Add parallel Print Page Options

Ang mga Handog sa Panginoon

22 Inutusan ng Panginoon si Moises na sabihin ito kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki:

Huwag ninyong lapastanganin ang banal kong pangalan. Igalang ninyo ang mga handog na inihahandog sa akin ng mga Israelita. Ako ang Panginoon.

Ang sinumang anak ni Aaron ngayon at sa susunod pang mga henerasyon na hihipo ng handog para sa akin ngunit siyaʼy itinuturing na marumi,[a] ay hindi na makapaglilingkod bilang pari. Ako ang Panginoon.

4-7 Walang sinuman sa inyo ang maaaring kumain ng handog kung siyaʼy may malubhang sakit sa balat,[b] o may sakit na tulo o nakahipo ng anumang bagay na marumi dahil nadikit ito sa patay, o nilabasan ng binhi, o nakahipo ng hayop o tao na itinuturing na marumi. Siyaʼy maaari lamang kumain ng mga handog kung siyaʼy nakapaligo na.[c] Pero maghihintay siya hanggang sa paglubog ng araw at saka pa lang siya makakakain ng mga handog na pagkain niya bilang pari.

Hindi kayo dapat kumain ng alin mang karne ng namatay na hayop o pinatay ng kapwa hayop, dahil kapag ginawa ninyo ito, kayoʼy ituturing na marumi. Ako ang Panginoon.

Kaya dapat ninyong sundin ang mga iniuutos kong ito sa inyo para hindi kayo magkasala sa akin o mamatay. Ako ang Panginoong nagtalaga sa inyo para sa akin.

10 Kayong mga pari at ang inyong sambahayan lang ang makakakain ng bahagi ng handog na para sa mga pari. Hindi maaaring kumain nito ang inyong mga panauhin o ang inyong mga upahang manggagawa. 11 Pero maaaring kumain ang inyong aliping binili, o ipinanganak sa tahanan ninyo. 12 Hindi rin maaaring kumain nito ang babaeng anak ng pari na nakapag-asawa ng hindi pari. 13 Pero kung siyaʼy nabiyuda o naghiwalay sila ng kanyang asawa at wala silang anak, at muling tumira sa kanyang ama, siyaʼy maaaring kumain ng pagkaing tinatanggap ng kanyang ama bilang pari.

Tandaan ninyong mabuti na kayong mga pari lang at ang inyong sambahayan ang maaaring kumain ng bahagi ng handog na para sa inyo. 14 Pero kung sa hindi inaasahang pangyayari ay may taong nakakain na hindi kabilang sa inyong sambahayan, dapat niyang palitan ang kanyang kinain at dadagdagan pa niya ng 20 porsiyento ang halaga noon.

15 Kayong mga pari, pakaingatan ninyo ang mga handog na inihahandog sa akin ng mga Israelita, 16 para sa inyong pagkain nito ay hindi kayo magkasala at nang wala kayong pananagutan sa akin. Ako ang Panginoong nagtalaga sa inyo para sa akin.

Mga Tuntunin tungkol sa Pagpili ng Hayop na Ihahandog

17 Inutusan ng Panginoon si Moises 18 na sabihin ito kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki, sa lahat ng mga Israelita pati na sa mga dayuhang naninirahang kasama nila:

Kung ang iaalay ay handog na sinusunog bilang handog para tuparin ang isang panata o handog na kusang-loob, 19 ang kailangan ay lalaking baka o tupa, o kambing na walang kapintasan para tanggapin ko. 20 Huwag kayong maghahandog ng may kapansanan dahil hindi ko iyon tatanggapin. 21 Kung ang handog para sa mabuting relasyon sa akin ay inialay bilang handog para tuparin ang isang panata o handog na kusang-loob, itoʼy kailangang baka, tupa, o kambing na walang kapintasan upang itoʼy tanggapin ko. 22 Huwag kayong maghahandog sa akin ng bulag, may bali, may sugat, o may sakit sa balat. Huwag ninyo itong ialay sa altar bilang handog sa akin sa pamamagitan ng apoy. 23 Pero maaari kayong mag-alay ng handog na kusang-loob na baka o tupang bansot o may kapansanan ang isang bahagi ng katawan, pero hindi ito maaaring ialay bilang handog para tuparin ang isang panata. 24 Huwag kayong maghahandog sa akin ng hayop na kinapon o may kapansanan ang itlog. Huwag ninyong gagawin iyon sa inyong lupain. 25 Huwag din kayong bumili ng mga hayop na ganoong uri mula sa ibang lugar at ihandog sa akin, dahil hindi ko iyon tatanggapin.

