Add parallel Print Page Options

Ang Taksil na si Gomer—Ang Taksil na Israel

Sabihin ninyo sa inyong mga kapatid na lalaki, Ammi;[a] at sa inyong mga kapatid na babae, Ruhama.[b]

Makipagtalo kayo sa inyong ina, makipagtalo kayo;
    sapagkat siya'y hindi ko asawa,
    at ako ay hindi niya asawa;
na alisin niya ang kanyang pagiging bayarang babae[c] sa kanyang mukha,
    at ang kanyang pangangalunya sa pagitan ng kanyang mga suso.
Kung hindi'y huhubaran ko siya,
    at ilalantad ko siya na gaya nang araw na siya'y ipanganak,
at gagawin ko siyang parang isang ilang,
    at gagawin ko siyang parang isang tigang na lupa,
    at papatayin ko siya sa uhaw.
Sa kanyang mga anak ay hindi rin ako mahahabag;
    sapagkat sila'y mga anak sa pagiging bayarang babae.
Sapagkat ang kanilang ina ay bayarang babae;
    siya na naglihi sa kanila ay gumawa ng kahiyahiya.
Sapagkat kanyang sinabi, “Ako'y susunod sa aking mga mangingibig;
    na nagbibigay sa akin ng aking tinapay at tubig,
    ng aking lana, lino, langis at ng inumin ko.”
Kaya't narito, babakuran ko ang kanyang daan ng mga tinik,
    at ako'y gagawa ng pader laban sa kanya
    upang hindi niya matagpuan ang kanyang mga landas.
Hahabulin niya ang kanyang mga mangingibig
    ngunit sila'y hindi niya aabutan;
at sila'y hahanapin niya,
    ngunit sila'y hindi niya matatagpuan.
    Kung magkagayo'y sasabihin niya, “Ako'y hahayo
    at babalik sa aking unang asawa;
    sapagkat mas mabuti ang kalagayan ko noon kaysa ngayon.

Sapagkat hindi niya nalaman

    na ako ang nagbigay sa kanya
    ng trigo, alak, at langis,
at nagpasagana sa kanya ng pilak
    at ginto na kanilang ginamit para kay Baal.

Kaya't aking babawiin

    ang aking trigo sa panahon ng pag-aani,
    at ang aking alak sa panahon niyon,
at aking kukunin ang aking lana at ang aking lino
    na sana'y itatakip sa kanyang kahubaran.
10 At ngayo'y aking ililitaw ang kanyang kahalayan
    sa paningin ng kanyang mga mangingibig
    at walang magliligtas sa kanya mula sa aking kamay.
11 Wawakasan ko ang lahat niyang mga pagsasaya,
    ang kanyang mga kapistahan, ang kanyang mga bagong buwan, ang kanyang mga Sabbath,
    at lahat ng kanyang mga takdang pagpupulong.
12 At aking wawasakin ang kanyang mga puno ng ubas, at ang kanyang mga puno ng igos,
    na siya niyang sinasabi,
“Ang mga ito ang aking kabayaran
    na ibinigay sa akin ng aking mga mangingibig.”
At ang mga iyon ay aking gagawing isang gubat,
    at lalamunin ang mga ito ng hayop sa kaparangan.
13 Aking parurusahan siya dahil sa mga araw ng mga Baal,
    nang pagsunugan niya ang mga ito ng insenso,
at nang siya'y naggayak ng kanyang mga hikaw at mga hiyas,
    at sumunod sa kanyang mga mangingibig,
    at kinalimutan ako, sabi ng Panginoon.

Ang Pag-ibig ng Panginoon sa Kanyang Bayan

14 Kaya't akin siyang aakitin,
    at dadalhin siya sa ilang,
    at malambing ko siyang kakausapin.
15 At(A) doon ko ibibigay sa kanya ang kanyang mga ubasan,
    at gagawin kong pintuan ng pag-asa ang Libis ng Acor.
Siya'y aawit doon, gaya ng mga araw ng kanyang kabataan,
    at gaya ng araw nang siya'y umahon mula sa lupain ng Ehipto.

