Add parallel Print Page Options

Ang Pahayag Laban sa Hari ng Tiro

28 Sinabi sa akin ni Yahweh: “Ezekiel, anak ng tao, sabihin mo sa pinuno ng Tiro na ito ang ipinapasabi ko sa kanila: Sa iyong kapalaluan ay sinabi mong isa kang diyos. Nakaluklok kang parang diyos sa gitna ng karagatan bagama't ang totoo'y hindi ka diyos kundi tao lamang. Pinipilit mong abutin ang isipan ng isang diyos. Akala mo'y matalino ka pa kay Daniel. Akala mo'y alam mo ang lahat ng bagay kahit pa anong lihim. Sa dunong mo't kaalaman ay nagkamal ka at nakapagbunton ng pilak at ginto. Sa iyo ngang nalalaman sa larangan ng kalakal, patuloy na lumaki ang iyong kayamanan. Dahil dito, naging palalo ka. Kaya naman ito ang ipinapasabi ng Diyos na si Yahweh: Pagkat pilit mong ipinapantay sa Diyos ang sarili, ipapalusob kita sa pinakamalupit na kaaway sa daigdig. Wawasakin nila ang lahat ng ari-arian mo na pawang kinamtan sa tusong pamamaraan. Ihuhulog ka niya sa walang hanggang kalaliman, papatayin at ihahagis sa pusod ng dagat. Sa harap kaya ng mga papatay sa iyo ay masabi mo pang ikaw ay diyos? Doon mo malalamang ikaw pala ay tao lang at may kamatayan. 10 Parang aso kang papatayin ng mga dayuhan. Akong si Yahweh ang maysabi nito.”

Ang Pagbagsak ng Hari ng Tiro

11 Sinabi sa akin ni Yahweh: 12 “Ezekiel, anak ng tao, tangisan mo ang sasapitin ng hari ng Tiro. Sabihin mong ito ang ipinapasabi ko: Ikaw ay larawan ng kasakdalan. Puspos ng kaalaman. Ang ganda mo'y walang kapintasan. 13 Tulad mo'y nasa paraiso ng Diyos, sa hardin ng Eden. Nababalot ka ng iba't ibang uri ng batong mamahalin: sardiyo, topaz at diyamanteng nagniningning; berilo, onise at jasper na walang kahambing; safiro, esmeralda at karbungko. Ginto ang iyong enggasto. At ang pagkaukit dito ay inihanda noong una pa, nang isilang ka sa mundo. 14 Kerubin ang itinalaga kong magbabantay sa iyo. Nasa ituktok ka ng aking banal na bundok. Ang nilalakaran mo'y mga batong kumikinang. 15 Wala kang kapintasan mula pa nang isilang hanggang sa maisipan mong mamuhay sa kasamaan. 16 Nang lumakas ang kalakal mo, natuto kang sumuway at namuhay sa kasalanan. Kaya, ipinagtabuyan ka mula sa aking banal na bundok. Pinalayas ka ng kerubin sa kinatatayuan mong mga batong kumikinang. 17 Naging palalo ka dahil sa iyong kagandahan. Ginamit mo sa kasamaan ang iyong karunungan para mapatatag ang iyong katayuan. Kaya ibinagsak kita sa lupa upang maging babala sa ibang mga bansa. 18 Dahil sa masamang pamamaraan ng iyong pangangalakal, nasalaula ang Templo at nadumihan. Kaya ipinatupok kita sa apoy. Nilamon ka nga nito at nakita ng lahat na ikaw ay naging abo. 19 Katapusan mo na. Mawawala ka na nang lubusan. Lahat ng bansang nakakakilala sa iyo ay takot na takot na matulad sila sa iyong sinapit.”

