Add parallel Print Page Options

Ang Balak Laban kay Jesus(A)

14 Dalawang(B) araw noon bago ang Paskuwa at ang kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Pinag-iisipan ng mga punong pari at ng mga eskriba kung paano huhulihin siya nang patago at siya'y maipapatay.

Sapagkat sinabi nila, “Huwag sa kapistahan, baka magkagulo ang taong-bayan.”

Binuhusan ng Pabango si Jesus(C)

Samantalang(D) siya'y nasa Betania, sa bahay ni Simon na ketongin, habang siya'y nakaupo sa hapag-kainan, dumating ang isang babae na may dalang isang sisidlang alabastro na punô ng mamahaling pabangong purong nardo, binasag niya ang sisidlan at ibinuhos ang pabango sa kanyang ulo.

Ngunit may ilan doon na pagalit na sinabi sa kanilang sarili, “Bakit sinayang nang ganito ang pabango?

Sapagkat ang pabangong ito'y maipagbibili ng higit sa tatlong daang denario, at maipamimigay sa mga dukha.” At kanilang pinagalitan ang babae.

Ngunit sinabi ni Jesus, “Hayaan ninyo siya; bakit ninyo siya ginugulo? Isang mabuting bagay ang ginawa niya sa akin.

Sapagkat(E) lagi ninyong kasama ang mga dukha at kung kailan ninyo nais, magagawan ninyo sila ng mabuti, ngunit ako'y hindi ninyo laging makakasama.

Ginawa niya ang kanyang makakaya; nagpauna na niyang pahiran ang katawan ko para sa paglilibing.

Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Saanman ipangaral ang ebanghelyo sa buong sanlibutan, ang ginawa ng babaing ito ay sasabihin sa pag-alaala sa kanya.”

Nakipagsabwatan si Judas sa mga Kaaway ni Jesus(F)

10 Si Judas Iscariote naman, na isa sa labindalawa, ay nagpunta sa mga punong pari upang maipagkanulo siya sa kanila.

11 Nang marinig nila ito, sila'y nagalak at nangakong siya'y bibigyan ng salapi. Kaya't naghanap siya ng pagkakataong maipagkanulo siya.

Kumain ng Hapunang Pampaskuwa si Jesus at ang Kanyang mga Alagad(G)

12 Nang unang araw ng Tinapay na Walang Pampaalsa, nang kanilang inihahandog ang kordero ng Paskuwa, sinabi sa kanya ng kanyang mga alagad, “Saan mo kami ibig pumunta at ipaghanda ka upang makakain ng kordero ng Paskuwa?”

13 Isinugo niya ang dalawa sa kanyang mga alagad at sa kanila'y sinabi, “Pumunta kayo sa lunsod at doo'y sasalubungin kayo ng isang lalaki na may dalang isang bangang tubig. Sundan ninyo siya.

14 At kung saan siya pumasok, sabihin ninyo sa may-ari ng bahay, na sinasabi ng Guro, ‘Nasaan ang aking silid-tuluyan na kung saan maaari kong kainin ang kordero ng Paskuwa na kasalo ng aking mga alagad?’

15 Ituturo niya sa inyo ang isang malaking silid sa itaas na may mga kagamitan at handa na. At doon ay maghanda kayo para sa atin.”

16 Kaya't umalis ang mga alagad, nagpunta sa lunsod, at natagpuan ang lahat ayon sa sinabi niya sa kanila. Inihanda nila ang korderong pampaskuwa.

17 Pagsapit ng gabi, naparoon siyang kasama ang labindalawa.

18 Nang(H) sila'y nakaupo na at kumakain, sinabi ni Jesus, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ipagkakanulo ako ng isa sa inyo, ang kasalo kong kumakain.”

