Add parallel Print Page Options

1-2 Inilibing si Esteban ng mga taong may takot sa Dios, at labis nila siyang iniyakan.

Pinag-uusig ni Saulo ang mga Mananampalataya

Mula noon, nagsimula na ang matinding pag-uusig sa mga mananampalataya sa Jerusalem. Kaya nagkawatak-watak ang mga mananampalataya sa buong lalawigan ng Judea at Samaria. Ang mga apostol lang ang hindi umalis sa Jerusalem. Si Saulo na sumang-ayon sa pagpatay kay Esteban ay nagsumikap na wasakin ang iglesya. Kaya pinasok niya ang mga bahay-bahay at dinakip ang mga mananampalataya, lalaki man o babae, at dinala sa bilangguan.

Ipinangaral ang Magandang Balita sa Samaria

Ang mga mananampalatayang nangalat sa ibaʼt ibang lugar ay nangaral ng Magandang Balita. Isa sa mga mananampalataya ay si Felipe. Pumunta siya sa isang lungsod ng Samaria at nangaral sa mga tao tungkol kay Cristo. Nang marinig ng mga tao ang mga sinabi ni Felipe at makita ang mga himalang ginawa niya, nakinig sila nang mabuti sa kanya. Maraming taong may masasamang espiritu ang pinagaling niya. Sumisigaw nang malakas ang masasamang espiritu habang lumalabas sa mga tao. Marami ring paralitiko at mga pilay ang gumaling. Kaya masayang-masaya ang mga tao sa lungsod na iyon.

May tao rin doon na ang pangalan ay Simon. Matagal na niyang pinahahanga ang mga taga-Samaria sa kanyang kahusayan sa salamangka. Nagmamayabang siya na akala mo kung sino siyang dakila. 10 Ang lahat ng tao sa lungsod, mahirap man o mayaman ay nakikinig nang mabuti sa kanya. Sinabi nila, “Ang taong ito ang siyang kapangyarihan ng Dios na tinatawag na ‘Dakilang Kapangyarihan.’ ” 11 Matagal na niyang pinahahanga ang mga tao sa kanyang kahusayan sa salamangka, kaya patuloy silang naniniwala sa kanya. 12 Pero nang mangaral si Felipe sa kanila ng Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Dios at tungkol kay Jesu-Cristo, sumampalataya at nagpabautismo ang mga lalaki at babae. 13 Pati si Simon ay sumampalataya rin, at nang mabautismuhan na siya, sumama siya kay Felipe. Talagang napahanga siya sa mga himala at kamangha-manghang bagay na ginawa ni Felipe.

14 Nang marinig ng mga apostol sa Jerusalem na ang mga taga-Samaria ay sumampalataya rin sa salita ng Dios, ipinadala nila roon sina Pedro at Juan. 15 Pagdating nila sa Samaria, ipinanalangin nila ang mga mananampalataya roon na sanaʼy matanggap nila ang Banal na Espiritu. 16 Sapagkat kahit nabautismuhan na sila sa pangalan ng Panginoong Jesus, hindi pa nila natatanggap ang Banal na Espiritu. 17 Ipinatong nina Pedro at Juan ang kanilang mga kamay sa kanila, at natanggap nila ang Banal na Espiritu. 18 Nakita ni Simon na sa pagpatong ng kamay ng mga apostol sa mga mananampalataya ay natanggap nila ang Banal na Espiritu. Kaya inalok niya ng pera sina Pedro at Juan at sinabi 19 “Bigyan ninyo ako ng ganyang kapangyarihan, para ang sinumang patungan ko ng kamay ay makatanggap din ng Banal na Espiritu.” 20 Pero sumagot si Pedro sa kanya, “Mawala ka sana at ang iyong pera! Sapagkat inaakala mong mabibili ng pera ang kaloob ng Dios. 21 Wala kang bahagi sa gawain namin, dahil marumi ang puso mo sa paningin ng Dios. 22 Kaya pagsisihan mo ang masama mong balak at manalangin ka sa Panginoon na patawarin ka sa iyong maruming pag-iisip. 23 Sapagkat nakikita kong inggit na inggit ka at alipin ng kasalanan.” 24 Sinabi ni Simon, “Kung maaari, manalangin din kayo sa Panginoon para sa akin upang hindi mangyari sa akin ang parusa na sinasabi ninyo.”

