Add parallel Print Page Options

Ang Babala Laban sa Babilonia

13 Ang(A) pahayag tungkol sa Babilonia na nakita ni Isaias na anak ni Amoz.

Maglagay kayo ng isang hudyat sa bundok na walang tanim,
    sumigaw kayo nang malakas sa kanila,
inyong senyasan ng kamay, upang sila'y magsipasok
    sa mga pintuang-bayan ng mga mahal na tao.
Aking inutusan ang aking mga itinalaga,
    aking ipinatawag ang aking mga mandirigma, ang aking mga anak na nagsasayang may pagmamalaki,
    upang isagawa ang aking galit.

Pakinggan ninyo ang ingay sa mga bundok,
    na gaya ng napakaraming tao!
Pakinggan ninyo ang ingay ng mga kaharian,
    ng mga bansa na nagtitipon!
Tinitipon ng Panginoon ng mga hukbo
    ang hukbo para sa pakikipaglaban.
Sila'y nagmumula sa malayong lupain,
    mula sa dulo ng kalangitan,
ang Panginoon at ang mga sandata ng kanyang galit,
    upang wasakin ang buong lupain.

Manangis(B) kayo, sapagkat ang araw ng Panginoon ay malapit na;
    ito'y darating na gaya ng pagkawasak mula sa Makapangyarihan sa lahat!
Kaya't lahat ng kamay ay manghihina,
    at bawat puso ng tao ay manlulumo,
    at sila'y mababalisa.
Mga pagdaramdam at mga kapanglawan ang daranasin nila;
    sila'y maghihirap na gaya ng babaing nanganganak.
Sila'y magtitinginan na nanghihilakbot
    ang kanilang mga mukha ay magliliyab.

Tingnan ninyo, ang araw ng Panginoon ay dumarating,
    mabagsik, na may poot at mabangis na galit;
upang gawing wasak ang lupa,
    at upang lipulin mula roon ang mga makasalanan niyon.
10 Sapagkat(C) ang mga bituin ng langit at ang mga buntala nito,
    ay hindi magbibigay ng kanilang liwanag;
ang araw ay magdidilim sa kanyang pagsikat,
    at hindi ibibigay ng buwan ang kanyang liwanag.
11 Aking parurusahan ang sanlibutan dahil sa kanilang kasamaan,
    at ang masasama dahil sa kanilang kabuktutan;
at aking patitigilin ang kahambugan ng palalo,
    at aking ibababa ang kapalaluan ng malulupit.
12 Aking gagawin na mas bihira ang mga tao kaysa dalisay na ginto,
    at ang sangkatauhan kaysa ginto ng Ofir.
13 Kaya't aking yayanigin ang kalangitan,
    at ang lupa ay yayanigin mula sa kanyang dako,
sa poot ng Panginoon ng mga hukbo,
    at sa araw ng kanyang mabangis na galit.
14 At gaya ng isang usang hinahabol,
    o gaya ng mga tupa na walang magtitipon sa kanila,
bawat tao ay babalik sa kanyang sariling bayan,
    at bawat isa ay tatakas patungo sa kanyang sariling lupain.
15 Bawat matagpuan ay uulusin,
    at bawat mahuli ay mabubuwal sa tabak.
16 Ang kanilang mga sanggol ay pagluluray-lurayin
    sa harapan ng kanilang mga mata;
ang kanilang mga bahay ay pagnanakawan,
    at ang kanilang mga asawa ay gagahasain.

17 Tingnan ninyo, aking kinikilos ang mga taga-Media laban sa kanila,
    na hindi nagpapahalaga sa pilak,
    at hindi nalulugod sa ginto.
18 Papatayin ng kanilang mga pana ang mga binata;
    at sila'y hindi maaawa sa bunga ng bahay-bata;
    ang kanilang mata ay hindi mahahabag sa mga bata.
19 At(D) ang Babilonia, ang kaluwalhatian ng mga kaharian,
    ang kariktan at ipinagmamalaki ng mga Caldeo,
ay magiging gaya ng Sodoma at Gomorra
    kapag ibinagsak sila ng Diyos.
20 Hindi ito matitirahan kailanman,
    ni matitirahan sa lahat ng mga salinlahi,
ni magtatayo roon ng tolda ang taga-Arabia,
    ni pahihigain doon ng mga pastol ang kanilang kawan.
21 Kundi(E) maiilap na hayop sa ilang ang magsisihiga roon,
    at ang kanilang mga bahay ay mapupuno ng mga hayop na nagsisiungal;
at mga avestruz ay maninirahan doon,
    at ang mga demonyong kambing ay magsasayaw doon.
22 At ang mga asong-gubat ay magsisihiyaw sa kanilang mga muog,
    at ang mga chakal sa magagandang palasyo;
at ang kanilang panahon ay malapit nang sumapit,
    at ang kanilang mga araw ay hindi pahahabain.