19 Sila'y nagsimulang malungkot at isa-isang nagsabi sa kanya, “Ako ba?”

20 Sinabi niya sa kanila, “Isa sa labindalawa, ang kasabay kong sumawsaw sa mangkok.

21 Sapagkat papanaw ang Anak ng Tao, ayon sa nasusulat tungkol sa kanya, ngunit kahabag-habag ang taong iyon na sa pamamagitan niya ay ipinagkakanulo ang Anak ng Tao! Mabuti pa sa taong iyon ang hindi na siya ipinanganak.”

Ang Banal na Hapunan(I)

22 Samantalang sila'y kumakain, dumampot siya ng tinapay, at nang kanyang mabasbasan ay kanyang pinagputul-putol, ibinigay sa kanila at sinabi, “Kunin ninyo; ito ang aking katawan.”

23 Siya'y dumampot ng isang kopa at nang siya'y makapagpasalamat ay ibinigay niya sa kanila, at mula roo'y uminom silang lahat.

24 At(J) sinabi niya sa kanila, “Ito ang aking dugo ng tipan,[a] na nabubuhos para sa marami.

25 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, hindi na ako iinom mula sa bunga ng ubas, hanggang sa araw na iyon na inumin kong panibago sa kaharian ng Diyos.

26 At pagkaawit ng isang himno, lumabas sila patungo sa bundok ng mga Olibo.

Ang Unang Pagbanggit ni Jesus sa Pagtatatwa ni Pedro(K)

27 Sinabi(L) sa kanila ni Jesus, “Kayong lahat ay tatalikod sapagkat nasusulat, ‘Hahampasin ko ang pastol at kakalat ang mga tupa.’

28 Ngunit(M) matapos akong maibangon, mauuna ako sa inyo sa Galilea.”

29 Subalit sinabi sa kanya ni Pedro, “Kahit tumalikod man ang lahat, ako'y hindi.”

30 Kaya't sinabi sa kanya ni Jesus, “Katotohanang sinasabi ko sa iyo na ngayon, sa gabi ring ito, bago tumilaok ang manok ng makalawa, itatatwa mo ako nang tatlong ulit.”

31 Ngunit sinabi niya nang may diin, “Kung kinakailangang mamatay akong kasama mo, hindi kita ipagkakaila.” Gayundin ang sinabi ng lahat.

Nanalangin si Jesus sa Getsemani(N)

32 Pagkatapos ay nagpunta sila sa isang dako na tinatawag na Getsemani at sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Maupo kayo rito habang ako'y nananalangin.”

33 Kanyang isinama sina Pedro, Santiago at Juan, at nagsimula siyang malungkot at mabagabag.

34 Sinabi niya sa kanila, “Ako'y lubhang nalulungkot, hanggang sa kamatayan; manatili kayo rito at manatiling gising.”

35 Paglakad niya sa malayu-layo, siya'y nagpatirapa sa lupa at idinalangin na kung maaari ay makalampas sa kanya ang oras.

36 At kanyang sinabi, “Abba, Ama, para sa iyo ang lahat ng bagay ay maaaring mangyari. Ilayo mo sa akin ang kopang ito, gayunma'y hindi ang nais ko, kundi ang sa iyo.”

37 Siya'y bumalik at naratnang sila'y natutulog at sinabi niya kay Pedro, “Simon, natutulog ka ba? Hindi mo ba kayang manatiling gising sa loob ng isang oras?

38 Manatili kayong gising at manalangin upang huwag kayong pumasok sa tukso; tunay na ang espiritu ay nagnanais, ngunit ang laman ay mahina.”

39 Muli siyang umalis at nanalangin na sinabi ang gayunding mga salita.

40 At muli siyang nagbalik at naratnang sila'y natutulog, sapagkat mabigat na mabigat na ang kanilang mga mata at hindi nila nalalaman kung ano ang isasagot sa kanya.

41 Bumalik siya sa ikatlong pagkakataon at sinabi sa kanila, “Natutulog pa rin ba kayo at nagpapahinga? Tama na! Dumating na ang oras; ang Anak ng Tao ay ipinagkakanulo sa mga kamay ng mga makasalanan.

