Add parallel Print Page Options

Kapayapaang Walang Hanggan(A)

Ito ang pangitain ni Isaias na anak ni Amoz tungkol sa Juda at sa Jerusalem:

Sa mga darating na araw,
    ang bundok na kinatatayuan ng Templo ni Yahweh
ang magiging pinakamataas sa lahat ng bundok,
    at mamumukod sa lahat ng burol,
daragsa sa kanya ang lahat ng bansa.
Maraming tao ang darating at sasabihin ang ganito:
“Umakyat tayo sa bundok ni Yahweh,
    sa Templo ng Diyos ni Jacob,
upang maituro niya sa atin ang kanyang mga daan;
    at matuto tayong lumakad sa kanyang mga landas.
Sapagkat sa Zion magmumula ang kautusan,
    at sa Jerusalem, ang salita ni Yahweh.”
Siya(B) ang mamamagitan sa mga bansa
    at magpapairal ng katarungan sa lahat ng mga tao;
kaya't gagawin na nilang araro ang kanilang mga tabak,
    at karit naman ang kanilang mga sibat.
Mga bansa'y di na mag-aaway
    at sa pakikidigma'y di na magsasanay.

Halina kayo, sambahayan ni Jacob,
    lumakad tayo sa liwanag ni Yahweh.

Wawakasan ang Kapalaluan

Itinakwil mo ang lahi ni Jacob na iyong bayan,
sapagkat ang lupain ay punô ng mga salamangkero[a] mula sa silangan
    at ng mga manghuhula gaya ng mga Filisteo;
    nakikibagay sila sa kaugalian ng mga dayuhan.
Sagana ang kanilang lupain sa ginto at pilak,
    at walang pagkaubos ang kanilang kayamanan.
Sa buong lupai'y maraming kabayo,
    at hindi mabilang ang kanilang mga karwahe.
Punô ng diyus-diyosan ang kanilang bayan;
    mga rebultong gawa lamang, kanilang niyuyukuran,
    mga bagay na inanyuan at nililok lamang.
Kaya ang mga tao ay hahamakin at mapapahiya;
    huwag mo silang patatawarin!
10 Magtatago(C) sila sa mga yungib na bato at sa mga hukay
    upang makaiwas sa poot ni Yahweh, at sa kaluwalhatian ng kanyang karangalan.
11 Pagdating ng araw ni Yahweh,
    ang mga palalo ay kanyang wawakasan,
itong mga mayayabang, kanya ring paparusahan;
    pagkat si Yahweh lamang ang bibigyang kadakilaan.
12 Sapagkat si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ay may itinakdang araw,
    laban sa lahat ng palalo at mayabang,
    laban sa lahat ng mapagmataas;
13 laban sa lahat ng nagtataasang sedar ng Lebanon,
    at laban sa lahat ng malalaking punongkahoy sa Bashan;
14 laban sa lahat ng matataas na bundok
    at mga burol;
15 laban sa lahat ng matataas na tore
    at matitibay na pader;
16 laban sa mga malalaking barko,
    at magagandang sasakyang dagat.
17 Pagdating ng araw na iyon, ang mga palalo ay papahiyain,
    at ang mga maharlika ay pababagsakin,
    pagkat si Yahweh lamang ang dapat dakilain,
18 at mawawala ang lahat ng diyus-diyosan.
19 Magtatago ang mga tao sa mga yungib na bato
    at sa mga hukay sa lupa,
upang kanilang matakasan ang poot ni Yahweh;
    at ang kaluwalhatian ng kanyang karangalan,
    kapag siya'y nagbangon upang sindakin ang daigdig.
20 Sa araw na iyon, itatapon nila sa mga daga at paniki,
ang mga rebultong yari sa ginto at pilak
    na ginawa nila upang kanilang sambahin.
21 Magtatago sila sa mga yungib na bato
    at sa mga bitak ng matatarik na burol,
upang kanilang matakasan ang poot ni Yahweh
    at ang kaluwalhatian ng kanyang karangalan,
    kapag siya'y nagbangon upang sindakin ang daigdig.
22 Huwag ka nang magtitiwala sa kapangyarihan ng tao.
    Siya ay hininga lamang, at tiyak maglalaho.
    Ano nga ba ang maitutulong niya sa iyo?

Footnotes

  1. 6 salamangkero: Sa ibang manuskrito'y hindi nakasulat ang salitang ito.
'Isaias 2 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.

