Add parallel Print Page Options

Ang Pagparusa sa Egipto

30 Sinabi ng Panginoon sa akin, “Anak ng tao, sabihin mo ang ipinapasabi ko sa mga taga-Egipto. Sabihin mong ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Umiyak kayo nang malakas dahil sa kapahamakang darating sa inyo. Sapagkat malapit nang dumating ang araw na iyon, ang araw ng paghatol ng Panginoon. Magiging maulap at madilim ang araw na iyon para sa mga bansa. Sasalakayin ang Egipto at maghihirap ang Etiopia.[a] Maraming mamamatay na taga-Egipto, sasamsamin ang mga kayamanan nila at wawasakin ito. Sa digmaang iyon, mapapatay ang maraming taga-Etiopia, Put, Lydia, Arabia, Libya at iba pang mga bansang kakampi ng Egipto. Ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabing, mapapahamak ang mga kakampi ng Egipto at mababalewala ang ipinagmamalaki niyang kapangyarihan. Mamamatay ang mga mamamayan niya mula sa Migdol hanggang sa Aswan.[b] Magiging mapanglaw ang Egipto sa lahat ng bansa at ang mga lungsod niya ang magiging pinakawasak sa lahat ng lungsod. Kapag sinunog ko na ang Egipto at mamatay ang lahat ng kakampi niya, malalaman nila na ako ang Panginoon.

“Sa panahong iyon, magsusugo ako ng mga tagapagbalita na sasakay sa mga barko para takutin ang mga taga-Etiopia na hindi nababahala. Matatakot sila sa oras na mawasak ang Egipto, at ang oras na iyon ay tiyak na darating.”

10 Sinabi pa ng Panginoong Dios, “Gagamitin ko si Haring Nebucadnezar ng Babilonia para patayin ang mga mamamayan ng Egipto. 11 Siya at ang mga sundalo niya, na siyang pinakamalulupit na sundalo sa lahat ng bansa ang ipapadala ko sa Egipto para wasakin ito. Lulusubin nila ito at kakalat ang mga bangkay sa buong lupain. 12 Patutuyuin ko ang Ilog ng Nilo at ipapasakop ko ang Egipto sa masasamang tao. Wawasakin ko ang buong bansa ng Egipto at ang lahat ng naroon sa pamamagitan ng mga dayuhan. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

13 Sinabi pa ng Panginoong Dios, “Wawasakin ko ang mga dios-diosan sa Memfis.[c] Wala nang mamumuno sa Egipto at tatakutin ko ang mga mamamayan nito. 14 Gagawin kong mapanglaw ang Patros, susunugin ko ang Zoan at parurusahan ko ang Tebes.[d] 15 Ibubuhos ko ang galit ko sa Pelosium,[e] ang matibay na tanggulan ng Egipto, at papatayin ko ang maraming taga-Tebes. 16 Susunugin ko ang Egipto! Magtitiis ng hirap ang Pelosium. Mawawasak ang Tebes, at laging matatakot ang Memfis. 17 Mamamatay sa digmaan ang mga kabataang lalaki ng Heliopolis[f] at Bubastis,[g] at ang mga matitirang tao sa mga lungsod na itoʼy bibihagin. 18 Kapag inalis ko na ang kapangyarihan ng Egipto, magiging madilim ang araw na iyon para sa Tapanhes. Mawawala na ang ipinagmamalaking kapangyarihan ng Egipto. Matatakpan siya ng ulap, at ang mga mamamayan sa mga lungsod niya ay bibihagin. 19 Ganyan ang magiging parusa ko sa Egipto at malalaman ng mga mamamayan niya na ako ang Panginoon.”

20 At noong ikapitong araw ng unang buwan, nang ika-11 taon ng aming pagkabihag, sinabi ng Panginoon sa akin, 21 “Anak ng tao, binali ko ang braso ng Faraon na hari ng Egipto. Walang gumamot sa kanya para gumaling at lumakas upang muling makahawak ng espada. 22 Kaya sabihin mo sa kanya na ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabing laban ako sa kanya. Babaliin ko ang isa pa niyang braso para mabitawan niya ang kanyang espada. 23 Ikakalat ko ang mga taga-Egipto sa ibaʼt ibang bansa. 24 Palalakasin ko ang mga braso ng hari ng Babilonia at pahahawakan ko sa kanya ang aking espada. Pero babaliin ko ang mga braso ng Faraon, at dadaing siyang sugatan at halos mamatay na sa harap ng hari ng Babilonia. 25 Palalakasin ko ang mga braso ng hari ng Babilonia, pero gagawin kong inutil ang mga braso ng Faraon. Kapag ipinahawak ko ang aking espada sa hari ng Babilonia at gamitin niya ito laban sa Egipto, malalaman ng mga taga-Egipto na ako ang Panginoon. 26 Pangangalatin ko ang mga taga-Egipto sa lahat ng bansa at malalaman nila na ako ang Panginoon.”

Footnotes

  1. 30:4 Etiopia: sa Hebreo, Cush. Ganito rin sa talatang 5 at 9.
  2. 30:6 Aswan: o, Seyene.
  3. 30:13 Memfis: sa Hebreo, Nof, Ganito rin sa talatang 16.
  4. 30:14 Tebes: sa Hebreo, No. Ganito rin sa 15-16.
  5. 30:15 Pelosium: sa Hebreo, Sin. Ganito rin sa talatang 16.
  6. 30:17 Heliopolis: sa Hebreo, Awen.
  7. 30:17 Bubastis: sa Hebreo, Pi Biset.
'Ezekiel 30 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.

Ang Egipto ay sasakupin ng Babilonia.