42 Bumangon kayo, umalis na tayo. Narito, malapit na ang nagkakanulo sa akin.”

Ang Pagdakip kay Jesus(O)

43 Kaagad, samantalang nagsasalita pa siya, dumating si Judas na isa sa labindalawa. Kasama niya ang maraming tao na may mga tabak at mga pamalo, na mula sa mga punong pari, sa mga eskriba at sa matatanda.

44 At ang nagkanulo sa kanya ay nagbigay sa kanila ng isang hudyat, na sinasabi, “Ang aking halikan ay iyon na; hulihin ninyo siya at dalhin siyang may bantay.”

45 Kaya't nang dumating siya, lumapit siya agad sa kanya at nagsabi, “Rabi,” at siya'y kanyang hinalikan.

46 Siya'y sinunggaban nila at siya'y kanilang dinakip.

47 Ngunit ang isa sa nakatayo roon ay bumunot ng kanyang tabak, tinaga ang alipin ng pinakapunong pari, at tinigpas ang kanyang tainga.

48 Sinabi naman ni Jesus sa kanila, “Kayo ba'y lumabas na may mga tabak at mga pamalo upang dakpin ako na parang isang tulisan?

49 Araw-araw(P) ay kasama ninyo ako sa templo na nagtuturo at hindi ninyo ako hinuhuli. Ngunit nangyari ito upang matupad ang mga kasulatan.”

50 Iniwan siya ng lahat at tumakas sila.

51 Sinundan siya ng isang binata na walang suot kundi isang telang lino lamang at siya'y kanilang sinunggaban.

52 Ngunit kanyang binitawan ang telang lino at tumakas na hubad.

Si Jesus sa Harap ng Sanhedrin(Q)

53 Dinala nila si Jesus sa pinakapunong pari at nagtipon ang lahat ng mga punong pari, matatanda at mga eskriba.

54 Si Pedro ay sumunod sa kanya sa malayo, hanggang sa loob ng patyo ng pinakapunong pari; at nakiumpok siya sa mga kawal, at nagpainit ng sarili sa apoy.

55 Ang mga punong pari naman at ang buong Sanhedrin ay naghahanap ng patotoo laban kay Jesus upang siya'y ipapatay; ngunit wala silang matagpuan,

56 sapagkat marami ang sumasaksi ng kasinungalingan laban sa kanya, at ang kanilang mga patotoo ay hindi nagkakatugma.

57 Tumayo ang ilan at sumaksi ng kasinungalingan laban sa kanya, na sinasabi,

58 “Narinig(R) naming sinabi niya, ‘Gigibain ko ang templong ito na gawa ng mga kamay, at sa loob ng tatlong araw ay magtatayo ako ng iba na hindi gawa ng mga kamay.’”

59 Ngunit sa gayong paraan ay hindi rin nagkatugma ang patotoo nila.

60 Tumayo sa harapan nila ang pinakapunong pari at tinanong si Jesus, “Wala ka bang isasagot? Ano itong pinatotohanan nila laban sa iyo?”

61 Ngunit siya'y tumahimik at hindi nagsalita ng anuman. Tinanong siyang muli ng pinakapunong pari at sinabi sa kanya, “Ikaw ba ang Cristo, ang Anak ng Pinagpala?”

62 Sinabi(S) ni Jesus, “Ako nga; at makikita ninyo ang Anak ng Tao na nakaupo sa kanan ng Makapangyarihan at dumarating na nasa mga alapaap ng langit.”

63 Pinunit ng pinakapunong pari ang kanyang damit at nagsabi, “Ano pang kailangan nating mga saksi?

64 Narinig(T) ninyo ang kanyang paglapastangan! Ano ang inyong pasiya?” At hinatulan nilang lahat na siya'y dapat mamatay.