Ang pangkalahatang paghahari ng Panginoon.

Ang salita na (A)naalaman ni Isaias na anak ni Amoz tungkol sa Juda at Jerusalem.

At (B)mangyayari (C)sa mga huling araw, na ang bundok ng bahay ng Panginoon ay matatatag sa taluktok ng mga bundok, at magiging mataas sa mga burol; (D)at lahat ng bansa ay magsisiparoon doon.

At maraming bayan ay magsisiyaon at mangagsasabi, (E)Halina kayo, at tayo'y magsiahon sa bundok ng Panginoon, sa bahay ng Dios ni Jacob; at tuturuan niya tayo ng kaniyang mga daan, at tayo'y magsisilakad sa kaniyang mga landas: sapagka't mula sa Sion ay lalabas ang kautusan, at ang salita ng Panginoon ay mula sa Jerusalem.

At siya'y hahatol sa gitna ng mga bansa, at sasaway sa maraming tao: at (F)kanilang pupukpukin ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod, at ang kanilang mga sibat ay maging mga karit: ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, (G)o mangagaaral pa man sila ng pakikipagdigma.

Oh sangbahayan ni Jacob, halikayo, at tayo'y magsilakad sa liwanag ng Panginoon.

Sapagka't iyong binayaan ang iyong bayan na sangbahayan ni Jacob, sapagka't sila'y puspos ng mga kaugaliang mula sa silanganan, at (H)mga enkantador (I)gaya ng mga Filisteo, at sila'y nangakikipagkamay sa mga anak ng mga taga ibang lupa.

Ang kanilang lupain naman (J)ay puno ng pilak at ginto, ni walang wakas ang kanilang mga kayamanan; ang kanila namang lupain ay puno ng mga kabayo, ni walang katapusang bilang ang kanilang mga karo.

Ang kanila namang lupain (K)ay puno ng mga diosdiosan; kanilang sinasamba ang gawa ng kanilang sariling mga kamay, na ginawa ng kanilang sariling mga daliri.

(L)At ang taong hamak ay yumuyuko, at ang mataas na tao ay nabababa: kaya't huwag mong patawarin sila.

10 Pumasok ka sa malaking bato, at (M)magkubli ka sa alabok, sa (N)kakilabutan sa Panginoon, at sa kaluwalhatian ng kaniyang kamahalan.

11 (O)Ang mga tinging mapagmataas ng tao ay mabababa, at ang mga pagmamataas ng mga tao ay mahuhutok, (P)at ang Panginoon magisa ay mabubunyi (Q)sa kaarawang yaon.

12 Sapagka't magkakaroon ng isang kaarawan ang Panginoon ng mga hukbo sa lahat na palalo at mapagmataas, at sa lahat na nagmamataas; at yao'y mabababa:

13 At sa lahat ng cedro ng Libano, na matayog at mataas, at sa lahat ng encina ng Basan;

14 At (R)sa lahat ng matataas na bundok, at sa lahat ng mga burol na nangataas;

15 At sa bawa't matayog na moog, at sa bawa't kutang nababakod:

16 At (S)sa lahat ng mga sasakyang dagat ng Tarsis, at sa lahat ng maligayang bagay.

17 At ang kahambugan ng tao ay huhutukin, at ang mga pagmamataas ng mga tao ay mabababa: at ang Panginoon magisa ay mabubunyi sa kaarawang yaon.

18 At ang mga diosdiosan ay mapapawing lubos.

19 (T)At ang mga tao ay magsisipasok sa mga yungib ng malalaking bato, at sa mga puwang ng lupa, sa harap ng kakilabutan sa Panginoon, at sa kaluwalhatian ng kaniyang kamahalan, pagka siya'y bumangon upang yaniging may kapangyarihan ang lupa.

20 Sa kaarawang yaon ay ihahagis ng mga tao ang kanilang mga diosdiosang pilak, at ang kanilang mga diosdiosang ginto, na kanilang ginawa upang sambahin, sa yungib ng mga bilig at ng mga paniki;

21 Upang pumasok sa mga puwang ng malalaking bato, at sa mga bitak ng mga malaking bato, sa harap ng kakilabutan sa Panginoon, at sa kaluwalhatian ng kaniyang kamahalan, pagka siya'y bumangon upang yaniging may kapangyarihan ang lupa.

22 Layuan ninyo (U)ang tao, (V)na ang hinga ay nasa kaniyang mga butas ng ilong: sapagka't sa ano pahahalagahan siya?