Add parallel Print Page Options

41 “Mahuhuli(A) mo ba ang Leviatan[a] sa pamamagitan ng bingwit?
    O mailalabas mo ba ang kanyang dila sa pamamagitan ng lubid?
Makapaglalagay ka ba sa kanyang ilong ng isang lubid?
    O mabubutas ang kanyang panga ng isang kawit?
Makikiusap ba siya ng marami sa iyo?
    O magsasalita ba siya sa iyo ng mga salitang malumanay?
Makikipagtipan ba siya sa iyo,
    upang maging alipin mo magpakailanman?
Makikipaglaro ka ba sa kanya na gaya sa isang ibon?
    O tatalian mo ba siya para sa iyong kadalagahan?
Makikipagtawaran ba para sa kanya ang mga mangangalakal?
    Sa mga negosyante siya kaya'y paghahatian?
Mahihiwa mo ba ng patalim na bakal ang kanyang balat,
    o ang kanyang ulo ng sa isda ay pangsibat?
Pagbuhatan mo siya ng kamay;
    isipin mo ang paglalaban, at hindi mo na ito gagawin kailanman!
Narito, ang pag-asa ng tao ay nabibigo,
    siya'y pinabababa kahit makita lamang niya ito.
10 Walang napakabagsik upang mangahas na siya'y mapagalaw,
    sino ngayon siya na makakatayo sa aking harapan?
11 Sinong nagbigay sa akin, na dapat ko siyang bayaran?
    Sa akin ang anumang nasa silong ng buong kalangitan.

12 “Hindi ako tatahimik tungkol sa kanyang mga bisig,
    ni sa kanya mang dakilang kapangyarihan, ni sa kanya mang mainam na hugis.
13 Sinong makapaghuhubad ng kanyang damit na panlabas?
    Sinong makatatagos sa kanyang dobleng damit-kalasag?
14 Sinong makapagbubukas ng mga pinto ng kanyang mukha?
    Pagkasindak ang nasa palibot ng ngipin niya.
15 Ang kanyang likod ay gawa sa hanay ng mga kalasag
    na pinagdikit tulad sa isang pantatak.
16 Ang isa'y napakalapit sa iba pa,
    anupa't walang hangin na makaraan sa pagitan nila.
17 Ang isa't isa'y magkakabit,
    hindi maihihiwalay, pagka't nagkakalakip.
18 Ang kanyang mga pagbahin ay nagsisiklab ng tanglaw,
    at ang kanyang mga mata ay gaya ng talukap mata ng bukang-liwayway.
19 Sa bibig niya'y lumalabas ang nagliliyab na sulo;
    mga alipatong apoy ay nagsisilukso.
20 Sa mga butas ng kanyang ilong may usok na lumalabas,
    gaya ng mula sa isang kumukulong kaldero at mga talahib na nagniningas.
21 Nagpapaningas ng mga uling ang kanyang hininga,
    at may apoy na lumalabas sa bibig niya.
22 Sa kanyang leeg ay nananatili ang kalakasan,
    at ang sindak ay sumasayaw sa kanyang harapan.
23 Ang mga kaliskis ng kanyang laman ay magkakadikit,
    matibay ang pagkakabit sa kanya at hindi maaalis.
24 Kasintigas ng bato ang kanyang puso,
    matigas na gaya ng panggiling na bato.
25 Kapag siya'y tumitindig ang mga makapangyarihan ay natatakot,
    nawawala sila sa sarili dahil sa kanyang kalabog.
26 Kahit na tamaan siya ng tabak, ito ay hindi tumatalab;
    ni ng sibat man, ng palaso, ni ng mahabang pangsibat.
27 Itinuturing niyang parang dayami ang bakal,
    at ang tanso ay parang bulok na kahoy lamang.
28 Hindi siya mapapatakbo ng palaso,
    sa kanya'y nagiging pinaggapasan ang mga pantirador na bato.
29 Ang mga pamalo ay itinuturing na pinaggapasan,
    ang langitngit ng mga sibat ay kanyang tinatawanan.
30 Ang kanyang mga sangkap sa ibaba ay gaya ng matatalas na bibinga;
    parang paragos ng giikan kung siya'y bumubuka.
31 Kanyang pinakukulo ang kalaliman na parang palayok;
    ginagawa niya ang dagat na parang isang palayok ng pamahid na gamot.
32 Sa likuran ay nag-iiwan siya ng bakas na kumikinang,
    aakalain ng sinuman na ubanin ang kalaliman.
33 Walang gaya niya sa ibabaw ng lupa,
    isang walang takot na nilikha.
34 Kanyang minamasdan ang bawat mataas na bagay;
    siya'y hari sa lahat ng mga anak ng kapalaluan.”

Footnotes

  1. Job 41:1 LEVIATAN: Maaaring buwaya .
'Job 41 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.

Ang kapangyarihan ng Panginoon ay katulad ng buwaya.

