Add parallel Print Page Options

Ang Pahayag tungkol sa Moab

15 Ang(A) pahayag tungkol sa Moab.

Sapagkat sa loob ng isang gabi ang Ar ng Moab ay nagiba,
    ang Moab ay wala na;
sapagkat sa loob ng isang gabi ay nagiba ang Kir ng Moab,
    ang Moab ay wala na.
Ang anak na babae ng Dibon ay umahon
    sa matataas na dako upang umiyak;
tinatangisan ng Moab ang Nebo at Medeba.
Ang lahat ng ulo ay kalbo,
    bawat balbas ay ahit.
Sa kanilang mga lansangan ay nagbibigkis sila ng damit-sako,
    sa mga bubungan at sa mga liwasan,
    tumatangis ang bawat isa at natutunaw sa pag-iyak.
Ang Hesbon at ang Eleale ay sumisigaw,
    ang kanilang tinig ay naririnig hanggang sa Jahaz.
Kaya't ang mga lalaking may sandata sa Moab ay sumigaw nang malakas;
    ang kanyang kaluluwa ay nanginginig.
Ang aking puso ay dumadaing para sa Moab;
    ang kanyang mga tao ay nagsisitakas sa Zoar,
    sa Eglat-shelishiya.
Sapagkat sa ahunan sa Luhith
    ay umaahon silang nag-iiyakan;
sa daan patungong Horonaim
    ay humahagulhol sila sa kapahamakan.
Ang mga tubig ng Nimrim
    ay natuyo,
ang damo ay natuyo, ang sariwang damo ay nalalanta,
    walang sariwang bagay.
Kaya't ang kasaganaan na kanilang tinamo,
    at ang kanilang tinipon
ay kanilang dinala
    sa Sapa ng Sauce.
Sapagkat ang daing ay nakarating
    sa paligid ng lupain ng Moab;
ang pagtangis ay nakakarating hanggang sa Eglaim,
    ang pagtangis ay nakakarating hanggang sa Beer-elim.
Sapagkat ang mga tubig ng Dimon ay punô ng dugo,
    gayunma'y magpapadala pa ako sa Dimon ng higit pa,
isang leon para sa nakatakas sa Moab,
    para sa nalabi sa lupain.

16 Nagpadala sila ng mga kordero
    sa pinuno ng lupain,
mula sa Sela, sa daan ng ilang,
    hanggang sa bundok ng anak na babae ng Zion.
Sapagkat gaya ng kalat na pugad,
    ng mga nagsisigalang ibon,
gayon ang mga anak na babae ng Moab
    sa mga tawiran ng Arnon.
“Magpayo ka,
    magbigay ka ng katarungan,
gawin mo ang iyong lilim na gaya ng gabi
    sa gitna ng katanghaliang-tapat;
ikubli mo ang mga itinapon,
    huwag mong ipagkanulo ang takas.
Patirahin mong kasama mo ang itinapon mula sa Moab,
maging kanlungan ka niya
    mula sa mangwawasak.

Kapag wala nang mang-aapi,
    at huminto na ang pagkawasak,
at ang yumayapak sa ilalim ng paa ay wala na sa lupain,
kung magkagayo'y matatatag ang trono sa tapat na pag-ibig,
    at uupo roon sa katapatan,
    sa tabernakulo ni David
ang isa na humahatol at humahanap ng katarungan,
    at mabilis na nagsasagawa ng katuwiran.”

Aming nabalitaan ang pagyayabang ng Moab,
    na siya'y totoong mapagmataas;
ang kanyang kahambugan, at ang kanyang kapalaluan, at ang kanyang poot—
    ang kanyang paghahambog ay huwad.
Kaya't hayaang tumangis ang Moab,
    bawat isa'y tumangis para sa Moab.
Manangis kayong lubha
    dahil sa mga tinapay na pasas ng Kir-hareseth.
Sapagkat ang mga bukid ng Hesbon ay nanghihina,
    at ang ubasan ng Sibma;
sinira ng mga panginoon ng mga bansa ang mga piling pananim niyon;
na nakarating hanggang sa Jazer,
    at sa ilang ay lumaboy;
ang kanyang mga sanga ay kumalat,
    at nagsitawid sa dagat.
Kaya't iiyak ako ng iyak ng Jazer
    dahil sa puno ng ubas ng Sibma;
didiligin kita ng aking mga luha,
    O Hesbon at Eleale;
sapagkat ang sigawan sa iyong bunga
    at sa iyong pag-aani ay nahinto.
10 At ang kasayahan at kagalakan ay inalis
    mula sa mabungang lupain,
at sa mga ubasan ay hindi inawit ang mga awitin,
    walang ginawang mga pagsigaw,
walang manyayapak na gumagawa ng alak sa pisaan;
    aking pinatigil ang awitan sa pag-aani.
11 Kaya't ang aking kaluluwa ay tumataghoy na parang alpa para sa Moab,
    at ang aking puso para sa Kir-heres.

