Add parallel Print Page Options

50 Niyakap ni Jose ang kanyang ama at umiiyak na hinagkan. Pagkatapos, inutusan niya ang kanyang mga manggagamot na embalsamuhin ang bangkay. Ayon sa kaugalian ng mga Egipcio, apatnapung araw ang ginugol nila sa paggawa nito. Pitumpung araw na nagluksa ang bansang Egipto.

Pagkatapos ng pagluluksa, sinabi ni Jose sa mga kagawad ng Faraon, “Pakisabi nga ninyo sa Faraon na hiniling(A)ng aking ama bago namatay na doon ko siya ilibing sa libingan na kanyang inihanda sa Canaan. At aking naipangakong susundin ko ang kanyang bilin. Kaya, humihingi ako ng pahintulot na dalhin ko roon ang kanyang bangkay at babalik agad ako pagkatapos.”

Sumagot ang Faraon, “Lumakad ka na at ilibing mo ang iyong ama ayon sa iyong pangako sa kanya.”

Sumama kay Jose para makipaglibing ang lahat ng kagawad ng Faraon, ang mga may matataas na katungkulan sa palasyo at ang mga kilalang mamamayan sa buong Egipto. Kasama rin ni Jose ang kanyang mga kapatid at ang buong sambahayan ng kanyang ama. Ang naiwan lamang sa Goshen ay ang maliliit na bata, mga kawan ng tupa, kambing at baka. May mga nangangabayo, may mga sakay sa karwahe—talagang napakarami nila.

10 Pagsapit nila sa giikan sa Atad, sa silangan ng Ilog Jordan, huminto muna sila. Nagdaos sila roon ng luksang-parangal sa yumao, at pitong araw na nagdalamhati roon si Jose. 11 Nasaksihan ng mga taga-Canaan ang ginawang pagpaparangal na ito, kaya't nasabi nila, “Ganito palang magluksa ang mga taga-Egipto!” Dahil dito'y tinawag na Abelmizraim[a] ang lugar na iyon.

12 Sinunod nga ng mga anak ni Jacob ang hiling ng kanilang ama. 13 Dinala(B) nila sa Canaan ang bangkay at doon inilibing sa yungib na nasa kaparangan ng Macpela, silangan ng Mamre, na binili ni Abraham kay Efron na Heteo. 14 Matapos ilibing ang ama, si Jose'y nagbalik sa Egipto, kasama ang kanyang mga kapatid at lahat ng kasama sa paglilibing.

Binigyan ni Jose ng Kapanatagan ang mga Kapatid

15 Mula nang mamatay ang kanilang ama, nag-alala na ang mga kapatid ni Jose. Sabi nila, “Paano kung galit pa sa atin si Jose at gantihan tayo sa kalupitang ginawa natin sa kanya?” 16 Nagpasugo sila kay Jose at ipinasabi ang ganito: “Bago namatay ang ating ama, ipinagbilin niya na sabihin ito sa iyo, 17 ‘Nakikiusap ako na patawarin mo na ang iyong mga kapatid sa ginawa nila sa iyo.’ Kaya naman ngayon, nagsusumamo kami sa iyo na patawarin mo kaming mga lingkod ng Diyos ng iyong ama.” Napaiyak si Jose nang marinig ito.

18 Lumapit lahat ang kanyang mga kapatid at yumuko sa harapan niya. “Kami'y mga alipin mo,” wika nila.

19 Ngunit sinabi ni Jose, “Huwag kayong matakot! Maaari ko bang palitan ang Diyos? 20 Masama nga ang inyong ginawa sa akin, subalit ipinahintulot iyon ng Diyos para sa kabutihan, at dahil doo'y naligtas ang marami ngayon. 21 Kaya, huwag na kayong mag-alala. Ako ang bahala sa inyo at sa inyong mga anak.” Napanatag ang kanilang kalooban sa mga sinabing ito ni Jose.

Ang Pagkamatay ni Jose

22 Nanatili nga si Jose sa Egipto kasama ang kanyang mga kapatid. Umabot siya ng 110 taon bago namatay. 23 Inabot pa siya ng mga apo ni Efraim, gayundin ng mga apo niya kay Maquir na anak ni Manases. 24 Sinabi niya sa kanyang mga kapatid, “Malapit na akong mamatay, ngunit huwag kayong mag-alala. Iingatan kayo ng Diyos at ibabalik sa lupaing ipinangako niya kina Abraham, Isaac at Jacob.” 25 Pagkatapos,(C) ipinagbilin niya sa mga Israelita ang gagawin sa kanyang bangkay. Wika niya, “Isumpa ninyo sa akin na kapag kayo'y inilabas na ng Diyos sa lupaing ito, dadalhin ninyo ang aking mga buto.” 26 Namatay nga si Jose sa gulang na 110 taon. Siya'y inembalsamo sa Egipto at inilagay sa isang kabaong.

Footnotes

  1. Genesis 50:11 ABELMIZRAIM: Sa wikang Hebreo, ang mga salitang “Abelmizraim” at “pagluluksa ng mga taga-Egipto” ay magkasintunog.
'Genesis 50 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.

50 At yumakap si Jose sa mukha ng kaniyang ama, (A)at umiyak sa ibabaw niya, at hinalikan niya siya.

At iniutos ni Jose sa kaniyang mga (B)lingkod na manggagamot, na embalsamahin ang kaniyang ama: at inembalsama ng mga manggagamot si Israel.

At apat na pung araw ang ginanap sa kaniya; sapagka't gayon ginaganap ang mga araw ng pagembalsama; (C)at tinangisan siya ng mga Egipcio ng pitong pung araw.