65 Nagsimula ang ilan na duraan siya, tinakpan ang kanyang mukha, at siya'y pinagsusuntok, na sinasabi nila sa kanya, “Hulaan mo!” Kinuha siya ng mga bantay at siya'y pinagsasampal.

Itinatwa ni Pedro si Jesus(U)

66 Samantalang nasa ibaba si Pedro, sa patyo, lumapit ang isa sa mga alilang babae ng pinakapunong pari.

67 Nang makita niya si Pedro na nagpapainit, siya'y kanyang tinitigan at sinabi, “Ikaw man ay kasama rin ni Jesus na taga-Nazaret.”

68 Ngunit siya'y nagkaila, na sinasabi, “Hindi ko nalalaman, ni nauunawaan ang sinasabi mo.” At lumabas siya sa pasilyo [pagkatapos ay tumilaok ang manok].

69 Nakita siya ng alilang babae at nagsimulang magsabing muli sa mga nakatayo roon, “Ang taong ito ay isa sa kanila.”

70 Ngunit muling nagkaila siya. At pagkaraan ng ilang sandali, sinabing muli ng mga nakatayo roon kay Pedro, “Tunay na ikaw ay isa sa kanila, sapagkat ikaw ay taga-Galilea.”

71 Ngunit siya'y nagsimulang magmura at sumumpa, “Hindi ko nakikilala ang taong ito na inyong sinasabi.”

72 At kaagad, sa ikalawang pagkakataon ay tumilaok ang manok at naalala ni Pedro ang sinabi ni Jesus sa kanya, “Bago tumilaok ang manok ng makalawa ay ipagkakaila mo ako ng tatlong ulit.” Nanlumo siya at tumangis.

Footnotes

  1. Marcos 14:24 Sa ibang mga kasulatan ay dugo ng bagong tipan .

Balak Patayin si Jesus(A)

14 Dalawang (B) araw na lamang bago ang Paskuwa at ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Patuloy na naghanap ng paraan ang mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan kung paano palihim na maipadadakip si Jesus at maipapatay. Sinabi nila, “Huwag sa panahon ng pista at baka magkagulo ang mga tao.”

Binuhusan ng Pabango si Jesus(C)

Samantalang (D) nasa Betania si Jesus, sa bahay ni Simon na ketongin, habang nakaupo siya sa may hapag-kainan ay dumating ang isang babaing may dalang sisidlang alabastro na puno ng pabango. Mamahalin ang pabangong ito na mula sa katas ng purong nardo. Binasag ng babae ang sisidlan at ibinuhos ang pabango sa ulo ni Jesus. Ngunit may ilan doong galit na nagsabi sa isa't isa, “Bakit sinayang nang ganyan ang pabango? Maaari sanang ipagbili ang pabangong iyan ng higit sa tatlong daang denaryo[a] at ipamigay sa mga dukha ang pinagbilhan!” At kanilang pinagalitan ang babae. Ngunit sinabi ni Jesus, “Bakit ninyo siya ginugulo? Hayaan ninyo siya! Isang mabuting bagay ang ginawa niya sa akin. Lagi (E) ninyong kasama ang mga dukha, at kapag nais ninyo, maaari ninyo silang gawan ng mabuti! Ngunit ako'y hindi ninyo laging makakasama. Ginawa niya ang kanyang makakaya. Binuhusan na niya ako ng pabango bilang paghahanda sa aking libing. Tinitiyak ko sa inyo, saanman ipangaral ang ebanghelyo sa buong sanlibutan, sasabihin ang ginawa ng babaing ito bilang pag-alaala sa kanya.”

Pumayag si Judas na Ipagkanulo si Jesus(F)

10 Pagkatapos, si Judas Iscariote, isa sa labindalawa, ay nagpunta sa mga punong pari upang ipagkanulo si Jesus sa kanila. 11 Natuwa ang mga punong pari nang marinig ito at nangakong bibigyan siya ng salapi. Mula noo'y naghanap na siya ng pagkakataong maipagkanulo si Jesus.

