Add parallel Print Page Options

Magtulungan sa mga Pasanin

Mga kapatid, kung may isa sa inyo na mahulog sa pagkakasala, kayong pinapatnubayan ng Espiritu ang magtuwid sa kanya. Subalit gawin ninyo iyon nang mahinahon, at mag-ingat kayo, baka kayo naman ang matukso. Magtulungan kayo sa pagbuhat ng pasanin ng bawat isa. Sa gayong paraan ay matutupad[a] ninyo ang kautusan ni Cristo. Kung inaakala ninyong kayo'y nakakahigit sa iba, subalit hindi naman, dinadaya ninyo ang inyong sarili. Suriin ng bawat isa ang kanyang gawa. Sa gayon, ang kanyang kagalakan ay nakabatay sa kanyang gawa. Huwag na niyang ihambing pa iyon sa gawa ng iba, sapagkat ang bawat isa ay dapat magdala ng kanyang sariling dalahin.

Ang mga tinuturuan ng salita ng Diyos ay dapat magbahagi ng lahat ng magagandang bagay sa mga nagtuturo.

Huwag ninyong linlangin ang inyong sarili; hindi maaaring tuyain ang Diyos. Kung ano ang itinanim ng tao, iyon din ang kanyang aanihin. Ang nagtatanim para sa sarili niyang laman ay aani ng pagkabulok mula sa laman. Ngunit ang nagtatanim para sa Espiritu ay aani ng buhay na walang hanggan. Kaya't huwag tayong mapagod sa paggawa ng mabuti sapagkat pagdating ng takdang panahon tayo ay aani kung hindi tayo susuko. 10 Kaya nga, basta may pagkakataon ay gumawa tayo ng mabuti sa lahat ng tao, lalo na sa mga kapatid natin sa pananampalataya.

Pangwakas na Babala at Pagbati

11 Tingnan ninyo kung gaano kalaki ang mga titik na ginagamit ko sa pagsulat sa inyo sa pamamagitan ng sarili kong kamay.

12 Gusto lamang ng mga namimilit sa inyo na kayo'y magpatuli na makita silang gumagawa ng magagandang bagay. Ginagawa nila iyon upang huwag silang usigin dahil sa krus ni Cristo. 13 Kahit na silang mga tuli ay hindi naman tumutupad sa Kautusan; nais lamang nilang patuli kayo upang maipagmalaki nila na kayo man ay tumupad sa tuntuning iyon. 14 Huwag nawang mangyari sa akin na ipagmalaki ko ang anumang bagay bukod sa krus ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Sapagkat sa pamamagitan nito, ang mundong ito'y patay na para sa akin, at ako nama'y patay na rin sa mundo. 15 Hindi mahalaga kung tuli man o hindi ang isang tao. Ang mahalaga ay kung siya ay bago nang nilalang. 16 Manatili nawa ang kapayapaan at habag ng Diyos sa lahat ng namumuhay ayon sa tuntuning ito, at sa buong bayan ng Diyos.

17 Kaya mula ngayon, huwag nang dagdagan ninuman ang aking mga paghihirap, sapagkat ipinapakita ng mga pilat sa aking katawan na ako'y lingkod ni Jesus.

18 Mga kapatid, sumainyo nawang lahat ang kagandahang-loob ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Amen.

Footnotes

  1. 2 matutupad: Sa ibang manuskrito'y tinutupad .

Ang Pagtutulungan

Mga kapatid, kung mayroon sa inyong mahulog sa pagkakasala, kayong mga espirituwal ang dapat na mahinahong magtuwid sa kanya. At mag-ingat kayo, baka kayo naman ang matukso. Magtulungan kayo sa pagdadala ng pasanin ng isa't isa, at sa ganitong paraan ay matutupad ninyo ang utos ni Cristo. Kung inaakala ng sinuman na siya'y mahalaga gayong wala naman siyang kabuluhan, dinadaya niya ang kanyang sarili. Suriin ng bawat isa ang kanyang sariling gawa. Sa gayon, masisiyahan siya kung mabuti ang kanyang ginagawa nang hindi ihinahambing ang sarili sa iba. Sapagkat ang pananagutan ng bawat isa ay ang kanyang sariling pasanin. Ang lahat ng pagpapalang tinatamasa ng mga tinuturuan ay dapat nilang ibahagi sa mga nagtuturo sa kanila ng salita ng Diyos. Huwag kayong padaya: ang Diyos ay hindi maaaring hamakin, sapagkat kung ano ang itinanim ng tao ay siya rin niyang aanihin. Sapagkat ang nagtatanim ng mga bagay upang bigyang kasiyahan ang masasamang pagnanasa ng laman ay mag-aani ng kapahamakan. Subalit ang nagtatanim upang bigyan ng kasiyahan ang Espiritu, mula sa Espiritu ay mag-aani ng buhay na walang hanggan. Kaya't huwag tayong magsawa sa paggawa ng mabuti; pagdating ng takdang panahon ay mag-aani tayo, kung hindi tayo panghihinaan ng loob. 10 Kaya't habang may pagkakataon ay gumawa tayo ng mabuti sa lahat ng tao, lalung-lalo na sa mga kasambahay sa pananampalataya.