25 Pagkatapos magpatotoo nina Pedro at Juan at mangaral ng mensahe ng Panginoon, bumalik sila sa Jerusalem. At nangaral din sila ng Magandang Balita sa mga baryo na dinaanan nila sa lalawigan ng Samaria.

Si Felipe at ang Opisyal na Taga-Etiopia

26 May isang anghel ng Panginoon na nagsabi kay Felipe, “Pumunta ka agad sa timog, at sundan mo ang daan na mula sa Jerusalem papuntang Gaza.” (Ang daang iyon ay bihira na lang daanan.) 27 Kaya umalis si Felipe, at doon ay nakita niya ang taong taga-Etiopia. Pauwi na ito galing sa Jerusalem kung saan siya sumamba sa Dios. Mataas ang kanyang tungkulin dahil siya ang pinagkakatiwalaan ng kayamanan ng Candace. (Ang Candace ay reyna ng Etiopia.) 28 Nakasakay siya sa kanyang karwahe[a] at nagbabasa ng aklat ni Propeta Isaias. 29 Sinabi ng Banal na Espiritu kay Felipe, “Puntahan mo at makisabay ka sa kanyang karwahe.” 30 Kaya tumakbo si Felipe at inabutan niya ang karwahe. Narinig niyang nagbabasa ang opisyal ng aklat ni Propeta Isaias. Tinanong siya ni Felipe kung nauunawaan niya ang kanyang binabasa. 31 Sumagot ang opisyal, “Hindi nga eh! Paano ko mauunawaan kung wala namang magpapaliwanag sa akin?” Inanyayahan niya si Felipe na sumakay sa kanyang karwahe at tumabi sa kanya. 32 Ito ang bahagi ng Kasulatan na kanyang binabasa:

    “Hindi siya nagreklamo.
    Katulad siya ng tupa na dinadala sa katayan,
    o kayaʼy isang munting tupa na walang imik habang ginugupitan.
33 Hinamak siya at hinatulan nang hindi tama.
    Walang makapagsasabi tungkol sa kanyang mga lahi,
    dahil pinaikli ang kanyang buhay dito sa lupa.”

34 Sinabi ng opisyal kay Felipe, “Sabihin mo sa akin kung sino ang tinutukoy ng propeta, ang sarili ba niya o ibang tao?” 35 Kaya simula sa bahaging iyon ng Kasulatan, ipinaliwanag sa kanya ni Felipe ang Magandang Balita tungkol kay Jesus. 36 Habang nagpapatuloy sila sa paglalakbay, nakarating sila sa lugar na may tubig. Sinabi ng opisyal kay Felipe, “May tubig dito. May dahilan pa ba para hindi ako mabautismuhan?” [37 Sumagot si Felipe sa kanya, “Maaari ka nang bautismuhan kung sumasampalataya ka nang buong puso.” Sumagot ang opisyal, “Oo, sumasampalataya ako na si Jesu-Cristo ang Anak ng Dios.”] 38 Pinahinto ng opisyal ang karwahe at lumusong silang dalawa sa tubig at binautismuhan siya ni Felipe. 39 Pagkaahon nila sa tubig, bigla na lang kinuha si Felipe ng Espiritu ng Panginoon. Hindi na siya nakita ng opisyal, pero masaya siyang nagpatuloy sa kanyang paglalakbay. 40 Namalayan na lang ni Felipe na siyaʼy nasa lugar na ng Azotus.[b] Nangaral siya ng Magandang Balita sa mga bayan na dinadaanan niya hanggang makarating siya sa Cesarea.

