Add parallel Print Page Options

“Pakinggan ninyo ito, mga pari!
    Dinggin ninyo ito, sambahayan ni Israel!
Makinig kayo, sambahayan ng hari!
    Sapagkat kayo ang tinutukoy sa kahatulan.
Kayo'y naging bitag sa Mizpa,
    at lambat na nakalatag sa Bundok Tabor.
Kayo'y naghimagsik at nagpakagumon sa kasalanan,
    kaya't paparusahan ko kayong lahat.
Kilala ko si Efraim;
    walang lihim sa akin ang Israel;
sapagkat ikaw ngayon Efraim ay naging babaing masama,
    at ang Israel naman ay naging marumi.”

Babala Laban sa Pagsamba sa mga Diyus-diyosan

Dahil sa kanilang mga ginawa,
    hindi na sila makapanumbalik sa Diyos.
Sapagkat nasa kanila ang espiritu ng kasamaan,
    at hindi nila nakikilala si Yahweh.
Ang kapalaluan ng Israel ay sumasaksi laban sa kanya.
    Matitisod ang Efraim sa kanyang kasalanan;
    at kasama niyang matitisod ang Juda.
Dadalhin nila ang kanilang mga kawan ng tupa at baka
    upang hanapin si Yahweh,
subalit siya'y hindi nila matatagpuan;
    lumayo na siya sa kanila.
Naging taksil sila kay Yahweh;
    kaya't nagkaanak sila sa labas.
    Masisira ang kanilang mga pananim at sila'y malilipol pagdating ng bagong buwan.

Digmaan ng Juda at ng Israel

“Hipan ang tambuli sa Gibea!
    Hipan ang trumpeta sa Rama!
Ibigay ang hudyat sa Beth-aven!
    Nasa likuran mo na sila, Benjamin!
Mawawasak ang Efraim sa araw ng pag-uusig.
Ang ipinapahayag kong ito'y tiyak na mangyayari.

10 “Nangangamkam ng lupa ang mga pinuno ng Juda;
    binago nila ang palatandaan ng pagbabahagi sa kanilang lupain.
Kaya parang bahang ibubuhos ko sa kanila ang aking poot.
11 Ang Efraim ay inaapi at tadtad sa kahatulan,
    sapagkat patuloy siyang umaasa sa mga diyus-diyosan.
12 Ako'y parang kalawang sa Efraim,
    at bukbok sa sambahayan ni Juda.

13 “Nang makita ni Efraim ang maselan niyang karamdaman,
    at ni Juda ang kanyang mga sugat,
si Efraim ay nagpasugo sa hari ng Asiria.
Subalit hindi na siya kayang pagalingin,
    hindi na mabibigyang-lunas ang kanyang mga sugat.
14 Sapagkat parang leon akong sasalakay sa Efraim,
    parang isang mabangis na batang leon na gugutay sa Juda.
Lalapain ko ang Juda saka iiwan,
    at walang makakapagligtas sa kanila.

15 “Pagkatapos ay babalik ako sa aking tahanan
    hanggang sa harapin nila ang kanilang pananagutan,
    at sa kanilang paghihirap ako ay hanapin.”

'Hosea 5 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.

Ang pagsalangsang ng Israel ay tinutulan.

Dingin ninyo ito, Oh ninyong mga saserdote, at inyong pakinggan ninyong sangbahayan ni Israel, at inyong ulinigin, Oh sangbahayan ng hari, sapagka't sa inyo'y nauukol ang kahatulan; sapagka't kayo'y naging isang silo sa (A)Mizpa, at isang panghuli na nalagay sa (B)Tabor.

At ang mga nagsipanghimagsik ay (C)nangagpakapahamak na mainam; nguni't ako'y mananaway sa kanilang lahat.

Ang kilala ang Ephraim, at ang Israel na hindi lingid sa akin; sapagka't ngayon, (D)Oh Ephraim, ikaw ay nagpatutot, ang Israel ay napahamak.

Hindi sila titiisin ng kanilang mga gawain na manumbalik sa kanilang Dios; sapagka't (E)ang pagpapatutot ay nasa loob nila, at hindi nila nakikilala ang Panginoon.

At ang kapalaluan ng Israel (F)ay nagpatotoo sa kaniyang mukha: kaya't ang Israel at ang Ephraim ay mangatitisod sa kanilang kasamaan; ang Juda'y matitisod ding kasama nila.

Sila'y magsisiyaong kasama ng kanilang kawan (G)at ng kanilang bakahan upang hanapin ang Panginoon; nguni't hindi nila masusumpungan siya: Siya'y umurong sa kanila.

Sila'y (H)nagsigawa ng paglililo laban sa Panginoon; sapagka't sila'y naganak ng ibang mga anak: lalamunin nga sila ng bagong buwan sangpu ng kanilang mga parang.

(I)Hipan ninyo ang (J)korneta sa Gabaa, at ang pakakak sa Rama: kayo'y magsitugtog ng hudyat sa (K)Beth-aven; sa likuran mo, Oh Benjamin.

Ang Ephraim ay magiging kasiraan sa kaarawan ng pagsaway: sa gitna ng mga lipi ng Israel ay aking ipanakilala ang tunay na mangyayari.

10 Ang mga prinsipe sa Juda ay gaya ng (L)nagsisibago ng lindero: aking ibubuhos ang aking galit sa kanila na parang tubig.

11 Ang Ephraim ay (M)napighati, siya'y nadikdik sa kahatulan; sapagka't siya'y nasisiyahang lumakad ng ayon sa utos ng tao.

12 Kaya't ako'y sa Ephraim na parang tanga, at sa sangbahayan ni Juda na parang kabulukan.

13 Nang makita ng Ephraim ang kaniyang sakit, at nang makita ni Juda ang kaniyang sugat, naparoon nga ang Ephraim sa Asiria, at nagsugo sa haring Jareb: nguni't hindi niya mapagagaling kayo, ni kaniyang mapapagaling man kayo sa inyong sugat.

14 Sapagka't (N)ako'y magiging parang leon sa Ephraim, at parang isang batang leon sa sangbahayan ni Juda, Ako, sa makatuwid baga'y ako, ay aagaw at aalis; ako'y magaalis, at walang magliligtas.

15 Ako'y yayaon at babalik sa aking dako, hanggang sa kanilang kilalanin ang pagkakasala, at hanapin ang aking mukha: sa kanilang pagdadalamhati ay hahanapin nila akong mainam.