41 Mahuhuli mo ba ang (A)buwaya ng isang bingwit?
O mailalabas mo ba ang kaniyang dila ng isang panali?
Makapaglalagay ka ba ng tali sa kaniyang ilong?
O makabubutas sa kaniyang panga ng isang taga ng bingwit?
Mamamanhik ba siya ng marami sa iyo?
O magsasalita ba siya ng mga malumanay na salita sa iyo?
Makikipagtipan ba siya sa iyo,
Upang ariin mo siyang alipin magpakailan man?
Makikipaglaro ka ba sa kaniya na gaya sa isang ibon?
O iyong tatalian ba siya para sa iyong mga dalaga?
Makakalakal ba siya (B)ng mga pulutong ng mangingisda?
Mababahagi ba siya nila sa (C)mga mangangalakal?
Mahihiwa mo ba ang kaniyang balat ng sundang na bakal,
O ang kaniyang ulo ng panaksak ng isda?
Ipatong mo ang iyong kamay sa kaniya;
Alalahanin mo ang pagbabaka at huwag mo nang gawin.
Narito, ang pagasa riyan ay walang kabuluhan:
Hindi ba malulugmok ang sinoman makita lamang yaon?
10 Walang malakas na makapangahas kumilos niyaon:
Sino ngang makatatayo sa harap ko?
11 (D)Sinong naunang nagbigay sa akin upang aking bayaran siya?
(E)Anomang nasa silong ng buong langit ay akin.
12 Hindi ako tatahimik tungkol sa kaniyang mga sangkap ng katawan,
Ni sa kaniya mang dakilang kapangyarihan, ni sa kaniya mang mainam na hugis.
13 Sinong makapaglilitaw na karayagan ng kaniyang mga damit?
Sinong makalalapit sa kaniyang magkasaping pangil?
14 Sinong makapagbubukas ng mga pinto ng kaniyang mukha?
Sa palibot ng kaniyang ngipin ay kakilabutan.
15 Ang kaniyang mga matibay na (F)palikpik ay kaniyang kapalaluan,
Nangagkakadikit na maigi na gaya sa isang tatak na mahigpit.
16 Nagkakadikit sa isa't isa,
Na ang hangin ay hindi makaraan sa pagitan sa mga yaon.
17 Sila'y nagkakasugpongan sa isa't isa;
Nagkakalakip na magkasama, na hindi maihihiwalay.
18 Ang kanilang mga bahin ay kumikislap ng apoy,
At ang kanilang mga mata ay gaya ng mga bukang liwayway kung umaga.
19 Mula sa kaniyang bibig ay lumalabas ang nagliliyab na sulo,
At mga alipatong apoy ay nagsisilabas.
20 Mula sa kaniyang mga butas ng ilong ay lumalabas ang usok,
Na gaya ng isang kumukulong talyasi at nagniningas na mga talahib.
21 Ang kaniyang hinga ay nagpapaningas ng mga baga,
At isang alab ay lumalabas sa kaniyang bibig.
22 Sa kaniyang leeg ay tumitira ang kalakasan,
At ang kakilabutan ay sumasayaw sa harap niya.
23 Ang mga kaliskis ng kaniyang laman ay nangagkakadikitan;
Nangagtutumibay sa kaniya; hindi magagalaw.
24 Ang kaniyang puso ay matatag na gaya ng isang bato;
Oo, matatag na gaya ng batong pangibaba ng gilingan.
25 Pagka siya'y tumitindig ay natatakot ang makapangyarihan:
Dahil sa pagkagulat ay nangalilito sila.
26 Kung siya'y tagain ninoman ng tabak ay hindi tumatalab;
Ni ng sibat man, ng pana, ni ng matalas na tulis man.
27 Kaniyang ipinalalagay ang bakal na parang dayami,
At ang tanso na parang lapok na kahoy.
28 Hindi niya mapatakas ng palaso:
Ang mga batong panghilagpos ay nagiging sa kaniya'y parang pinagputulan ng trigo.
29 Ang mga panakbat ay nangapapalagay na parang pinagputulan ng trigo:
Kaniyang tinatawanan ang galaw ng sibat.
30 Ang kaniyang mga sangkap sa ibaba ay gaya ng mga matulis na bibinga:
Lumalaganap na tila saksak sa banlik.
31 Kaniyang pinagpapakuluan ang kalaliman na parang palyok:
Kaniyang ginagawa ang dagat na parang pamahid.
32 Kaniyang pinasisilang ang landas sa likuran niya;
Aakalain ng sinoman na mauban ang kalaliman.
33 Sa ibabaw ng lupa ay walang gaya niya,
Na likhang walang takot.
34 Kaniyang minamasdan ang bawa't mataas na bagay:
Siya'y hari sa lahat ng mga anak na palalo.