Add parallel Print Page Options

Si Jeremias at ang Kasunduan

11 Sinabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, kay Jeremias: “Pakinggan mong mabuti ang nakasulat sa kasunduang ito, at sabihin mo sa mga taga-Juda at sa mga taga-Jerusalem na susumpain ko ang sinumang hindi susunod sa itinatakda ng kasunduang ito. Ito ang kasunduan namin ng inyong mga magulang nang iligtas ko sila sa Egipto, ang lupaing parang pugon na tunawan ng bakal. Sinabi kong pakinggan nila at sundin ang aking mga utos. At kung susunod sila, sila'y magiging bayan ko at ako'y magiging Diyos nila. Sa gayon, tutuparin ko ang aking pangako sa kanilang mga magulang, na ipapamana ko sa kanila ang lupaing mayaman at sagana sa lahat ng bagay na tinatahanan nila ngayon.”

Sumagot naman si Jeremias, “Opo, Yahweh.”

Pagkatapos, inutusan ni Yahweh si Jeremias: “Pumunta ka sa mga lunsod ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem. Ipahayag mo ang aking mensahe sa kanila, at sabihin mo sa mga tao na unawain ang isinasaad sa kasunduan, at sundin ang mga ito. Nang ilabas ko sa Egipto ang kanilang mga magulang, mahigpit kong ipinagbilin na sundin nila ang aking mga utos. Patuloy kong pinaaalalahanan ang aking bayan hanggang sa panahong ito. Subalit hindi sila nakinig. Sa halip ay patuloy na nagmatigas at nagpakasama ang bawat isa sa kanila. Iniutos kong sundin nila ang kasunduan, ngunit sila'y tumanggi. Kaya naman ipinalasap ko sa kanila ang lahat ng parusang sinasabi dito.”

Muling sinabi ni Yahweh kay Jeremias: “Naghihimagsik laban sa akin ang mga taga-Juda at Jerusalem. 10 Ginawa rin nila ang kasalanan ng kanilang mga magulang; hindi nila sinunod ang aking utos; sumamba sila sa mga diyus-diyosan. Ang Israel at ang Juda ay kapwa sumira sa kasunduan namin ng mga magulang nila. 11 Kaya binalaan ko sila na sila'y aking lilipulin, at wala isa mang makakaligtas. At kapag sila'y humingi ng tulong sa akin, hindi ko sila papakinggan. 12 Dahil dito'y tatawag sa mga diyus-diyosan ang mga taga-Juda at Jerusalem at magdadala ng mga handog sa harapan ng mga ito. Subalit hindi sila maililigtas ng mga diyus-diyosang ito kapag dumating na ang oras ng paglipol. 13 Kung ano ang dami ng mga lunsod sa Juda, gayon din kadami ang kanilang mga diyus-diyosan. At kung ano ang dami ng mga lansangan sa Jerusalem ay siya ring dami ng kanilang mga altar na handugan para kay Baal. 14 At ikaw naman, Jeremias, huwag mo nang idalangin ang mga taong iyan. Kapag naranasan na nila ang paghihirap at sila'y humingi ng tulong sa akin, hindi ko sila papakinggan.”

15 Ang sabi ni Yahweh, “Ang mga taong iniibig ko'y gumagawa ng kasamaan. May karapatan pa ba silang pumasok sa aking Templo? Sa akala ba nila'y maililigtas sila ng kanilang mga pangako at pagdadala ng mga hayop bilang handog na susunugin? Magagalak ba sila pagkatapos niyon? 16 Noong una'y inihambing ko sila sa isang malagong puno ng olibo na hitik sa bunga. Ngunit ngayon, kaalinsabay ng pagdagundong ng kulog, susunugin ko sa tama ng kidlat ang kanilang mga dahon, at babaliin ang kanilang mga sanga.