16 Sa araw na iyon, sabi ng Panginoon, tatawagin mo akong “Asawa ko;” at hindi mo na ako tatawaging, “Baal ko!”

17 Sapagkat aking aalisin ang mga pangalan ng mga Baal sa kanyang bibig, at sila'y hindi na babanggitin pa sa pamamagitan ng kanilang pangalan.

18 Sa araw na iyon ay igagawa kita ng pakikipagtipan sa mga hayop sa parang, at sa mga ibon sa himpapawid, at sa mga bagay na gumagapang sa lupa; at aking babaliin ang busog at ang tabak, at patitigilin ko ang digmaan sa lupain, at pahihigain kita nang tiwasay.

19 At gagawin kitang asawa ko magpakailanman; gagawin kitang asawa ko sa katuwiran at sa katarungan, sa tapat na pag-ibig at sa kaawaan.

20 Gagawin kitang asawa ko sa katapatan; at makikilala mo ang Panginoon.

21 Sa araw na iyon, ako'y sasagot, sabi ng Panginoon,
    ako'y sasagot sa langit,
    at sila'y sasagot sa lupa;
22 at ang lupa'y sasagot sa trigo, sa bagong alak, at sa langis;
    at sila'y sasagot sa Jezreel.
23 At(B) aking ihahasik siya para sa akin sa lupa;
at ako'y mahahabag sa kanya na hindi nagtamo ng kahabagan.
    At aking sasabihin sa kanila na hindi ko bayan, “Ikaw ay aking bayan”;
    at siya'y magsasabi, “Ikaw ay aking Diyos.”

Footnotes

  1. Hoseas 2:1 o Bayan ko .
  2. Hoseas 2:1 o Ang kinahabagan .
  3. Hoseas 2:2 o babaing nagbibili ng panandaliang aliw .
'Hosea 2 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.

Ang hindi pagtatapat ng bayan ay parurusahan.

Sabihin ninyo sa inyong mga kapatid na lalake, Ammi;[a] at sa inyong mga kapatid na babae ay, Ruhama.[b]

Makipagtalo kayo sa inyong ina, makipagtalo kayo; (A)sapagka't siya'y hindi ko asawa, ni ako man ay kaniyang asawa; at alisin niya ang kaniyang pagpapatutot sa kaniyang mukha, at ang kaniyang mga pangangalunya sa pagitan ng kaniyang mga suso;

(B)Baka siya'y aking hubaran, at aking ilagay siya na gaya ng araw na siya'y ipanganak, at gawin ko siyang parang isang ilang, at ilagay ko siyang parang isang tuyong lupa, at patayin ko siya sa uhaw;

Oo, sa kaniyang mga anak ay hindi ako magdadalang habag; sapagka't sila'y mga anak sa patutot.

Sapagka't ang kanilang ina ay nagpatutot; siya na naglihi sa kanila ay gumawa ng kahiyahiya; sapagka't kaniyang sinabi, Ako'y susunod sa mga mangingibig sa akin, na nangagbibigay sa akin ng aking tinapay at ng aking tubig, ng aking lana at ng aking lino, ng langis ko at ng inumin ko.

Kaya't, narito, (C)aking babakuran ng mga tinik ang iyong daan, at ako'y gagawa ng bakod laban sa kaniya, na hindi niya, masusumpungan ang kaniyang mga landas.

At siya'y susunod sa mga mangingibig sa kaniya, nguni't hindi niya sila aabutan; at hahanapin niya sila, nguni't hindi niya sila masusumpungan; kung magkagayo'y sasabihin niya, (D)Ako'y yayaon at babalik sa aking unang asawa; sapagka't naging mabuti sa akin kay sa ngayon.

