Add parallel Print Page Options

41 “Mahuhuli(A) mo ba ang Leviatan[a] sa pamamagitan ng pamingwit?
    Maitatali mo ba ang dila nito sa pamamagitan ng lubid?
Matatalian mo kaya ng lubid ang ilong nito?
    Tatagusan kaya ng kawit ang mga panga nito?
Siya kaya ay lumapit at lumuhod sa harap mo,
    magsalita nang malumanay at magmakaawa sa iyo?
Siya kaya'y makiusap at ikaw ay pangakuan,
    na sa habang buhay ikaw ay paglingkuran?
Siya kaya'y parang ibong tatalian at lalaruin
    upang mga babaing lingkod mo ay aliwin?
Tawaran kaya siya ng mga mamimili,
    paghatian kaya siya upang maipagbili?
Tablan kaya ang makapal niyang balat,
    sa ulo kaya niya'y tumagos ang matulis na sibat?
Hawakan mo siya kahit na minsan lang,
    hindi mo na uulitin dahil sa inyong paglalaban.

“Ang sinumang sa kanya'y makakakita,
    sa lupa'y mabubuwal, nawawalan ng pag-asa.
10 Kapag siya'y ginambala, ubod siya ng bagsik.
    Sa kanyang harapa'y walang nangangahas lumapit.
11 Sinong lulusob sa kanya at hindi mamamatay?
    Walang makakagawa nito sa buong sanlibutan.

12 “Ang kanyang mga binti ay malaki at matatag,
    at walang kaparis ang taglay nitong lakas.
13 Sino ang makakapag-alis sa panlabas niyang kasuotan?
    May sandata na bang nakatusok sa balat niyang makapal?
14 Sa bibig niya'y sino kaya ang maaaring magbuka?
    Nakakatakot na mga ngipin nakahanay sa bunganga niya.
15 Maraming kalasag, nakahanay sa kanyang likod;
    sintigas ng bato at nakalagay nang maayos.
16-17 Masinsin ang pagkaayos, ito'y dikit-dikit,
    walang pagitan, ni hangin ay di makasingit.
18 Kung siya ay bumahin, ang ilong ay nag-aapoy,
    mata niya'y mapula parang araw sa dapit-hapon.
19 Mula sa bibig niya'y may apoy na lumalabas,
    mga baga ng apoy ang doo'y sumisiklab.
20 Sa ilong niya'y nanggagaling ang makapal na usok,
    parang usok na nagmumula sa kumukulong palayok at damong sinusunog.
21 Hininga niya'y nagbabaga, sa init ay nag-aalab;
    naglalagablab na apoy sa bibig niya'y nagbubuhat.
22 Ang kanyang leeg nama'y puno ng kalakasan,
    sinumang makakita sa kanya'y kinikilabutan.
23 Walang mahinang bahagi sa kanyang balat,
    tulad ng bakal, matigas at makunat.
24 Ang tigas ng kanyang puso, bato ang katulad,
    gaya ng batong gilingan sa tibay at tatag.
25 Kapag siya ay tumayo masisindak rin ang pinakamalakas,
    wala silang magawâ, at sa takot ay tumatakas.
26 Pagkat siya'y di tatablan kahit na ng tabak,
    maging ng palaso, ng punyal o ng sibat.
27 Sa kanya ang bakal ay parang dayaming marupok,
    ang katulad nitong tanso ay kahoy na nabubulok.
28 Sa palaso'y hindi siya maaaring mapatakbo,
    sa kanya'y parang dayami ang tirador at ang bato.
29 Kahoy na panghampas sa kanya'y para lamang patpat,
    tumatawa lamang siya kapag siya'y sinisibat.
30 Kaliskis ng kanyang tiyan ay napakatalas,
    at sa putik na daanan, nag-iiwan ng mga bakas.
31 Kaya niyang pakuluin ang malalim na tubig,
    hinahalo niya ang dagat na parang palayok ng langis.
32 Ang kanyang madaana'y kumikislap sa liwanag,
    ang akala mo sa tubig, puting buhok ang katulad.
33 Dito sa daigdig ay wala siyang katulad,
    pagkat siya'y walang takot, hindi nasisindak.
34 Sa lahat ng mga hayop ay mababa ang tingin niya,
    at sa kanilang lahat ang naghahari ay siya.”

Footnotes

  1. Job 41:1 LEVIATAN: Isang mala-alamat na dambuhalang halimaw sa karagatan na sumisimbolo sa kaguluhan at kasamaan.
'Job 41 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.

Ang kapangyarihan ng Panginoon ay katulad ng buwaya.