Pagbabalik mula sa Pagkabihag

14 Ang Panginoon ay maaawa sa Jacob, at muling pipiliin ang Israel, at ilalagay sila sa kanilang sariling lupain. Ang dayuhan ay makikisama sa kanila, at sila'y mapapasama sa sambahayan ni Jacob.

At kukunin sila ng mga tao, at dadalhin sila sa kanilang dako; at aariin sila ng sambahayan ng Israel sa lupain ng Panginoon bilang mga aliping lalaki at babae. Kanilang bibihagin sila na bumihag sa kanila at mamumuno sa kanila na umapi sa kanila.

Kapag bibigyan ka na ng Panginoon ng kapahingahan mula sa iyong kahirapan, kabagabagan, at sa mabigat na paglilingkod na ipinapaglingkod mo,

ay iyong dadalhin ang pagkutyang ito laban sa hari ng Babilonia:

“Huminto na ang pang-aapi!
    Huminto na ang matinding kalapastanganan!
Binali ng Panginoon ang tungkod ng masama,
    ang setro ng mga pinuno;
na nagpahirap sa mga tao sa pamamagitan ng poot
    ng walang tigil na bugbog,
na namuno sa mga bansa sa galit,
    na may walang tigil na pag-uusig.
Ang buong lupa ay tiwasay at tahimik;
    sila'y biglang nagsisiawit.
Ang mga puno ng sipres ay nagagalak dahil sa iyo,
    at ang mga sedro sa Lebanon, na nagsasabi,
‘Mula nang ikaw ay ibagsak,
    wala nang mamumutol na umaahon laban sa amin.’
Ang Sheol sa ibaba ay kinilos
    upang salubungin ka sa iyong pagdating;
pinupukaw nito ang mga lilim upang batiin ka,
    ang lahat na mga pinuno ng lupa;
itinatayo nito mula sa kanilang mga trono,
    ang lahat na hari ng mga bansa.
10 Silang lahat ay magsasalita
    at magsasabi sa iyo:
‘Pati ba ikaw ay naging mahinang gaya namin?
    Ikaw ba'y naging gaya namin?’
11 Ang iyong kahambugan ay ibinaba sa Sheol
    pati na ang tunog ng iyong mga alpa;
ang uod ay higaan sa ilalim mo,
    at ang mga uod ang iyong pantakip.

12 “Ano't(F) nahulog ka mula sa langit,
    O Tala sa Umaga, anak ng Umaga!
Paanong ikaw ay lumagpak sa lupa,
    ikaw na siyang nagpabagsak sa mga bansa!
13 Sinabi(G) mo sa iyong puso,
    ‘Ako'y aakyat sa langit;
sa itaas ng mga bituin ng Diyos
    aking itatatag ang aking trono sa itaas;
ako'y uupo sa bundok na pinagtitipunan,
    sa malayong hilaga.
14 Ako'y aakyat sa itaas ng mga kaitaasan ng mga ulap,
    gagawin ko ang aking sarili na gaya ng Kataas-taasan.’
15 Gayunma'y ibinaba ka sa Sheol,
    sa mga pinakamalalim na bahagi ng Hukay.
16 Silang nakakakita sa iyo ay magsisititig sa iyo,
    at mag-iisip tungkol sa iyo:
‘Ito ba ang lalaki na nagpayanig ng lupa,
    na nagpauga ng mga kaharian;
17 na ginawang gaya ng ilang ang sanlibutan,
    at gumiba ng mga bayan nito;
    na hindi nagpahintulot sa kanyang mga bilanggo upang magsiuwi?’
18 Lahat ng mga hari ng mga bansa ay nahihiga sa kaluwalhatian,
    bawat isa'y sa kanyang sariling libingan.
19 Ngunit ikaw ay itinapon papalayo sa iyong libingan
    na gaya ng kasuklamsuklam na sanga,
binihisang kasama ng mga patay, ang mga tinaga ng tabak,
    na bumaba sa mga bato ng Hukay,
    gaya ng bangkay na nayapakan ng paa.
20 Ikaw ay hindi mapapasama sa kanila sa libingan,
    sapagkat sinira mo ang iyong lupain,
    pinatay mo ang iyong bayan.

“Ang angkan nawa ng mga gumagawa ng kasamaan
    ay huwag nang tawagin magpakailanman!
21 Maghanda kayong patayin ang kanilang mga anak
    dahil sa kasamaan ng kanilang mga magulang;
baka sila'y magsibangon at angkinin ang lupain,
    at punuin ng mga lunsod ang ibabaw ng lupa.”

