Add parallel Print Page Options

Ang Panawagang Magtiwala sa Panginoon

51 1-2 Sinabi ng Panginoon, “Makinig kayo sa akin, kayong mga gustong maligtas[a] at humihingi ng tulong sa akin. Alalahanin ninyo sina Abraham at Sara na inyong mga ninuno. Katulad sila ng batong pinagtibagan sa inyo o pinaghukayan sa inyo. Noong tinawag ko si Abraham, nag-iisa siya, pero pinagpala ko siya at binigyan ng maraming lahi.

“Kaaawaan ko ang Jerusalem[b] na nawasak. Ang mga disyerto nito ay gagawin kong parang halamanan ng Eden. Maghahari sa Jerusalem ang kagalakan, pasasalamat at pag-aawitan.

“Mga mamamayan ko, makinig kayo sa akin. Dinggin ninyo ako, O bansa ko! Ibibigay ko ang aking kautusan at magsisilbi itong ilaw sa mga bansa. Malapit ko na kayong bigyan ng tagumpay. Hindi magtatagal at ililigtas ko na kayo. Ako ang mamamahala sa mga bansa. Ang mga nasa malalayong lugar[c] ay maghihintay sa akin at maghahangad ng aking kapangyarihan. Tingnan ninyo ang langit at ang mundo. Mawawala ang langit na parang usok, masisira ang mundo na parang damit, at mamamatay ang mga mamamayan nito na parang mga kulisap. Pero ang kaligtasan na aking ibibigay ay mananatili magpakailanman. Ang tagumpay at katuwiran na mula sa akin ay mapapasainyo magpakailanman. Makinig kayo sa akin, kayong mga nakakaalam kung ano ang tama at sumusunod sa aking kautusan! Huwag kayong matatakot sa mga panghihiya at pangungutya ng mga tao sa inyo. Sapagkat matutulad sila sa damit na nginatngat ng mga kulisap. Pero ang tagumpay at katuwiran na aking ibibigay ay mananatili magpakailanman. Ang kaligtasang mula sa akin ay mapapasainyo magpakailanman.”

Sige na, Panginoon, tulungan nʼyo na po kami. Gamitin nʼyo na ang inyong kapangyarihan sa pagliligtas sa amin. Tulungan nʼyo kami katulad ng ginawa nʼyo noon. Hindi baʼt kayo ang tumadtad sa dragon na si Rahab?[d] 10 Hindi baʼt kayo rin po ang nagpatuyo ng dagat, gumawa ng daan sa gitna nito para makatawid ang inyong mga mamamayan na iniligtas nʼyo sa Egipto? 11 Ang inyong mga tinubos ay babalik sa Zion na nag-aawitan at may kagalakan magpawalang hanggan. Mawawala na ang kanilang mga kalungkutan, at mag-uumapaw ang kanilang kaligayahan.

12 Sumagot ang Panginoon, “Ako ang nagpapalakas at nagpapaligaya sa inyo. Kaya bakit kayo matatakot sa mga taong katulad ninyo na mamamatay din lang na parang damo? 13 Ako baʼy nakalimutan na ninyo? Ako na lumikha sa inyo? Ako ang nagladlad ng langit at naglagay ng pundasyon ng mundo. Bakit nabubuhay kayong natatakot sa galit ng mga umaapi at gustong lumipol sa inyo? Ang kanilang galit ay hindi makakapinsala sa inyo. 14 Hindi magtatagal at ang mga bihag ay palalayain. Hindi sila mamamatay sa kanilang piitan at hindi rin sila mawawalan ng pagkain. 15 Sapagkat ako ang Panginoon na inyong Dios. Kapag kinalawkaw ko ang dagat ay umuugong ang mga alon. Panginoong Makapangyarihan ang aking pangalan. 16 Itinuro ko sa inyo ang ipinasasabi ko, at ipinagtatanggol ko kayo sa pamamagitan ng aking kapangyarihan. Ako ang naglagay ng langit at ng pundasyon ng mundo, at ako ang nagsabi sa Israel, ‘Ikaw ang aking mamamayan.’ ”

