Add parallel Print Page Options

Pag-iingat sa Kabanalan ng Pari

21 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo sa mga pari, sa mga anak ni Aaron, na ang sinuman sa kanila'y huwag lalapit sa patay, liban na lang kung ang patay ay kanyang ama, ina, anak, kapatid na lalaki o kapatid na dalaga na kasama niya sa bahay. Dapat niyang pag-ingatan na siya'y huwag marumihan sa pamamagitan ng bangkay ng kanyang mga kamag-anak sa asawa upang hindi malapastangan ang kanyang pagiging pari.

“Huwag(A) silang magpapakalbo, magpuputol ng balbas, o maghihiwa sa sarili upang ipakita lamang na sila'y nagluluksa. Ingatan nilang malinis ang kanilang sarili sa harapan ng Diyos at huwag nilang lalapastanganin ang pangalan ng Diyos. Sila ang naghahain ng handog sa akin, kaya dapat silang maging banal. Huwag silang mag-aasawa ng babaing nagbebenta ng aliw sa mga sagradong lugar, o kaya'y babaing hiniwalayan at pinalayas ng kanilang asawa, sapagkat nakalaan sa Diyos ang mga pari. Ituring ninyong banal ang pari sapagkat siya ang naghahandog ng pagkain sa akin; dapat siyang maging banal sapagkat akong si Yahweh ay banal kaya't ginawa ko kayong banal. Kung ang babaing anak ng pari ay mamuhay nang may kahalayan, nilapastangan niya ang kanyang ama, kaya dapat siyang sunugin.

10 “Kung ang nahirang na pinakapunong pari, na binuhusan ng langis sa ulo at itinalagang magsuot ng sagradong kasuotan, ay mamatayan ng kamag-anak, huwag niyang guguluhin ang kanyang buhok ni pupunitin ang kanyang damit bilang tanda ng pagluluksa. 11 Hindi siya maaaring lumapit sa patay kahit ito'y kanyang ama o ina. 12 Dapat siyang manatili sa santuwaryo ng kanyang Diyos. Kapag umalis siya roon upang tingnan ang bangkay, nilapastangan na niya ang santuwaryo ng Diyos dahil nakalaan na siya sa Diyos. Ako si Yahweh. 13 Isang birhen ang dapat mapangasawa ng pinakapunong pari. 14 Hindi siya dapat mag-aasawa ng balo, hiwalay sa asawa, dalagang nadungisan na ang puri o babaing nagbebenta ng aliw. Ang dapat niyang mapangasawa'y isang kalahi at wala pang nakakasiping, 15 upang huwag magkaroon ng kapintasan sa harapan ng bayan ang magiging mga anak niya. Ako si Yahweh; inilaan ko siya para sa akin.”

16 Sinabi pa ni Yahweh kay Moises, 17 “Sabihin mo rin kay Aaron na ang sinuman sa lahi niya na may kapintasan o kapansanan ay hindi kailanman nararapat mag-alay ng handog sa akin. 18 Hindi maaaring lumapit sa altar ang sinumang bulag, pilay, may sira ang mukha, at may kapansanan sa katawan, 19 may bali sa paa o kamay, 20 may depekto sa mata, may sakit sa balat, kuba, unano, o isang kapon. 21 Sinumang may kapintasan sa lahi ni Aaron ay hindi maaaring maghandog kay Yahweh. Hindi nga siya maaaring maghain ng pagkaing handog dahil sa kanyang kapintasan. 22 Maaari siyang kumain ng anumang handog sa Diyos, maging ito'y ganap na sagradong handog o sagradong handog, 23 ngunit hindi siya maaaring lumapit sa altar dahil sa kanyang kapintasan. Kapag lumapit siya sa altar, iyon ay paglapastangan sa aking santuwaryo. Ako si Yahweh, ginawa kong banal ang mga iyon.”

24 Gayon nga ang sinabi ni Moises kay Aaron, sa mga anak nito at sa buong Israel.

'Levitico 21 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.

Tungkol sa mga saserdote.