Babala Laban sa Babilonia

22 “At ako'y babangon laban sa kanila,” sabi ng Panginoon ng mga hukbo, “at tatanggalin ko sa Babilonia ang pangalan at ang nalabi, at ang anak at ang anak ng anak,” sabi ng Panginoon.

23 “Iyon ay aking gagawing ari-arian ng hayop na erizo, at mga lawa ng tubig, at aking papalisin ng walis ng pagkawasak,” sabi ng Panginoon ng mga hukbo.

Hahatulan ang Babilonia

47 Ikaw(A) ay bumaba at umupo sa alabok,
    O anak na dalagang birhen ng Babilonia;
maupo ka sa lupa na walang trono,
    O anak na babae ng mga Caldeo!
Sapagkat hindi ka na tatawaging
    maselan at mahinhin.
Ikaw ay kumuha ng gilingang bato, at gumiling ka ng harina;
    mag-alis ka ng iyong belo,
maghubad ka ng balabal, ilitaw mo ang iyong binti,
    tumawid ka sa mga ilog.
Ang iyong kahubaran ay malalantad,
    ang iyong kahihiyan ay makikita,
ako'y maghihiganti,
    at wala akong ililigtas na tao.
Ang aming Manunubos— Panginoon ng mga hukbo ang kanyang pangalan—
    ay ang Banal ng Israel.

Maupo kang tahimik, at pumasok ka sa kadiliman,
    O anak na babae ng mga Caldeo;
sapagkat hindi ka na tatawaging
    maybahay ng mga kaharian.
Ako'y nagalit sa aking bayan,
    ang aking mana ay aking dinungisan;
ibinigay ko sila sa iyong kamay,
    hindi mo sila pinagpakitaan ng kaawaan;
sa matatanda ay pinabigat mong lubha ang iyong pasan.
At iyong sinabi, “Ako'y magiging maybahay mo magpakailanman,”
    na anupa't hindi mo inilagay ang mga bagay na ito sa iyong puso,
    o inalaala mo man ang kanilang wakas.

Ngayon(B) nga'y pakinggan mo ito, ikaw na namumuhay sa mga kalayawan,
    na tumatahang matiwasay,
na nagsasabi sa kanyang puso,
    “Ako nga, at walang iba liban sa akin;
hindi ako uupong gaya ng babaing balo
    o mararanasan man ang pagkawala ng mga anak”:
Ngunit ang dalawang bagay na ito ay darating sa iyo
    sa isang sandali, sa isang araw;
ang pagkawala ng mga anak at pagkabalo
    ay buong-buong darating sa iyo,
sa kabila ng iyong maraming pangkukulam,
    at sa malaking kapangyarihan ng iyong panggagayuma.

10 Sapagkat ikaw ay nagtiwala sa iyong kasamaan,
    iyong sinabi, “Walang nakakakita sa akin”;
ang iyong karunungan at ang iyong kaalaman
    ang nagligaw sa iyo,
at iyong sinabi sa iyong puso,
    “Ako nga, at walang iba liban sa akin.”
11 Ngunit ang kasamaan ay darating sa iyo,
    na hindi mo malalaman ang pinagmulan;
at ang kapahamakan ay darating sa iyo;
    na hindi mo maaalis;
at ang pagkawasak ay biglang darating sa iyo,
    na hindi mo nalalaman.

12 Tumayo ka ngayon sa iyong panggagayuma,
    at sa marami mong pangkukulam,
    na iyong ginawa mula sa iyong kabataan;
marahil ay makikinabang ka,
    marahil ay mananaig ka.
13 Ikaw ay pagod na sa dinami-dami ng iyong mga payo;
patayuin sila at iligtas ka,
    sila na nanghuhula sa pamamagitan ng langit,
    na nagmamasid sa mga bituin,
na nanghuhula sa pamamagitan ng buwan,
    kung anong mangyayari sa iyo.

14 Narito, sila'y gaya ng pinagputulan ng trigo,
    sinusunog sila ng apoy;
hindi nila maililigtas ang kanilang kaluluwa
    mula sa kapangyarihan ng liyab.
Walang baga na pagpapainitan sa kanila,
    o apoy na sa harapan nito'y makakaupo ang sinuman.
15 Ganito ang mangyayari sa kanila na kasama mong gumawa,
    silang nangalakal na kasama mo mula sa iyong kabataan,
bawat isa ay nagpalabuy-laboy sa kanyang sariling lakad;
    walang sinumang sa iyo ay magliligtas.

Read full chapter