Add parallel Print Page Options

Ang Babilonia ay Nagapi

50 Ang(A) salitang sinabi ng Panginoon tungkol sa Babilonia, at tungkol sa lupain ng mga Caldeo, sa pamamagitan ng propetang si Jeremias:

“Ipahayag ninyo sa gitna ng mga bansa at inyong ipatalastas,
    magtaas kayo ng watawat at ipahayag,
    huwag ninyong itago, kundi inyong sabihin,
‘Ang Babilonia ay nasakop,
    si Bel ay nalagay sa kahihiyan,
    si Merodac ay nabasag.
Ang kanyang mga larawan ay nalagay sa kahihiyan,
    ang kanyang mga diyus-diyosan ay nabasag.’

“Sapagkat mula sa hilaga ay umahon ang isang bansa laban sa kanya na sisira sa kanyang lupain, at walang maninirahan doon; ang tao at ang hayop ay tatakas.

Ang Pagbabalik ng Israel

“Sa mga araw na iyon, at sa panahong iyon, sabi ng Panginoon, ang mga anak ni Israel at ni Juda ay darating na magkakasama, umiiyak habang sila'y dumarating, at hahanapin nila ang Panginoon nilang Diyos.

Kanilang ipagtatanong ang daan patungo sa Zion, na ang kanilang mga mukha ay nakatutok doon, na sinasabi, ‘Halikayo, magsama-sama tayo sa Panginoon sa isang walang hanggang tipan na hindi kailanman malilimutan.’

“Ang aking bayan ay naging gaya ng nawawalang tupa, iniligaw sila ng kanilang mga pastol. Sila'y inilihis sa mga bundok, sila'y nagpabalik-balik sa burol at bundok; nakalimutan nila ang kanilang dakong pahingahan.

Sinakmal sila ng lahat ng nakatagpo sa kanila, at sinabi ng kanilang mga kaaway, ‘Kami ay walang kasalanan, sapagkat sila'y nagkasala laban sa Panginoon, ang kanilang tunay na pastulan, ang Panginoon, ang pag-asa ng kanilang mga ninuno.’

“Tumakas(B) kayo mula sa gitna ng Babilonia, at lumabas kayo sa lupain ng mga Caldeo, at kayo'y maging gaya ng mga lalaking kambing sa harapan ng mga kawan.

Sapagkat narito, aking inuudyukan at dinadala laban sa Babilonia ang isang pangkat ng malalaking bansa mula sa hilagang lupain. Sila'y hahanay laban sa kanya; mula doo'y sasakupin siya. Ang kanilang mga palaso ay gaya ng sa sanay na mandirigma na hindi bumabalik na walang dala.

10 Ang Caldea ay sasamsaman; lahat ng nagsisisamsam sa kanya ay mabubusog, sabi ng Panginoon.

11 “Bagaman kayo ay nagagalak, bagaman kayo'y nagsasaya,
    O kayong mandarambong ng aking mana,
bagaman kayo'y nagpapasasa na gaya ng babaing guya sa damuhan,
    at humahalinghing na gaya ng mga lalaking kabayo;
12 ang inyong ina ay lubhang mapapahiya,
    at siya na nagsilang sa inyo ay hihiyain.
Siya'y magiging huli sa mga bansa,
    isang ilang, lupaing tuyo at disyerto.
13 Dahil sa poot ng Panginoon ay hindi siya titirahan,
    kundi magiging lubos na wasak;
bawat magdaraan sa Babilonia ay magtataka,
    at susutsot dahil sa lahat niyang mga sugat.
14 Humanay kayo laban sa Babilonia sa palibot,
    kayong lahat na nag-uumang ng busog;
tudlain ninyo siya, huwag kayong magtipid ng mga palaso,
    sapagkat siya'y nagkasala laban sa Panginoon.
15 Sumigaw ka laban sa kanya sa palibot:
    Siya'y sumuko na;
ang kanyang mga muog ay gumuho na,
    ang kanyang mga pader ay bagsak na.
Sapagkat ito ang paghihiganti ng Panginoon:
    Maghiganti kayo sa kanya,
    gawin ninyo sa kanya kung ano ang ginawa niya.
16 Ihiwalay ninyo sa Babilonia ang manghahasik,
    at ang naghahawak ng karit sa panahon ng pag-aani,
dahil sa tabak ng mang-aapi.
    Bawat isa ay babalik sa kanyang bayan,
    bawat isa ay tatakas patungo sa kanyang sariling lupain.

