Add parallel Print Page Options

Parurusahan ng Diyos ang Kanyang mga Kaaway

34 Kayo'y magsilapit, kayong mga bansa, upang makinig;
    at pakinggan ninyo, O mga bayan!
Dinggin ng lupa at ng lahat ng narito;
    ng sanlibutan, at ng lahat na bagay na mula rito.
Sapagkat ang Panginoon ay galit laban sa lahat ng bansa,
    at napopoot laban sa lahat nilang hukbo,
    kanyang inilaan na sila, kanyang ibinigay sila upang patayin.
Ang kanilang patay ay itatapon,
    at ang baho ng kanilang mga bangkay ay aalingasaw;
    at ang mga bundok ay tutunawin ng kanilang dugo.
Ang(A) lahat ng mga bagay sa langit ay mabubulok,
    at ang langit ay malululon na parang balumbon.
Lahat ng bagay ay babagsak,
    na parang dahong nalalagas sa puno ng ubas,
    at gaya ng dahong nalalanta sa puno ng igos.

Sapagkat(B) ang aking tabak ay nalasing sa langit;
    narito, ito'y bumababa sa Edom,
    sa bayan na aking itinalaga para hatulan.
Ang Panginoon ay may tabak na punô ng dugo,
    ito ay ginawang mataba ng katabaan,
    sa dugo ng mga kordero at ng mga kambing,
    sa taba ng mga bato ng mga lalaking tupa.
Sapagkat may handog ang Panginoon sa Bosra,
    isang malaking patayan sa lupain ng Edom.
Ang maiilap na baka ay mabubuwal na kasama nila,
    at ang mga batang baka na kasama ng malalakas na toro.
Ang kanilang lupain ay basang-basa sa dugo,
    at ang kanilang alabok ay sasagana sa katabaan.

Sapagkat ang araw ng paghihiganti ay sa Panginoon,
    ang taon ng pagganti para sa kapakanan ng Zion.
At ang kanyang mga batis ay magiging alkitran,
    at ang alabok niya ay magiging asupre,
    at ang lupain niya ay magiging nagniningas na alkitran.
10 Hindi(C) ito mapapatay sa gabi o sa araw man;
    ang usok niyon ay paiilanglang magpakailanman.
Mula sa isang lahi hanggang sa susunod na lahi ito ay tiwangwang,
    walang daraan doon magpakailan kailanman.
11 Ngunit ito ay aangkinin ng lawin at ng porkupino;
    at ang kuwago at ang uwak ay maninirahan doon.
Kanyang iuunat doon ang pisi ng pagkalito,
    at ang pabigat ng kawalan sa mga mararangal nito.
12 Kanilang tatawagin iyon na Walang Kaharian Doon,
    at lahat niyang mga pinuno ay mawawalang kabuluhan.
13 At mga tinik ay tutubo sa kanyang mga palasyo,
    mga dawag at damo sa mga muog niyon.
Iyon ay magiging tahanan ng mga asong-gubat,
    tirahan ng mga avestruz.
14 At ang maiilap na hayop ay makikipagsalubong sa mga asong-gubat,
    at ang lalaking kambing ay sisigaw sa kanyang kasama;
ang malaking kuwago ay maninirahan din doon,
    at makakatagpo siya ng dakong pahingahan.
15 Doo'y magpupugad at mangingitlog ang ahas,
    at magpipisa ng itlog at titipunin sa kanyang lilim;
doon matitipon ang mga lawin,
    bawat isa'y kasama ng kanyang kauri.
16 Inyong saliksikin at basahin ang aklat ng Panginoon:
    Kahit isa sa mga ito ay hindi magkukulang;
    walang mangangailangan ng kanyang kasama.
Sapagkat iniutos ng bibig ng Panginoon,
    at tinipon sila ng kanyang Espiritu.
17 At siya'y nagpalabunutan para sa kanila,
    at ito'y binahagi ng kanyang kamay sa kanila sa pamamagitan ng pising panukat;
ito'y kanilang aariin magpakailanman,
    mula sa mga sali't salinlahi ay maninirahan sila roon.