12 At kapag ang Moab ay humarap, kapag siya'y pagod na sa mataas na dako, kapag siya'y pumaroon sa kanyang santuwaryo upang manalangin, ay hindi siya mananaig.

13 Ito ang salita na sinabi ng Panginoon tungkol sa Moab noong nakaraan.

14 Ngunit ngayo'y nagsalita ang Panginoon, na nagsasabi, “Sa loob ng tatlong taon, na gaya ng mga taon ng isang upahan, ay mawawalang kabuluhan ang kaluwalhatian ng Moab, sampu ng lahat niyang karamihan; at ang mga nalabi ay magiging kakaunti at mahihina.”

Ang Pagkawasak ng Moab

48 Tungkol(A) sa Moab.

Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel:

“Kahabag-habag ang Nebo sapagkat ito'y winasak!
    Ang Kiryataim ay nalagay sa kahihiyan, ito'y nasakop;
ang mataas na tanggulan ay nalagay sa kahihiyan at nawasak.
    Wala nang papuri para sa Moab.
Sa Hesbon ay nagbalak sila ng kasamaan laban sa kanya:
    ‘Halikayo, at ihiwalay natin siya sa pagiging bansa!’
Ikaw rin, O Madmen, ay dadalhin sa katahimikan;
    hahabulin ka ng tabak.

“Makinig! Isang sigaw mula sa Horonaim,
    ‘Pagkasira at malaking pagkawasak!’
Ang Moab ay wasak;
    ang kanyang maliliit ay sumisigaw.
Sapagkat sa gulod ng Luhith
    ay umaahon sila na umiiyak;
sapagkat sa paglusong sa Horonaim
    ay narinig nila ang sigaw ng pagkawasak.
Tumakas kayo, iligtas ninyo ang inyong mga buhay!
    Kayo'y maging gaya ng mailap na asno sa ilang.

Sapagkat, yamang ikaw ay nagtiwala sa iyong mga tanggulan at sa iyong mga kayamanan,
    ikaw man ay kukunin rin;
at si Cemos ay tutungo sa pagkabihag,
    kasama ang kanyang mga pari at mga pinuno.
Ang manglilipol ay darating sa bawat lunsod,
    at walang lunsod na makakatakas;
ang libis ay wawasakin,
    at ang kapatagan ay masisira,
    gaya ng sinabi ng Panginoon.

“Bigyan ng mga pakpak ang Moab,
    upang siya'y makalipad papalayo;
ang kanyang mga lunsod ay masisira,
    na walang maninirahan sa mga iyon.

10 “Sumpain nawa siya na may kapabayaang gumagawa ng gawain ng Panginoon; at sumpain siya na iniuurong ang kanyang tabak sa pagdanak ng dugo.

11 “Ang Moab ay tiwasay mula sa kanyang kabataan,
    at nagpahinga sa kanyang mga latak,
hindi pa siya isinasalin mula sa isang sisidlan patungo sa isa pa,
    ni dinala man siya sa pagkabihag:
kaya't narito, ang kanyang lasa ay nananatili sa kanya,
    at ang kanyang bango ay hindi pa nababago.

12 “Kaya't narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na ako'y magsusugo sa kanya ng mga magtutumba, at siya'y kanilang itutumba, at aalisin nila ang laman ng kanyang mga sisidlan, at magdudurog ng kanilang mga banga.

13 Kung gayo'y ikahihiya ng Moab si Cemos, kung paanong ang sambahayan ni Israel ay ikinahiya ang Bethel, na kanilang pinagtiwalaan.