Ang Pagbabalik ng Israel

17 “Ang Israel ay isang nagsipangalat na kawan na itinaboy ng mga leon. Una'y sinakmal siya ng hari ng Asiria; at ang huli ay si Nebukadnezar na hari ng Babilonia ang bumali ng kanyang mga buto.

18 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Narito, aking parurusahan ang hari ng Babilonia at ang kanyang lupain, kung paanong pinarusahan ko ang hari ng Asiria.

19 Ibabalik ko ang Israel sa kanyang pastulan, at siya'y manginginain sa Carmel at sa Basan, at ang kanyang nasa ay masisiyahan sa mga burol ng Efraim at ng Gilead.

20 Sa mga araw at sa panahong iyon, sabi ng Panginoon, ang kasamaan ay hahanapin sa Israel at hindi magkakaroon ng anuman; at ang kasalanan sa Juda, at walang matatagpuan, sapagkat aking patatawarin sila na aking iniwan bilang nalabi.

Ang Hatol ng Diyos sa Babilonia

21 “Umahon ka laban sa lupain ng Merathaim,[a]
at laban sa mga naninirahan sa Pekod.[b]
    Pumatay ka at ganap mong lipulin sila,
sabi ng Panginoon,
    at gawin mo ang lahat ng iniutos ko sa iyo.
22 Ang ingay ng digmaan ay nasa lupain,
    at malaking pagkawasak!
23 Pinutol at binali ang pamukpok ng buong daigdig!
Ang Babilonia ay naging
    isang katatakutan sa gitna ng mga bansa!
24 Ako'y naglagay ng bitag para sa iyo, at ikaw naman ay nakuha, O Babilonia,
    at hindi mo ito nalaman;
ikaw ay natagpuan at nahuli,
    sapagkat ikaw ay naghimagsik laban sa Panginoon.
25 Binuksan ng Panginoon ang kanyang taguan ng sandata,
    at inilabas ang mga sandata ng kanyang poot;
sapagkat iyon ay gawa ng Panginoong Diyos ng mga hukbo
    sa lupain ng mga Caldeo.
26 Pumunta kayo laban sa kanya mula sa pinakamalayong hangganan;
    buksan ninyo ang kanyang mga kamalig;
itambak ninyo siya na gaya ng bunton, at lubos ninyo siyang wasakin;
    huwag mag-iiwan ng anuman sa kanya.
27 Patayin ninyo ng tabak ang lahat niyang mga toro;
    pababain sila sa katayan.
Kahabag-habag sila! Sapagkat dumating na ang kanilang araw,
    ang araw ng pagpaparusa sa kanila.

28 “May tinig ng mga takas at mga tumatakbo mula sa lupain ng Babilonia, upang ipahayag sa Zion ang paghihiganti ng Panginoon nating Diyos, ang paghihiganti para sa kanyang templo.

29 “Magpatawag(C) kayo ng mga mamamana laban sa Babilonia, silang lahat na gumagamit ng pana. Magkampo kayo sa palibot niya; huwag hayaang makatakas ang sinuman. Gantihan siya ayon sa kanyang mga gawa, gawin ninyo sa kanya ang ayon sa lahat niyang ginawa; sapagkat may kapalaluan niyang sinuway ang Panginoon, ang Banal ng Israel.

30 Kaya't mabubuwal ang kanyang mga kabataang lalaki sa kanyang mga liwasan, at ang lahat niyang mga kawal ay malilipol sa araw na iyon, sabi ng Panginoon.