'Isaias 34 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.

Ang galit ng Panginoon sa mga bansa.

34 Kayo'y magsilapit, kayong mga bansa, upang mangakinig; (A)at dinggin ninyo, ninyong mga bayan: (B)dinggin ng lupa at ng buong narito; ng sanglibutan, at ng lahat na bagay na nagsisilitaw rito.

Sapagka't ang Panginoon ay may galit laban sa lahat na bansa, at pusok ng loob laban sa lahat nilang hukbo: kaniyang lubos na nilipol sila, kaniyang ibinigay sila sa patayan.

Ang kanilang patay naman ay matatapon, at ang baho (C)ng kanilang mga bangkay ay aalingasaw, at ang mga bundok ay tutunawin ng kanilang dugo.

(D)At ang lahat na natatanaw sa langit ay malilipol, at ang langit ay (E)mababalumbong parang isang ikid: (F)at ang buo nilang hukbo ay mawawala na parang dahong nalalanta sa puno ng ubas, at gaya ng lantang dahon ng puno ng igos.

Sapagka't ang aking tabak (G)ay nalango sa langit: narito, yao'y (H)bababa sa Edom, at sa bayan ng aking sumpa, sa kahatulan.

Ang tabak ng Panginoon ay napuno ng dugo, tumaba ng katabaan, sa dugo ng mga kordero at ng mga kambing, sa taba ng mga bato ng mga lalaking tupa: (I)sapagka't may hain sa Panginoon sa Bosra, at may malaking patayan sa lupain ng Edom.

At ang mga mailap na baka ay magsisibabang kasama nila at ang mga baka na kasama ng mga toro, at ang kanilang lupain ay malalango ng dugo, at ang kanilang alabok ay tataba ng katabaan.

Sapagka't kaarawan (J)ng panghihiganti ng Panginoon, na taon ng kagantihan sa pagaaway sa Sion.

At ang mga batis niya (K)ay magiging sahing, at ang alabok niya ay azufre, at ang lupain niya ay magiging nagniningas na sahing.

10 Hindi mapapatay sa gabi o sa araw man; ang usok niyaon ay iilanglang (L)magpakailan man: sa buong panahon ay malalagay na sira; walang daraan doon magpakailankailan man.

11 Kundi aariin ng ibong pelikano (M)at ng hayop na erizo; at ang kuwago at ang uwak ay magsisitahan doon: at (N)kaniyang iuunat doon ang panukat na pising panglito, at ang pabatong pangpawala ng tao.

12 Kanilang tatawagin ang mga mahal na tao niyaon sa kaharian, nguni't mawawalan doon; at lahat niyang mga pangulo ay magiging parang wala.

13 At mga tinikan ay (O)tutubo sa kaniyang mga palacio, mga kilitis at mga lipay ay sa mga kuta niyaon: at magiging tahanan ng mga chakal, (P)looban ng mga avestruz.

14 At ang mga mailap na hayop sa ilang ay makikipagsalubong doon sa mga lobo, at ang lalaking kambing ay hihiyaw sa kaniyang kasama; oo, ang malaking kuwago ay tatahan doon, at makakasumpong siya ng dakong pahingahan.

15 Doon maglulungga ang maliksing ahas, at mangingitlog, at mangapipisa, at aampunin sa ilalim ng kaniyang lilim; oo, doon magpipisan ang mga lawin, bawa't isa'y kasama ng kaniyang kasamahan.

16 Inyong saliksikin sa aklat ng Panginoon, at inyong basahin: kahit isa sa mga ito ay (Q)hindi magkukulang, walang mangangailangan ng kaniyang kasama; sapagka't iniutos ng aking bibig, at pinisan sila ng kaniyang Espiritu.

17 At kaniyang pinagsapalaran, at binahagi ng kaniyang kamay sa kanila sa pamamagitan ng pising panukat: kanilang aariin magpakailan man, sa sali't saling lahi ay tatahan sila roon.