Add parallel Print Page Options

Ang Ikalawang Sagutan(A)

15 Ang sagot ni Elifaz na taga-Teman,

“Mga salita mo'y pawang kahangalan,
    ang sinasabi mo ay parang hangin lang.
Ang sinasabi mo'y salita ng isang hangal,
    di ka maililigtas ng salitang walang saysay.
Kung ikaw ang masusunod, wala nang matatakot sa Diyos,
    at nais mong hadlangan ang sa kanya'y dumudulog.
Kasamaan mo'y nahahalata sa iyong mga salita,
    nais mo pang magtago sa mga salitang may daya.
Kaya nga ang humahatol sa iyo ay hindi ako,
    salita mong binibigkas ang humatol sa iyo.

“Akala mo ba'y ikaw ang unang taong isinilang?
    Nauna ka pa ba sa mga kabundukan?
Naroon ka ba nang sabihin ng Diyos ang kanyang plano,
    o sa palagay mo'y ikaw lang ang may talino?
Ano ba ang alam mo na di namin nalalaman?
    Lahat ng naiintindihan mo'y amin ding nauunawaan.
10 Ang mga may uban sa buhok ay aming kasama,
    mga taong matatanda pa sa iyong ama.

11 “Inaaliw ka ng Diyos ngunit ayaw mong pansinin,
    ang banayad naming payo na sa puso nanggagaling.
12 Bakit nagmamatigas pa, ipinipilit ang sarili?
    Mga mata'y nanlilisik, kapag tinitingnan kami.
13 Bakit ba ang galit mo'y sa Diyos ibinubunton
    at sa kanya iniuukol ang salitang walang hinahon?

14 “Sino(B) ba ang walang sala, at malinis na lubos?
    Sinong isinilang na matuwid sa harap ng Diyos?
15 Kung doon sa mga anghel, tiwala ng Diyos ay di lubusan,
    kahit silang nasa langit ay mayroon ding pagkukulang.
16 Gaano pa kaya ang taong nasanay sa kasamaan,
    laging uhaw sa masama at hindi tama.

17 “Makinig ka at sa iyo'y aking sasabihin,
    ang lahat ng nakita ko at naabot ng paningin.
18 Mga taong matatalino ang sa akin ay nagturo,
    mga katotohanang inilahad ng kanilang mga ninuno.
19 Ang lupain ay sa kanila lamang ibinigay
    at walang dayuhan na sa kanila'y nakipanirahan.

20 “Ang taong mapang-api at puno
ng kasamaan,
    laging nasa ligalig habang siya'y nabubuhay.
21 Lagi siyang makakarinig nakakatakot na tinig,
    papasukin siya ng tulisan kung kailan siya'y tahimik.
22 Hindi siya makakatakas sa lagim ng kamatayan
    pagkat mayroong tabak na sa kanya'y nag-aabang.
23     Mga buwitre'y naghihintay upang kainin ang kanyang bangkay,[a]
alam niyang madilim ang kanyang kinabukasan.
24     Takot ang naghahari sa buo niyang katauhan,
    parang laging hinahabol ng haring makapangyarihan.

25 “Ganito ang sasapitin ng taong nagyayabang
    at ng humahamon sa Diyos na Makapangyarihan.
26-27 Ipinagmamalaki pa ang ginagawang pagsuway
    at ang palagi niyang hawak ay kanyang kalasag,
    at ang hangad ay habulin at labanan ang Maykapal.
28 Siya ay nanakop ng maraming bayan,
    mga bahay na nilisan ay kanyang kinamkam,
    ngunit mga iyon ay mawawasak pagdating ng digmaan.
29 Ang kayamanan niya ay hindi magtatagal,
    maging ang buhay niya'y madali ring papanaw.
30 Sa gitna ng dilim siya'y makukubkob,
    siya'y matutulad sa punongkahoy na nasunog,
    na ang bulaklak ay tinatangay ng hangin.
31 Dahil nagtiwala siya sa kahangalan,
    kahangalan din ang kanyang kabayaran.
32 Maaga niyang tatanggapin ang kanyang kabayaran,
    tulad ng sangang nalanta, di na muling mananariwa.
33 Makakatulad niya'y ubas na kahit hilaw na bunga'y nalalagas,
    at tulad ng olibo na ang mga bulaklak ay nalalaglag.
34 Walang matitira sa lahi ng masama,
    masusunog ang bahay na sa suhol nagmula.
35 Ganyan ang mga taong nagbabalak ng kasamaan,
    pandaraya ang palaging nasa puso at isipan.”

