Add parallel Print Page Options

16 Dahil dito, pinadalhan sila ng angkop na parusa,
    pinahirapan sila sa pamamagitan ng napakaraming hayop.
Ngunit(A) hindi mo pinarusahan nang ganito ang iyong bayan,
sa halip, kinaawaan mo sila, Panginoon.
Pinadalhan mo sila ng mga pugo upang may makain sila,
masarap at pambihirang pagkain, upang sila'y masiyahan.
Ginawa mo ito upang ang mga taong iyon ay hindi makakain kahit nagugutom,
sapagkat ang mga hayop na ipinadala mo ay pawang nakakapandiri.
Ngunit ang bayan mo'y nagutom lamang ng sandaling panahon,
at pagkatapos ay pinakain mo sila agad ng napakasarap na pagkain.
Kailangang ang mga mapang-api na bayang iyon ay magdanas ng matinding paghihirap,
upang makita ng iyong bayan kung paano mo pinahihirapan ang kanilang mga kaaway.

Nang(B) ang bayan mo'y lusubin ng mababangis na hayop at makakamandag na ulupong,
at pagpapatayin sila sa bagsik ng kanilang kamandag,
hindi nagtagal at nawala na ang galit mo at hindi mo sila pinabayaang malipol.
Ang maikling pahirap na iyan ay isang babala lamang.
Kapagdaka'y binigyan mo sila ng isang sagisag ng kaligtasan.
Ang ahas na tanso ay isang paalala sa kanila na hinihingi ng iyong Kautusan.

Ang sinumang tumingin doon ay naligtas sa kagat ng ahas,
ngunit hindi sa bisa ng kanilang nakita, kundi sa kapangyarihan mo, ang tagapagligtas ng sangkatauhan.
Sa pamamagitan nito, ipinakita mo sa aming mga kaaway
na ikaw ang nagliligtas sa tao sa lahat ng kasamaan.
Nagkamatay ang aming mga kaaway sa kagat ng mga balang at langaw,
at walang nakuhang igagamot sa kanila,
sapagkat kailangang parusahan sila sa pamamagitan ng gayong paraan.
10 Samantala, ang mga anak mo ay di nagapi kahit ng kagat ng makamandag na ahas,
sapagkat kinahabagan mo sila, tinulungan at pinagaling.
11 Binayaan mo silang tuklawin ng mga ahas upang maalala nila ang iyong mga utos,
subalit agad mo silang iniligtas upang di ka nila makalimutan
at upang hindi nila tuluyang makaligtaang pakinabangan ang kabutihan mo sa kanila.
12 Hindi gamot na pantapal o panghaplos ang nagpagaling sa kanila.
Pinagaling sila ng iyong salita, O Panginoon, ng salita mong nagpapagaling sa sangkatauhan.
13 Ikaw ang may kapangyarihan sa buhay at kamatayan;
ikaw ang makapagdadala sa tao sa daigdig ng mga patay, at ikaw rin ang tanging makapagbibigay sa kanya ng panibagong buhay.
14 Ang masamang tao ay maaaring pumatay ng kapwa,
ngunit hindi siya maaaring bumuhay ng patay
o magpalaya sa isang kaluluwang bilanggo ng kamatayan.

Pinarusahan ang Egipto

15 Sinuman ay hindi makakaligtas sa iyong mga kamay.
16 Tingnan ninyo ang masasamang taong iyon.
Ayaw ka nilang kilalanin bilang Diyos,
kaya pinarusahan mo sila sa pamamagitan ng dakila mong kapangyarihan.
Hinagupit mo sila ng malalakas na bagyo ng ulan at yelo,
at lubusan silang natupok sa apoy.
17 Ito ang kahanga-hanga: ang apoy ay lalong naglagablab sa gitna ng tubig na siyang ipinampapatay sa apoy.
Ang buong sansinukob ay tumulong upang ipagtanggol ang mga matuwid.
18 Sa isang pagkakataon ang ningas ay biglang namatay,
nang hindi mamatay ang mga hayop na ipinadala mo upang parusahan ang mga taong iyon.
Sa gayon ay ipinakita mo sa kanila
na sila'y inuusig ng parusa ng Diyos.
19 Ngunit sa iba namang pagkakataon, ang apoy ay lalo pang naglagablab nang palibutan ng tubig,
upang sirain ang ani sa lupain ng mga makasalanan.