Footnotes

  1. 8:28 karwahe: sa Ingles, “chariot.”
  2. 8:40 Azotus: o, Ashdod.

Kasang-ayon si Saulo sa pagpaslang kay Esteban.

Ang Pag-usig ni Saulo sa Iglesya

Nang araw na iyon, sumiklab ang isang malawakang pag-uusig laban sa iglesya na nasa Jerusalem. Maliban sa mga apostol, nagkahiwa-hiwalay ang lahat ng mananampalataya sa buong lupain ng Judea at Samaria. Inilibing si Esteban ng mga lalaking masigasig sa kabanalan. Tumangis sila nang malakas dahil sa kanya. Samantala'y winawasak ni Saulo ang iglesya. (A) Pinapasok niya ang mga bahay-bahay, kinakaladkad at ibinibilanggo ang mga lalaki't babae.

Ang Pangangaral sa Samaria

Ang mga nagkawatak-watak nama'y naglakbay na ipinapahayag ang salita. Si Felipe ay bumaba sa lungsod ng Samaria at ipinangaral sa kanila ang Cristo. Nang marinig ng maraming tao ang mga sinabi ni Felipe at nang makita ang mga himalang ginawa niya, nagkaisa silang bigyan ng pansin ang kanyang sinasabi. Sapagkat lumalabas ang masasamang espiritu na sumisigaw nang malakas mula sa maraming taong sinapian; at maraming lumpo at pilay ang pinagaling. Kaya't nagkaroon ng malaking kagalakan sa lungsod na iyon. Ngunit isang taong nagngangalang Simon, ang gumagamit noong una ng salamangka sa lungsod; pinahahanga niya ang mga mamamayan ng Samaria at sinasabi niyang siya'y magaling. 10 Nakinig sa kanya ang lahat, buhat sa pinakaaba hanggang sa pinakadakila. Sabi nila, “Ang taong ito ang tinatawag na dakilang kapangyarihan ng Diyos.” 11 Nakinig sila sa kanya, sapagkat sa loob ng mahabang panahon ay napahanga niya sila ng kanyang mga salamangka. 12 Ngunit nang naniwala sila kay Felipe na nangangaral ng Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Diyos at sa pangalan ni Jesu-Cristo, sila ay nabautismuhan, mga lalaki at mga babae. 13 Mismong si Simon ay naniwala, at pagkatapos mabautismuhan ay nanatiling kasama ni Felipe. Namangha siya nang makakita ng mga himala at ng mga makapangyarihang gawa.

14 Nang mabalitaan ng mga apostol sa Jerusalem na tinanggap ng mga taga-Samaria ang salita ng Diyos, isinugo nila roon sina Pedro at Juan. 15 Pagdating doon ay ipinanalangin ng dalawa ang mga taga-Samaria upang tanggapin nila ang Banal na Espiritu. 16 Sapagkat hindi pa bumababa ang Espiritu sa kaninuman sa kanila. Sila'y nabautismuhan lamang sa pangalan ng Panginoong Jesus. 17 Ipinatong nina Pedro at Juan[a] ang kanilang mga kamay sa kanila at tinanggap nila ang Banal na Espiritu. 18 Nang makita ni Simon na ipinagkakaloob ang Espiritu sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay ng mga apostol, sila'y kanyang inalok ng salapi, 19 at sinabi, “Bigyan din ninyo ako ng kapangyarihang ito, upang sinumang patungan ko ng aking mga kamay ay tumanggap ng Banal na Espiritu.” 20 Ngunit sinabi sa kanya ni Pedro, “Mapapahamak ka kasama ng iyong salapi! Akala mo ba'y mabibili mo ang kaloob ng Diyos? 21 Wala kang bahagi ni karapatan sa bagay na ito, sapagkat hindi naaayon sa Diyos ang iyong puso. 22 Kaya't pagsisihan mo ang kasamaan mong ito. Manalangin ka sa Panginoon at baka sakaling patawarin ka sa masamang hangarin ng iyong kalooban. 23 Sapagkat nakikita kong pinaghaharian ka ng inggit at alipin ka ng kasamaan.” 24 Sumagot si Simon, “Ipanalangin ninyo ako sa Panginoon upang hindi mangyari sa akin ang mga sinabi ninyo.”

