Add parallel Print Page Options

Ang Pag-asa sa Hinaharap

23 “Kahabag-habag ang mga pastol na pumapatay at nagpapangalat sa mga tupa ng aking pastulan!” sabi ng Panginoon.

Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel, tungkol sa mga pastol na nangangalaga sa aking bayan: “Inyong pinangalat ang aking kawan, at itinaboy ninyo sila, at hindi ninyo sila dinalaw. Dadalawin ko kayo dahil sa inyong masasamang gawa, sabi ng Panginoon.

Pagkatapos ay titipunin ko mismo ang nalabi sa aking kawan mula sa lahat ng lupain na aking pinagtabuyan sa kanila. Ibabalik ko sila sa kanilang mga kulungan at sila'y magiging mabunga at darami.

Ako'y maglalagay ng mga pastol na mag-aalaga sa kanila at hindi na sila matatakot, o manlulupaypay pa, o mawawala man ang sinuman sa kanila, sabi ng Panginoon.

“Narito(A) ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na ako'y magbabangon para kay David ng isang matuwid na Sanga. At siya'y mamumuno bilang hari at gagawang may katalinuhan, at maggagawad ng katarungan at katuwiran sa lupain.

Sa kanyang mga araw ay maliligtas ang Juda at ang Israel ay tiwasay na maninirahan. At ito ang pangalan na itatawag sa kanya: ‘Ang Panginoon ang ating katuwiran.’

“Kaya't narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na hindi na sasabihin ng mga tao, ‘Habang buháy ang Panginoon na nag-ahon sa mga anak ni Israel mula sa lupain ng Ehipto;’

kundi, ‘Habang buháy ang Panginoon na nag-ahon at nanguna sa mga anak ng sambahayan ng Israel mula sa hilagang lupain, at mula sa lahat ng lupain na aking pinagtabuyan sa kanila.’ At sila'y maninirahan sa kanilang sariling lupa.”

Ang Mensahe ni Jeremias tungkol sa mga Propeta

Tungkol sa mga propeta:

Ang puso ko ay wasak sa aking kalooban,
    lahat ng aking mga buto ay nanginginig;
ako'y gaya ng taong lasing,
    gaya ng taong dinaig ng alak,
dahil sa Panginoon,
    at dahil sa kanyang mga banal na salita.
10 Sapagkat ang lupain ay punô ng mga mangangalunya;
    dahil sa sumpa ay tumatangis ang lupain;
    at ang mga pastulan sa ilang ay natuyo.
At ang kanilang lakad ay masama,
    at ang kanilang lakas ay hindi tama.
11 “Sapagkat parehong marumi ang propeta at ang pari;
    maging sa aking bahay ay natagpuan ko ang kanilang kasamaan, sabi ng Panginoon.
12 Kaya't ang kanilang daan ay magiging
    parang madudulas na landas sa kanila,
    sila'y itataboy sa kadiliman at mabubuwal doon;
sapagkat ako'y magdadala ng kasamaan sa kanila,
    sa taon ng pagpaparusa sa kanila, sabi ng Panginoon.
13 At sa mga propeta ng Samaria
    ay nakakita ako ng kasuklamsuklam na bagay;
sila'y nagsalita ng propesiya sa pamamagitan ni Baal,
    at iniligaw ang aking bayang Israel.
14 Ngunit(B) sa mga propeta ng Jerusalem naman
    ay nakakita ako ng kakilakilabot na bagay:
sila'y nangangalunya at lumalakad sa mga kasinungalingan;
    pinalalakas nila ang mga kamay ng mga manggagawa ng kasamaan.
    anupa't walang humihiwalay sa kanyang kasamaan:
Silang lahat sa akin ay naging tulad ng Sodoma,
    at ang mga naninirahan doon, sa akin ay tulad ng Gomorra.”

15 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo tungkol sa mga propeta:

“Narito, pakakainin ko sila ng halamang mapait,
    at binibigyan ko sila ng tubig na may lason upang inumin;
sapagkat mula sa mga propeta ng Jerusalem
    ay lumaganap ang karumihan sa buong lupain.”