Ang Pahayag Laban sa Sidon

20 Sinabi(A) sa akin ni Yahweh, 21 “Ezekiel, anak ng tao, humarap ka sa Sidon at magpahayag laban sa kanya. 22 Sabihin mong ito ang ipinapasabi ko: Sidon, ako ay kaaway mo. Pupurihin ako ng mga tao dahil sa gagawin ko sa iyo. Pagkatapos kong parusahan ang lahat ng naninirahan sa iyo, makikilala nilang ako si Yahweh at ipapakita ko na ako ay banal. 23 Padadalhan kita ng mga sakit. Ang mga lansangan mo ay matitigmak ng dugo. Sa kabi-kabila, patay ang makikita dahil sa pagkumpay ng tabak nang walang pakundangan at makikilala ninyong ako si Yahweh.”

Pagpapalain ang Israel

24 Sinabi ni Yahweh, “Alinman sa mga bansang humahamak noon sa Israel ay hindi na magiging tinik na magpapahirap sa kanya. Kung magkagayon, makikilala nilang ako si Yahweh.”

25 Ipinapasabi pa ng Panginoong Yahweh: “Kapag natipon ko nang muli ang Israel mula sa iba't ibang panig ng daigdig, malalaman ng lahat ng bansa na ako ay banal. Sila'y maninirahan na sa kanilang tunay na lupain, sa lupaing itinalaga ko sa aking lingkod na si Jacob. 26 Doon, magtatayo sila ng kanilang tahanan at magtatanim ng mga halaman. Payapa silang makakapanirahan doon matapos kong parusahan ang mga karatig-bansa na humamak sa kanila. Sa gayon, makikilala nilang ako si Yahweh.”

'Ezekiel 28 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.

Ang pagkakaalis ng hari sa Tiro.

28 Ang salita ng Panginoon ay dumating uli sa akin, na nagsasabi,

Anak ng tao, sabihin mo sa prinsipe sa Tiro, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Sapagka't ang iyong puso ay nagmataas, at iyong sinabi, Ako'y dios, ako'y nauupo sa upuan ng Dios, (A)sa gitna ng mga dagat; gayon man (B)ikaw ay tao, at hindi Dios, bagaman iyong inilagak ang iyong puso na parang puso ng Dios;

Narito, (C)ikaw ay lalong marunong kay Daniel; walang lihim na malilihim sa iyo;

Sa pamamagitan ng iyong karunungan, at ng iyong unawa, nagkaroon ka ng mga kayamanan, at nagkaroon ka ng ginto at pilak sa iyong mga ingatang-yaman;

Sa pamamagitan ng iyong dakilang karunungan at ng iyong pangangalakal ay napalago mo ang iyong mga kayamanan, at ang iyong puso ay nagmataas dahil sa iyong kayamanan;

Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Sapagka't iyong inilagak ang iyong puso na parang puso ng Dios,

Kaya't narito, ako'y magdadala ng mga (D)taga ibang lupa sa iyo, (E)na kakilakilabot sa mga bansa; at kanilang bubunutin ang kanilang mga tabak laban sa kagandahan ng iyong karunungan, at kanilang dudumhan ang iyong kaningningan.

Kanilang ibababa ka sa hukay; at ikaw ay mamamatay ng kamatayan niyaong nangapatay sa kalagitnaan ng mga dagat.

Sabihin mo pa kaya sa harap niya na pumapatay sa iyo, Ako'y Dios? nguni't ikaw ay tao, at hindi Dios, sa kamay niya na sumusugat sa iyo.

10 Ikaw ay mamamatay ng pagkamatay (F)ng mga hindi tuli sa pamamagitan ng kamay ng mga taga ibang lupa: sapagka't ako ang nagsalita, sabi ng Panginoong Dios.

Ang panaghoy sa hari sa Tiro.

11 Bukod dito'y ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,

12 Anak ng tao, (G)panaghuyan mo ang hari sa Tiro, at sabihin mo sa kaniya, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, (H)iyong tinatatakan ang kabuoan, na puno ng karunungan, at sakdal sa kagandahan.