17 “Ako, si Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, ang siyang nagtatag sa Israel at sa Juda; ngunit paparusahan ko sila dahil sa kanilang mga kasalanan. Ginalit nila ako nang magsunog sila ng mga handog sa harapan ni Baal.”

Isang Pagtatangka sa Buhay ni Jeremias

18 Ipinaalam sa akin ni Yahweh ang masamang balak ng aking mga kaaway laban sa akin. 19 Tulad ko'y isang maamong tupa na dinadala sa katayan at hindi ko alam na may masamang balak pala sila sa akin. Ang sabi nila, “Putulin natin ang puno habang malusog; patayin natin siya nang wala nang makaalaala pa sa kanya.”

20 At(A) nanalangin si Jeremias, “O Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ikaw ay hukom na makatarungan. Nababatid mo ang isipan at damdamin ng bawat tao. Ikaw ang maghiganti sa mga taong ito; ipinapaubaya ko sa iyong mga kamay ang anumang mangyayari sa akin.”

21 Si Jeremias ay binantaan ng mga taga-Anatot na papatayin kung hindi siya titigil ng pangangaral sa pangalan ni Yahweh. 22 Kaya ito ang sabi ni Yahweh: “Paparusahan ko sila! Mapapatay sa digmaan ang kanilang mga kabataang lalaki; mamamatay sa gutom ang kanilang maliliit na anak. 23 Walang matitira sa kanila kapag dumating na ang panahon na parusahan ko sila.”

'Jeremias 11 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.

Ang hindi pagsunod ng Juda sa tipan ng Panginoon.

11 Ang salita na dumating kay Jeremias na mula sa Panginoon, na nagsasabi,

Inyong pakinggan ang mga salita ng tipang ito, at inyong salitain sa mga tao ng Juda, at sa mga nananahan sa Jerusalem,

At iyong sabihin sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, (A)Sumpain ang taong hindi nakikinig ng mga salita ng tipang ito,

Na aking iniutos sa iyong mga magulang, nang araw na aking inilabas sila mula sa lupain ng Egipto, (B)mula sa hurnong bakal, na nagsasabi, (C)inyong talimahin ang aking tinig, at inyong isagawa, ayon sa lahat na iniuutos ko sa inyo: sa gayo'y magiging bayan ko kayo, at ako'y magiging inyong Dios;

Upang (D)aking maitatag ang sumpa na aking isinumpa sa inyong mga magulang, upang ibigay ko sa kanila ang isang (E)lupaing binubukalan ng gatas at pulot, gaya sa araw na ito. Nang magkagayo'y sumagot ako, at sinabi ko, (F)Siya nawa, Oh Panginoon.

At sinabi ng Panginoon sa akin, Inyong itanyag ang lahat ng mga salitang ito sa mga bayan ng Juda, at sa mga lansangan ng Jerusalem, na inyong sabihin, Inyong dinggin ang mga salita ng tipang ito, (G)at inyong isagawa.

Sapagka't aking pinatunayang mainam sa inyong mga magulang nang araw na aking iahon sila sa lupain ng Egipto, hanggang sa araw na ito, (H)na ako'y bumabangong maaga at pinatutunayan ko, na aking sinasabi, Inyong talimahin ang aking tinig.

Gayon ma'y hindi nila tinalima o ikiniling man ang kanilang pakinig kundi lumakad bawa't isa sa pagmamatigas ng kanilang masamang puso: kaya't dinala ko sa kanila ang lahat na salita ng tipang ito, na aking iniutos sa kanila na isagawa, nguni't hindi nila isinagawa.

Pagbabanta laban kay Jeremias.

At sinabi ng Panginoon sa akin, (I)Isang pagbabanta ay nasumpungan sa gitna ng mga lalake ng Juda, at sa gitna ng mga nananahan sa Jerusalem.