17 Jerusalem, bumangon ka! Ang galit ng Panginoon ay parang alak na ininom mong lahat hanggang sa ikaw ay magpasuray-suray sa kalasingan. 18 Wala ni isa man sa iyong mga tauhan ang aalalay sa iyo; wala ni isa man sa kanila ang tutulong sa iyo. 19 Dalawang sakuna ang nangyari sa iyo: Nawasak ka dahil sa digmaan, at nagtiis ng gutom ang iyong mga mamamayan. Walang naiwan sa mga mamamayan mo, na lilingap at aaliw sa iyo. 20 Nanlulupaypay sila at nakahandusay sa mga lansangan. Para silang mga usa na nahuli sa bitag. Dumanas sila ng matinding galit ng Panginoon; sinaway sila ng iyong Dios.

21 Kaya pakinggan ninyo ito, kayong mga nasa matinding hirap at nalasing ng hindi dahil sa alak. 22 Ito ang sinasabi ng Panginoon ninyong Dios na kumakalinga sa inyo: “Makinig kayo! Inalis ko na ang aking galit na parang alak na nakapagpalasing sa inyo. Hindi ko na kayo paiinuming muli nito. 23 Ibibigay ko ito sa mga nagpahirap sa inyo, sa mga nag-utos sa inyo na dumapa para tapakan nila kayo. Tinapakan nila ang inyong mga likod na para bang dumadaan sila sa lansangan.”

Footnotes

  1. 51:1-2 gustong maligtas: o, gustong maging matuwid.
  2. 51:3 Jerusalem: sa Hebreo, Zion.
  3. 51:5 malalayong lugar: o, mga isla; o, mga lugar malapit sa dagat.
  4. 51:9 Rahab: Ang dambuhalang hayop na kumakatawan sa Egipto.
'Isaias 51 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.

Ang Panginoon ay makatutulong at tutulong sa nagtitiwala sa Kaniya.

51 Kayo'y magsipakinig sa akin, (A)kayong nagsisisunod sa (B)katuwiran, kayong nagsisihanap sa Panginoon: magsitingin kayo sa malaking bato na inyong kinaputulan, at sa luwang ng hukay na kinahukayan sa inyo.

Tingnan ninyo si Abraham na (C)inyong ama, at si Sara na nanganak sa inyo; (D)sapagka't nang siya'y iisa ay tinawag ko siya, at (E)aking pinagpala siya, at aking pinarami siya.

Sapagka't (F)inaliw ng Panginoon ang Sion; kaniyang pinasaya ang lahat niyang (G)sirang dako, at ginawa niyang parang Eden ang kaniyang ilang, at ang kaniyang lupang masukal ay (H)parang halamanan ng Panginoon; kagalakan at kasayahan ay masusumpungan doon, pagpapasalamat, at tinig na mainam.

Makinig ka sa akin, Oh bayan ko; at pakinggan mo ako, Oh bansa ko: (I)sapagka't isang kautusan ay magmumula sa akin, at ang aking kahatulan ay gagawin kong (J)pinakaliwanag sa mga bayan.

Ang katuwiran ko ay (K)malapit, ang aking pagliligtas ay lumabas, (L)at hahatol ang aking mga bisig sa mga bayan; ang mga pulo ay magsisipaghintay (M)sa akin, at sa aking bisig ay magsisitiwala sila.

(N)Itingin ninyo ang inyong mga mata sa mga langit, at magsitungo kayo sa lupa sa ibaba; sapagka't (O)ang mga langit ay mapapawing parang usok, at (P)ang lupa ay malulumang parang bihisan; at silang nagsisitahan doon ay mangamamatay ng gayon ding paraan: nguni't ang pagliligtas ko ay magpakailan man, at ang aking katuwiran ay hindi mawawakasan.

Inyong pakinggan ako, ninyong nakakaalam ng katuwiran, bayan na ang puso ay kinaroonan ng aking kautusan; (Q)huwag ninyong katakutan ang pula ng mga tao, o manglupaypay man kayo sa kanilang mga paglait.