16 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: “Huwag ninyong pakinggan ang mga salita ng mga propeta na nagpapahayag sa inyo na kayo'y pinupuno ng mga walang kabuluhang pag-asa. Sila'y nagsasalita ng pangitain mula sa kanilang sariling isipan, at hindi mula sa bibig ng Panginoon.

17 Patuloy nilang sinasabi sa mga humahamak sa akin, sinabi ng Panginoon, ‘Magkakaroon kayo ng kapayapaan’; at sa bawat isa na may katigasang sumusunod sa kanyang sariling puso ay sinasabi nila, ‘Walang kasamaang darating sa inyo.’”

18 Sapagkat sino ang tumayo sa sanggunian ng Panginoon,
    upang malaman at pakinggan ang kanyang salita,
    o sinong pumansin sa kanyang salita at nakinig?
19 Narito, ang bagyo ng Panginoon
    sa poot ay lumabas,
isang paikut-ikot na unos;
    ito'y sasabog sa ulo ng masama.
20 Ang galit ng Panginoon ay hindi babalik,
    hanggang sa kanyang maigawad at maisagawa
    ang mga layunin ng kanyang pag-iisip.
Sa mga huling araw ay mauunawaan ninyo ito nang maliwanag.

21 “Hindi ko sinugo ang mga propeta,
    gayunma'y nagsitakbo sila;
ako'y hindi nagsalita sa kanila,
    gayunma'y nagpahayag sila ng propesiya.
22 Ngunit kung sila'y tumayo sa aking sanggunian,
    kanila sanang naipahayag ang aking mga salita sa aking bayan,
at kanila sanang naihiwalay sila sa kanilang masamang lakad,
    at sa kasamaan ng kanilang mga gawa.

23 “Ako ba'y Diyos lamang sa malapit at hindi sa malayo? sabi ng Panginoon.

24 Makapagtatago ba ang isang tao sa mga lihim na dako upang hindi ko siya makita? sabi ng Panginoon. Hindi ba pinupuno ko ang langit at ang lupa? sabi ng Panginoon.

25 Narinig ko kung ano ang sinabi ng mga propeta na nagpahayag ng mga kasinungalingan sa aking pangalan, na nagsasabi, ‘Ako'y nanaginip, ako'y nanaginip!’

26 Hanggang kailan magkakaroon ng kasinungalingan sa puso ng mga propeta na nagpapahayag ng mga kasinungalingan at ng daya ng kanilang sariling puso,

27 na nag-aakalang ipalilimot sa aking bayan ang aking pangalan sa pamamagitan ng kanilang mga panaginip na sinasabi nila sa isa't isa, gaya ng kanilang mga ninuno na lumimot sa aking pangalan dahil kay Baal?

28 Hayaang ang propeta na may panaginip ay isalaysay ang panaginip; ngunit siya na may taglay ng aking salita ay bigkasin niya ang aking salita na may katapatan. Anong pagkakahawig mayroon ang dayami sa trigo? sabi ng Panginoon.

29 Hindi ba ang aking salita ay parang apoy at parang maso na dumudurog ng bato? sabi ng Panginoon.

30 Kaya't ako'y laban sa mga propeta na ninanakaw ang aking mga salita sa kanyang kapwa, sabi ng Panginoon.

31 Ako'y laban sa mga propeta, sabi ng Panginoon, na ginagamit ang kanilang mga dila at nagsasabi, ‘Sinasabi ng Panginoon.'

32 Ako'y laban sa kanila na ang propesiya ay mga sinungaling na panaginip na nagsasalaysay ng mga iyon, at inililigaw ang aking bayan sa pamamagitan ng kanilang mga kasinungalingan at kawalang-ingat, gayong hindi ko sila sinugo, o inatasan man sila. Kaya't wala silang anumang pakinabang na dulot sa bayang ito, sabi ng Panginoon.

Ang Pasanin ng Panginoon

33 “Kapag isa sa sambayanang ito, o isang propeta, o isang pari ang magtanong sa iyo, ‘Ano ang pasanin ng Panginoon?’ sasabihin mo sa kanila, ‘Kayo ang pasanin,[a] at itatakuwil ko kayo, sabi ng Panginoon.’