30 Ang salita ng Panginoon ay dumating uli sa akin, na nagsasabi,

Anak ng tao, manghula ka, at iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Manambitan kayo: Sa aba ng araw na yaon!

Sapagka't ang kaarawan ay (A)malapit na, sa makatuwid baga'y ang kaarawan ng Panginoon ay malapit na; magiging kaarawan ng pagaalapaap; panahon ng mga bansa.

At isang tabak ay darating sa Egipto, at kahirapan ay sasa Etiopia, pagka ang mga patay ay mangabubuwal sa Egipto; (B)at dadalhin nila ang kaniyang karamihan, at ang kaniyang mga patibayan ay mangawawasak.

Ang Etiopia, at ang (C)Phut, at ang Lud, at (D)ang buong halohalong bayan, at ang Chub, at ang mga anak ng lupain na nangasa pagkakasundo, mangabubuwal na kasama nila sa pamamagitan ng tabak.

Ganito ang sabi ng Panginoon: Sila namang nagsialalay sa Egipto ay mangabubuwal; at ang kapalaluan ng kaniyang (E)kapangyarihan ay mabababa: mula sa moog ng Seveneh ay mangabubuwal sila roon sa pamamagitan ng tabak, sabi ng Panginoong Dios.

At sila'y magiging sira (F)sa gitna ng mga lupain na sira; at ang kaniyang mga bayan ay ibibilang sa mga bayan na giba.

At kanilang malalaman na ako ang Panginoon, pagka ako'y nagsulsol ng apoy sa Egipto, at lahat niyang katulong ay nangalipol.

Sa araw na yaon ay magsisilabas ang mga sugo mula sa harap ko sa mga sasakyan upang takutin ang mga walang bahalang taga Etiopia; at magkakaroon ng kahirapan sa kanila gaya sa kaarawan ng Egipto; sapagka't narito, dumarating.

10 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: (G)Akin namang paglilikatin ang karamihan ng Egipto, sa pamamagitan ni Nabucodonosor na hari sa Babilonia.

11 Siya at ang kaniyang bayan na kasama niya, (H)na kakilakilabot sa mga bansa, ay ipapasok upang gibain ang lupain; at kanilang hahawakan ang kanilang mga tabak laban sa Egipto, at pupunuin ng mga patay ang lupain.

12 At aking tutuyuin ang mga ilog, at aking ipagbibili ang lupain sa kamay ng mga masamang tao; at aking sisirain ang lupain, at lahat na nandoon, sa pamamagitan ng kamay ng mga taga ibang lupa: akong Panginoon ang nagsalita.

13 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: (I)Akin din namang sisirain ang mga diosdiosan, at aking paglilikatin ang mga larawan sa (J)Memphis; at hindi na magkakaroon pa ng prinsipe sa lupain ng Egipto; at ako'y maglalagay ng katakutan sa lupain ng Egipto.

14 At (K)aking sisirain ang Patros, at ako'y magsisilab ng apoy sa (L)Zoan, at maglalapat ako ng mga kahatulan sa (M)No.

15 At aking ibubugso ang aking kapusukan sa Sin, na katibayan ng Egipto; at aking ihihiwalay ang karamihan ng mga taga No.

16 At ako'y magsusulsol ng apoy sa Egipto: ang Sin ay malalagay sa malaking kadalamhatian, at ang No ay magigiba: at ang Memphis ay magkakaroon ng mga kaaway sa kaarawan.

17 Ang mga binata sa Aven at sa Pi-beseth ay mangabubuwal sa pamamagitan ng tabak; at ang mga ito ay magsisipasok sa pagkabihag.

18 (N)Sa Tafnes nama'y magdidilim ang araw, pagka aking inalis roon ang mga atang ng Egipto, at ang kapalaluan ng kaniyang kapangyarihan ay maglilikat doon: tungkol sa kaniya, ay tatakpan siya ng alapaap, at ang kaniyang mga anak na babae ay magsisipasok sa pagkabihag.

19 Ganito maglalapat ako ng mga kahatulan sa Egipto; at kanilang malalaman na ako ang Panginoon.

20 At nangyari nang ikalabing isang taon nang unang buwan, nang ikapitong araw ng buwan, na ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,

21 Anak ng tao, (O)aking binali ang kamay ni Faraon na hari sa Egipto; at, narito, hindi natalian, upang lapatan ng mga gamot, na lagyan ng isang tapal upang talian, upang humawak na matibay ng tabak.

22 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Narito, ako'y laban kay Faraon na hari sa Egipto, at aking babaliin ang kaniyang mga bisig, ang malakas na bisig, at yaon na nabali; at aking palalagpakin ang tabak mula sa kaniyang kamay.

23 At aking pangangalatin ang mga taga Egipto (P)sa gitna ng mga bansa, at pananabugin ko sila sa mga lupain.

24 (Q)At aking palalakasin ang mga bisig ng hari sa Babilonia, at ilalagay ko ang aking tabak sa kaniyang kamay; nguni't aking babaliin ang mga bisig ni Faraon, at siya'y dadaing sa harap niyaon ng mga daing ng taong nasugatan ng ikamamatay.

25 At aking aalalayan ang mga bisig ng hari sa Babilonia; at ang mga bisig ni Faraon ay bababa; at kanilang malalaman na ako ang Panginoon, pagka aking ilalagay ang aking tabak sa kamay ng hari sa Babilonia, at kaniyang iuunat sa lupain ng Egipto.

26 At aking pangangalatin ang mga taga Egipto sa gitna ng mga bansa, at pananabugin ko sila sa mga lupain; at kanilang malalaman na ako ang Panginoon.