Idinaing ni Job ang Ginagawa sa Kanya ng Diyos

16 Sumagot naman si Job,
“Narinig ko nang lahat ang inyong mga sinabi,
    kayong lahat ay mang-aaliw na walang silbi.
Wala na bang katapusan, mga salita mong walang laman?
    Bakit ka ba nagsasalita ng ganyan?

“Kaya ko ring sabihin ang lahat ng sinabi ninyo,
    kapag kayo ang dumaranas ng hirap kong ito.
Matatambakan ko rin kayo ng salita at payo,
    may kibit na ng balikat, may iling pa ng ulo.
Ngunit ang sasabihin ko'y pampalakas ng inyong loob,
    mga salitang bibitiwa'y pampabawas ng kirot.

“Kung ako ay magsalita, hirap ko'y di maaalis;
    kung magsawalang-kibo nama'y naroon pa rin ang sakit.
Pinanlupaypay ng Diyos ang abâ kong katauhan
    at nilipol pa niya pati aking sambahayan.
    Nakadikit na sa buto at kulubot ang aking balat,
larawan ng mga hirap na aking dinaranas;
    ito raw ay katunayan ng aking kasalanan.
Dahil sa matinding poot niya sa akin halos ako'y kanyang pagputul-putulin;
    mga mata'y nanlilisik, may poot kung tumingin.
10 Nilalait ako ng mga tao,
    pinapaligiran at sinasampal ako.
11 Ipinaubaya na ako ng Diyos sa masasama, pinabayaan sa mga taong walang awa.
12 Sa aking pananahimik,
    ako'y kanyang ginambala,
    sinakal, dinurog at pinuntirya ng pana.
13 Tinatamaan ako ng pana sa kabi-kabila,
    sugat ko'y malubha
    ngunit wala pa rin siyang awa.
14 Paulit-ulit niya akong sinusugatan,
    para siyang mandirigmang galit na galit sa kalaban.

15 “Ako'y nakasuot ng damit-panluksa,
    nakaupo sa alikabok, katawa'y nanghihina.
16 Sa kaiiyak ko'y pula na ang aking mukha,
    mata ko'y wala nang makita pagkat namamaga.
17     Wala naman akong ginagawang masama,
    panalangin ko sa Diyos ay tapat at walang daya.

18 “Huwag mong tabunan, O Lupa, ang aking kaapihan,
huwag ipagkait sa akin ang hangad kong katarungan!
19 Ang(C) aking testigo ay nasa langit,
    siyang tatayo't magtatanggol ng aking panig.
20 Mga kaibigan ko ang sa aki'y humahamak,
    kaya sa Diyos na lamang ako ay iiyak.

21 “May magtanggol sana sa akin sa harap ng Maykapal,
    tulad ng pagpanig ng isang tao sa kanyang kaibigan.
22 Pagkat ilang taon na lang itong aking itatagal,
    ako'y papunta na sa huli kong hantungan.

