Add parallel Print Page Options

Ang Pagtatalaga kay Aaron at sa Kanyang mga Anak(A)

Ang Panginoon ay nagsalita kay Moises, na sinasabi:

“Isama mo si Aaron at ang kanyang mga anak, ang mga kasuotan, ang langis na pambuhos, ang torong handog pangkasalanan, ang dalawang tupang lalaki, at ang bakol ng mga tinapay na walang pampaalsa,

at tipunin ang buong kapulungan sa pintuan ng toldang tipanan.”

At ginawa ni Moises ang iniutos sa kanya ng Panginoon; at ang kapulungan ay nagkatipon sa pintuan ng toldang tipanan.

Sinabi ni Moises sa kapulungan, “Ito ang bagay na iniutos ng Panginoon na gawin.”

At dinala ni Moises si Aaron at ang kanyang mga anak, at hinugasan sila ng tubig.

At isinuot sa kanya ang tunika, binigkisan ng pamigkis, inilagay sa kanya ang balabal, ipinatong ang efod, at ibinigkis sa kanya ang pamigkis na efod na mahusay ang pagkakahabi at itinali ito sa kanya.

Ipinatong ni Moises[a] sa kanya ang pektoral, at inilagay ang Urim at ang Tumim sa pektoral.

At ipinatong ang turbante sa kanyang ulo; at ipinatong sa harapan ng turbante ang ginintuang plata, ang banal na korona; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

10 Pagkatapos ay kinuha ni Moises ang langis na pambuhos at binuhusan ang tabernakulo, at ang lahat ng naroon, at ang mga iyon ay itinalaga.

11 Iwinisik niya ang iba nito sa ibabaw ng dambana ng pitong ulit, at binuhusan ng langis ang dambana at ang lahat ng kasangkapan niyon, ang hugasan at ang tuntungan niyon, upang italaga ang mga iyon.

12 Kanyang binuhusan ng kaunting langis ang ulo ni Aaron upang italaga siya.

13 At pinalapit ni Moises ang mga anak ni Aaron, at sila'y dinamitan ng mga kasuotan, binigkisan ng mga pamigkis, at itinali sa kanilang ulo ang mga turbante, gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

14 Kanyang inilapit ang torong handog pangkasalanan at ipinatong ni Aaron at ng kanyang mga anak ang mga kamay nila sa ulo ng torong handog pangkasalanan,

15 at pinatay ito. Kinuha ni Moises ang kaunting dugo at ipinahid ito ng kanyang daliri sa ibabaw ng mga sungay sa palibot ng dambana, at nilinis ang dambana. Pagkatapos ay ibinuhos niya ang dugo sa paanan ng dambana sa gayo'y itinalaga niya ito upang makagawa ng pagtubos.

16 Kinuha ni Moises ang lahat ng taba na nasa mga lamang-loob, at ang lamad ng atay, at ang dalawang bato, at ang taba ng mga iyon, at sinunog ang mga iyon sa ibabaw ng dambana.

17 Subalit ang toro, at ang balat nito, ang laman, at ang dumi, ay sinunog niya sa labas ng kampo; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

18 Pagkatapos ay inilapit niya ang tupang lalaki na handog na sinusunog, at ipinatong ni Aaron at ng kanyang mga anak ang mga kamay nila sa ulo ng tupa,

19 at iyon ay pinatay. Iwinisik ni Moises ang dugo sa palibot ng dambana.

20 Kinatay ang tupa at ito ay sinunog ni Moises kasama ang ulo, ang mga bahagi, at ang taba.

21 Pagkatapos hugasan sa tubig ang lamang-loob at ang mga paa, ito ay sinunog ni Moises kasama ang buong tupa sa ibabaw ng dambana. Ito ay handog na sinusunog na mabangong samyo, isang handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy, gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

22 At inilapit niya ang ikalawang tupa, ang tupa ng pagtatalaga, at ipinatong ni Aaron at ng kanyang mga anak ang kanilang mga kamay sa ulo ng tupa.

23 Iyon ay pinatay ni Moises at kumuha siya ng kaunting dugo at nilagyan ang dulo ng kanang tainga ni Aaron, ang hinlalaki ng kanyang kanang kamay at ng kanang paa.

24 Pinalapit naman ang mga anak ni Aaron, at nilagyan ni Moises ng dugo ang dulo ng kanilang kanang tainga, ang hinlalaki ng kanilang kanang kamay at ng kanang paa; at iwinisik ni Moises ang dugo sa palibot ng dambana.

25 Pagkatapos ay kinuha niya ang taba, ang matabang buntot, at ang lahat ng tabang bumabalot sa lamang-loob, ang lamad ng atay, ang dalawang bato kasama ang taba ng mga iyon, at ang kanang hita.

26 Mula sa bakol ng tinapay na walang pampaalsa na inilagay sa harapan ng Panginoon, ay kumuha siya ng isang tinapay na walang pampaalsa, at ng isang tinapay na nilangisan at ng isang manipis na tinapay, at inilagay sa ibabaw ng taba at sa ibabaw ng kanang hita.

