka. Tumahimik ka!” Tumigil nga ang hangin at nagkaroon ng katahimikan.

40 Sinabi niya sa kanila, “Bakit kayo natakot? Wala ba kayong pananampalataya?”

41 Sila'y sinidlan ng malaking takot at sinabi sa isa't isa, “Sino nga ito, na pati ang hangin at ang dagat ay sumusunod sa kanya?”

Footnotes

  1. Marcos 4:17 o natitisod .
  2. Marcos 4:28 Sa Griyego ay walang sa halaman .

Ang Talinghaga ng Manghahasik(A)

Muling (B) nagturo si Jesus sa tabi ng lawa. Napakaraming tao ang nagtipon sa palibot niya, kaya't sumakay siya sa isang bangkang nasa lawa at naupo roon. Ang mga tao nama'y nasa dalampasigan. Marami siyang itinuro sa kanila sa pamamagitan ng mga talinghaga. Sinabi niya sa kanila, “Makinig kayo! May isang manghahasik ang lumabas upang maghasik ng binhi. Sa kanyang paghahasik ang ilang binhi ay nahulog sa tabing daan. Dumating ang mga ibon at kinain ito. May mga binhi namang nahulog sa batuhang may manipis na lupa. Agad sumibol ang mga binhi sapagkat ang lupa ay hindi malalim. Nang sumikat ang araw, nalanta at natuyo ang mga pananim, dahil walang gaanong ugat. May mga binhi namang nalaglag sa tinikan. Lumago ang mga tinik at sinakal ang binhing tumubo kaya't hindi namunga. Ang ibang binhi ay nalaglag sa matabang lupa. Tumubo ang mga ito, lumago at namunga nang marami—may tigtatatlumpu, tig-aanimnapu, at tig-isandaan.” Sinabi ni Jesus, “Ang may pandinig ay makinig.”

Ang Layunin ng mga Talinghaga(C)

10 Nang nag-iisa na siya, nilapitan si Jesus ng ilang nakikinig, kasama ang labindalawa. Itinanong nila ang kahulugan ng talinghaga. 11 Sinabi niya, “Sa inyo ipinagkaloob ang hiwaga ng paghahari ng Diyos. Ngunit sa kanilang nasa labas, sinasabi ang lahat sa pamamagitan ng talinghaga. 12 Kaya nga (D)

‘tumingin man sila nang tumingin ay hindi sila makakakita;
    at makinig man nang makinig ay hindi sila makauunawa;
baka sila'y magbalik-loob at patawarin.’ ”

13 Tinanong sila ni Jesus, “Hindi ba ninyo nauunawaan ang talinghagang ito? Paano ninyo mauunawaan ang iba pang talinghaga? 14 Ang naghahasik ay naghahasik ng Salita. 15 May mga taong tulad ng binhing nahasik sa daan. Matapos silang makinig, agad dumarating si Satanas at inaagaw ang salitang inihasik sa kanila. 16 Ang iba nama'y tulad ng mga nahasik sa batuhan. Nang marinig nila ang salita, buong galak nila itong tinanggap. 17 Ngunit dahil walang ugat, sandali lamang silang nagtatagal at madali silang tumalikod pagdating ng kapighatian o mga pag-uusig dahil sa Salita. 18 Ang iba nama'y tulad ng nahasik sa tinikan. Nakinig sila sa Salita, 19 ngunit dahil sa mga alalahanin sa buhay na ito, daya ng kayamanan, at pagnanasa sa ibang bagay, nawawalan ng puwang ang Salita sa kanilang puso at ito'y hindi makapamunga. 20 Ang iba nama'y tulad ng nahasik sa matabang lupa. Nakinig sila sa Salita, tinanggap ito at namumunga ng tatlumpu, animnapu at isandaan.”

Ang Ilawan sa Ilalim ng Takalan(E)

21 Sinabi (F) pa ni Jesus, “Ang ilaw bang sinindihan ay inilalagay sa ilalim ng takalan, o sa ilalim ng higaan? Hindi ba't inilalagay ito sa talagang patungan ng ilaw? 22 Sapagkat (G) anumang nakatago ay malalantad, at anumang nalilihim ay mabubunyag. 23 Ang may pandinig ay makinig.” 24 Sinabi rin (H) niya, “Unawain ninyong mabuti ang inyong pinakikinggan. Kung ano ang panukat na ginamit ninyo ay siya ring gagamitin sa inyo, at higit pa roon ang ibibigay sa inyo. 25 Sapagkat (I) ang mayroon na ay bibigyan pa; at ang wala, pati na ang nasa kanya ay kukunin pa.”

Ang Binhing Tumutubo

26 Sinabi pa ni Jesus, “Ang paghahari ng Diyos ay katulad nito: May isang taong naghasik ng binhi sa lupa. 27 Natutulog siya at gumigising sa araw at gabi, sumisibol pa rin at lumalaki ang binhi nang hindi niya namamalayan kung paano. 28 Ang lupa sa kanyang sarili ang nagpapasibol sa halaman,[a] una ang usbong, saka ang uhay, pagkatapos ay ang uhay na hitik sa butil. 29 Kapag (J) hinog na ang bunga, magsusugo agad ang magsasaka ng gagapas sapagkat panahon na ng pag-aani.”

Ang Butil ng Mustasa(K)

30 Nagpatuloy si Jesus, “Saan natin maihahambing ang paghahari ng Diyos? Ano'ng talinghaga ang gagamitin natin upang ilarawan ito? 31 Tulad ito ng binhi ng mustasa na siyang pinakamaliit sa lahat ng mga binhi. 32 Ngunit kapag ito'y naihasik, lumalaki ito at nagiging pinakamalaki sa lahat ng halaman. Yumayabong ang mga sanga nito, kaya't ang mga ibon ay nakapagpupugad sa lilim nito.”

Ang Paggamit ng mga Talinghaga(L)

33 Sa pamamagitan ng gayong maraming talinghaga ipinangaral sa kanila ni Jesus ang Salita, ayon sa kakayahan nilang makinig. 34 Hindi siya nangaral sa kanila nang hindi gumagamit ng talinghaga. Ngunit ipinapaliwanag niya ang lahat nang sarilinan sa kanyang mga alagad.

Pinatigil ni Jesus ang Unos(M)

35 Kinagabihan, sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Tumawid tayo sa ibayo.” 36 Kaya't iniwan nila ang mga tao at tumawid ng lawa lulan ng bangkang sinasakyan ni Jesus. May iba pang mga bangkang sumabay sa kanila. 37 Dumating ang isang malakas na unos kaya't hinampas ng malalaking alon ang bangkang kanilang sinasakyan. Halos mapuno na ito ng tubig. 38 Si Jesus nama'y natutulog sa hulihan ng bangka at nakahilig sa isang unan. Ginising siya ng mga alagad. “Guro,” sabi nila, “wala ba kayong malasakit? Malulunod na tayo!” 39 Bumangon si Jesus, sinaway ang hangin at inutusan ang lawa, “Pumayapa ka. Tumahimik ka!” Tumigil nga ang hangin at nagkaroon ng katahimikan. 40 Sinabi niya sa mga alagad, “Bakit kayo natakot? Wala pa ba kayong pananampalataya?” 41 Labis silang natakot at sinabi sa isa't isa, “Sino kaya ito? Pati hangin at tubig ay sumusunod sa kanya?”

Footnotes

  1. Marcos 4:28 Sa Griyego, walang sa halaman.