14 “Paano ninyo nasasabi, ‘Kami ay malalakas na mandirigma,
    at magigiting na lalaki sa labanan’?
15 Ang Moab ay winasak at ang mga tao ay umahon sa kanyang mga lunsod;
    at ang kanyang mga piling kabataan ay nagsibaba sa katayan,
sabi ng Hari, na ang pangalan ay Panginoon ng mga hukbo.
16 Ang pagkasalanta ng Moab ay malapit nang dumating,
    at ang kanyang pagkapinsala ay nagmamadali.
17 Tangisan ninyo siya, kayong lahat na nasa palibot niya,
    at ninyong lahat na nakakakilala sa kanyang pangalan;
inyong sabihin, ‘Paanong nabali ang makapangyarihang setro,
    ang maluwalhating tungkod!’

18 “Bumaba ka mula sa inyong kaluwalhatian,
    at umupo ka sa tigang na lupa,
    O anak na babae na nakatira sa Dibon!
Sapagkat ang manglilipol ng Moab ay umahon laban sa iyo,
    giniba niya ang iyong mga muog.
19 Tumayo ka sa tabing daan at magmasid,
    O mamamayan ng Aroer!
Tanungin mo siya na tumatakbo at siya na tumatakas;
    iyong sabihin, ‘Ano ang nangyari?’
20 Ang Moab ay nalagay sa kahihiyan; sapagkat ito'y nagiba;
    kayo ay tumangis at sumigaw!
Sabihin ninyo sa may Arnon,
    na ang Moab ay winasak na.

21 “Ang hatol ay dumating din sa kapatagan, sa Holon, Jaza, at laban sa Mefaat,

22 sa Dibon, Nebo, at Bet-diblataim,

23 laban sa Kiryataim, Bet-gamul, at Bet-meon;

24 laban sa Kiryot, Bosra, at sa lahat ng bayan ng lupain ng Moab, malayo at malapit.

25 Ang sungay ng Moab ay naputol, at ang kanyang bisig ay nabali, sabi ng Panginoon.

26 “Lasingin ninyo siya, sapagkat siya'y nagmalaki laban sa Panginoon; upang ang Moab ay maglubalob sa kanyang suka, at siya man ay magiging katatawanan.

27 Hindi ba naging katatawanan ang Israel sa iyo? Siya ba'y natagpuang kasama ng mga magnanakaw, na tuwing pag-uusapan ninyo siya ay napapailing ka?

28 “Iwan ninyo ang mga lunsod, at kayo'y manirahan sa malaking bato;
    O mga mamamayan ng Moab.
Maging gaya kayo ng kalapati na nagpupugad
    sa mga tabi ng bunganga ng bangin.
29 Nabalitaan namin ang kapalaluan ng Moab,
    labis niyang ipinagmamalaki
ang kanyang kataasan, ang kanyang kapalaluan, ang kanyang kahambugan,
    at ang kayabangan ng kanyang puso.
30 Alam ko ang kanyang bagsik, sabi ng Panginoon,
    ngunit iyon ay walang kabuluhan,
    ang kanyang kahambugan ay walang nagawa.
31 Kaya't tatangisan ko ang Moab;
    ako'y sisigaw para sa buong Moab,
    nagluluksa ako para sa mga tao ng Kir-heres.
32 Tatangis ako para sa iyo nang higit kaysa pagtangis ko sa Jazer,
    O punong ubas ng Sibma!
Ang iyong mga sanga ay lumampas sa dagat,
    at umabot hanggang sa Jazer,[a]
sa iyong mga bungang tag-init at sa iyong ani
    ay dumaluhong ang manglilipol.
33 Kaya't ang tuwa at kagalakan ay inalis
    sa mabungang lupain, sa lupain ng Moab;
aking pinatigil ang alak sa mga pisaan ng alak;
    walang pumipisa nito na may mga sigaw ng kagalakan;
    ang sigawan ay hindi sigawan ng kagalakan.

34 “Ang Hesbon at Eleale ay sumisigaw; hanggang sa Jahaz ay naglakas sila ng kanilang tinig, mula sa Zoar hanggang sa Horonaim at sa Eglat-shelishiya. Sapagkat ang tubig ng Nimrim ay mawawasak din.

35 At wawakasan ko sa Moab, sabi ng Panginoon, ang naghahandog sa mataas na dako, at nagsusunog ng insenso sa kanyang mga diyos.