27 Lahat ng mga ito ay inilagay niya sa mga kamay ni Aaron at sa kamay ng kanyang mga anak, at iwinawagayway bilang handog na iwinawagayway sa harapan ng Panginoon.

28 Pagkatapos ay kinuha ni Moises ang mga iyon sa kanilang mga kamay, at sinunog sa ibabaw ng dambana kasama ng handog na sinusunog bilang handog sa pagtatalaga na mabangong samyo. Ito ay handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy.

29 Kinuha ni Moises ang dibdib at iwinagayway ito bilang handog na iwinawagayway sa harapan ng Panginoon. Ito ang bahagi ni Moises sa tupa ng pagtatalaga, gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

30 At kumuha si Moises ng langis na pambuhos, at ng dugong nasa ibabaw ng dambana, at iwinisik kay Aaron at sa kanyang mga suot, gayundin sa kanyang mga anak at sa mga suot ng kanyang mga anak. Itinalaga niya si Aaron at ang kanyang mga suot, ang kanyang mga anak, gayundin ang mga suot ng kanyang mga anak.

31 At sinabi ni Moises kay Aaron at sa kanyang mga anak, “Pakuluan ninyo ang laman sa pintuan ng toldang tipanan at doon ninyo kainin kasama ng tinapay ng pagtatalaga na nasa bakol, gaya ng iniutos ko, ‘Si Aaron at ang kanyang mga anak ay kakain nito.’

32 Ang nalabi sa laman at sa tinapay ay susunugin ninyo sa apoy.

33 Huwag kayong lalabas sa pintuan ng toldang tipanan sa loob ng pitong araw, hanggang sa maganap ang mga araw ng inyong pagtatalaga. Kailangan ang pitong araw upang maitalaga kayo;

34 gaya ng ginawa niya sa araw na ito, ay gayon ang iniutos ng Panginoon na gawin ninyo upang ipantubos sa inyo.

35 Mananatili kayo sa pintuan ng toldang tipanan gabi't araw sa loob ng pitong araw, at inyong tutuparin ang kautusan ng Panginoon, upang huwag kayong mamatay; sapagkat gayon ang iniutos sa akin.”

36 Ginawa ni Aaron at ng kanyang mga anak ang lahat na iniutos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.

Footnotes

  1. Levitico 8:8 Sa Hebreo ay niya .
'Levitico 8 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.

Pagtatalaga ng mga saserdote.

At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

(A)Dalhin mo si Aaron at pati ng kaniyang mga anak, (B)at ang mga kasuutan, (C)at ang langis na pangpahid, at ang torong handog dahil sa kasalanan, at ang dalawang tupang lalake, at ang bakol ng mga tinapay na walang lebadura:

At pulungin mo ang buong kapisanan sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan.

At ginawa ni Moises ayon sa iniutos sa kaniya ng Panginoon; at nagpupulong ang kapisanan sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan.

At sinabi ni Moises sa kapisanan, (D)Ito ang ipinagawa ng Panginoon.

(E)At dinala ni Moises si Aaron at ang kaniyang mga anak, at hinugasan ng tubig.

(F)At isinuot sa kaniya ang (G)kasuutan, at binigkisan ng pamigkis, at ibinalabal sa kaniya ang balabal, at sa kaniya'y ipinatong ang epod, at ibinigkis sa kaniya ang pamigkis ng epod na mainam ang pagkayari, at tinalian nito.

At ipinatong sa kaniya ang pektoral: (H)at inilagay sa loob ng pektoral ang Urim at ang Thummim.

(I)At ipinatong ang mitra sa kaniyang ulo; at ipinatong sa mitra sa harap, ang laminang ginto, ang banal na putong; (J)gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

10 (K)At kinuha ni Moises ang langis na pang-pahid, at pinahiran ang tabernakulo, at ang lahat ng nandoon, ay pinapaging banal.

11 At winisikan niya niyaon ang ibabaw ng dambana na makapito, at pinahiran ng langis ang dambana at ang lahat ng kasangkapan niyaon, at ang hugasan at ang tungtungan niyaon, upang ariing banal.

12 (L)At binuhusan ng langis na pangpahid ang ulo ni Aaron, at pinahiran niya ng langis siya upang papagbanalin.

13 (M)At pinalapit ni Moises ang mga anak ni Aaron, at sila'y sinuutan ng mga kasuutan, at binigkisan ng mga pamigkis, at itinali sa kanilang ulo ang mga tiara; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

Ang pagtatalaga kay Aaron at sa kaniyang mga anak.

14 (N)At kaniyang inilapit ang torong handog dahil sa kasalanan: at ipinatong ni Aaron at ng kaniyang mga anak ang mga kamay nila sa ulo ng torong handog dahil sa kasalanan.