Sapagka't hindi niya naalaman (E)na ako ang nagbigay sa kaniya ng (F)trigo, at ng alak, at ng langis, at nagpaparami sa kaniya ng pilak at ginto, na kanilang ginamit kay Baal.

Kaya't aking babawiin ang aking trigo sa panahon niyaon, at ang aking alak sa panahon niyaon, at aking aalisin ang aking lana at ang aking lino na sana'y tatakip sa kaniyang kahubaran.

10 At ngayo'y aking ililitaw ang kaniyang kahalayan sa paningin ng mga mangingibig sa kaniya, at walang magliligtas sa kaniya mula sa aking kamay.

11 (G)Akin din namang papaglilikatin ang kaniyang mga kalayawan, ang kaniyang mga kapistahan, (H)ang kaniyang mga bagong buwan, at ang kaniyang mga sabbath, at lahat ng kaniyang takdang kapulungan.

12 At aking iwawasak ang kaniyang mga puno ng ubas, at ang kaniyang mga puno ng higos, na siya niyang sinasabi, Ang mga ito ang aking kaupahan na ibinigay sa akin ng mga mangingibig sa akin; at ang mga yao'y aking gagawing isang gubat, at kakanin ng mga hayop sa parang.

13 (I)At aking dadalawin sa kaniya (J)ang mga kaarawan ng mga Baal, na siya niyang pinagsusunugan ng kamangyan, nang siya'y nagpaparanya ng kaniyang mga hikaw at kaniyang mga hiyas, at sumusunod sa mga mangingibig sa kaniya, at kinalilimutan ako, sabi ng Panginoon.

14 Kaya't, narito, akin siyang hihikayatin, at dadalhin siya sa ilang, at pagsasalitaan ko siyang (K)may pagaliw.

15 At ibibigay ko sa kaniya ang kaniyang mga ubasan mula roon, at (L)ang libis ng Achor na pinakapintuan ng pagasa; at siya'y sasagot doon, gaya ng mga kaarawan ng kaniyang kabataan, at gaya (M)ng araw na siya'y sumampa mula sa lupain ng Egipto.

16 At mangyayari sa araw na yaon, sabi ng Panginoon, na tatawagin mo akong Ishi, at hindi mo na ako tatawaging Baali.[c]

17 Sapagka't aking aalisin ang mga pangalan ng mga Baal sa kaniyang bibig, at siya'y hindi na babanggitin pa sa pamamagitan ng kanilang pangalan.

18 At sa araw na yaon ay ipakikipagtipan ko (N)sila sa mga hayop sa parang, at sa mga ibon sa himpapawid, at sa mga bagay na nagsisiusad sa lupa: at (O)aking babaliin ang busog at ang tabak, at patitigilin ko ang pagbabaka sa lupain, at akin silang pahihigaing (P)tiwasay.

19 At ako'y magiging asawa mo magpakailan man; oo, magiging asawa mo ako sa katuwiran, at sa kahatulan, at sa kagandahang-loob, at sa mga kaawaan.

20 Magiging asawa mo rin ako sa pagtatapat; at iyong makikilala ang Panginoon.

21 At mangyayari sa araw na yaon, na (Q)ako'y sasagot, sabi ng Panginoon, ako'y sasagot sa langit, at sila'y magsisisagot sa lupa;

22 At ang lupa'y sasagot (R)sa trigo, at sa alak, at sa langis; at sila'y magsisisagot sa (S)Jezreel.

23 At (T)aking itatatag siya para sa akin sa lupa; at (U)ako'y magdadalang habag sa kaniya na hindi nagtamo ng kahabagan; at (V)aking sasabihin sa kanila na hindi ko bayan, Ikaw ay aking (W)bayan; at siya'y magsasabi, Ikaw ay aking Dios.

Footnotes

  1. Oseas 2:1 Bayan ko.
  2. Oseas 2:1 Ang kinahabagan.
  3. Oseas 2:16 Sa makatuwid baga'y Panginoon ko .