34 At tungkol sa propeta, pari, o isa sa taong-bayan, na magsasabi, ‘Ang pasanin ng Panginoon,’ ay parurusahan ko ang lalaking iyon at ang kanyang sambahayan.

35 Ganito ang sasabihin ng bawat isa sa inyo sa kanyang kapwa, at ng bawat isa sa kanyang kapatid, ‘Ano ang isinagot ng Panginoon?’ o kaya, ‘Ano ang sinabi ng Panginoon?’

36 Ngunit ‘ang pasanin ng Panginoon’ ay huwag na ninyong babanggitin pa, sapagkat ang pasanin ay ang salita ng bawat tao, at inyong minamali ang mga salita ng Diyos na buháy, ng Panginoon ng mga hukbo, na ating Diyos.

37 Ganito ang iyong sasabihin sa propeta, ‘Ano ang isinagot sa iyo ng Panginoon?’ at, ‘Ano ang sinabi ng Panginoon?’

38 Ngunit kung inyong sabihin, ‘Ang pasanin ng Panginoon’; ganito nga ang sabi ng Panginoon, ‘Sapagkat inyong sinabi ang mga salitang ito, “Ang pasanin ng Panginoon,” gayong ako'y nagsugo sa inyo, na sinabi ko, “Huwag ninyong sasabihin, ‘Ang pasanin ng Panginoon,’”

39 kaya't tiyak na bubuhatin ko kayo at itatapon mula sa aking harapan, kayo at ang lunsod na ibinigay ko sa inyo at sa inyong mga ninuno.

40 At dadalhan ko kayo ng walang hanggang pagkutya, at walang katapusang kahihiyan na hindi malilimutan.’”

Footnotes

  1. Jeremias 23:33 Sa Hebreo ay Anong Pasanin .
'Jeremias 23 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.

Ang masamang pastor at ang matuwid na sanga.

23 Sa aba ng mga pastor (A)na nangagpapahamak at nangagpapangalat sa mga tupa sa aking pastulan! sabi ng Panginoon.

Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, laban sa mga pastor na nangagpastol ng aking bayan, Inyong pinangalat ang aking kawan, at inyong iniligaw sila, at hindi ninyo sila dinalaw; narito, dadalawin ko sa inyo ang kasamaan ng inyong mga gawa, sabi ng Panginoon.

At (B)aking pipisanin ang nalabi sa aking kawan mula sa lahat na lupain na aking pinagtabuyan sa kanila, at aking dadalhin sila uli sa kanilang mga kulungan; at sila'y magiging palaanak at magsisidami.

At ako'y maglalagay ng mga (C)pastor sa kanila na kakandili sa kanila; at hindi na sila matatakot, o manglulupaypay pa, o kukulangin ang sinoman sa kanila, sabi ng Panginoon.

Narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na ako'y magbabangon kay David (D)ng matuwid na Sanga, at siya'y maghahari na gaya ng (E)hari, at gagawang may kapantasan, at magsasagawa ng (F)kahatulan at kaganapan sa lupain.

Sa kaniyang mga kaarawan ay (G)maliligtas ang Juda, at ang Israel ay tatahang tiwasay; at ito ang kaniyang pangalan na itatawag sa kaniya, Ang Panginoon ay ating (H)katuwiran.

Kaya't narito, ang mga araw ay (I)dumarating, sabi ng Panginoon, na hindi na nila sasabihin, Buháy ang Panginoon, na nagahon ng mga anak ni Israel mula sa lupain ng Egipto;

Kundi, Buháy ang Panginoon, na nagahon at pumatnubay sa angkan ng binhi ng Israel mula sa hilagaang lupain, at mula sa lahat ng lupain na aking pinagtabuyan sa kanila. At sila'y magsisitahan sa kanilang sariling lupain.

Ang mga bulaang propeta sa Juda at Samaria ay inusig.

