Add parallel Print Page Options

Ang Kasalanan at ang Kaparusahan ng Juda

17 Sinasabi ni Yahweh, “Mga taga-Juda, ang inyong mga kasalanan ay isinulat ng panulat na bakal; iniukit sa pamamagitan ng matulis na diyamante sa inyong mga puso, at sa mga sulok ng inyong mga altar. Naalala ng inyong mga anak ang mga altar at haliging ginawa ninyo para sa diyosang si Ashera. Ang mga ito'y nakatayo sa tabi ng malalagong puno sa ibabaw ng mga sagradong burol, at sa mga bundok na nasa maluwang na lupain. Pababayaan kong makuha ng inyong mga kaaway ang mga kayamanan at mga ari-arian ninyo dahil sa mga kasalanang ginawa ninyo sa buong lupain. Mapipilitan kayong isuko ang lupaing ibinigay ko sa inyo. At gagawin ko kayong mga alipin ng inyong mga kaaway sa lupaing wala kayong nalalaman, sapagkat parang apoy ang aking galit, at mananatiling nagniningas magpakailanman.”

Kay Yahweh lamang Magtiwala

Sinasabi ni Yahweh,
“Susumpain ko ang sinumang tumatalikod sa akin,
at nagtitiwala sa kanyang kapwa-tao,
    sa lakas ng mga taong may hangganan ang buhay.
Ang katulad niya'y halamang tumubo sa disyerto,
    sa lupang tuyo at maalat, na walang ibang tumutubo;
walang mabuting mangyayari sa kanya.

“Mapalad ang mga taong nagtitiwala kay Yahweh,
    pagpapalain ang umaasa sa kanya.
Katulad(A) niya'y isang punongkahoy na nakatanim sa tabi ng batisan;
    ang mga ugat ay patungo sa tubig;
hindi ito manganganib kahit dumating ang tag-init,
    sapagkat mananatiling luntian ang mga dahon nito,
kahit hindi umulan ay wala itong aalalahanin;
    patuloy pa rin itong mamumunga.

“Sino ang makakaunawa sa puso ng tao?
    Ito'y mandaraya at walang katulad;
    wala nang lunas ang kanyang kabulukan.
10 Akong(B) si Yahweh ang sumisiyasat sa isip
    at sumasaliksik sa puso ng mga tao.
Ginagantimpalaan ko ang bawat isa ayon sa kanyang pamumuhay,
    at ginagantimpalaan ayon sa kanyang ginagawa.”

11 Ang taong nagkakamal ng salapi sa pandaraya
    ay parang ibong pumipisa sa hindi niya itlog.
Mawawala ang mga kayamanang iyon sa panahon ng kanyang kalakasan,
    at sa bandang huli, siya'y mapapatunayang isang hangal.

12 Ang ating Templo'y katulad ng isang maharlikang trono,
    nakatayo sa isang mataas na bundok buhat pa noong una.

13 Ikaw, Yahweh, ang pag-asa ng Israel;
    mapapahiya ang lahat ng magtatakwil sa iyo.
Maglalaho silang gaya ng pangalang isinulat sa alabok,
    sapagkat itinakwil ka nila, Yahweh,
    ang bukal ng tubig na nagbibigay-buhay.

Humingi ng Tulong kay Yahweh si Jeremias

14 Yahweh, pagalingin mo ako, at ako'y lubusang gagaling; sagipin mo ako, at ako'y ganap na maliligtas. Ikaw ang tangi kong pupurihin!

15 Sinasabi sa akin ng mga tao, “Nasaan ang mga banta ni Yahweh laban sa amin? Bakit hindi niya ito gawin ngayon?”

16 Hindi ko hiniling na parusahan mo sila, o ninais na sila'y mapahamak. Yahweh, nalalaman mo ang lahat ng ito; alam mo kung ano ang aking mga sinabi. 17 Huwag mo sana akong takutin; ikaw ang kublihan ko sa panahon ng kagipitan. 18 Biguin mo ang mga umuusig sa akin; ngunit huwag mo akong ilagay sa kahihiyan. Hasikan mo sila ng takot ngunit huwag mo akong tatakutin. Parusahan mo sila at sila'y iyong wasakin.