26-27 Ang bagong ipinanganak na baka, tupa, o kambing ay dapat manatili sa kanyang ina sa loob ng pitong araw. Pero mula sa ikawalong araw, maaari na itong ialay sa akin bilang handog sa pamamagitan ng apoy. 28 Huwag ninyong ihahandog nang sabay sa isang araw ang baka o tupa at ang kanyang anak.

29 Kung kayoʼy maghahandog sa akin ng handog ng pasasalamat, sundin ninyo ang tamang paraan sa paghahandog nito para tanggapin ko ito. 30 At dapat ninyo itong kainin sa araw ding iyon ng paghahandog at huwag kayong magtitira hanggang sa kinabukasan. Ako ang Panginoon.

31 Sundin ninyo ang aking mga utos. Ako ang Panginoon. 32 Huwag ninyong lapastanganin ang banal kong pangalan, at akoʼy kilalanin ninyong banal. Ako ang Panginoong nagtalaga sa inyo para sa akin. 33 Ako ang naglabas sa inyo sa Egipto para maging Dios ninyo. Ako ang Panginoon.

Footnotes

  1. 22:3 marumi: Ang ibig sabihin, hindi siya karapat-dapat na makisama sa kanilang mga seremonyang pangrelihiyon.
  2. 22:4-7 malubhang sakit sa balat: sa ibang salin, ketong. Ang salitang Hebreo nito ay ginamit sa ibaʼt ibang uri ng sakit sa balat na itinuturing na marumi ayon sa Lev. 13.
  3. 22:4-7 nakapaligo na: isa sa mga gawain na ginagawa ng mga Israelita para silaʼy maging malinis at karapat-dapat na makisama sa kanilang mga seremonyang pangrelihiyon.
'Levitico 22 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.

Batas ng kalinisan para sa mga saserdote.

22 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

Salitain mo kay Aaron at sa kaniyang mga anak (A)na sila'y magsihiwalay sa mga banal na bagay ng mga anak ni Israel, (B)na ikinagiging banal nila sa akin, at huwag nilang lapastanganin ang aking banal na pangalan: ako ang Panginoon.

Sabihin mo sa kanila, Sinomang lalake sa lahat ng inyong binhi sa buong panahon ng inyong lahi, na lumapit sa mga banal na bagay na ikinagiging banal ng mga anak ni Israel sa Panginoon, (C)na taglay ang kaniyang karumihan, ay ihihiwalay ang taong iyon sa harap ko: ako ang Panginoon.

Sinomang lalake sa binhi ni Aaron na may ketong o (D)may agas; ay hindi kakain ng mga banal na bagay (E)hanggang siya'y malinis. At (F)ang humipo ng alin mang bagay na karumaldumal dahil sa patay, o (G)lalaking nilabasan ng binhi nito;

O sinomang (H)humipo ng anomang umuusad na makapagpaparumi, o (I)lalaking makakahawa dahil sa alin mang karumihan niya;

Ang lalaking humipo ng gayon ay magiging karumaldumal hanggang sa hapon, at hindi kakain ng mga banal na bagay maliban na (J)maligo siya sa tubig.

At pagkalubog ng araw, ay magiging malinis siya; at pagkatapos ay makakakain ng mga banal na bagay, (K)sapagka't siya niyang tinapay.

Yaong bagay na namatay sa sarili, o nilapa ng mga ganid, ay huwag niyang kakanin, na makapagpapahawa sa kaniya: ako ang Panginoon.

Iingatan nga nila ang aking bilin, (L)baka sila'y magkasala sa paraang iyan, at kanilang ikamatay, kung kanilang lapastanganin: ako ang Panginoon na nagpapaging banal sa kanila.

10 (M)Hindi makakakain ang sinomang taga ibang bayan ng banal na bagay: sinomang nakikipanuluyan sa saserdote, o aliping upahan niya ay hindi makakakain ng banal na bagay.

11 Nguni't kung ang saserdote ay bumili ng sinomang tao sa kaniyang salapi, ay makakakain ito; at gayon din ang aliping inianak sa kaniyang bahay (N)ay makakakain ng kaniyang tinapay.

