Add parallel Print Page Options

Ang Panginoon Lamang ang Dios

44 “Pero ngayon, makinig ka, O Israel na aking lingkod, ang mga mamamayan na aking pinili, na mga lahi ni Jacob. Ako, ang Panginoon, na lumikha at tumutulong sa iyo. Huwag kang matakot, ikaw na aking lingkod at pinili ko. Sapagkat binigyan kita ng tubig na pamatid uhaw at babasa sa iyong lupang tigang. Ibibigay ko ang aking Espiritu sa iyong lahi at pagpapalain ko sila. Lalago sila na parang halaman na nasa tabi ng masaganang tubig o mga puno sa tabi ng ilog. May mga magsasabi, ‘Ako ay sa Panginoon.’ At mayroon ding magsasabi, ‘Akoʼy lahi ni Jacob.’ Mayroon ding mga maglalagay ng tatak sa kanilang kamay ng pangalan ng Panginoon, at ituturing ang sarili na kabilang sa mga mamamayan ng Israel.

Walang Kabuluhan ang mga Dios-diosan

“Ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Hari at Tagapagligtas ng Israel, ang Panginoong Makapangyarihan: Ako ang simula at wakas ng lahat. Maliban sa akin ay wala nang iba pang Dios. Sino ang kagaya ko? Sabihin niya sa harap ko kung ano ang mga nangyari mula nang itayo ko na maging isang bansa ang aking mga mamamayan noong unang panahon. At sabihin din niya kung ano ang mangyayari sa hinaharap. Huwag kayong matakot o kabahan man. Hindi baʼt ipinaalam ko na sa inyo noong una pa ang layunin ko sa inyo? Kayo ang mga saksi ko. Mayroon pa bang ibang Dios maliban sa akin? Wala! Wala na akong alam na may iba pang Bato na kanlungan maliban sa akin.” Walang kwentang tao ang mga gumagawa ng mga rebultong dios-diosan. At ang mga rebultong ito na labis nilang pinahahalagahan ay walang halaga. Sila rin ang makakapagpatunay na ang mga iyon ay wala ring halaga. Sapagkat ang mga iyon ay hindi nakakakita at walang nalalaman. Kaya nga napapahiya ang mga sumasamba sa mga iyon. 10 Hangal ang taong gumagawa ng mga rebultong hindi naman napapakinabangan. 11 Tandaan ninyo! Ang lahat ng sumasamba sa mga rebulto ay mapapahiya, dahil ang mga iyan ay gawa lang ng tao. Magsama-sama man sila at akoʼy harapin, matatakot sila at mapapahiya rin.

12 Ang panday ay kumukuha ng kapirasong bakal at isinasalang sa baga. Pagkatapos, pupukpukin niya ito ng maso para maghugis rebulto. Nanghihina siya sa gutom at halos mawalan ng malay dahil sa uhaw. 13 Ang karpintero naman ay sumusukat ng kaputol na kahoy. Ginuguhitan niya ito ng anyo ng tao. Pagkatapos, uukit siya ng magandang larawan ng tao sa pamamagitan ng kanyang mga gamit para ilagay sa isang templo. 14 At para may magamit siyang kahoy, pumuputol siya ng sedro, ensina, o sipres[a] na kanyang itinanim sa kagubatan. Nagtanim din siya ng puno ng abeto, at sa kadidilig ng ulan ay tumubo ito. 15 Ang ibang piraso ng kahoy ay ginagamit niyang panggatong para pampainit at panluto ng pagkain. At ang ibang piraso ng kahoy ay ginagawa niyang rebulto na niluluhuran at sinasamba. 16 Ang ibang piraso naman ay ipinanggagatong niya at sa baga nitoʼy nag-iihaw siya ng karne, pagkatapos ay kumakain at nabubusog. Nagpapainit din siya sa apoy at sinasabi niya, “Ang sarap ng init.” 17 At ang ibang piraso ay ginagawa niyang rebulto at sa rebultong itoʼy nananalangin siya ng ganito, “Iligtas mo ako, sapagkat ikaw ang aking dios.”

18 Hindi alam at hindi nauunawaan ng mga taong ito ang kanilang ginagawa. Tinakpan ang mga mata nila kaya hindi sila makakita. Tinakpan din ang kanilang mga isip, kaya hindi sila makaunawa. 19 Walang nakakaisip na magsabi, “Ang kaputol ng kahoy ay ipinangluto ko ng pagkain, ipinang-ihaw ng karne, at aking kinain. Gagawin ko bang kasuklam-suklam na rebulto ang natirang kahoy? Sasambahin ko ba ang isang pirasong kahoy?”

20 Ang mga gumagawa nitoʼy parang kumain ng abo. Ang hangal niyang isip ang nagligaw sa kanya, at hindi niya maililigtas ang kanyang sarili. At hindi siya papayag na ang rebultong nasa kanya ay hindi dios.