Tungkol sa mga propeta. Ang puso ko sa loob ko ay bagbag, (J)lahat kong buto ay nanginginig; ako'y parang langong tao, at parang taong dinaig ng alak, dahil sa Panginoon, at dahil sa kaniyang mga banal na salita.

10 Sapagka't (K)ang lupain ay puno ng mga mangangalunya; sapagka't (L)dahil sa sumpa ay tumatangis ang lupain; ang mga pastulan sa ilang ay natuyo. At ang kanilang lakad ay masama, at ang kanilang lakas ay hindi matuwid.

11 Sapagka't (M)ang propeta ay gayon din ang saserdote ay marumi; oo, (N)sa aking bahay ay nasumpungan ko ang kanilang kasamaan, sabi ng Panginoon.

12 Kaya't ang kanilang daan ay magiging sa kanila'y parang mga madulas na dako sa kadiliman: sila'y isusudlong, at mangabubuwal doon; sapagka't (O)ako'y magpaparating ng kasamaan sa kanila, sa makatuwid baga'y sa taon ng pagdalaw sa kanila, sabi ng Panginoon.

13 At nakita ko ang kamangmangan sa mga propeta ng (P)Samaria; (Q)sila'y nanganghuhula sa pamamagitan ni Baal, at inililigaw ang aking bayang Israel.

14 Sa mga propeta ng Jerusalem naman ay nakita ko ang kakilakilabot na bagay: (R)sila'y nangangalunya, at nagsisilakad sa mga kasinungalingan; at (S)kanilang pinalalakas ang mga kamay ng mga manggagawa ng kasamaan, na anopa't walang humihiwalay sa kaniyang kasamaan: silang lahat ay naging (T)parang Sodoma sa akin, at ang mga nananahan dito ay parang Gomorra.

15 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo tungkol sa mga propeta, Narito, aking pakakanin sila ng ajenjo, at paiinumin ko sila ng inuming mapait, sapagka't mula sa mga propeta ng Jerusalem ay lumabas ang pagdudumi sa buong lupain.

16 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Huwag ninyong dinggin ang mga salita ng mga propeta na nanganghuhula sa inyo: sila'y nangagtuturo sa inyo ng walang kabuluhan; (U)sila'y nangagsasalita ng pangitain ng kanilang sariling puso, at hindi mula sa bibig ng Panginoon.

17 Kanilang sinasabing lagi sa kanila na nagsisihamak sa akin, Sabi ng Panginoon, (V)Kayo'y mangagkakaroon ng kapayapaan; at sa bawa't isa na lumalakad sa katigasan ng kaniyang sariling puso ay sinasabi nila, (W)Walang kasamaang darating sa inyo.

18 Sapagka't (X)sinong tumayo sa payo ng Panginoon, upang makamalas at makarinig ng kaniyang salita? sinong nakinig ng aking salita, at nakarinig?

19 Narito, ang bagyo ng Panginoon, ang kaniyang kapusukan, ay lumabas, oo, ipoipong bagyo: babagsak sa ulo ng masama.

20 Ang galit ng Panginoon ay (Y)hindi mapaparam, hanggang sa kaniyang magawa, at hanggang sa kaniyang maisagawa ang haka ng kaniyang puso: sa mga huling araw ay lubos ninyong mauunawa.

21 Hindi ko sinugo (Z)ang mga propetang ito, gayon ma'y nagsitakbo sila: ako'y hindi nagsalita sa kanila, gayon ma'y nanghula sila.

22 Nguni't kung sila'y nanayo sana sa aking payo, kanila ngang naiparinig ang aking mga salita sa aking bayan, at kanilang (AA)naihiwalay sa kanilang masamang lakad, at sa kasamaan ng kanilang mga gawa.

Ang mangaalipusta sa tunay na propeta ay pinagwikaan.

23 Ako baga'y Dios lamang sa malapit, sabi ng Panginoon, at (AB)hindi Dios sa malayo?

24 May makapagkukubli bagang sinoman sa mga lihim na dako na hindi ko makikita siya? (AC)sabi ng Panginoon, (AD)Hindi baga pinupuno ko ang langit at ang lupa? sabi ng Panginoon.