Paggalang sa Araw ng Pamamahinga

19 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Pumunta ka at tumayo sa Pintuang-bayan na pinapasukan at nilalabasan ng mga hari ng Juda; pagkatapos, gayundin ang iyong gawin sa lahat ng pintuang-bayan sa Jerusalem. 20 Sabihin mo sa mga hari, sa lahat ng taga-Juda, sa sinumang nakatira sa Jerusalem, at sa pumapasok sa mga pintuang-bayang ito, na pakinggan ang sasabihin ko: 21 Kung(C) ayaw ninyong mapahamak, huwag kayong magbubuhat ng anuman kung Araw ng Pamamahinga; huwag kayong papasok sa pintuang-bayan ng Jerusalem na may dalang anuman sa araw na iyon. 22 Huwag(D) din kayong magbubuhat ng anuman mula sa inyong bahay at huwag kayong gagawa ng anumang trabaho sa Araw ng Pamamahinga; ito'y igalang ninyo bilang banal na araw, gaya ng iniutos ko sa inyong mga magulang. 23 Ngunit hindi sila nakinig sa akin o kaya'y sumunod, sa halip, nagmatigas pa sila. Ayaw nila akong sundin o paturo sa akin.

24 “Ngunit kung kayo'y makikinig sa akin, at hindi magdadala ng anuman pagpasok sa pintuang-bayan ng lunsod na ito kung Araw ng Pamamahinga; kung igagalang ninyo ang araw na ito bilang banal at hindi kayo gagawa ng anumang gawain, 25 makakapasok sa mga pintuang-bayan ng Jerusalem ang inyong mga hari at pinuno, at mauupo sa trono gaya ni David. Kasama ng mga taga-Juda at taga-Jerusalem, sasakay sila sa mga karwahe at mga kabayo, at laging mapupuno ng mga tao ang lunsod ng Jerusalem. 26 Darating ang mga tao mula sa bawat bayan sa Juda at sa mga nayon sa paligid ng Jerusalem; may darating mula sa lupain ng Benjamin, mula sa paanan ng mga bundok, mula sa kaburulan, at mula sa timog ng Juda. Magdadala sila sa aking Templo ng mga haing susunugin at mga handog na pagkaing butil at inumin, kamanyang, gayundin ng mga handog bilang pasasalamat. 27 Ngunit kailangang sumunod sila sa akin. Dapat nilang igalang ang Araw ng Pamamahinga, at huwag magbubuhat ng anuman sa araw na iyon pagpasok nila sa Jerusalem. Kung hindi, susunugin ko ang mga pintuang-bayan ng Jerusalem. Matutupok ang mga palasyo sa Jerusalem, at walang sinumang makakapatay sa sunog na ito.”

'Jeremias 17 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.

Ang kasalanan ng Juda ay hindi mapapawi.

17 Ang kasalanan ng Juda ay nasulat ng (A)panulat na bakal, at ng dulo ng diamante: nakintal sa kanilang puso, at sa mga (B)sungay ng inyong mga dambana;

Habang naaalaala ng kanilang mga anak ang kanilang mga dambana at ang (C)kanilang mga Asera (D)sa tabi ng mga sariwang puno ng kahoy sa mga mataas na burol.

Oh (E)aking bundok sa parang, aking ibibigay sa pagkasamsam ang iyong mga tinatangkilik sa lahat ng iyong lupa at ang lahat ng iyong mga kayamanan, at ang iyong mga mataas na dako, dahil sa kasalanan, sa lahat ng iyong hangganan.

At ikaw, sa makatuwid baga'y ang iyong sarili, mawawalaan ka ng iyong mana na ibinigay ko sa iyo; at paglilingkurin (F)kita sa iyong mga kaaway sa lupain na hindi mo nakikilala: sapagka't pinapagningas ninyo ang aking galit na magniningas magpakailan man.

Ang Panginoon lamang ang dapat na pagtiwalaan.

Ganito ang sabi ng Panginoon: Sumpain ang tao na tumitiwala sa tao, at (G)ginagawang laman ang kaniyang bisig, at ang puso ay humihiwalay sa Panginoon.

Sapagka't siya'y magiging (H)gaya ng kugon sa ilang, at hindi makakakita pagka ang mabuti ay dumarating, kundi tatahan sa mga tuyong dako sa ilang, (I)lupaing maalat at hindi tinatahanan.

Mapalad (J)ang tao na tumitiwala sa Panginoon, at ang pagasa ay ang Panginoon.

Sapagka't siya'y magiging (K)parang punong kahoy na itinanim sa tabi ng tubig, at naguugat sa tabi ng ilog, at hindi matatakot pagka ang init ay dumarating, kundi (L)ang kaniyang dahon ay magiging sariwa; at hindi mababalisa sa taon ng pagkatuyu, o maglilikat man ng pagbubunga.

Ang puso ay magdaraya ng higit kay sa lahat na bagay, at totoong masama: sinong makaaalam?

10 Akong Panginoon, ay (M)sumisiyasat ng pagiisip, aking tinatarok ang mga puso, (N)upang magbigay sa bawa't tao ng ayon sa kanikaniyang lakad, ayon sa bunga ng kanikaniyang mga gawain.