Si Jesus at ang mga Alagad nang Araw ng Paskuwa(G)

12 Nang unang araw ng Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa sa araw ng paghahain ng kordero ng Paskuwa, tinanong si Jesus ng kanyang mga alagad, “Saan po ninyo gustong ipaghanda namin kayo upang makakain ng hapunang pampaskuwa?” 13 Inutusan niya ang dalawa sa kanyang mga alagad, “Pumunta kayo sa lungsod at masasalubong ninyo doon ang isang lalaking may dalang banga ng tubig. Sundan ninyo siya. 14 Sabihin ninyo sa may-ari ng bahay na kanyang papasukan, ‘Ipinatatanong po ng Guro kung saang silid siya maaaring kumain ng hapunang pampaskuwa, kasalo ang kanyang mga alagad.’ 15 Ituturo niya sa inyo ang isang malaking silid sa itaas na nakahanda na at mayroon nang mga kagamitan. Doon kayo maghanda para sa atin.” 16 Kaya't umalis ang mga alagad, nagpunta sa lungsod, at natagpuan doon ang lahat ayon sa sinabi ni Jesus. At inihanda nila ang Hapunang Pampaskuwa. 17 Kinagabihan, dumating si Jesus kasama ang labindalawa. 18 Nang (H) nakaupo na sila at kumakain, sinabi ni Jesus, “Tinitiyak ko sa inyo na ipagkakanulo ako ng isa sa inyong kasalo ko ngayon.” 19 Nalungkot ang mga alagad at isa-isang nagsabi sa kanya, “Hindi ako iyon, Panginoon, di po ba?” 20 Sinabi niya sa kanila, “Isa sa inyong labindalawa na kasabay ko sa pagsawsaw sa mangkok. 21 Papanaw ang Anak ng Tao, ayon sa nasusulat tungkol sa kanya, ngunit kahabag-habag ang taong iyon na magkakanulo sa kanya! Mabuti pa sa taong iyon ang hindi na ipinanganak.”

Ang Hapunan ng Panginoon(I)

22 Habang kumakain sila, kumuha si Jesus ng tinapay at nagpasalamat sa Diyos. Pagkatapos, pinagputul-putol niya ang tinapay, ibinigay sa mga alagad at sinabi, “Tanggapin ninyo; ito ang aking katawan.” 23 Dumampot din siya ng kopa at matapos magpasalamat sa Diyos, iniabot ito sa mga alagad at mula roon ay uminom silang lahat. 24 Sinabi (J) niya sa kanila, “Ito ang aking dugo ng tipan,[b] na ibinubuhos para sa marami. 25 Katotohanan ang sinasabi ko sa inyo, hindi na ako iinom ng alak mula sa katas ng ubas hanggang sa araw na iyon na uminom ako nang panibago sa kaharian ng Diyos.” 26 Pagkaawit ng isang himno, lumabas sila at nagpunta sa Bundok ng mga Olibo.

Sinabi ang Pagkakaila ni Pedro(K)

27 Sinabi (L) ni Jesus sa kanila, “Tatalikod kayong lahat, sapagkat nasusulat, ‘Hahampasin ko ang pastol at pagwawatak-watakin ang mga tupa.’ 28 Ngunit (M) matapos na ako'y maibangon, mauuna ako sa inyo sa Galilea.” 29 Sinabi sa kanya ni Pedro, “Talikuran man kayo ng lahat, hindi ko kayo tatalikuran.” 30 Ngunit sinabi sa kanya ni Jesus, “Tinitiyak ko sa iyo na sa gabi ring ito, bago ang ikalawang pagtilaok ng tandang ay ipagkakaila mo ako ng tatlong ulit.” 31 Ngunit ipinagdiinan ni Pedro, “Mamatay man akong kasama mo, hinding-hindi ko kayo ipagkakaila.” At ganoon din ang sinabi ng lahat.