31 “Narito, ako'y laban sa iyo, O ikaw na palalo,
    sabi ng Panginoong Diyos ng mga hukbo;
sapagkat ang iyong araw ay dumating na,
    ang panahon na parurusahan kita.
32 At ang palalo ay matitisod at mabubuwal,
    at walang magbabangon sa kanya;
at ako'y magpapaningas ng apoy sa kanyang mga lunsod,
    at lalamunin niyon ang lahat ng nasa palibot niya.

33 “Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Ang mga anak ni Israel ay inaapi at gayundin ang mga anak ni Juda na kasama nila; lahat ng bumihag sa kanila ay mahigpit silang hinahawakan, sila'y ayaw nilang palayain.

34 Ang kanilang Manunubos ay malakas; ang Panginoon ng mga hukbo ang kanyang pangalan. Tiyak na kanyang ipaglalaban sila, upang mabigyan niya ng kapahingahan ang lupa, ngunit kaguluhan sa mga mamamayan ng Babilonia.

35 “Tabak laban sa mga Caldeo, sabi ng Panginoon,
    at laban sa mga mamamayan ng Babilonia,
    at laban sa kanyang mga pinuno, at sa kanyang mga pantas!
36 Tabak laban sa mga manghuhula,
    at sila'y magiging mga hangal!
Tabak laban sa kanyang mga mandirigma
    at sila'y malilipol!
37 Tabak laban sa kanilang mga kabayo at sa kanilang mga karwahe,
    at laban sa lahat ng mga dayuhang nasa gitna niya,
    at sila'y magiging mga babae!
Tabak laban sa kanyang mga kayamanan,
    at ang mga iyon ay sasamsamin.
38 Tagtuyot sa kanyang mga tubig,
    at sila'y matutuyo!
Sapagkat iyon ay lupain ng mga larawang inanyuan,
    at sila'y nahihibang sa mga diyus-diyosan.

39 “Kaya't(D) ang mababangis na hayop ay maninirahan doon na kasama ng mga asong-gubat, at ang avestruz ay maninirahan sa kanya; hindi na ito titirahan ng mga tao kailanpaman; ni matatahanan sa lahat ng mga salinlahi.

40 Kung(E) paanong winasak ng Diyos ang Sodoma at Gomorra at ang mga karatig-bayan ng mga iyon, sabi ng Panginoon, gayon walang sinumang maninirahan doon, at walang anak ng tao na titira doon.

41 “Narito, isang bayan ay dumarating mula sa hilaga;
    isang makapangyarihang bansa at maraming hari
    ang gigisingin mula sa pinakamalayong bahagi ng lupa.
42 May hawak silang busog at sibat;
    sila'y malulupit, at walang awa.
Ang kanilang tinig ay gaya ng hugong ng dagat,
    at sila'y nakasakay sa mga kabayo,
nakahanay na gaya ng isang taong makikipagdigma
    laban sa iyo, O anak na babae ng Babilonia!
43 “Narinig ng hari ng Babilonia ang balita tungkol sa kanila,
    at ang kanyang mga kamay ay nanghina;
sinaklot siya ng dalamhati,
    ng paghihirap na gaya ng sa babaing manganganak.

44 “Narito, darating ang isang gaya ng leon na umaahon mula sa gubat ng Jordan laban sa matibay na kulungan ng tupa, bigla ko silang patatakbuhing papalayo sa kanya; at hihirangin kong mamahala sa kanya ang sinumang piliin ko. Sapagkat sinong gaya ko? Sinong magpapatawag sa akin? Sinong pastol ang makakatayo sa harapan ko?

45 Kaya't inyong pakinggan ang pinanukala ng Panginoon laban sa Babilonia; at ang mga layuning binuo niya laban sa lupain ng mga Caldeo: Tiyak na kakaladkarin ang maliliit sa kanilang kawan. Tiyak na wawasakin niya ang kawan nila dahil sa kanila.

46 Sa ingay ng pagkasakop sa Babilonia ay nayayanig ang lupa, at ang kanyang sigaw ay maririnig sa mga bansa.”

Footnotes

  1. Jeremias 50:21 o Dobleng Paghihimagsik .
  2. Jeremias 50:21 o Kaparusahan .