At nang makaraan ang mga araw ng pagiyak sa kaniya ay nagsalita si Jose sa sangbahayan ni Faraon, na sinasabi, Kung ngayo'y nakasumpong ako ng biyaya sa inyong mga mata ay salitain ninyo, isinasamo ko sa inyo, sa mga pakinig ni Faraon, na inyong sabihin,

Pinanumpa ako ng ama ko, na sinasabi, Narito, ako'y namamatay: (D)sa libingan na aking hinukay sa akin sa lupain ng Canaan, ay doon mo ako ililibing. Ngayon nga'y pahintulutan ninyo akong umahon, isinasamo ko sa inyo, at aking ilibing ang aking ama, at babalik uli ako.

At sinabi ni Faraon, Umahon ka, at ilibing mo ang iyong ama, ayon sa kaniyang ipinasumpa sa iyo.

At umahon si Jose upang ilibing ang kaniyang ama: at kasama niyang umahon ang lahat ng lingkod ni Faraon, ang mga matanda sa kaniyang sangbahayan, at ang lahat na matanda sa lupain ng Egipto;

At ang buong sangbahayan ni Jose, at ang kaniyang mga kapatid, at ang sangbahayan ng kaniyang ama: ang kanila lamang mga bata, at ang kanilang mga kawan, at ang kanilang bakahan, ang iniwan nila sa lupain ng Gosen.

At umahong kasama niya ang mga karro at mga nangangabayo: at yao'y naging totoong malaking pulutong.

10 At sila'y dumating sa giikan ni Atad, na nasa dako pa roon ng Jordan, at doo'y nanaghoy sila ng malakas at kapaitpait na panaghoy: at kaniyang pinanangisan ang kaniyang ama na pitong araw.

11 At nang makita ng mga nananahan sa lupaing yaon, ng mga Cananeo, ang panaghoy sa giikan ni Atad, ay kanilang sinabi, Ito'y isang kahambalhambal na panaghoy ng mga Egipcio kaya't ang pangalang itinawag ay Abel-mizraim, nasa dako pa roon ng Jordan.

Si Jacob ay nalibing sa Machpela.

12 At ginawa sa kaniya ng kaniyang mga anak ang ayon sa iniutos sa kanila.

13 (E)Sapagka't dinala siya ng kaniyang mga anak sa lupain ng Canaan, at inilibing siya sa yungib ng Machpela, (F)na binili ni Abraham sangpu ng parang na pinakaaring libingan, kay Ephron na Hetheo, sa tapat ng Mamre.

14 At bumalik si Jose sa Egipto, siya, at ang kaniyang mga kapatid, at ang lahat na umahong kasama niya sa paglilibing sa kaniyang ama, pagkatapos na mailibing ang kaniyang ama.

Ang kabutihang loob ni Jose sa kaniyang mga kapatid.

15 At nang makita ng mga kapatid ni Jose, na ang kanilang ama'y namatay, ay kanilang sinabi, Marahil si Jose ay mapopoot sa atin, at lubos na gagantihin sa atin ang buong kasamaan na ating ginawa sa kaniya.

16 At ipinasabi nila kay Jose, Iniutos ng iyong ama bago namatay, na sinasabi,

17 Ganito sasabihin ninyo kay Jose. Ipatawad mo, isinasamo ko sa iyo ngayon, ang pagsalangsang ng iyong mga kapatid, at ang kanilang kasalanan; at ngayon, ay aming isinasamo sa iyo, na ipatawad mo ang mga pagsalangsang ng mga lingkod (G)ng Dios ng iyong ama. At si Jose ay umiyak ng kanilang salitain sa kaniya.

18 At naparoon ang kaniyang mga kapatid naman at nagpatirapa sa harap niya; at kanilang sinabi, Narito, kaming iyong mga lingkod.

19 At sinabi ni Jose sa kanila, Huwag kayong matakot, (H)sapagka't nasa kalagayan ba ako ng Dios?

20 At tungkol sa inyo ay inyong ipinalagay na kasamaan laban sa akin; (I)nguni't ipinalagay ng Dios na kabutihan upang mangyari ang gaya sa araw na ito, na iligtas ang buhay ng maraming tao.

21 Kaya nga huwag kayong matakot: (J)aking pakakanin kayo at ang inyong mga bata. At kaniyang inaliw sila at kaniyang pinagsalitaan sila na may kagandahang loob.

Ang kaniyang kamatayan.

22 At si Jose ay tumahan sa Egipto, siya at ang sangbahayan ng kaniyang ama: at si Jose ay nabuhay na isang daan at sangpung taon.

23 At nakita ni Jose ang mga anak ni Ephraim hanggang sa ikatlong salin ng lahi; ang (K)mga anak man ni Machir na anak ni Manases ay ipinanganak sa mga tuhod ni Jose.

24 At sinabi ni Jose sa kaniyang mga kapatid: Ako'y namamatay: (L)nguni't tunay na dadalawin kayo ng Dios, at dadalhin kayo mula sa lupaing ito hanggang sa lupain (M)na kaniyang isinumpa kay Abraham, kay Isaac at kay Jacob.

25 (N)At ipinasumpa ni Jose sa mga anak ni Israel, na sinasabi, Tunay na dadalawin kayo ng Dios, at inyong iaahon ang aking mga buto mula rito.

26 Sa gayo'y namatay si Jose na may isang daan at sangpung taon: at kanilang inembalsama siya, at siya'y inilagay sa isang kabaong sa Egipto.