25 Matapos silang makapagpatotoo at maipahayag ang salita ng Panginoon, bumalik sina Pedro at Juan[b] sa Jerusalem na ipinangangaral ang magandang balita sa maraming nayon ng Samaria.

Si Felipe at ang Eunukong Taga-Etiopia

26 Matapos ang mga ito, inutusan ng isang anghel ng Panginoon si Felipe, “Tumindig ka at pumunta patungong timog, sa daang pababa mula sa Jerusalem patungong Gaza. Ito'y ilang na daan.” 27 Tumindig nga siya at umalis. Dumating naman ang isang eunukong taga-Etiopia, na tagapamahala ng buong kayamanan ni Candace, ang reyna ng Etiopia. Galing ang eunuko sa Jerusalem upang sumamba. 28 Pauwi na siya noon, nakasakay sa kanyang karwahe at binabasa ang aklat ni propeta Isaias. 29 Sinabi ng Espiritu kay Felipe, “Lumapit ka at makisakay sa karwaheng ito.” 30 Kaya't tumakbong palapit si Felipe at kanyang narinig na binabasa ng lalaki ang aklat ni propeta Isaias. Tinanong siya ni Felipe, “Nauunawaan mo ba ang binabasa mo?” 31 Sumagot siya kay Felipe, “Paano ko ito mauunawaan kung walang magpapaliwanag sa akin?” At kanyang inanyayahan si Felipe na sumakay at maupong kasama niya. 32 Ito (B) ang bahagi ng Kasulatang binabasa niya:

“Tulad ng tupang dinala sa katayan;
    at ng korderong hindi umiimik sa harap ng kanyang manggugupit,
    gayundin hindi niya ibinubuka ang kanyang bibig.
33 Sa kanyang pagpapakababa ay ipinagkait sa kanya ang katarungan.
    Sino ang makapaglalarawan sa kanyang lahi?
    Sapagkat inalis sa lupa ang kanyang buhay.”

34 Sinabi ng eunuko kay Felipe, “Maaari bang sabihin mo sa akin kung sino ang tinutukoy ng propeta, ang kanya bang sarili o iba?” 35 Mula sa talatang ito, ipinangaral ni Felipe sa lalaki ang Magandang Balita tungkol kay Jesus. 36 Sa kanilang paglalakbay, nakarating sila sa isang lugar na may tubig. Sinabi ng eunuko, “Tingnan mo, may tubig! Ano'ng hadlang upang ako'y mabautismuhan?” 37 [At sinabi ni Felipe, “Kung sumasampalataya ka nang buong puso ito'y mangyayari. Sumagot ang eunuko, “Sumasampalataya ako na si Jesu-Cristo ang Anak ng Diyos.”][c] 38 Pinahinto ng eunuko ang karwahe at lumusong silang dalawa sa tubig. At binautismuhan siya ni Felipe. 39 Nang umahon sila sa tubig, biglang inagaw ng Espiritu ng Panginoon si Felipe, at hindi na siya nakita ng eunuko. Nagagalak itong nagpatuloy sa kanyang paglalakbay. 40 Samantala, natagpuan si Felipe sa Azotus. Mula roon ay ipinangaral niya ang Magandang Balita sa lahat ng mga bayan hanggang sa makarating siya sa Cesarea.

Footnotes

  1. Mga Gawa 8:17 Sa Griyego, nila.
  2. Mga Gawa 8:25 Sa Griyego sila.
  3. Mga Gawa 8:37 Wala ang talatang ito sa mga mas naunang manuskrito.