17 Gulung-gulo ang aking isipan, bilang na ang aking mga araw,
    hinihintay na ako ng libingan.
Pinagmamasdan ko ang sa akin ay lumalait, mga salita nila'y lubhang masasakit.
O Diyos, ako'y tapat, kaya sa aki'y magtiwala,
    ikaw lang ang makapagpapatunay sa aking mga salita.
Isip nila'y sinarhan mo upang di makaunawa;
    laban sa akin, huwag nawa silang magtagumpay.
Siyang dahil sa salapi ay nagtataksil sa mga kaibigan,
    kanyang mga anak ang siyang mawawalan.
Ako ngayo'y pinag-uusapan ng buong bayan,
    pinupuntahan pa upang maduraan lamang.
Halos ako'y mabulag dahil sa kalungkutan,
    kasingnipis ng anino ang buo kong katawan.
Mga nagsasabing sila'y tapat sa akin ay nagulat,
    ang mga walang sala, sa aki'y nanunumbat.[b]
Ngunit ang mga matuwid ay lalong naniniwala,
    at lalo pang nahikayat na sila nga ang tama.
10 Subalit silang lahat, humarap man sa akin,
    wala akong maituturo na may talinong angkin.

11 “Tapos na ang mga araw ko, bigo ang aking mga plano,
    ang aking pag-asa'y tuluyan nang naglaho.
12 Sabi nila, ang gabi ay araw na rin,
    malapit na raw ang liwanag,
    ngunit alam kong ako'y nasa dilim pa rin.
13 Ang tanging pag-asa ko'y ang daigdig ng mga patay,
    at sa kadiliman doon ako mahihimlay.
14 Ang hukay ay tatawagin kong ama,
    at ang mga uod ay ituturing kong mga kapatid at ina.
15 Nasaan nga ang aking pag-asa,
    sino ang dito ay makakakita?
16 Madadala ko ba ito sa daigdig ng mga patay,
    sasama ba ito sa alabok na hantungan?”

Inilarawan ni Bildad ang Wakas ng Masama

18 Sumagot si Bildad na Suhita,
“Kay rami naman ng iyong sinasabi,
    tumahimik ka muna at pakinggan kami.
Kami ba'y ano sa iyong palagay?
    Mga bakang hangal at walang nalalaman?
Sarili mo lang ang iyong sinasaktan, dahil sa galit na iyong tinataglay.
    Pababayaan ba ang daigdig dahil lamang sa iyo,
    at aalisin ang mga bundok sa kanilang puwesto?

“Ang(D) ilaw ng masama'y tiyak na papatayin,
    ang kanyang apoy ay di na papaningasin.
Ang ilaw sa kanyang tahana'y pagdidilimin.
Ang matatag niyang hakbang ngayon ay nabubuwal,
    pagbagsak niya'y nalalapit sa kanya ring kasamaan.
Di niya namamalayang ang kanyang mga paa ay sa bitag pupunta,
    kaya naman nasisilo itong kanyang mga paa.
10 Isang silo ang sa kanya'y iniumang,
    may bitag na nakahanda sa kanyang daraanan.

11 “Saanman siya bumaling, takot ay naghihintay;
    sinusundan siya nito sa bawat hakbang.
12 Mayaman siya noon ngunit ngayo'y hikahos,
    naghihintay sa kanya'y hirap at pagdarahop.
13 Nakamamatay na sakit, sa katawan niya'y kumakalat,
    mga bisig at paa niya'y unti-unting naaagnas.
14 Dati siya'y panatag sa kanyang tahanan;
    ngayo'y kinakaladkad patungo kay Kamatayan.
15 May iba nang nakatira doon sa dati niyang tahanan,
    matapos malagyan ng gamot at malinis nang lubusan.
16 Ang kanyang mga ugat at mga sanga, lahat ay natuyo at pawang nalanta.
17 Lahat niyang alaala ay napawi nang lubusan;
    nakalimutan nang lahat pati kanyang pangalan.
18 Mula sa liwanag, inihagis siya sa karimlan,
    at pinalayas siya sa daigdig ng mga buháy.
19 Isang anak man o apo ay wala siyang naiwan, ni isa'y walang natira sa kanyang sambahayan.
20 Mula silangan hanggang kanluran, nanginginig at kinikilabutan
    dahil sa kanyang matinding kasawian.
21 Ang masasamang tao'y ganyan ang kapalaran,
    mga di kumikilala sa Diyos ganyan ang kahihinatnan.”