10 Sila'y nanganumbalik (J)sa mga kasamaan ng kanilang mga kanunuan, na nagsitangging duminig ng aking mga salita; at sila'y nagsisunod sa ibang mga dios upang paglingkuran: sinira ng sangbahayan ni Israel at ng sangbahayan ni Juda ang aking tipan na aking ipinakipagtipan sa kanilang mga magulang.

11 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, ako'y magdadala ng kasamaan sa kanila, na hindi nila matatakasan; at sila'y magsisidaing sa akin, nguni't hindi ko sila didinggin.

12 Kung magkagayo'y magsisiyaon at magsisidaing ang mga bayan ng Juda at ang mga nananahan sa Jerusalem sa mga dios na kanilang pinaghandugan ng kamangyan: nguni't hindi sila ililigtas nila sa anoman sa panahon ng kanilang kabagabagan.

13 Sapagka't (K)ayon sa bilang ng iyong mga bayan ay gayon ang iyong mga dios. Oh Juda; at ayon sa bilang ng mga lansangan ng Jerusalem ay nagtayo kayo ng mga dambana sa kahiyahiyang bagay, mga dambana upang pagsunugan ng kamangyan kay Baal.

Pagtawag ni Jeremias.

14 Kaya't huwag mong (L)idalangin ang bayang ito, o palakasin man ang daing patungkol sa kanila ni dalangin man; sapagka't hindi ko didinggin sila sa panahon na sila'y magsisidaing sa akin dahil sa kanilang kabagabagan.

15 Anong magagawa ng aking sinta sa aking buhay, yamang siya'y gumawa ng kahalayan sa marami, at (M)ang banal na lamang handog ay humiwalay sa iyo? pagka ikaw ay gumagawa ng kasamaan, ikaw nga'y nagagalak.

16 Tinawag ng Panginoon ang iyong pangalan, (N)Sariwang puno ng olivo, maganda na may mainam na bunga: sa pamamagitan ng ingay ng malaking kagulo ay kaniyang sinilaban ng apoy, at ang mga sanga niyaon ay nangabali.

17 Sapagka't ang Panginoon ng mga hukbo, na nagtatag sa iyo, ay nagbabadya ng kasamaan laban sa iyo, dahil sa kasamaan ng sangbahayan ni Israel, at ng sangbahayan ni Juda na kanilang ginawa sa ganang kanilang sarili (O)sa pamumungkahi sa akin sa galit sa pamamagitan ng paghahandog ng kamangyan kay Baal.

18 At binigyan ako ng kaalaman ng Panginoon tungkol doon, at naalaman ko: nang magkagayo'y ipinakita mo sa akin ang kanilang mga gawa.

19 Nguni't ako'y (P)gaya ng maamong kordero na pinapatnubayan sa patayan; at hindi ko naalaman (Q)na sila'y nangakakatha na ng mga katha laban sa akin, na nangagsasabi, Ating sirain ang punong kahoy sangpu ng bunga niyaon, at ating ihiwalay siya sa (R)lupain ng buháy, upang ang kaniyang pangalan ay (S)huwag ng maalaala.

20 Nguni't, Oh Panginoon ng mga hukbo, na humahatol ng matuwid, na tumatarok (T)ng puso at ng pagiisip, ipakita mo sa akin ang iyong kagantihan sa kanila; sapagka't sa iyo inihayag ko ang aking usap.

21 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa mga lalake ng Anathoth na (U)nagsisiusig ng iyong buhay, na nangagsasabi, Ikaw ay (V)huwag manghuhula sa pangalan ng Panginoon, (W)upang huwag kang mamatay sa aming kamay;

22 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Narito, aking parurusahan sila: ang mga binata ay mamamatay sa pamamagitan ng tabak; ang kanilang mga anak na lalake at babae ay mangamamatay dahil sa gutom;

23 At hindi magkakaroon ng nalabi sa kanila: sapagka't (X)ako'y magdadala ng kasamaan sa mga lalake ng Anathoth, sa makatuwid baga'y sa (Y)taon ng pagdalaw sa kanila.