Ang Pagkaing Mula sa Langit

20 Ngunit(C) ang bayan mo'y hindi nahirapan nang ganyan; sa halip, pinadalhan mo sila ng pagkain ng mga anghel.
Mula sa langit, binigyan mo sila ng tinapay na hindi na kailangang iluto kundi handa nang kainin;
pagkaing naging kasiya-siya sa lahat, kahit na ano ang kanilang panlasa.
21 Dito nakikita kung gaano ang pagkalinga mo sa iyong mga anak.
Nagustuhan ng lahat ang pagkaing iyon,
sapagkat nagbabago ang lasa ayon sa nais na lasa ng bawat kumakain.
22 Ang pagkaing iyon ay dapat sanang natunaw na gaya ng yelo o niyebe,
ngunit hindi natunaw kahit lutuin sa apoy.
Dito'y ipinakilala mo sa iyong bayan na ang apoy na tumupok sa ani ng kanilang kaaway, samantalang umuulan ng yelo,
23 ay siya ring apoy na inalisan mo ng kapangyarihan,
upang sila'y may makain.

24 Ikaw ang lumikha sa sansinukob, at ang lahat ay nasa ilalim ng iyong kapangyarihan.
Ginagamit ng kalikasan ang kanyang lakas upang parusahan ang masasama,
ngunit siya'y banayad at maamo sa mga nagtitiwala sa iyo.
25 Ang kalikasan ay nag-angkin ng lahat ng anyo,
upang ipakita kung paano mo pinangangalagaan ang lahat ng tumatawag sa iyo.
26 Nangyari ang lahat ng ito, Panginoon, upang maunawaan ng bayan mong minahal,
na hindi sila mabubuhay sa pamamagitan lamang ng kanilang mga tanim.
Ang iyong salita ang nagbibigay-buhay sa lahat ng umaasa sa iyo.
27 Ang pagkaing hindi natupok sa apoy
ay natunaw sa unang sinag ng araw.
28 Dito'y tinuruan mo kaming bumangon bago magbukang-liwayway,
at magpasalamat sa iyo at manalangin sa pagsikat ng araw.
29 Ang pag-asa ng taong di marunong tumanaw ng utang na loob ay matutunaw na parang hamog na nagyelo,
at aagos na parang tubig na di pinakinabangan.