25 Aking narinig kung ano ang sinabi ng mga propeta, (AE)na nanganghuhula ng mga kasinungalingan sa aking pangalan, na nangagsasabi, Ako'y nanaginip, ako'y nanaginip.

26 Hanggang kailan masusumpungan ito sa puso ng mga propeta na nanganghuhula ng mga kasinungalingan; sa makatuwid baga'y ng mga propeta na nanganghuhula ng daya ng kanilang sariling puso?

27 Na nagaakalang magpalimot sa aking bayan ng aking pangalan sa pamamagitan ng kanilang mga panaginip na sinasaysay ng bawa't isa sa kanila sa kaniyang kapuwa, gaya ng kanilang mga magulang (AF)na nakalimot ng aking pangalan dahil kay Baal.

28 Ang propeta na nanaginip, ay magsaysay siya ng isang panaginip; at siyang nagtamo ng aking salita, salitain niya ang aking salita na may pagtatapat. Ano ang dayami sa trigo? sabi ng Panginoon.

29 Hindi baga ang aking salita ay parang apoy? sabi ng Panginoon; at parang pamukpok na dumudurog ng bato?

30 Kaya't narito, ako'y (AG)laban sa mga propeta, sabi ng Panginoon, na ninanakaw ng bawa't isa ang aking mga salita sa kaniyang kapuwa.

31 Narito, ako'y laban sa mga propeta, sabi ng Panginoon, na nagsisipagsalita, at nangagsasabi, Kaniyang sinasabi.

32 Narito, ako'y laban sa kanila na nanghuhula ng mga sinungaling na panaginip, sabi ng Panginoon, at sinasaysay, at (AH)inililigaw ang aking bayan sa pamamagitan ng kanilang mga kasinungalingan, at (AI)sa pamamagitan ng kanilang walang kabuluhang kahambugan: gayon man ay hindi ko sinugo sila, o inutusan ko man sila; at hindi man pinakikinabangan nila ang bayang ito sa anomang paraan, sabi ng Panginoon.

Ang mangaalipusta sa tunay na propeta ay pinagwikaan.

33 At pagka ang bayang ito, o ang propeta, o ang saserdote ay magtatanong sa iyo, na magsasabi, Ano ang hula na mula sa Panginoon? (AJ)iyo ngang sasabihin sa kanila, Anong hula! Aking itatakuwil kayo, sabi ng Panginoon.

34 At tungkol sa propeta, at sa saserdote, at sa bayan, na magsasabi, Ang hula na mula sa Panginoon, ay akin ngang parurusahan ang lalaking yaon at ang kaniyang sangbahayan.

35 Ganito ang sasabihin ng bawa't isa sa inyo sa kaniyang kapuwa, at ng bawa't isa sa kaniyang kapatid, Ano ang isinagot ng Panginoon? at, Ano ang sinalita ng Panginoon?

36 At ang hula na mula sa Panginoon ay hindi na ninyo babanggitin pa: sapagka't bawa't sariling salita ng tao ay magiging kaniyang hula; sapagka't inyong binago ang mga salita ng buhay na (AK)Dios, ng Panginoon ng mga hukbo na ating Dios.

37 Ganito ang iyong sasabihin sa propeta, Ano ang isinagot sa iyo ng Panginoon? at, Ano ang sinalita ng Panginoon?

38 Nguni't kung inyong sabihin, Ang hula na mula sa Panginoon; ganito nga ang sabi ng Panginoon: Sapagka't inyong sinasabi ang salitang ito, Ang hula na mula sa Panginoon, at ako'y nagsugo sa inyo, na sinabi ko, Huwag ninyong sasabihin, Ang hula na mula sa Panginoon;

39 Kaya't, narito, aking lubos na kalilimutan (AL)kayo, at aking itatakuwil kayo, at ang bayang ibinigay ko sa inyo at sa inyong mga magulang, mula sa aking harapan:

40 At ako'y magpaparating ng walang hanggang kakutyaan sa inyo, at walang hanggang kahihiyan, na hindi malilimutan.