12 At kung ang isang anak na babae ng saserdote ay magasawa sa isang taga ibang bayan, ay hindi makakakain sa handog na itinaas sa mga banal na bagay.

13 Datapuwa't kung ang anak na babae ng saserdote ay bao o inihiwalay, na walang anak (O)at bumalik sa bahay ng kaniyang ama (P)na gaya rin ng kaniyang pagkadalaga, ay makakakain ng tinapay ng kaniyang ama, nguni't ang sinomang taga ibang bayan ay hindi makakakain niyaon.

14 (Q)At kung ang sinomang lalake ay magkamaling kumain ng banal na bagay, ay kaniyang daragdagan pa nga ng ikalimang bahagi yaon, at ibibigay niya sa saserdote ang banal na bagay.

15 (R)At huwag nilang dudumhan ang mga banal na bagay ng mga anak ni Israel, na inihahandog sa Panginoon;

16 At (S)gayon papasanin ang kasamaan ng nagtataglay ng sala, pagka kanilang kinakain ang kanilang mga banal na bagay: sapagka't ako ang Panginoon na nagpapaging banal sa kanila.

Ang hayop na maaaring maging handog

17 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

18 Salitain mo kay Aaron at sa kaniyang mga anak, at sa lahat ng mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila, (T)Sinoman sa sangbahayan ni Israel, o sa mga taga ibang bayan sa Israel, na maghahandog ng kaniyang alay, maging anomang panata nila, o maging anomang kusang handog nila, na kanilang inihahandog sa Panginoon na pinaka handog na susunugin;

19 (U)Upang kayo'y tanggapin, ang inyong ihahandog ay lalaking hayop na walang kapintasan, sa mga baka, sa mga tupa, o sa mga kambing.

20 (V)Datapuwa't alin mang may kapintasan, ay huwag ninyong ihahandog; sapagka't hindi tatanggapin sa inyo.

21 (W)At sinomang maghandog sa Panginoon ng haing handog tungkol sa kapayapaan, (X)sa pagtupad ng isang panata o kaya'y kusang handog, na mula sa bakahan o sa kawan ay kinakailangang sakdal, upang tanggapin; anomang kapintasan ay huwag magkakaroon.

22 (Y)Bulag, o may bali, o may hiwa, o may sugat, o (Z)galisin, o malangib, ay huwag ninyong ihahandog ang mga ito sa Panginoon, ni huwag kayong maghahandog sa Panginoon ng mga iyan na (AA)pinaraan sa apoy sa ibabaw ng dambana.

23 Maging toro o tupa (AB)na may anomang kuntil o kulang sa kaniyang sangkap ng katawan, ay maihahandog mo na handog mo na kusa, datapuwa't sa panata ay hindi tatanggapin.

24 Yaong niluluslusan, o napisa, o nabasag, o naputol ay huwag ninyong ihahandog sa Panginoon; ni huwag kayong gagawa ng ganyan sa inyong lupain.

25 Ni mula sa kamay ng taga ibang lupa ay huwag ninyong ihahandog na (AC)pinakatinapay ng inyong Dios ang alin mang mga hayop na ito: (AD)sapagka't taglay nila ang kanilang karumhan, may kapintasan sa mga iyan: hindi tatanggapin sa inyo.

26 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

27 (AE)Pagka may ipinanganak, na baka, o tupa, o kambing ay mapapasa kaniyang ina ngang pitong araw; at mula sa ikawalong araw hanggang sa haharapin ay tatanggaping alay sa Panginoon na handog na pinaraan sa apoy.

28 At maging baka o tupa (AF)ay huwag ninyong papatayin sa isang araw siya at ang kaniyang anak.

29 (AG)At pagka kayo'y maghahandog ng haing pasalamat sa Panginoon, ay inyong ihahain upang kayo'y tanggapin.

30 Sa araw ding iyan kakanin; (AH)huwag kayong magtitira ng anoman niyan hanggang sa umaga: ako ang Panginoon.

31 (AI)Kaya't inyong iingatan ang aking mga utos, at inyong tutuparin: ako ang Panginoon.

32 (AJ)At huwag ninyong lalapastanganin ang aking banal na pangalan; (AK)kundi ako'y sasambahin sa gitna ng mga anak ni Israel: (AL)ako ang Panginoon na nagpapaging banal sa inyo,

33 (AM)Na naglabas sa inyo sa lupain ng Egipto, upang ako'y maging inyong Dios: ako ang Panginoon.