21 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Salitain mo sa mga saserdote na mga anak ni Aaron, at sabihin mo sa kanila, (A)Sinoman ay huwag magpakahawa ng dahil sa patay, sa gitna ng kaniyang bayan,

Maliban sa kamaganak na malapit, sa kaniyang ina at sa kaniyang ama at sa kaniyang anak na lalake at babae, at sa kaniyang kapatid na lalake,

At sa kaniyang kapatid na dalaga, na malapit sa kaniya, na walang asawa, ay maaring magpakahawa siya.

Yamang puno sa kaniyang bayan, ay huwag siyang magpapakahawa na magpapakarumi.

(B)Huwag nilang kakalbuhin ang kanilang ulo, o gugupitin man ang dulo ng kanilang balbas, o kukudlitan man ang kanilang laman.

Sila'y magpakabanal sa kanilang Dios, (C)at huwag nilang lalapastanganin ang pangalan ng kanilang Dios: sapagka't sila ang naghahandog ng mga handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy, na tinapay ng kanilang Dios, kaya't sila'y magpapakabanal.

(D)Huwag silang makikisama sa patutot o lapastangan, (E)ni makikisama sa babaing inihiwalay ng kaniyang asawa: sapagka't ang saserdote ay banal sa kaniyang Dios.

Papagbabanalin mo nga siya; sapagka't siya ang naghahandog ng tinapay ng inyong Dios: siya'y magiging banal sa inyo; sapagka't akong Panginoon nagpapaging banal sa inyo (F)ay banal.

(G)At kung ang anak na babae ng isang saserdote ay magpakarumi sa pagpapatutot, ay kaniyang binigyan ng kahihiyan ang kaniyang ama: siya'y susunugin sa apoy.

10 (H)At ang pangulong saserdote sa kanilang magkakapatid, na binuhusan ang ulo ng langis na pangpahid, at itinalaga, upang makapagbihis ng mga banal na bihisan (I)ay huwag maglulugay ng buhok ng kaniyang ulo ni huwag hahapakin ang kaniyang mga suot;

11 (J)Ni papasok sa kinaroroonan ng bangkay nino man, ni magpapakahawa dahil sa kaniyang ama, o dahil sa kaniyang ina;

12 (K)Ni lalabas sa santuario, ni lalapastanganin ang santuario ng kaniyang Dios; (L)sapagka't ang talaga na langis na pangpahid ng kaniyang Dios ay nasa ulo niya: ako ang Panginoon.

13 At siya'y magaasawa sa isang dalagang malinis.

14 Sa bao o inihiwalay, sa lamas o patutot ay huwag siyang magaasawa; kundi sa isang dalagang malinis sa kaniyang sariling bayan magaasawa siya.

15 At huwag niyang dudumhan ang kaniyang mga binhi sa gitna ng kaniyang bayan: sapagka't ako ang Panginoon na nagpapaging banal sa kaniya.

Karapatan sa pagkasaserdote.

16 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

17 Iyong salitain kay Aaron, na iyong sasabihin, Sinoman sa iyong mga binhi, sa buong panahon ng kaniyang lahi, na magkaroon ng anomang kapintasan, ay huwag lumapit na maghandog ng tinapay ng kaniyang Dios.

18 Sapagka't sinomang magkaroon ng kapintasan ay huwag lalapit; maging ang taong bulag, o pilay, o magkaroon ng ilong na ungod, (M)o ang mayroong kuntil,

19 O ang taong magkaroon ng paang bali o kamay na bali,

20 O taong kuba, o unano, o magkaroon ng kapintasan sa kaniyang mata, o galisin, o langibin, o (N)luslusin:

21 Walang tao sa binhi ni Aaron na saserdote, na magkaroon ng kapintasan, na lalapit upang magharap ng mga handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy: siya'y may kapintasan; siya'y huwag lalapit na magharap ng tinapay ng kaniyang Dios.

22 Kaniyang kakanin ang tinapay ng kaniyang Dios, (O)ang pinakabanal at (P)ang mga bagay na banal:

23 Hindi lamang siya papasok sa loob ng tabing, o lalapit man sa dambana, sapagka't may kapintasan siya; upang (Q)huwag niyang lapastanganin ang aking mga santuario: sapagka't (R)ako ang Panginoon na nagpapaging banal sa kanila.

24 Gayon sinalita ni Moises kay Aaron at sa kaniyang mga anak, at sa lahat ng mga anak ni Israel.