At si Saulo ay sumangayon sa kaniyang pagkamatay.

At nang araw na yao'y nangyari ang isang malaking paguusig laban sa iglesia na nasa Jerusalem; at (A)silang lahat ay nagsipangalat sa lahat ng mga dako ng Judea at (B)Samaria, maliban na sa mga apostol.

At inilibing si Esteban ng mga taong masipag sa kabanalan, at siya'y tinangisan ng di kawasa.

Datapuwa't (C)pinuksa ni Saulo ang iglesia, na pinapasok ang bahay-bahay, at kinakaladkad ang mga lalake't mga babae, at sila'y ipinapasok sa bilangguan.

(D)Ang mga nagsipangalat nga ay nagsipaglakbay, na ipinangangaral ang salita.

At bumaba si (E)Felipe sa bayan ng Samaria, at ipinangaral sa kanila ang Cristo.

At ang mga karamiha'y nangagkakaisang nangakikinig sa mga bagay na sinasalita ni Felipe, pagkarinig nila, at pagkakita ng mga tanda na ginawa niya.

Sapagka't sa (F)maraming may mga karumaldumal na espiritu, ay nangagsilabas sila, (G)na nangagsisisigaw ng malakas na tinig: at maraming lumpo, at pilay, ang pinagaling.

At nagkaroon ng malaking kagalakan sa bayang yaon.

Datapuwa't may isang tao, na nagngangalang Simon, na nang unang panaho'y nanggagaway sa bayan, at (H)pinahahanga ang mga tao sa Samaria, at nagsasabing siya'y isang dakila:

10 Na siyang pinakikinggan nilang lahat, buhat sa kaliitliitan hanggang sa kadakidakilaan, na sinasabi, (I)Ang taong ito ang siyang kapangyarihan ng Dios na tinatawag na Dakila.

11 At siya'y pinakinggan nila, sapagka't mahabang panahong pinahahanga niya sila ng kaniyang mga panggagaway.

12 Datapuwa't nang magsipaniwala sila kay Felipe na nangangaral (J)ng mabubuting balita tungkol sa kaharian ng Dios at sa pangalan ni Jesucristo, ay nangabautismuhan ang mga lalake't mga babae.

13 At si Simon man ay naniwala rin: at nang mabautismuhan na, ay nanatili siyang kasama ni Felipe; at nang makakita ng mga tanda at ng mga dakilang himalang ginawa, ay napahanga siya.

14 Nang mabalitaan nga (K)ng mga apostol na nangasa Jerusalem na tinanggap ng Samaria ang salita ng Dios, ay sinugo nila sa kanila (L)si Pedro at si Juan:

15 Na nang sila'y makalusong, ay ipinanalangin nila sila, (M)upang kanilang tanggapin ang Espiritu Santo.

16 Sapagka't ito'y hindi (N)pa bumababa sa kanino man sa kanila: kundi sila'y nangabautismuhan (O)lamang sa pangalan ng Panginoong Jesus.

17 Nang magkagayo'y ipinatong (P)sa kanila ang kanilang mga kamay, at kanilang tinanggap ang Espiritu Santo.

18 Nang makita nga ni Simon na sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay ng mga apostol ay ibinigay ang Espiritu Santo, ay inalok niya sila ng salapi,

19 Na sinasabi, Bigyan naman ninyo ako ng kapangyarihang ito, upang sinomang patungan ko ng aking mga kamay, ay tumanggap ng Espiritu Santo.

20 Datapuwa't sinabi sa kaniya ni Pedro, Ang iyong salapi'y mapahamak na kasama mo, sapagka't (Q)inisip mong tamuhin ang kaloob ng Dios sa pamamagitan ng salapi.

21 Wala kang bahagi ni kapalaran man sa bagay na ito: sapagka't ang puso mo'y hindi matuwid sa harap ng Dios.

22 Magsisi ka nga sa kasamaan mong ito, at manalangin ka sa Panginoon, baka sakaling ipatawad sa iyo ang pagiisip ng iyong puso.