11 Kung paanong lumilimlim ang pugo sa mga itlog na hindi kaniya, gayon siya nagtatangkilik ng mga kayamanan, at hindi sa pamamagitan ng matuwid; (O)sa kaniyang mga kaarawan ay (P)iiwan niya yaon, at sa kaniyang wakas (Q)ay nagiging mangmang siya.

12 Ang maluwalhating luklukan, na naitaas mula nang pasimula, ay siyang dako ng aming santuario.

13 Oh Panginoon, na pagasa ng Israel, (R)lahat na nagpapabaya sa iyo ay mapapahiya. Silang nagsisihiwalay sa akin ay (S)masusulat sa lupa, sapagka't kanilang pinabayaan ang Panginoon, (T)na bukal ng buháy na tubig.

14 Iyong pagalingin ako, Oh Panginoon, at gagaling ako; iyong iligtas ako, at maliligtas ako: sapagka't ikaw ang aking kapurihan.

15 Narito, (U)kanilang sinasabi sa akin, Saan nandoon ang salita ng Panginoon? paratingin ngayon.

16 Sa ganang akin, ay (V)hindi ako nagmadali sa pagpapakapastor sa pagsunod sa iyo; o ninasa ko man ang kaabaabang kaarawan: iyong nalalaman: ang lumabas sa aking mga labi ay nasa harap ng iyong mukha.

17 Huwag maging kakilabutan sa akin: ikaw ang aking kanlungan sa araw ng kasakunaan.

18 Mangapahiya sila sa nagsisiusig sa akin, nguni't huwag akong mapahiya; manganglupaypay sila, nguni't huwag akong manglupaypay; datnan sila ng araw ng kasakunaan, at ipahamak sila ng (W)ibayong pagkapahamak.

Ang sabbath ay dapat na pakabanalin.

19 Ganito ang sabi ng Panginoon sa akin, Ikaw ay yumaon, at tumayo ka sa pintuang-bayan ng mga anak ng bayan, na pinapasukan, at nilalabasan ng mga (X)hari sa Juda, at sa lahat ng pintuang-bayan ng Jerusalem;

20 At iyong sabihin sa kanila, Inyong dinggin ang salita ng Panginoon, ninyong mga hari sa Juda, at ng buong Juda, at ng lahat na nananahan sa Jerusalem, na nagsisipasok sa pintuang-bayang ito:

21 Ganito ang sabi ng Panginoon, (Y)Mangagingat kayo sa inyong sarili, at huwag kayong mangagdala ng pasan sa araw ng sabbath, o mangagpasok man sa mga pintuang-bayan ng Jerusalem;

22 Huwag din kayong maglabas ng pasan sa inyong mga bahay sa araw ng sabbath, o magsigawa man kayo ng anomang gawain: kundi inyong ipangilin ang araw ng sabbath, (Z)gaya ng iniutos ko sa inyong mga magulang.

23 Nguni't hindi nila dininig, o ikiniling man ang kanilang pakinig, kundi pinapagmatigas ang kanilang leeg, upang huwag nilang marinig, at huwag makatanggap ng turo.

24 At mangyayari, kung kayo'y mangakinig na maingat sa akin, sabi ng Panginoon, na huwag magpasok ng pasan sa mga pintuan ng bayang ito sa araw ng sabbath, kundi ipangilin ang araw ng sabbath, upang huwag gawan ng anomang gawain;

25 Kung magkagayo'y magsisipasok (AA)sa mga pintuan ng bayang ito ang mga hari at mga prinsipe na nangauupo sa luklukan ni David, na nangakakaro at nangakakabayo, sila at ang kanilang mga pangulo, ang mga lalake ng Juda, at ang mga taga Jerusalem; at ang bayang ito ay mananatili magpakailan man.

26 At sila'y manganggagaling sa (AB)mga bayan ng Juda, at sa (AC)mga palibot ng Jerusalem, at sa lupain ng Benjamin, at sa (AD)mababang lupain, at sa mga bundok, at (AE)sa Timugan, na magdadala ng mga handog na susunugin, at ng mga hain, at ng mga alay, at ng kamangyan, at mangagdadala ng mga hain na pasalamat sa bahay ng Panginoon.

27 Nguni't kung hindi ninyo didinggin ako upang ipangilin ang araw ng sabbath, at huwag mangagdala ng pasan at pumasok sa mga pintuang-bayan ng Jerusalem sa araw ng sabbath; kung magkagayo'y (AF)magsusulsol ako ng apoy sa mga pintuang-bayan niyaon, at pupugnawin niyaon ang mga palacio sa Jerusalem, at hindi mapapatay.