Add parallel Print Page Options

Ang Unang Pagsasalita ni Job

Pagkatapos(A) nito'y ibinuka ni Job ang kanyang bibig at sinumpa ang araw ng kanyang kapanganakan.

Sinabi ni Job:

“Maglaho nawa ang araw nang ako'y isilang,
    at ang gabi na nagsabi,
    ‘May batang lalaking ipinaglihi.’
Magdilim nawa ang araw na iyon!
    Huwag nawang hanapin iyon ng Diyos sa itaas,
    ni silayan man iyon ng liwanag.
Hayaang angkinin iyon ng mapanglaw at pusikit na kadiliman.
    Tirahan nawa iyon ng ulap;
    takutin nawa iyon ng kadiliman ng araw.
Ang gabing iyon—sakmalin nawa ng makapal na kadiliman!
    Huwag itong magsaya na kasama ng mga araw ng taon,
    huwag nawa itong mapasama sa bilang ng mga buwan.
Oo, ang gabing iyon nawa ay maging baog,
    huwag marinig doon ang tinig ng kagalakan.
Sumpain nawa iyon ng mga sumusumpa sa araw,
    ng mga bihasa sa paggising sa Leviatan.[a]
Magdilim nawa ang mga bituin ng pagbubukang-liwayway niyon;
    hayaang umasa ito ng liwanag, ngunit hindi magkakaroon,
    ni mamalas ang mga talukap-mata ng umaga,
10 sapagkat hindi nito tinakpan ang mga pinto ng sinapupunan ng aking ina,
    o ikinubli man ang kaguluhan sa aking mga mata.

11 “Bakit hindi pa ako namatay nang ako'y isilang?
    Bakit hindi ako nalagutan ng hininga nang ako'y iluwal?
12 Bakit tinanggap ako ng mga tuhod?
    O bakit ang mga dibdib, na aking sususuhan?
13 Sapagkat nahihimlay at natatahimik na sana ako,
    ako sana'y natutulog; nagpapahinga na sana ako;
14 kasama ng mga hari at ng mga tagapayo ng daigdig,
    na muling nagtayo ng mga guho para sa kanilang sarili,
15 o kasama ng mga prinsipeng may mga ginto,
    na pinuno ng pilak ang kanilang bahay.
16 Bakit hindi pa ako inilibing tulad ng batang patay nang isilang,
    gaya ng sanggol na hindi nakakita ng liwanag kailanman?
17 Doon ang masama ay tumitigil sa paggambala,
    at doo'y ang pagod ay nagpapahinga.
18 Doon ang mga bilanggo ay sama-samang nagiginhawahan,
    hindi nila naririnig ang tinig ng nag-aatang ng pasan.
19 Ang hamak at ang dakila ay naroroon,
    at ang alipin ay malaya sa kanyang panginoon.

20 “Bakit binibigyan ng liwanag ang nasa kahirapan,
    at ng buhay ang kaluluwang nasa kapighatian,
21 na(B) nasasabik sa kamatayan, ngunit hindi ito dumarating;
    at naghuhukay dito ng higit kaysa mga kayamanang nakalibing;
22 na labis ang kagalakan,
    at natutuwa kapag natagpuan nila ang libingan?
23 Bakit ang liwanag ay ibibigay sa taong ang daan ay nakatago,
    at ang taong binakuran ng Diyos?
24 Sapagkat ang buntong-hininga ko ay dumarating na parang aking pagkain,[b]
    at ang aking mga daing ay bumubuhos na parang tubig.
25 Sapagkat ang bagay na aking kinatatakutan ay dumarating sa akin,
    at ang aking pinangingilabutan ay nangyayari sa akin.
26 Hindi ako mapalagay at hindi rin matahimik,
    wala akong kapahingahan; kundi dumarating ang kaguluhan.”

Footnotes

  1. Job 3:8 LEVIATAN: Isang dambuhala sa tubig .
  2. Job 3:24 o bago ako kumain .