23 Sapagka't nakikita kong ikaw ay (R)nasa apdo ng kapaitan at sa tali ng katampalasanan.

24 At sumagot si Simon at sinabi, (S)Ipanalangin ninyo ako sa Panginoon, upang huwag mangyari sa akin ang alin mang bagay sa mga sinasabi ninyo.

25 Sila nga, nang makapagpatotoo at masabi na nila ang salita ng Panginoon, ay nangagbalik sa Jerusalem, at ipinangaral ang evangelio sa maraming nayon ng mga Samaritano.

26 Datapuwa't nagsalita kay (T)Felipe (U)ang isang anghel ng Panginoon, na nagsasabi, Magtindig ka, at ikaw ay pumaroon sa dakong timugan, sa daang palusong mula sa Jerusalem hanggang sa Gaza: na ito'y ilang.

27 At siya'y nagtindig at yumaon: at narito, ang isang lalaking taga Etiopia, isang bating na may dakilang kapamahalaan na sakop ni Candace, reina ng mga Etiope, na siyang namamahala ng lahat niyang kayamanan, at (V)siya'y naparoon sa Jerusalem upang sumamba;

28 At siya'y pabalik at nakaupo sa kaniyang karo, at binabasa ang propeta Isaias.

29 At sinabi kay Felipe ng Espiritu, Lumapit ka, at makisama sa karong ito.

30 At tumakbo si Felipeng patungo sa kaniya, at napakinggan niyang binabasa si Isaias na propeta, at sinabi, Nauunawa mo baga ang binabasa mo?

31 At sinabi niya, Paanong magagawa ko, maliban nang may pumatnubay sa aking sinoman? At pinakiusapan niya si Felipe na pumanhik at maupong kasama niya.

32 Ang dako nga ng kasulatan na binabasa niya ay ito,

(W)Siya'y gaya ng tupa na dinala sa patayan;
At kung paanong hindi umimik ang kordero sa harap ng manggugupit sa kaniya,
Gayon din hindi niya binubuka ang kaniyang bibig:
33 Sa kaniyang pagpapakababa'y inalis ang kaniyang paghuhukom.
Sino ang maghahayag ng kaniyang lahi?
Sapagka't inalis sa lupa ang kaniyang buhay.

34 At sumagot ang bating kay Felipe, at sinabi, Ipinamamanhik ko sa iyo, kanino sinasabi ng propeta ito? sa kaniya bagang sarili, o sa alin mang iba?

35 At binuka ni Felipe ang kaniyang bibig, (X)at pagpapasimula sa kasulatang ito, ay ipinangaral sa kaniya si Jesus.

36 At sa pagpapatuloy sa daan, ay nagsidating sila sa dakong may tubig; at sinabi ng bating, Narito, ang tubig; ano ang nakahahadlang upang ako'y mabautismuhan?[a](Y)

38 At ipinagutos niyang itigil ang karo: at sila'y kapuwa lumusong sa tubig, si Felipe at ang bating; at kaniyang binautismuhan siya.

39 At nang magsiahon sila sa tubig, ay inagaw si Felipe ng Espiritu ng Panginoon; at hindi na siya nakita ng bating, sapagka't ipinagpatuloy niya ang kaniyang lakad na natutuwa.

40 Nguni't nasumpungan si Felipe sa Azoto: at sa pagdadaan ay ipinangaral niya ang evangelio sa lahat ng mga bayan, hanggang sa dumating siya sa (Z)Cesarea.

Footnotes

  1. Mga Gawa 8:36 Sa ibang mga Kasulatan ay nakalagay ang talatang ito: 37 At sinabi ni Felipe: Kung nanampalataya ka ng buong puso ay mangyayari. At sumagot siya at sinabi: Sumasampalataya ako na si Jesu-Cristo ay Anak ng Dios.