Add parallel Print Page Options

Hiniling ng mga Tao na Ipanalangin Sila ni Jeremias

42 Lumapit kay Jeremias si Johanan na anak ni Karea, si Azarias na anak ni Hosaias, ang iba pang pinuno ng hukbo, at lahat ng mamamayan mula sa pinakahamak hanggang sa pinakadakila. Ang pakiusap nila sa propeta, “Idalangin ninyo kami kay Yahweh na inyong Diyos, ang lahat ng natirang ito. Kakaunti na lamang kaming natira ngayon tulad ng nakikita ninyo. Hilingin po ninyo na ituro niya sa amin ang nararapat naming puntahan at gawin.”

Sinabi sa kanila ni Jeremias, “Oo, idadalangin ko kayo kay Yahweh at sasabihin ko sa inyo kung ano ang sagot niya. Wala akong ililihim na anuman.”

Sinabi pa nila kay Jeremias, “Parusahan kami ni Yahweh kapag hindi namin ginawa ang sasabihin niya. Mabuti man ito o hindi, susundin namin ang sasabihin ni Yahweh sapagkat alam naming mapapabuti kami kung susunod sa kanyang salita.”

Tinugon ni Yahweh ang Dalangin

Pagkaraan ng sampung araw, tinanggap ni Jeremias ang pahayag ni Yahweh. Kaya tinawag niya si Johanan, ang lahat ng pinuno ng hukbong kasama nito, at ang lahat ng mamamayan, mula sa pinakahamak hanggang sa pinakadakila. Sinabi niya sa kanila, “Ganito ang sabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, tungkol sa inyong kahilingan: 10 Kung kayo'y mananatili sa lupaing ito, pagpapalain ko kayo at hindi ipapahamak; itatanim at hindi bubunutin. Nalulungkot ako dahil sa kapahamakang ipinadala ko sa inyo. 11 Huwag kayong matakot sa hari ng Babilonia sapagkat ako'y sasainyo at ililigtas ko kayo. 12 Kaaawaan ko kayo upang kaawaan din niya at payagang manatili sa inyong lupain. 13 Datapwat kapag sinuway ninyo ang mensahe ni Yahweh na inyong Diyos, kapag hindi kayo nanatili rito, 14 at sa halip ay pumunta kayo sa Egipto, sa paniniwalang walang digmaan doon, at hindi kayo magugutom, 15 ito ang sinasabi ko sa inyo: Kayong nalabi sa Juda, kapag kayo'y pumunta at nanirahan sa Egipto, 16 aabutan kayo roon ng kaaway na inyong kinatatakutan; daranas kayo ng taggutom na inyong pinangangambahan, at doon kayo mamamatay. 17 Lahat ng maninirahan doon ay mamamatay sa digmaan, sa gutom, at sa salot. Walang makakaligtas sa inyo.”

18 Sinabi pa ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel, “Kung paano ko ibinuhos sa Jerusalem ang aking galit at poot, gayon ko ito ibubuhos sa inyo, kapag kayo'y pumaroon sa Egipto. Kayo'y katatakutan, pagtatawanan, susumpain, at hahamakin. At hindi na ninyo makikita pa ang lupaing ito.

19 “Akong si Yahweh ang nagsasabi sa inyo, kayong nalabi sa Juda, na huwag kayong pupunta sa Egipto. Tandaan ninyo, 20 mamamatay kayo kapag kayo'y sumuway. Si Jeremias ay sinugo ninyo upang dumalangin sa akin; sinabi ninyo na inyong gagawin ang anumang sasabihin ko. 21 Ipinahayag ko naman ito sa inyo ngayon, subalit hindi ninyo tinutupad ang ipinapasabi ko. 22 Ngayon nga'y tinitiyak ko sa inyo na kayo'y mamamatay sa digmaan, sa gutom, at sa salot na aking ipadadala sa lugar na ibig ninyong puntahan.”

'Jeremias 42 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.

Pinaalalahanan ni Jeremias ang mga Judio na huwag pumunta sa Egipto.

42 Nang magkagayo'y ang (A)lahat na kapitan sa mga kawal, (B)at si Johanan na anak ni Carea, at si Jezanias na anak ni Osaia, at ang buong bayan, mula sa kaliitliitan hanggang sa kadakidakilaan, ay nagsilapit,

At nangagsabi kay Jeremias na propeta, Isinasamo namin sa iyo, na tanggapin ang aming pamanhik sa harap mo, at idalangin mo kami sa Panginoon mong Dios, sa makatuwid baga'y ang lahat na nalabing ito (sapagka't kaming naiwan ay kaunti sa karamihan, gaya ng namamasdan ng iyong mga mata sa amin),

Upang ipakita sa amin ng Panginoon mong Dios ang daan na aming marapat na lakaran, at ang bagay na marapat naming gawin.