36 Kaya't ang aking puso ay tumatangis na gaya ng plauta dahil sa Moab, at ang aking puso ay tumatangis na gaya ng plauta dahil sa mga lalaki sa Kir-heres; kaya't ang kayamanan na kanilang tinamo ay naglaho.

37 “Sapagkat bawat ulo ay inahit, at bawat balbas ay ginupit; sa lahat ng mga kamay ay may mga kudlit, at sa mga baywang ay may damit-sako.

38 Sa lahat ng mga bubungan ng Moab at sa mga liwasan ay pawang mga panaghoy; sapagkat aking binasag ang Moab na parang sisidlan na walang nagmamalasakit, sabi ng Panginoon.

39 Ito'y wasak na wasak! Napakalakas ng kanilang pagtangis! Ang Moab ay tumalikod sa kahihiyan! Kaya't ang Moab ay naging tampulan ng pagkutya at panghihilakbot sa lahat ng nasa palibot niya.”

40 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon:

“Narito, may lilipad na kasimbilis ng agila
    at magbubuka ng kanyang mga pakpak laban sa Moab.
41 Ang Kiryot ay nasakop
    at ang mga muog ay naagaw.
Sa araw na iyon, ang puso ng mga mandirigma ng Moab
    ay magiging parang puso ng babaing manganganak.
42 Ang Moab ay mawawasak at hindi na magiging isang bayan,
    sapagkat siya'y nagmalaki laban sa Panginoon.
43 Sindak, hukay, at bitag
    ay nasa harapan mo, O naninirahan sa Moab, sabi ng Panginoon.
44 Siyang tumatakas sa pagkasindak
    ay mahuhulog sa hukay,
at siyang umaahon sa hukay
    ay mahuhuli ng bitag.
Sapagkat dadalhin ko ang mga bagay na ito sa Moab,
    sa taon ng kanilang kaparusahan, sabi ng Panginoon.

45 “Ang mga nagsisitakas ay humintong walang lakas
    sa lilim ng Hesbon,
sapagkat may apoy na lumabas sa Hesbon,
    isang alab mula sa bahay ng Sihon.
Nilamon nito ang noo ng Moab,
    ang tuktok ng mga anak ng kaguluhan.
46 Kahabag-habag ka, O Moab!
    Ang bayan ni Cemos ay wala na;
sapagkat ang iyong mga anak na lalaki ay dinalang-bihag,
    at ang iyong mga anak na babae ay dinala sa pagkabihag.
47 Gayunma'y panunumbalikin ko ang kapalaran ng Moab
    sa mga huling araw, sabi ng Panginoon.”
Hanggang dito ang hatol sa Moab.

Read full chapter

Footnotes

  1. Jeremias 48:32 Sa Hebreo ay dagat ng Jazer .

Ang Pahayag Laban sa Moab

“Ganito(A) ang sabi ng Panginoong Diyos: Sapagkat sinabi ng Moab at ng Seir, Narito, ang sambahayan ni Juda ay gaya ng lahat ng ibang mga bansa;

kaya't narito, aking bubuksan ang tagiliran ng Moab mula sa mga bayan sa kanyang mga hangganan, ang kaluwalhatian ng bansa, ang Bet-jesimot, Baal-meon, at Kiryataim.

10 Ibibigay ko itong kasama ang mga anak ni Ammon sa mga tao sa silangan bilang ari-arian, upang ang mga ito ay huwag nang maalala sa gitna ng mga bansa,

11 at ako'y maglalapat ng hatol sa Moab. At kanilang malalaman na ako ang Panginoon.

Read full chapter

Ang Moab

Ganito(A) ang sabi ng Panginoon:
“Dahil sa tatlong pagsuway ng Moab,
    at dahil sa apat, hindi ko pawawalang-bisa ang parusa;
sapagkat kanyang sinunog upang maging apog ang mga buto ng hari ng Edom.
Kaya't ako'y magsusugo ng apoy sa Moab,
    at tutupukin nito ang mga tanggulan ng Kiryot;
at ang Moab ay mamamatay sa gitna ng pagkakagulo,
    na may sigawan at tunog ng trumpeta.
At aking ihihiwalay ang hukom sa gitna niyon,
    at papatayin ko ang lahat ng pinuno niyon na kasama niya,” sabi ng Panginoon.

Read full chapter