21 Sinabi pa ng Panginoon, “Israel, dahil sa ikaw ay aking lingkod, isipin mo ito: Ginawa kita para maglingkod sa akin. Hindi kita kalilimutan. 22 Ang mga kasalanan moʼy parang ulap o ambon na pinaglaho ko na. Manumbalik ka sa akin para mailigtas kita.”

23 O kalangitan, umawit ka sa tuwa! O mundo, sumigaw ka nang malakas! Umawit kayo, kayong mga bundok at mga kagubatan. Sapagkat Ililigtas ng Panginoon ang lahi ni Jacob; ipapakita niya ang kanyang kapangyarihan sa Israel. 24 Ito ang sinasabi ng Panginoon na inyong Tagapagligtas na lumikha sa inyo: Ako ang Panginoong lumikha ng lahat ng bagay. Ako lang mag-isa ang naglatag ng langit at ako lang din ang lumikha ng mundo. 25 Binigo ko ang mga hula ng mga huwad na propeta. At ginagawa kong mangmang ang mga nanghuhula. Binabaliktad ko ang sinasabi ng marurunong at ginagawa kong walang kabuluhan ang kanilang nalalaman. 26 Pero tinutupad ko ang propesiya ng aking mga lingkod at mga tagapagsalita. Sinabi kong ang Jerusalem ay muling titirhan, at ang iba pang bayan ng Juda na nagiba ay muling itatayo. 27 Kapag sinabi kong matutuyo ang ilog, matutuyo nga ito. 28 Sinabi ko kay Cyrus, “Ikaw ang tagapagbantay ng aking mga mamamayan at gagawin mo ang lahat ng nais ko. Mag-uutos ka na muling itayo ang Jerusalem at ang templo roon.”

Footnotes

  1. 44:14 sipres: o, “pine tree.”
'Isaias 44 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.

Ang Panginoon lamang ang iisang Dios.

44 Gayon ma'y dinggin mo ngayon, Oh (A)Jacob na aking lingkod, at Israel, na aking pinili:

Ganito ang sabi ng Panginoon na lumalang sa iyo, at nagbigay anyo (B)sa iyo mula sa bahay-bata, na siyang tutulong sa iyo; (C)Ikaw ay huwag matakot, Oh Jacob na aking lingkod; at ikaw (D)Jeshurun, na aking pinili.

Sapagka't (E)ipagbubuhos ko ng tubig siya na uhaw, at ng mga bukal ang tuyong lupa; aking ibubuhos ang aking Espiritu sa iyong lahi, at ang aking pagpapala sa iyong suwi:

At sila'y sisibol sa gitna ng damo, gaya ng mga sauce sa tabi ng mga batis.

Sasabihin ng isa, Ako'y sa Panginoon; at magpapangalan ang iba ng pangalang Jacob; at magsusulat ang iba ng kaniyang kamay ng sa Panginoon, at magpapamagat (F)ng pangalan ng Israel.

Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Hari ng Israel, at ng kaniyang Manunubos, na Panginoon ng mga hukbo, (G)Ako ang una, at ako ang huli; at (H)liban sa akin ay walang Dios.

At sino, na gaya ko, tatawag, at (I)magpapahayag, at magaayos sa ganang akin, mula nang aking itatag ang matandang bayan? at ang mga bagay na dumarating, at ang mangyayari, ay ipahahayag nila.

Kayo'y huwag mangatakot, o magsipangilabot man: (J)hindi ko baga ipinahayag sa iyo nang una, at ipinakilala? at (K)kayo ang aking mga saksi. May Dios baga liban sa akin? oo, walang malaking Bato; ako'y walang nakikilalang iba.

Inilarawan ang kahangalan ng idolatria.

(L)Silang nangagbibigay anyo sa larawang inanyuan ay walang kabuluhan silang lahat; at ang kanilang mga bagay na kinaluluguran ay hindi mapapakinabangan: at ang kanilang sariling mga saksi ay (M)hindi nangakakakita, o nangakakaalam man: upang sila'y mangapahiya.

10 Sino ang naganyo sa isang dios, o bumubo ng larawang inanyuan (N)na di pakikinabangan sa anoman?

11 Narito, lahat niyang kasama ay mangapapahiya; at ang mga manggagawa ay sa mga tao: mapisan sila, magsitayo sila; sila'y mangatatakot, sila'y mangahihiyang magkakasama.

12 Ang panday bakal ay gumagawa ng palakol, at (O)gumagawa sa mga baga, at inaanyuan yaon sa pamamagitan ng mga pamukpok, at ginagawa yaon ng kaniyang malakas na bisig: oo, siya'y gutom, at ang kaniyang lakas ay nawawala; siya'y hindi umiinom ng tubig, at patá.