13 Ikaw ay nasa Eden, (I)na halamanan ng Dios; lahat na mahalagang bato ay iyong kasuutan, ang sardio, ang topacio, at ang diamante, ang berilo, ang onix, at ang jaspe, ang zafiro, ang esmeralda, at ang karbungko, at ang ginto: ang pagkayari ng iyong pandereta at iyong mga plauta ay napasa iyo; sa kaarawan na ikaw ay lalangin ay nangahanda.

14 Ikaw ang pinahirang (J)kerubin na tumatakip: at itinatag kita, na anopa't ikaw ay nasa ibabaw ng (K)banal na bundok ng Dios; ikaw ay nagpanhik manaog sa gitna ng mga (L)batong mahalaga.

15 Ikaw ay sakdal sa iyong mga lakad mula sa araw na ikaw ay lalangin, hanggang sa ang kalikuan ay nasumpungan sa iyo.

16 Dahil sa karamihan ng iyong kalakal ay kanilang pinuno ang gitna mo ng pangdadahas, at ikaw ay nagkasala: kaya't inihagis kitang parang dumi mula sa bundok ng Dios; at ipinahamak kita, Oh tumatakip na kerubin, mula sa gitna ng mga batong mahalaga.

17 Ang iyong puso ay nagmataas dahil sa iyong kagandahan; iyong ipinahamak ang iyong karunungan dahil sa iyong kaningningan: aking inihagis ka sa lupa; aking inilagay ka sa harap ng mga hari, upang kanilang masdan ka.

18 Sa pamamagitan ng karamihan ng iyong mga kasamaan, sa kalikuan ng iyong pangangalakal, iyong nilapastangan ang iyong mga santuario: kaya't (M)ako'y naglabas ng apoy sa gitna mo; sinupok ka, at pinapaging abo ka sa ibabaw ng lupa sa paningin ng lahat na nanganonood sa iyo.

19 Silang lahat na nangakakakilala sa iyo sa gitna ng mga bayan, mangatitigilan dahil sa iyo: ikaw ay naging kakilakilabot, at ikaw ay hindi na mabubuhay pa.

Ang hula laban sa Sidon.

20 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,

21 Anak ng tao, ititig mo ang iyong mukha (N)sa Sidon, at manghula ka laban doon,

22 At iyong sabihin, ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Narito, ako'y laban sa iyo, Oh Sidon; at ako'y luluwalhati sa gitna mo; at kanilang malalaman na ako ang Panginoon, pagka ako'y naglapat ng kahatulan sa kaniya, at (O)aariing banal sa kaniya.

23 Sapagka't ako'y magpaparating sa kaniya ng salot (P)at dugo sa kaniyang mga lansangan; at ang mga may sugat ay mangabubuwal sa gitna niya, sa pamamagitan ng tabak, na nakaumang sa kaniya sa lahat ng dako; at kanilang malalaman na ako ang Panginoon.

24 At (Q)hindi na magkakaroon pa ng dawag na nakakasalubsob sa sangbahayan ni Israel, o ng tinik mang mapangpahirap sa alin man sa nangasa palibot niya, na nagwalang kabuluhan sa kanila; at kanilang malalaman na ako ang Panginoong Dios.

Muling pagkatatag ng Israel.

25 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Pagka (R)aking napisan ang sangbahayan ni Israel mula sa mga bayan na kanilang pinangalatan, at ako'y aariing banal sa kanila sa paningin ng mga bansa, (S)sila nga'y magsisitahan sa kanilang sariling lupain na aking ibinigay sa aking lingkod na kay Jacob.

26 At sila'y magsisitahang tiwasay roon, (T)oo, sila'y mangagtatayo ng mga bahay, at mag-uubasan, at tatahang tiwasay, pagka ako'y nakapaglapat ng mga kahatulan sa lahat na nangagwawalang kabuluhan sa palibot nila: at kanilang malalaman na ako ang Panginoon nilang Dios.