15 At pinatay niya; at (O)kumuha si Moises ng dugo at ipinahid ng kaniyang daliri sa ibabaw ng mga anyong sungay ng dambana sa palibot, at nilinis ang dambana, at ang dugo'y ibinuhos sa tungtungan ng dambana, at inaring banal upang pagtubusan.

16 (P)At kinuha niya ang lahat ng taba na nasa ibabaw ng mga lamang loob, at ang lamad ng atay, at ang dalawang bato, at ang taba ng mga yaon, at sinunog ni Moises sa ibabaw ng dambana.

17 Datapuwa't ang toro, at ang balat, at ang laman, at ang dumi, ay sinunog niya sa apoy sa labas ng kampamento; (Q)gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

18 (R)At iniharap niya ang tupang lalake na handog na susunugin: at ipinatong ni Aaron at ng kaniyang mga anak ang mga kamay nila sa ulo ng tupa.

19 At kaniyang pinatay yaon: at iniwisik ni Moises ang dugo sa ibabaw ng dambana sa palibot.

20 At kinatay niya ang tupa; at sinunog ni Moises ang ulo, at ang mga putolputol, at ang taba.

21 At kaniyang hinugasan sa tubig ang lamang loob at ang mga paa; at sinunog ni Moises ang buong tupa sa ibabaw ng dambana; handog na susunugin nga na pinakamasarap na amoy: handog nga sa Panginoon na pinaraan sa apoy; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

22 (S)At iniharap niya ang ikalawang tupa, ang tupa na itinatalaga: at ipinatong ni Aaron at ng kaniyang mga anak ang kanilang mga kamay sa ulo ng tupa.

23 At kaniyang pinatay yaon; at kumuha si Moises ng dugo niyaon, at inilagay sa pingol ng kanang tainga ni Aaron, at sa daliring hinlalaki ng kaniyang kanang kamay, at sa daliring hinlalaki ng kaniyang kanang paa.

24 At pinaharap niya ang mga anak ni Aaron, at nilagyan ni Moises ng dugong yaon sa pingol ng kanilang kanang tainga, at sa daliring hinlalaki ng kanang kamay nila, at sa daliring hinlalaki ng kanang paa nila: at iniwisik ni Moises ang dugo sa ibabaw ng dambana sa palibot.

25 (T)At kinuha niya ang taba, at ang matabang buntot, at ang lahat ng tabang nasa ibabaw ng lamang loob, at ang lamad ng atay, at ang dalawang bato, at ang taba ng mga yaon, at ang kanang hita:

26 (U)At sa bakol ng tinapay na walang lebadura na inilagay sa harap ng Panginoon, ay kumuha siya ng isang munting tinapay na walang lebadura, at ng isang munting tinapay na nilangisan at ng isang manipis na tinapay, at ipinaglalagay sa ibabaw ng taba at sa ibabaw ng kanang hita:

27 (V)At inilagay na lahat sa mga kamay ni Aaron at sa mga kamay ng kaniyang mga anak, at pinagaalog na pinaka-handog na inalog sa harap ng Panginoon.

28 (W)At kinuha ni Moises sa kanilang mga kamay, at sinunog sa dambana sa ibabaw ng handog na susunugin: mga talagang pinakamasarap na amoy: handog nga sa Panginoon na pinaraan sa apoy.

29 At kinuha ni Moises ang dibdib at inalog na pinakahandog na inalog sa harap ng Panginoon: (X)ito ang bahagi ni Moises sa tupang itinalaga; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

30 (Y)At kumuha si Moises ng langis na pangpahid, at ng dugong nasa ibabaw ng dambana, at iniwisik kay Aaron, sa kaniyang mga suot, at sa kaniyang mga anak, at sa mga suot ng kaniyang mga anak na kasama niya; at pinapaging banal si Aaron at ang kaniyang mga suot, at ang kaniyang mga anak at ang mga suot ng kaniyang mga anak na kasama niya.

31 At sinabi ni Moises kay Aaron at sa kaniyang mga anak, (Z)Pakuluan ninyo ang laman sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan: at doon ninyo kanin, at ang tinapay na nasa bakol ng itinatalaga, ayon sa iniutos ko, na sinasabi, Kakanin ni Aaron at ng kaniyang mga anak.

32 (AA)At ang labis sa laman at sa tinapay ay susunugin ninyo sa apoy.

33 At sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan ay huwag kayong lalabas na pitong araw, hanggang sa maganap ang mga kaarawan ng inyong pagtalaga: (AB)sapagka't pitong araw na kayo'y matatalaga.

34 Kung paano ang ginawa sa araw na ito, ay gayon ang iniutos ng Panginoon na gawin upang itubos sa inyo.

35 At sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan ay matitira kayo gabi't araw na pitong araw, (AC)at inyong tutuparin ang kautusan ng Panginoon, upang huwag kayong mamatay: sapagka't gayon ang iniutos ko.

36 At ginawa ni Aaron at ng kaniyang mga anak ang lahat na iniutos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.