Add parallel Print Page Options

Ang Paglilinis ng mga Babae Pagkatapos Manganak

12 Ang Panginoon ay nagsalita kay Moises, na sinasabi,

“Sabihin mo sa mga anak ni Israel: Kung ang isang babae ay maglihi, at manganak ng isang lalaki, siya ay magiging marumi sa loob ng pitong araw; kagaya nang sa mga araw ng kanyang pagkakaroon ng regla, siya ay magiging marumi.

At(A) sa ikawalong araw ang bata ay tutuliin.[a]

Siya'y magpapatuloy sa panahon ng kanyang paglilinis sa dugo sa loob ng tatlumpu't tatlong araw; huwag siyang hihipo ng anumang bagay na banal, at huwag siyang papasok sa santuwaryo, hanggang sa matapos ang mga araw ng kanyang paglilinis.

Ngunit kung manganak siya ng babae, siya ay magiging marumi sa loob ng dalawang linggo, gaya ng sa kanyang panahon ng pagkakaroon ng regla; siya'y magpapatuloy sa panahon ng kanyang paglilinis sa dugo sa loob ng animnapu't anim na araw.

“Kapag ang mga araw ng kanyang paglilinis ay matapos na, maging sa anak na lalaki o sa anak na babae, siya ay magdadala sa paring nasa pintuan ng toldang tipanan ng isang taong gulang na kordero bilang handog na sinusunog, at isang batang kalapati o isang batu-bato bilang handog pangkasalanan.

Ihahandog ito ng pari[b] sa harapan ng Panginoon, at itutubos para sa kanya; at siya'y malilinis sa agos ng kanyang dugo. Ito ang batas tungkol sa kanya na nanganak, maging ng lalaki o ng babae.

Kung(B) hindi niya kayang bumili ng kordero, siya ay kukuha ng dalawang batu-bato o ng dalawang batang kalapati, ang isa'y bilang handog na sinusunog at ang isa'y handog pangkasalanan. Ang pari ay gagawa ng pagtubos para sa kanya, at siya'y magiging malinis.”

Footnotes

  1. Levitico 12:3 TUTULIIN: pagpuputol ng balat sa kasarian ng lalaki.
  2. Levitico 12:7 Sa Hebreo ay niya .
'Levitico 12 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.

Ang paglilinis ng mga babae.

12 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

Salitain mo sa mga anak ni Israel, na iyong sabihin, (A)Kung ang babae ay maglihi, at manganak ng isang lalake, ay magiging karumaldumal na pitong araw; ayon sa mga araw ng karumihan ng kaniyang sakit, ay magiging karumaldumal.

(B)At sa ikawalong araw ay tutuliin ang bata sa laman ng kaniyang balat ng masama.

At siya'y mananatiling tatlong pu't tatlong araw na maglilinis ng kaniyang dugo; huwag siyang hihipo ng anomang bagay na banal, o papasok man sa santuario, hanggang sa matupad ang mga araw ng kaniyang paglilinis.

Nguni't kung manganak siya ng babae, ay magiging karumaldumal nga siya na dalawang linggo, ayon sa kaniyang karumihan: at mananatiling anim na pu't anim na araw na maglilinis ng kaniyang dugo.

(C)At pagkaganap niya ng mga araw ng kaniyang paglilinis, maging sa anak na lalake o sa anak na babae, ay magdadala siya ng isang kordero ng unang taon, na pinaka handog na susunugin, at isang inakay ng kalapati o isang batobato na pinakahandog dahil sa kasalanan, sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan, sa saserdote;

At kaniyang ihahandog sa harap ng Panginoon, at itutubos sa kaniya; at siya'y malilinis sa agas ng kaniyang dugo. Ito ang kautusan tungkol sa nanganak ng lalake o ng babae.

At kung ang kaniyang kaya ay hindi sapat upang magdala ng kordero, ay kukuha nga siya ng (D)dalawang batobato o ng dalawang inakay ng kalapati; ang isa'y pinaka handog na susunugin at ang isa'y pinakahandog dahil sa kasalanan: (E)at itutubos sa kaniya ng saserdote, at siya'y magiging malinis.