Nang magkagayo'y sinabi ni Jeremias na propeta sa kanila, Aking narinig kayo; narito, aking idadalangin kayo sa Panginoon ninyong Dios ayon sa inyong mga salita; at mangyayari, na anomang bagay na isasagot ng Panginoon sa inyo; aking ipahahayag sa inyo; hindi ako maglilihim sa inyo.

Nang magkagayo'y sinabi nila kay Jeremias, (C)Ang Panginoon ay maging tunay at (D)tapat na saksi sa gitna natin, kung hindi nga namin gawin ang ayon sa buong salita na ipasusugo sa iyo ng Panginoon mong Dios sa amin.

Maging mabuti, o maging masama, aming tatalimahin ang tinig ng Panginoon nating Dios, na siya naming pinagsusuguan sa iyo; upang ikabuti namin, pagka aming tinatalima ang tinig ng Panginoon nating Dios.

At nangyari, pagkatapos ng sangpung araw, na ang salita ng Panginoon ay dumating kay Jeremias.

Nang magkagayo'y tinawag niya si Johanan na anak ni Carea, at ang lahat na kapitan sa mga kawal na kasama niya, at ang buong bayan, mula sa kaliitliitan hanggang sa kadakidakilaan,

At sinabi niya sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, na inyong pinagsuguan sa akin upang iharap ang inyong pamanhik sa harap niya:

10 Kung kayo'y magsisitahan pa sa lupaing ito, akin ngang itatayo (E)kayo, at hindi ko kayo itutulak, at itatatag kayo, at hindi ko kayo paaalisin; sapagka't (F)aking pinagsisihan ang kasamaang nagawa ko sa inyo.

11 Huwag kayong mangatakot sa hari sa Babilonia na inyong kinatatakutan; huwag kayong mangatakot sa kaniya, sabi ng Panginoon, sapagka't ako'y sumasainyo upang iligtas ko kayo, at alisin kayo sa kaniyang kamay.

12 At pagpapakitaan ko (G)kayo ng kaawaan, upang kaawaan niya kayo, at upang pabalikin kayo sa inyong sariling lupain.

13 Nguni't kung inyong sabihin, Kami ay hindi magsisitahan sa lupaing ito; na anopa't hindi ninyo talimahin ang tinig ng Panginoon ninyong Dios,

14 Na nagsasabi, Hindi; (H)kundi magsisiparoon kami sa lupain ng Egipto, na hindi namin kakikitaan ng digma, o kariringgan man ng tunog ng pakakak, o kagugutuman ng tinapay: at doon kami magsisitahan:

15 Inyo ngang pakinggan ang salita ng Panginoon, Oh nalabi sa Juda: ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel; Kung inyong (I)lubos na ihaharap ang (J)inyong mukha na pumasok sa Egipto, at magsiparoon upang mangibang bayan doon;

16 Mangyayari nga na ang tabak na inyong kinatatakutan, ay aabot sa inyo roon sa lupain ng Egipto, at ang kagutom na inyong kinatatakutan, ay susunod sa inyong mahigpit doon sa Egipto; at doon kayo mangamamatay.

17 Gayon ang mangyayari sa lahat ng tao na maghaharap ng kanilang mukha na magsiparoon sa Egipto, upang mangibang bayan doon; (K)sila'y mangamamatay sa pamamagitan ng tabak, ng kagutom at ng salot: at walang maiiwan sa kanila o makatatanan man sa kasamaan na aking dadalhin sa kanila.

18 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel: Kung paanong ang aking galit at ang aking kapusukan ay nabugso sa mga nananahan sa Jerusalem, gayon mabubugso ang aking kapusukan sa inyo, pagka kayo'y pumasok sa Egipto: at kayo'y magiging katungayawan, at katigilan, at kasumpaan, at kadustaan: at hindi na ninyo makikita ang dakong ito.

19 Ang Panginoon ay nagsalita tungkol sa inyo, Oh nalabi sa Juda, Huwag kayong pumasok sa Egipto: talastasin ninyong tunay na ako'y nagpapatotoo sa inyo sa araw na ito.

20 Sapagka't dinaya ninyo ang inyong sarili; sapagka't inyong sinugo ako sa Panginoon ninyong Dios, na inyong sinasabi, Idalangin mo kami sa Panginoon nating Dios: at ayon sa lahat na sasabihin ng Panginoon nating Dios ay gayon mo ipahayag sa amin, at aming gagawin.

21 At aking ipinahayag sa inyo sa araw na ito; nguni't hindi ninyo dininig ang tinig ng Panginoon ninyong Dios sa anomang bagay na kaniyang ipinasugo sa akin sa inyo.

22 Ngayon nga'y talastasin ninyong tunay na kayo'y mangapapatay ng tabak, ng kagutom, at ng salot, sa dakong inyong pagnasaang parunan na mangibang bayan.