Nanalangin si Jesus sa Getsemani(N)

32 Pagkatapos ay nagpunta sila sa isang lugar na tinatawag na Getsemani. Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Maupo muna kayo rito habang ako'y nananalangin.” 33 Isinama niya sina Pedro, Santiago at Juan. Nagsimula siyang mabagabag at mabahala. 34 Sinabi niya sa kanila, “Ang kalooban ko'y punung-puno ng kalungkutan, na halos ikamatay ko. Maghintay kayo at magbantay.” 35 Lumayo nang kaunti si Jesus at nagpatirapa sa lupa. Idinalangin niya na kung maaari'y huwag nang dumating ang kanyang oras. 36 Sinabi niya, “Abba,[c] Ama! Kaya mong gawin ang lahat. Ilayo mo ang kopang ito sa akin. Gayunman, hindi ang nais ko kundi ang nais mo ang masunod.” 37 Bumalik siya sa mga alagad at dinatnang sila'y natutulog. Sinabi niya kay Pedro, “Simon, natutulog ka? Hindi mo ba kayang magbantay kahit isang oras? 38 Magbantay kayo at manalangin upang hindi kayo mahulog sa tukso. May pagnanais ang espiritu ngunit mahina ang laman.” 39 Umalis muli si Jesus, nanalangin at inulit ang kanyang kahilingan. 40 Nang bumalik siya sa mga alagad, sila'y muli niyang nadatnang natutulog dahil sila'y antok na antok. Hindi na nila alam ang isasagot sa kanya. 41 Sa ikatlo niyang pagbabalik ay sinabi niya sa kanila, “Natutulog pa rin kayo at nagpapahinga? Tama na! Oras na! Ipinagkakanulo na ang Anak ng Tao sa kamay ng mga makasalanan. 42 Bumangon na kayo! Umalis na tayo. Tingnan ninyo, papalapit na ang magkakanulo sa akin.”

Ang Pagdakip kay Jesus(O)

43 Nagsasalita pa si Jesus nang dumating si Judas na isa sa Labindalawa. Kasama niya ang maraming taong may dalang mga tabak at mga pamalo. Sinugo sila ng mga punong pari, mga tagapagturo ng Kautusan at ng matatandang pinuno ng bayan. 44 Humudyat sa kanila ang magkakanulo sa kanya: “Ang hahalikan ko ang siyang hinahanap ninyo. Hulihin ninyo siya at bantayang mabuti.” 45 Kaya't sa pagdating, lumapit agad iyon kay Jesus at bumati, “Rabbi,” at siya'y kanyang hinalikan. 46 Hinawakan ng mga tao si Jesus sa kamay at dinakip. 47 Ngunit isa sa mga naroon ang bumunot ng tabak at tinaga ang alipin ng Kataas-taasang Pari. Natagpas ang tainga nito. 48 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ako ba'y tulisan at may dala pa kayong mga tabak at mga pamalo upang ako'y hulihin? 49 Araw-araw (P) kasama ninyo ako sa Templo habang ako'y nagtuturo, ngunit hindi ninyo ako hinuhuli. Gayunman, kailangang mangyari ito upang matupad ang sinasabi sa Kasulatan.” 50 Tumakas ang lahat ng alagad at iniwan siya.

51 Isang binata ang sumunod sa kanya nang walang damit kundi ang balabal niyang lino. Nang siya'y hinawakan ng mga tao, 52 nabitawan niya ang kanyang balabal at siya'y tumakas na hubad.