Babala at Basbas

11 Pansinin ninyo kung gaano kalalaki ang mga titik ng sulat-kamay ko! Ako mismo ang sumulat nito! 12 Ang mga taong naghahangad na gumawa ng panlabas na kapurihan ang mga namimilit sa inyong kayo'y magpatuli. Ginagawa nila ito upang huwag na silang usigin dahil sa krus ni Cristo. 13 Ngunit kahit sila na mga nagpatuli ay hindi rin naman tumutupad sa Kautusan. Gayunma'y nais nilang magpatuli kayo upang maipagmalaki nila ang pagpapatuli ninyo. 14 Subalit huwag nawang mangyari sa akin ang magmalaki. Ang tanging ipinagmamalaki ko ay ang krus ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Sa pamamagitan ng kanyang krus, ang sanlibutan ay patay na sa akin, at ako'y patay na sa sanlibutan. 15 Sapagkat[a] hindi na mahalaga ang pagtutuli o ang di-pagtutuli, kundi ang pagiging bagong nilalang. 16 Kapayapaan at kahabagan nawa ang sumakanilang lahat na lumalakad ayon sa tuntuning ito, maging sa Israel ng Diyos.

17 Bilang pagwawakas, huwag na akong guluhin pa ng sinuman; sapagkat ang mga pilat na taglay ko sa aking katawan ay patunay na ako'y alagad ni Jesus.

18 Mga kapatid, sumainyo nawang lahat ang pagpapala ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Amen.

Footnotes

  1. Galacia 6:15 Sa ibang mga kasulatan ay Sapagkat kay Cristo Jesus.

Mga kapatid, (A)kung ang sinoman ay masumpungan sa anomang pagsuway, kayong (B)mga sa espiritu, ay inyong papanumbalikin ang gayon sa (C)espiritu ng kahinhinan; na iyong pagwariin ang iyong sarili, baka ikaw naman ay matukso.

Mangagdalahan kayo ng mga (D)pasanin ng isa't isa, at tuparin ninyong gayon (E)ang kautusan ni Cristo.

Sapagka't kung (F)ang sinoman ay nagaakala na siya'y may kabuluhan bagaman siya ay walang kabuluhan, ang kaniyang sarili ang dinadaya niya.

Nguni't siyasatin ng (G)bawa't isa ang kaniyang sariling gawa, at kung magkagayon ay magkakaroon siya ng kaniyang kapurihan tungkol sa kaniyang sarili lamang, at hindi tungkol sa kapuwa.

Sapagka't ang (H)bawa't tao ay magpapasan ng kaniyang sariling pasan.

Datapuwa't ang tinuturuan (I)sa aral ng Dios ay makidamay doon sa nagtuturo sa lahat ng mga bagay na mabuti.

Huwag kayong padaya; ang Dios ay hindi napabibiro: sapagka't ang (J)lahat na ihasik ng tao, ay siya namang aanihin niya.

Sapagka't ang naghahasik ng sa kaniyang sariling laman ay sa laman magaani ng kasiraan; datapuwa't ang naghahasik ng sa Espiritu ay sa Espiritu magaani ng buhay na walang hanggan.

(K)At huwag tayong mangapagod sa paggawa ng mabuti: sapagka't sa kapanahunan ay magsisipagani tayo, (L)kung hindi tayo manganghihimagod.

10 Kaya nga, samantalang tayo'y may pagkakataon, ay (M)magsigawa tayo ng mabuti sa lahat, at lalong lalo na sa (N)mga kasangbahay sa pananampalataya.

11 Tingnan ninyo kung gaano kalalaking mga titik ang isinulat ko sa inyo (O)ng aking sariling kamay.

12 Yaong (P)lahat na may ibig magkaroon ng isang mabuting anyo sa laman, (Q)ay siyang pumipilit sa inyo na mangagtuli; upang huwag lamang silang (R)pagusigin dahil sa krus ni Cristo.

13 Sapagka't yaon mang nangatuli na ay hindi rin nagsisitupad ng kautusan; nguni't ibig nilang kayo'y ipatuli, upang sila'y mangagmapuri sa inyong laman.

14 Datapuwa't malayo nawa sa akin ang (S)pagmamapuri, maliban na sa krus ng ating Panginoong Jesucristo, na sa pamamagitan niyao'y ang sanglibutan ay (T)napako sa krus sa ganang akin, at ako'y sa sanglibutan.

15 Sapagka't ang pagtutuli ay walang anoman, kahit man ang di-pagtutuli, kundi (U)ang bagong nilalang.

16 At ang lahat (V)na mangagsisilakad ayon sa alituntuning ito, (W)kapayapaan at kaawaan nawa ang sumakanila, at sa (X)Israel ng Dios.

17 Buhat ngayon sinoman ay huwag bumagabag sa akin; sapagka't dala kong nakalimbag sa aking katawan (Y)ang mga tanda ni Jesus.

18 Mga kapatid, (Z)ang biyaya ng ating Panginoong Jesucristo ay sumainyo nawang espiritu. Siya nawa.