Gabi ng Lagim para sa Taga-Egipto

17 Kahanga-hanga, Panginoon, ang iyong mga hatol at mahirap ipaliwanag;
    kaya, ang mga hindi nag-aral nito karaniwa'y naliligaw.
Noong inaakala ng mga taong di kumikilala ng batas na bihag nila ang bayan mong banal,
sa katotohana'y sila ang nakabilanggo sa karimlan ng gabi,
nakukulong sa ilalim ng kanilang bubong at di saklaw ng iyong walang hanggang pagkalinga.
Akala nila'y walang nakapansin sa lihim nilang kasalanan,
at naikubli na sa likod ng madilim na tabing ng paglimot.
Ngunit ngayo'y nanginginig sila sa takot,
nababalisa at binabagabag ng mga guni-guni.
Ang madilim na silid na kanilang pinangungubliha'y hindi nakahadlang sa matinding takot,
sapagkat sa paligid nila'y umaalingawngaw ang mga ingay na nakapangingilabot,
at binubulaga sila ng mga multong nakakasindak tingnan.
Hindi sila kayang liwanagan maging ng pinakamalaking siga.
Ang ningning ng mga tala ay di man lamang makabawas sa pusikit na dilim.
Ang tanging sumisinag sa kanila'y nakakatakot na ningas
at sa takot nila'y naniwala silang ang kanilang nakita'y
higit na nakakatakot kaysa iniisip nila.
Nabigo ang mapanlinlang na pamamaraan ng kanilang salamangka,
at nawalang-kabuluhan ang ipinagmamalaki nilang Karunungan.
Ipinagmamalaki nilang nakapagpaalis sila ng takot at pagkabalisa sa mga taong nagugulo ang isip,
ngunit sila ngayon ang hibang sa takot nang wala namang kadahi-dahilan.
Kahit walang nangyaring mapanganib na dapat katakutan,
nanginginig sila sa takot sa huni ng mga ahas at pagdagsa ng maraming hayop na papalapit sa kanila.
10 Namatay sila sa sindak sa gitna ng pangangatog,
natatakot silang idilat man lamang ang mga mata,
ngunit ang malungkot nito'y namatay sila nang dilat.
11 Ang kasamaan ay talagang likas na duwag, sapagkat siya na rin ang humahatol sa sarili.
At sa pag-uusig ng sariling budhi, siya na rin ang nagpapalaki sa laman ng guni-guni.
12 Ang takot ay bunga lamang ng di paggamit sa tulong na idinudulot ng isipan.
13 Ang walang lakas ng loob na magtiwala sa pag-iisip
ay aalipinin ng takot na likha ng kamangmangan.
14 Sa buong magdamag ay balisang-balisa sila sa pagtulog,
bagaman ang kadilimang iyon ay walang magagawa laban sa kanila,
sapagkat iyon ay mula lamang sa walang kapangyarihang bangin ng daigdig ng mga patay.
15 Hinahabol sila ng mga kakila-kilabot na pangitain,
ngunit naroon silang hindi makakilos
nang sila'y biglang pagharian ng matinding takot.
16 Bigla na lamang silang nabubuwal at di makaalis sa pagkahandusay,
gapos ng mga tanikala ng sariling takot.
17 Maging magsasaka, pastol o manggagawa sa kaparangan,
silang lahat ay nabihag ng iisang kapalaran,
sila ay nagapos ng tanikalang di nakikita sa gitna ng kadiliman.
18-19 Ang lahat sa paligid ay kinatakutan nila—pati ang marahang ihip ng hangin,
o ang magandang huni ng mga ibon sa mga sanga ng punongkahoy,
o ang lagaslas ng tubig sa umaagos na batis,
ang ugong ng mga batong gumuguho,
ang ingay ng mga hayop na tumatakbo at lumulukso ngunit hindi nakikita,
ang atungal ng mababangis na hayop,
ang alingawngaw ng mga kuweba sa libis ng bundok—
at halos mamatay sila sa takot.
20 Samantala, ang buong daigdig ay naliligo sa liwanag ng araw,
at ang lahat ng bagay sa kanilang paligid ay patuloy sa kani-kanilang gawain.
21 Tanging sila lamang ang nabalot ng pusikit na dilim,
larawan ng kadiliman ng kamatayang naghihintay sa kanila.
Ngunit ang mas mabigat na pasaning kanilang dinadala kaysa kadilimang iyon ay ang kanilang sarili.

Sumikat ang Liwanag sa mga Israelita

18 Ngunit(D) para sa iyong bayang banal, nagniningning ang liwanag.
    Ang tinig nila'y naririnig ng kanilang mga kaaway ngunit di sila nakikita,
at ipinapalagay na mapalad sapagkat di naghihirap.
Ang mga kaaway nila'y nagpapasalamat, sapagkat kahit na ginawan ng masama ay hindi gumaganti.
Sila'y humingi ng tawad dahil sa kanilang pakikipag-away.[a]
Kaya, sa paglalakbay nila patungo sa ibang lupain,
sila'y pinasubaybayan mo sa haliging apoy.
Parang araw na nagliliwanag ngunit hindi sila nasusunog sa makasaysayang paglalakbay na iyon.
Nararapat lang sa kanilang mga kaaway na pagkaitan ng liwanag at ibilanggo sa kadiliman,
pagkat ibinilanggo nila ang iyong bayan
na naging kasangkapan sa pagsasabog ng liwanag ng iyong Kautusan sa buong daigdig.