Si Jesus sa Harap ng Sanhedrin(Q)

53 Dinala nila si Jesus sa Kataas-taasang Pari at nagkaroon ng pagtitipon doon ang lahat ng mga punong pari, matatandang pinuno ng bayan at mga tagapagturo ng Kautusan. 54 Mula sa malayo ay sumunod si Pedro kay Jesus, hanggang sa loob ng patyo ng Kataas-taasang Pari. Naupo siyang kasama ng mga kawal at nagpainit sa tabi ng siga. 55 Naghahanap ng katibayan laban kay Jesus ang mga punong pari at ang buong Sanhedrin upang siya'y maipapatay, ngunit wala silang matagpuan. 56 Maraming nagbigay ng maling pahayag tungkol sa kanya, ngunit hindi nagkakatugma ang mga ito. 57 May mga tumayo at nagsabi ng ganitong kasinungalingan, 58 “Narinig (R) naming sinabi ng taong iyan, ‘Gigibain ko ang templong ito na gawa ng tao, at sa loob ng tatlong araw ay magtatayo ako ng ibang templo na hindi gawa ng mga kamay.’ ” 59 Ngunit hindi pa rin nagkakatugma ang mga pahayag nila. 60 Tumayo sa harapan ng kapulungan ang Kataas-taasang Pari at tinanong si Jesus, “Wala ka bang isasagot? Ano itong sinasabi nila laban sa iyo?” 61 Subalit nanatiling tahimik si Jesus at hindi sumagot. Tinanong siyang muli ng Kataas-taasang Pari, “Ikaw ba ang Cristo, ang Anak ng Pinagpala?” 62 Sumagot (S) si Jesus, “Ako nga. At makikita ninyo ang Anak ng Taong nakaupo sa kanan ng Makapangyarihan, dumarating na nasa ulap ng himpapawid.” 63 Pinunit ng Kataas-taasang Pari ang kanyang damit at nagsabi, “Kailangan pa ba natin ng saksi? 64 Narinig (T) na ninyo ang paglapastangan! Ano sa palagay ninyo?” At siya'y hinatulan nilang lahat na karapat-dapat siyang mamatay. 65 Sinimulan siyang duraan ng ilan sa mga naroon, piniringan ang kanyang mga mata, at siya'y pinagsusuntok. “Hulaan mo kung sino ang sumuntok sa iyo!” sabi nila. Kinuha siya ng mga bantay at pinagsasampal.

Ipinagkaila ni Pedro si Jesus(U)

66 Samantala, si Pedro na nasa ibaba ay nilapitan ng isa sa mga aliping babae ng Kataas-taasang Pari. 67 Nakita niya si Pedro na nagpapainit sa tabi ng siga, tinitigan niya ito at sinabi, “Kasama ka rin ni Jesus na taga-Nazareth.” 68 Ngunit nagkaila si Pedro, “Hindi ko alam at hindi ko naiintindihan ang sinasabi mo.” At lumabas siya sa pasilyo [at pagkatapos ay tumilaok ang manok.][d] 69 Muli siyang nakita doon ng aliping babae at sinabi sa mga naroon, “Ang taong ito'y isa sa kanila.” 70 Ngunit muling nagkaila si Pedro. Pagkaraan ng ilang sandali ay sinabi ng mga nakatayo roon kay Pedro, “Talagang isa ka sa kanila dahil ikaw ay taga-Galilea.” 71 Ngunit si Pedro'y nagsimulang magmura at sumumpa, “Hindi ko kilala ang taong sinasabi ninyo!” 72 Siya namang pagtilaok ng manok sa ikalawang pagkakataon. Naalala ni Pedro ang sinabi sa kanya ni Jesus, “Bago ang ikalawang pagtilaok ng tandang ay ipagkakaila mo ako ng tatlong ulit.” Nanlumo siya at tumangis.

Footnotes

  1. Marcos 14:5 “denaryo” ay katumbas ng halos isang taong sahod ng karaniwang manggagawa.
  2. Marcos 14:24 Sa ibang mga manuskrito bagong tipan.
  3. Marcos 14:36 Abba, salitang Aramaico na ibig sabihin ay Ama.
  4. Marcos 14:68 Sa ibang naunang manuskrito wala ang bahaging ito.