Sapagka't sila'y lalamunin ng tanga na (R)parang bihisan, at kakanin sila ng uod na parang bihisan na balahibo ng tupa; nguni't ang aking katuwiran ay magiging magpakailan man, at ang aking pagliligtas ay sa lahat ng sali't saling lahi.

Ang tagapagligtas mula sa Egipto ay tinawagan upang tumulong.

(S)Gumising ka, gumising ka, magbihis ka ng kalakasan, Oh (T)bisig ng Panginoon; gumising ka na (U)gaya nang kaarawan noong una, nang mga lahi ng mga dating panahon. Hindi baga ikaw ang pumutol ng (V)Rahab, na sumaksak (W)sa buwaya?

10 Hindi baga ikaw ang tumuyo (X)sa dagat, sa tubig ng malaking kalaliman; na iyong pinapaging daan ang kalaliman ng dagat (Y)upang daanan ng natubos?

11 At (Z)ang mga tinubos ng Panginoon ay magsisibalik, at magsisiparoong may awitan sa Sion; at walang hanggang kagalakan ay sasa kanilang mga ulo: sila'y mangagtatamo ng kasayahan at kagalakan; at ang kapanglawan at pagbubungtonghininga ay tatakas.

12 Ako, ako nga, ay siyang umaaliw (AA)sa inyo: sino ka na natatakot[a] sa tao na mamamatay at sa anak ng tao na gagawing parang (AB)damo;

13 At iyong kinalimutan ang Panginoon na May-lalang sa iyo, na (AC)nagladlad ng mga langit, at naglalagay ng mga patibayan ng lupa; at ikaw ay natatakot na lagi buong araw dahil sa pusok ng mamimighati, pagka siya'y nagmamadali upang gumiba? at saan nandoon ang pusok ng mamimighati?

14 Ang bihag na tapon ay madaling bibitawan; (AD)at hindi mamamatay at bababa sa hukay, o magkukulang man ang kaniyang tinapay.

15 Sapagka't ako ang Panginoon mong Dios, (AE)na nagpapahugong sa dagat, na ang mga alon niyao'y humuhugong: ang Panginoon ng mga hukbo ay siyang kaniyang pangalan.

16 At inilagay ko ang aking mga salita (AF)sa iyong bibig, at tinakpan kita (AG)sa lilim ng aking kamay, upang aking mailadlad ang mga langit, at mailagay ang mga patibayan ng lupa, at magsabi sa Sion, Ikaw ay aking bayan.

17 Gumising ka, (AH)gumising ka, tumayo ka, Oh Jerusalem, na uminom ka sa kamay ng Panginoon sa (AI)saro ng kaniyang kapusukan; iyong ininuman (AJ)ang saro ng pangpagiray, at iyong sinaid.

18 Walang pumatnubay sa kaniya sa lahat na anak na kaniyang ipinanganak; o may humawak man sa kaniya sa kamay sa lahat na anak na kaniyang pinalaki.

19 Ang dalawang bagay na ito ay nangyari sa iyo; sinong makikidamdam sa iyo? kagibaan, at kasiraan, at ang kagutom at ang tabak; (AK)paanong aaliwin kita?

20 Ang iyong mga anak ay nanganglupaypay, (AL)sila'y nangahihiga sa dulo ng lahat na lansangan, na gaya ng isang usa sa isang silo; sila'y puspos ng kapusukan ng Panginoon, ng saway ng iyong Dios.

21 Kaya't pakinggan mo ito ngayon, ikaw na nagdadalamhati, at lango, (AM)nguni't hindi ng alak:

22 Ganito ang sabi ng iyong Panginoon na Jehova, at ng iyong Dios (AN)na nagsasanggalang ng usap ng kaniyang bayan, Narito, aking inalis sa iyong kamay ang saro na pangpagiray, ang saro nga ng aking kapusukan; hindi ka na iinom pa:

23 At aking (AO)ilalagay sa kamay nila na nagsisidalamhati sa iyo, (AP)na nakapagsabi sa iyong kaluluwa, Ikaw ay dumapa upang kami ay dumaan, at iyong inilagpak ang iyong likod na parang lupa, at parang lansangan sa kanilang nagdaraan.

Footnotes

  1. Isaias 51:12 Awit 118:6