13 Naguunat ang anluwagi ng isang pising panukat; kaniyang tinatandaan ng lapis; kaniyang inaanyuan sa pamamagitan ng mga katam, at kaniyang tinatandaan ng mga kompas, at inaanyuan ng ayon sa anyo ng tao, ayon sa kagandahan ng tao, upang tumahan sa bahay.

14 Pumuputol siya sa ganang kaniya ng mga cedro, at kumukuha ng puno ng roble at ng encina, at pinatitibay sa ganang kaniyang sarili ang isa sa gitna ng mga punong kahoy sa gubat: siya'y nagtatanim ng puno ng abeto, at yao'y kinakandili ng ulan.

15 Kung magkagayo'y ilalaan sa tao upang ipanggatong; at kumukuha siya niyaon, at nagpapainit; oo, kaniyang pinaliliyaban yaon, at ipinagluluto ng tinapay: oo, kaniyang ginagawang isang dios, at sinasamba; ginagawa niyang larawang inanyuan, at (P)pinagpapatirapaan.

16 Kaniyang iginagatong ang bahagi niyaon sa apoy; ang bahagi niyaon ay ikinakain niya ng karne; siya'y nagiihaw ng iihawin, at nabubusog: oo, siya'y nagpapainit, at nagsasabi, Aha, ako'y naiinitan, aking nakita ang apoy:

17 At ang labis niyaon ay ginagawa niyang dios, sa makatuwid baga'y kaniyang larawang inanyuan: kaniyang pinagpapatirapaan at sinasamba, at dinadalanginan, at nagsasabi, Iligtas mo ako; sapagka't ikaw ay aking dios.

18 (Q)Hindi sila mangakakaalam, o nagsisigunita man: sapagka't ipinikit niya ang kanilang mga mata, upang sila'y huwag mangakakita; at ang kanilang mga puso, upang huwag silang mangakaunawa.

19 At walang nagpapaalaala o mayroon mang kaalaman, o unawa upang magsabi, Aking iginatong ang bahagi niyaon sa apoy; oo, ako naman ay nagluto ng tinapay sa mga baga niyaon; ako'y nagihaw ng karne at kinain ko: at gagawin ko baga ang nalabi niyaon na pinaka kasuklamsuklam? magpapatirapa baga ako sa puno ng isang punong kahoy?

20 Siya'y kumain ng abo: iniligaw siya ng (R)nadayang puso, at hindi niya mailigtas ang kaniyang kaluluwa, o makapagsabi, Wala bagang (S)kabulaanan sa aking kanang kamay?

Inililigtas ng Panginoon ang kaniyang bayan.

21 Iyong alalahanin ang mga bagay na ito, Oh Jacob, at Israel; sapagka't (T)ikaw ay aking lingkod: aking inanyuan ka; ikaw ay aking lingkod: Oh Israel, ikaw ay hindi ko malilimutan.

22 Aking pinawi na (U)parang masinsing ulap ang iyong mga pagsalangsang, at, parang alapaap, ang iyong mga kasalanan: manumbalik ka sa akin; sapagka't tinubos (V)kita.

23 Magsiawit, Oh (W)kayong mga langit, sapagka't nilikha ng Panginoon; kayo'y magsihiyaw, (X)mga lalong mababang bahagi ng lupa: kayo'y magbiglang magsiawit, kayong mga bundok, Oh gubat, at bawa't punong kahoy na nandiyan: sapagka't tinubos ng Panginoon ang Jacob, at magpapakaluwalhati sa Israel.

24 Ganito ang sabi ng Panginoon, ng (Y)iyong Manunubos, at niyang (Z)naganyo sa iyo mula sa bahay-bata, Ako ang Panginoon na gumagawa ng lahat na bagay; na naglaladlad, na magisa ng langit; na naglalatag ng lupa;

25 Na sumisira ng mga tanda ng mga sinungaling, at (AA)nagpapaging ulol sa mga manghuhula; na nagpapaurong sa mga pantas, at (AB)nagpapaging kamangmangan ng kanilang kaalaman;

26 Na nagpapatatag ng salita ng (AC)kaniyang lingkod, at nagsasagawa ng payo ng kaniyang mga sugo; na nagsasabi ng tungkol sa Jerusalem, Siya'y tatahan; at tungkol sa mga bayan ng Juda, Mangatatayo, at aking ibabangon ang mga sirang dako niyaon:

27 Na nagsasabi sa kalaliman, (AD)Ikaw ay matuyo, at aking tutuyuin ang iyong mga ilog;

28 Na nagsasabi tungkol kay (AE)Ciro, Siya'y aking pastor, at isasagawa ang lahat kong kaligayahan: na nagsasabi nga rin tungkol sa Jerusalem, (AF)Siya'y matatayo; at sa templo, Ang iyong patibayan ay malalagay.