41 Mahuhuli mo ba ang (A)buwaya ng isang bingwit?
O mailalabas mo ba ang kaniyang dila ng isang panali?
Makapaglalagay ka ba ng tali sa kaniyang ilong?
O makabubutas sa kaniyang panga ng isang taga ng bingwit?
Mamamanhik ba siya ng marami sa iyo?
O magsasalita ba siya ng mga malumanay na salita sa iyo?
Makikipagtipan ba siya sa iyo,
Upang ariin mo siyang alipin magpakailan man?
Makikipaglaro ka ba sa kaniya na gaya sa isang ibon?
O iyong tatalian ba siya para sa iyong mga dalaga?
Makakalakal ba siya (B)ng mga pulutong ng mangingisda?
Mababahagi ba siya nila sa (C)mga mangangalakal?
Mahihiwa mo ba ang kaniyang balat ng sundang na bakal,
O ang kaniyang ulo ng panaksak ng isda?
Ipatong mo ang iyong kamay sa kaniya;
Alalahanin mo ang pagbabaka at huwag mo nang gawin.
Narito, ang pagasa riyan ay walang kabuluhan:
Hindi ba malulugmok ang sinoman makita lamang yaon?
10 Walang malakas na makapangahas kumilos niyaon:
Sino ngang makatatayo sa harap ko?
11 (D)Sinong naunang nagbigay sa akin upang aking bayaran siya?
(E)Anomang nasa silong ng buong langit ay akin.
12 Hindi ako tatahimik tungkol sa kaniyang mga sangkap ng katawan,
Ni sa kaniya mang dakilang kapangyarihan, ni sa kaniya mang mainam na hugis.
13 Sinong makapaglilitaw na karayagan ng kaniyang mga damit?
Sinong makalalapit sa kaniyang magkasaping pangil?
14 Sinong makapagbubukas ng mga pinto ng kaniyang mukha?
Sa palibot ng kaniyang ngipin ay kakilabutan.
15 Ang kaniyang mga matibay na (F)palikpik ay kaniyang kapalaluan,
Nangagkakadikit na maigi na gaya sa isang tatak na mahigpit.
16 Nagkakadikit sa isa't isa,
Na ang hangin ay hindi makaraan sa pagitan sa mga yaon.
17 Sila'y nagkakasugpongan sa isa't isa;
Nagkakalakip na magkasama, na hindi maihihiwalay.
18 Ang kanilang mga bahin ay kumikislap ng apoy,
At ang kanilang mga mata ay gaya ng mga bukang liwayway kung umaga.
19 Mula sa kaniyang bibig ay lumalabas ang nagliliyab na sulo,
At mga alipatong apoy ay nagsisilabas.
20 Mula sa kaniyang mga butas ng ilong ay lumalabas ang usok,
Na gaya ng isang kumukulong talyasi at nagniningas na mga talahib.
21 Ang kaniyang hinga ay nagpapaningas ng mga baga,
At isang alab ay lumalabas sa kaniyang bibig.
22 Sa kaniyang leeg ay tumitira ang kalakasan,
At ang kakilabutan ay sumasayaw sa harap niya.
23 Ang mga kaliskis ng kaniyang laman ay nangagkakadikitan;
Nangagtutumibay sa kaniya; hindi magagalaw.
24 Ang kaniyang puso ay matatag na gaya ng isang bato;
Oo, matatag na gaya ng batong pangibaba ng gilingan.
25 Pagka siya'y tumitindig ay natatakot ang makapangyarihan:
Dahil sa pagkagulat ay nangalilito sila.
26 Kung siya'y tagain ninoman ng tabak ay hindi tumatalab;
Ni ng sibat man, ng pana, ni ng matalas na tulis man.
27 Kaniyang ipinalalagay ang bakal na parang dayami,
At ang tanso na parang lapok na kahoy.
28 Hindi niya mapatakas ng palaso:
Ang mga batong panghilagpos ay nagiging sa kaniya'y parang pinagputulan ng trigo.
29 Ang mga panakbat ay nangapapalagay na parang pinagputulan ng trigo:
Kaniyang tinatawanan ang galaw ng sibat.
30 Ang kaniyang mga sangkap sa ibaba ay gaya ng mga matulis na bibinga:
Lumalaganap na tila saksak sa banlik.
31 Kaniyang pinagpapakuluan ang kalaliman na parang palyok:
Kaniyang ginagawa ang dagat na parang pamahid.
32 Kaniyang pinasisilang ang landas sa likuran niya;
Aakalain ng sinoman na mauban ang kalaliman.
33 Sa ibabaw ng lupa ay walang gaya niya,
Na likhang walang takot.
34 Kaniyang minamasdan ang bawa't mataas na bagay:
Siya'y hari sa lahat ng mga anak na palalo.