Pagkamatay ng mga Panganay

Pinatay nila ang mga sanggol ng iyong bayan maliban sa isang nailigtas,
Kaya pinatay mo rin ang kanilang mga sanggol,
at nilipol mo ang kanilang hukbo sa pamamagitan ng isang malaking baha.
Ang mangyayari sa gabing iyon ay ipinagpauna mong sabihin sa aming mga ninuno,
upang magalak sila sa katuparan ng iyong mga pangakong pinagtiwalaan nila.
Alam ng iyong bayan na ililigtas mo
ang mga matuwid at paparusahan ang kanilang mga kaaway.
Ang paraang ginamit mo sa pagpaparusa sa aming mga kaaway
ay siya mo ring ginamit na pantawag sa amin,
upang kami'y bahaginan mo ng iyong karangalan.
Ang mga tapat na anak ng mabuting bayang ito ay lihim na naghahandog.
Nagkaisa silang sumunod sa mga utos ng Diyos at magsama sa hirap at ginhawa.
Noon pa'y inaawit na nila ang matatandang awit na ito ng papuri.
10 Samantala, ang panaghoy ng kanilang mga kaaway ay abot sa buong paligid,
dahil sa pagkamatay ng kanilang mga anak.
11 Iisa ang parusang iginawad sa alipin at sa panginoon.
Iisa ang kapalarang sinapit ng hari at ng karaniwang tao.
12 Pare-pareho silang namatayan.
Hindi mabilang ang mga bangkay na iisa ang ikinamatay.
Kakaunti ang natira sa kanila,
at hindi nila kayang ilibing ang napakaraming patay.
Sa isang kisap-mata, ang pinakamamahal nilang mga anak ay namatay na lahat.
13 Noong una'y wala silang pinaniniwalaan liban sa kapangyarihan ng kanilang salamangka.
Ngunit nang mamatay ang kanilang mga panganay, naniwala rin silang ikaw, O Diyos, ang ama ng bayang Israel.
14 Payapa at tahimik ang lahat,
nangangalahati na ang gabi,
15 walang anu-ano'y bumabâ ang makapangyarihan mong mga salita,
mula sa iyong maharlikang trono sa langit,
pumagitna sa lupaing iyon na itinalaga mong wasakin
gaya ng mabagsik na mandirigma.
16 Taglay niya ang matalim na tabak ng iyong mga utos.
Tumayo siya, ang ulo niya'y abot sa langit,
at pinalaganap ang kamatayan sa buong lupain.
17 Walang anu-ano, nakakita sila ng nakakatakot na mga mukha,
at sila'y pinagharian ng takot.
18 Kabi-kabila ay may nabubuwal na naghihingalo.
Bawat isa'y nagsasabi kung bakit siya namamatay.
19 Ipinagpauna ito sa kanila sa pamamagitan ng isang nakakatakot na panaginip,
upang bago sila mamatay ay malaman nila ang dahilan.

Iniligtas ang mga Israelita

20 Ang(E) mga matuwid man ay nakaranas din ng kamatayan sa kanilang paglalakbay sa ilang,
ngunit hindi iyon nagtagal at tumigil.
21 Isang taong walang kasalanan ang nagligtas sa kanila noon.
Ginawa niya ang nararapat niyang gawin bilang pari.
Nanalangin siya at nagsunog ng insenso.
Nanindigan siya sa harap ng iyong poot.
Ipinakilala niyang siya ay iyong lingkod.
22 Nagtagumpay siya sa poot na iyon,[b]
hindi sa pamamagitan ng lakas
kundi sa pamamagitan ng panalangin,
at pagbanggit sa iyong mga pangako sa kanilang mga ninuno.
23 Nang nakabunton na ang mga patay, namagitan na siya,
at napigil niya ang galit ng Diyos,
at tumigil ang salot.
24 Sa mahaba niyang balabal ay nakalarawan ang buong daigdig.
Ang alaala ng kanilang mga ninuno ay nakaukit sa apat na hilera ng mamahaling bato,
at ang iyong karangalan ay nasa korona sa kanyang ulo.
25 Dahil sa mga ito, napahinuhod ang Anghel ng Kamatayan.[c]
At ang karanasang iyon ay sapat na upang matakot ang bayan mo.
Hindi na kailangang danasin nila ang buong bigat ng galit mo.