Naniniwala si Job na Pawawalang-sala Siya ng Diyos

19 Ang sagot ni Job,
“Hanggang kailan ninyo ako pahihirapan
    sa mga salitang inyong binibitawan?
Maraming ulit na ninyo akong nilait,
    di na kayo nahiya na sa aki'y magmalabis.
Kung nakagawa man ako ng kasalanan;
    walang ibang mananagot kundi ako lamang.
Akala ninyo kayo'y mas mabuti kaysa akin,
    pinagbabatayan ninyo'y ang hirap kong pasanin.
Dapat ninyong malaman, ang Diyos ang may gawa nito;
    ang bitag niyang iniumang ay nasa paligid ko.
Tumututol ako sa ganitong karahasan,
    ngunit walang nakikinig
    sa sigaw kong katarungan.
Hinarangan ng Diyos ang aking daraanan;
    binalot niya ng dilim ang landas kong lalakaran.
Inalis niyang lahat ang aking kayamanan,
    sinira pa niya ang aking karangalan.
10 Saanman ako bumaling, ako'y kanyang pinapalo,
parang punong binunot, pag-asa ko'y natutuyo.
11 Matindi ang galit ng Diyos sa akin;
    isang kaaway ang sa aki'y kanyang turing.
12 Ang hukbo niya ay tinipon at ako ay kinubkob,
    ang aking tahanan ay kanilang sinakop.

13 “Ang mga kapatid ko'y pinalayo niya sa akin;
    mga dating kakilala, hindi na ako pinapansin.
14     Pati mga kamag-anak ko'y nag-alisan; naiwan akong walang kaibigan.
15 Dati kong mga panauhi'y di na ako kilala;
    para na akong dayuhan sa aking mga alila.
16 Ang utos ko sa kanila'y hindi na rin pinapansin,
    makiusap man ako'y ayaw pa rin akong sundin.
17 Pati na ang asawa ko'y nandidiri sa akin;
    mga kapatid ko sa laman, ayaw akong makapiling.
18 Ako'y kinukutya ng mga batang paslit; kapag ako'y nakita, pinagtatawanan at nilalait.
19 Mga(E) kaibigan kong matalik sa akin ay nasusuklam,
    ang mga minamahal ko, ako'y nilalayuan.
20 Buto't balat na lamang ang natitira sa akin,
    ang pag-asa kong mabuhay, maliit na at katiting.
21 Mga kaibigan ko, sa akin sana'y mahabag;
    kamay na ng Diyos ang sa aki'y humahampas.
22 Bakit n'yo ako inuusig tulad ng ginagawa ng Diyos?
    Di pa ba kayo masaya sa kahirapan kong lubos?

23 “Ang mga salita ko sana'y maisulat
    at maitala sa isang buong aklat!
24 At maiukit sa bato itong mga sinabi ko
    upang habang panaho'y mabasa ng mga tao.
25 Ngunit alam kong di natutulog ang aking Tagapagligtas,[c]
    na magtatanggol sa akin pagdating ng wakas.
26 Pagkatapos na maubos itong aking buong balat,
    makikita ko ang Diyos kahit laman ay maagnas.
27 Siya'y aking mamamasdan, at mukhaang makikita;
    siya'y makikilala nitong aking mga mata.
Ang puso ko'y nananabik na masdan ko na siya.

28 “Ako ay patuloy ninyong uusigin,
    pagkat iniisip ninyong ang sala nga ay sa akin.
29 Kayo sana ay mag-ingat sa talim nitong tabak,
    na siyang maghahatid ng parusa sa kasalanan,
    upang inyong malamang may hahatol nga sa wakas.”

Inilarawan ni Zofar ang Bahagi ng Masama

20 Sinabi ni Zofar na Naamita,
“Ang iyong mga sinabi ay hindi ko na nagugustuhan
    kaya hindi ko na mapigilan ang pagsali sa usapan.
    Ang iyong mga sinabi ay puro panlalait,
    kaya't tugon ko ngayo'y aking ipababatid.

“Hindi mo ba nalalaman na buhat pa sa simula,
    nang ang tao ay ilagay sa ibabaw ng lupa,
    ang pagmamataas ng masama ay di nagtatagal,
umabot man sa langit ang kanyang katanyagan,
    at ang kanyang ulo, sa ulap ay umabot man.
    Ngunit tulad ng alabok, ganap siyang mapaparam;
ang hantungan niya'y hindi alam ng sinuman.
Siya'y(F) parang panaginip na mawawala, parang pangitain sa gabi,
    di na muling makikita.
Di na siya muli pang makikita ng mga dating kaibigan at kapamilya.
10 Makikisama sa mahihirap ang kanyang mga anak;
    kayamanang kinamkam, mapapabalik lahat.
11 Ang lakas ng kabataan na dati niyang taglay,
    kasama niyang mahihimlay sa alabok na hantungan.

12 “Ang lasa ng kasamaan para sa kanya ay matamis,
    ninanamnam pa sa dila, samantalang nasa bibig.
13 Itong kanyang kasamaan ay hindi niya maiwan;
    kahit gusto man niyang iluwa ay di niya magagawa.
14 Ngunit nang ito'y lunukin, dumaan sa lalamunan,
    ubod pala ng pait, lason sa katawan.
15 Kayamanang kinamkam niya, kanya ngayong isusuka;
    palalabasin nga ng Diyos mula sa kanyang bituka.
16 Ang nilulunok ng taong masama ay tulad ng kamandag,
    parang tuklaw ng isang ahas na sa kanya ay papatay.
17 Ang mga ilog at batis na siyang dinadaluyan
    ng pulot at gatas ay di na niya mamamasdan.
18 Di rin niya papakinabangan lahat ng pinaghirapan;
    di niya malalasap ang naipong kayamanan,
19     sapagkat ang mahihirap ay inapi niya,
    kinamkam ang mga bahay na itinayo ng iba.

20 “Kanyang pagkagahaman ay walang katapusan,
    walang nakakaligtas sa kanyang kasakiman.
21 Kapag siya'y kumakain, wala siyang itinitira,
    ngunit ang kasaganaan niya ngayo'y magwawakas na.
22 Sa kanyang kasaganaan, daranas ng kagipitan
    at siya'y daratnan ng patung-patong na kahirapan.
23 Kumain na siya't magpakabusog!
    Matinding galit ng Diyos sa kanya'y ibubuhos.
24 Makaligtas(G) man siya sa tabak na bakal,
    palasong tanso naman ang sa kanya'y magbubuwal.
25 Kapag ito'y itinudla sa apdo niya ay tutusok;
    kung makita niya ito,
    manginginig siya sa takot.
26 Matinding kadiliman ang sa kanya'y naghihintay;
    masusunog siya sa apoy na hindi namamatay.
    Wala ring matitira sa kanyang pamilya.
27 Ipahahayag ng langit ang kasamaan ng taong ito,
    laban sa kanya, ang lupa'y magpapatotoo.
28 Ang lahat ng kayamanan niya ay sisirain,
    sa galit ng Diyos ito ay tatangayin.

29 “Ganito ang sasapitin ng lahat ng masasama,
    kapasyahan ng Diyos, sa kanila'y itinakda.”

Pinatunayan ni Job na Masagana ang Buhay ng Masama

21 Ang sagot ni Job,
“Pakinggan ninyong mabuti itong aking sasabihin;
    ituturing ko nang ito'y pag-aliw sa akin.
Ako muna'y inyong pagsalitain,
    at pagkatapos nito, saka na ninyo laitin.