Ang Pagkamatay ng mga Taga-Egipto

19 Ngunit ang mga taong di kumikilala sa iyo ay walang awa mong inuusig hanggang wakas,
pagkat alam mo ang gagawin nila bago pa ito mangyari.
Pinayagan nga nilang umalis ang iyong bayan,
ngunit pagkatapos ay hinabol din nila.
Nagluluksa pa sila sa libingan ng kanilang mga mahal sa buhay,
ay may iniisip na naman silang kasamaan.
Hinabol nilang parang mga takas na bilanggo
ang mga taong pinakiusapan nilang umalis.
Ang kasawiang nakatalaga sa kanila ang nagtulak sa kanila na iyon ay gawin.
Nalimutan nila ang nangyari
kaya nalubos ang parusa sa kanila.
Sa gayon, nakapagpatuloy ang bayan mo sa kanilang paglalakbay,
samantalang ang mga kaaway nila ay inabot ng kamatayang walang katulad.

Pinapatnubayan at Kinakalinga ng Diyos ang Kanyang mga Anak

Ang sangnilikha ay dumanas ng pagbabago
upang masunod ang iyong kalooban,
at mailigtas ang iyong bayan.
Ang ulap ay lumukob sa kanilang kampamento,
ang tubig ay nahawi at lumitaw ang tuyong lupa,
isang malinis na landas sa gitna ng Dagat na Pula,
at luntiang kapatagan mula sa naglalakihang mga alon.
Ang bayan mo ay nakatawid na lahat, sa ilalim ng iyong pagkalinga,
matapos masdan ang iyong kamangha-manghang gawa.
Tulad nila'y mga kabayo sa sariwang pastulan,
parang mga tupang naglulundagan sa tuwa sa pagpupuri sa iyo,
O Panginoon, sapagkat iniligtas mo sila.
10 Inaalaala nila ang mga pangyayari
noong sila'y mga alipin pa sa lupaing inalisan nila;
sa halip na mga baka, ang lumitaw sa lupa ay mga kuto,
at sa halip na isda, ang ilog ay napuno ng palaka.
11 Pagkatapos, nakita nilang lumitaw ang ibang uri ng ibon.
Nang humingi sila ng masarap na pagkain
12 ay lumitaw mula sa dagat ang makapal na bilang ng mga pugo.

Ang Parusa sa mga Taga-Egipto

13 Ngunit ang masasama ay binabalaan ng darating na parusa.
Nararapat lang parusahan sila dahil sa kasamaan nila.
Labis ang pagkapoot nila sa mga nakikipamayan sa kanila.
14 May mga bayang tumangging magpatuloy sa mga taga-ibang bayan,
ngunit ang mga ito ay higit na masama.
Inalipin nila ang mga panauhing tumulong sa kanila.
15 Hindi lamang iyon, daranas pa sila ng ibang uri ng parusa,
dahil sa masama nilang pagtanggap sa mga taga-ibang bayan.
16 Matapos ipagpista ang pagdating ng mga dayuhan, at ituring na kanilang kapantay,
sa bandang huli, ang mga ito'y pinahirapan at inalipin.
17 Silang lahat ay nabulag, tulad ng mga nasa pintuan ni Lot.
Nangapa ng kanilang dadaanan matapos pagdimlan ng paligid.

Ang Mahimalang Kapangyarihan ng Diyos

18 Ang mga bagay-bagay ay nagpapalit-palit lang.
Tulad ng lira, nababago ang kalagayan ng himig kahit hindi binabago ang nota.
Ito'y maliwanag na makikita sa mga pangyayari.
19 Ang mga nilalang sa katihan ay nagagawang mga nilalang sa tubigan,
at ang mga nasa tubigan ay umaahon sa katihan.
20 Hindi nababago ang lakas ng apoy kahit nasa tubig,
at ang likas na kapangyarihan ng tubig sa pagpatay ng apoy ay nawala.
21 Ang ningas ay hindi makasunog,
kahit ng mga nilalang na madaling masunog.
Ni hindi rin makatunaw ng mga pagkaing madaling matunaw.
22 Sa lahat ng bagay, Panginoon, niloob mong padakilain ang iyong bayan.
Hindi mo sila pinabayaan saan mang dako sa lahat ng panahon.

Footnotes

  1. 2 Sila'y…pakikipag-away: o kaya'y Sila'y pinakiusapang umalis na .
  2. 22 sa poot na iyon: Sa ibang manuskrito'y malaking pulutong ng mga tao .
  3. 25 Anghel ng Kamatayan: Sa literal ay Mamumuksa .