“Di laban sa tao itong aking hinanakit,
    may sapat akong dahilan, kung bakit hindi makatiis.
Tingnan ninyo ang hitsura ko, hindi pa ba ito sapat
    upang tumahimik na kayo at walang salitang mabigkas?
Tuwing iisipin ko itong sinapit ko,
    ako'y nanginginig at nanlulumo.
Bakit kaya ang masama'y hinahayaan pang mabuhay,
    tumatanda pa at nagtatagumpay?
Mayroon silang mga anak at mga apo,
    naabutan pa nila ang paglaki ng mga ito.
Hindi pinipinsala ang kanilang mga tahanan;
    parusa ng Diyos ay di nila nararanasan.
10 Ang pagdami ng kanilang mga hayop ay mabilis,
    ang inahin nilang baka'y nasa ayos kung magbuntis.
11 Ang kanilang mga anak ay naghahabulan, parang tupang naglalaro at mayroon pang sayawan.
12     Umaawit sa saliw ng tamburin at lira, umiindak, nagsasayaw sa tunog ng mga plauta.
13 Ang buong buhay nila'y puspos ng kasaganaan;
    at mapayapa ang kanilang pagharap sa kamatayan.

14 “Sinasabi nila sa Diyos, ‘Huwag mo kaming pakialaman.
    Ayaw naming alamin ang iyong kalooban!
15 Sino ba ang Makapangyarihang Diyos upang sambahin namin?
    At ano bang mapapala kung sa kanya'y mananalangin?’
16 Ang akala nila, sa sariling lakas galing ang tagumpay,
    ngunit di ako sang-ayon sa kanilang palagay.

17 “Ilawan ba ng masama'y pinatay nang minsan?
    Sila ba ay dumanas ng matinding kahirapan,
at ang parusa ng Diyos, sa kanila ba'y ipinataw?
18     Itinulad ba sa dayaming nililipad nitong hangin
    o ipang walang laman, tinatangay sa papawirin?

19 “Sinasabi ninyong ang anak ay pinaparusahan dahil sa sala ng kanyang magulang.
Parusahan sana ng Diyos ang mismong may kasalanan!
20 Sa gayo'y mararanasan nila ang kahirapang sasapitin;
    sa parusa ng Makapangyarihang Diyos, sila ang pagdanasin.
21 Kapag ang isang tao'y binawian ng buhay,
    ano pang pakialam niya sa pamilyang naiwan?
22 Sinong makakapagturo ng dapat gawin ng Diyos,
    na siyang humahatol sa buong sansinukob?

23 “May taong namamatay sa gitna ng kasaganaan,
    panatag ang katayuan, maginhawa ang kabuhayan.
24 Katawan niya ay malusog,
    at malalakas ang tuhod.
25 Mayroon namang namamatay sa kahirapan,
    ni hindi nakalasap kahit kaunting kaligayahan.
26 Ngunit pareho silang sa alabok nahihimlay,
    at kapwa inuuod ang kanilang katawan.

27 “Alam ko kung ano ang binabalak ninyong gawin
    at ang masamang iniisip ninyo laban sa akin.
28 Tiyak na itatanong ninyo kung nasaan ang tahanan
    ng taong namuhay sa kasamaan.

29 “Hindi ba ninyo naitatanong sa mga manlalakbay,
    mga ulat nila'y hindi ba ninyo pinaniniwalaan?
30 Sa panahon ng kahirapan at kasawiang-palad,
    di ba't ang masama ay laging naliligtas?
31 Sa kanyang kasamaa'y walang nagpapamukha,
    walang naniningil sa masama niyang gawa.
32 Kapag siya ay namatay at inihatid na sa hukay,
    maraming nagbabantay sa kanyang libingan.
33     Napakaraming sa kanya'y maghahatid sa libing,
    pati lupang hihigan niya, sa kanya ay malambing.
34 Ngunit pang-aaliw ninyo'y walang kabuluhan,
    pagkat lahat ng sagot ninyo'y pawang kasinungalingan!”

Footnotes

  1. 23 Mga buwitre'y…bangkay: Sa ibang manuskrito'y Gaya ng isang lagalag na naghahanap ng tinapay at nagsasabing, “Nasaan na?”
  2. 8 sa aki'y nanunumbat: o kaya'y nagalit sa mga hindi kumikilala sa Diyos .
  3. 25 Ngunit…Tagapagligtas: o kaya'y Ngunit alam kong buháy ang aking Tagapagligtas .