Add parallel Print Page Options

Ang Altar na Sunugan ng Insenso(A)

30 “Gumawa ka ng altar na gawa sa akasya na sunugan ng insenso. Gawin mo itong parisukat: 0.5 metro ang haba, gayundin ang luwang at 0.9 na metro ang taas. Ang apat na sulok nito ay lalagyan mo ng sungay na kaisang piraso ng altar. Balutin mo rin ng purong ginto ang ibabaw, mga gilid, at ang mga sungay nito. Kabitan ito ng argolyang ginto sa magkabilang gilid, at sa ibaba para pagsuutan ng pampasan na yari sa punong akasya at babalutin din ng ginto. Pagkayari, ilagay ito sa labas ng kurtina ng Kaban ng Tipan at ng Luklukan ng Awa. Dito ko kayo tatagpuin. Tuwing umaga na aayusin ni Aaron ang ilawan, magsusunog siya rito ng insenso. Ganoon din ang gagawin niya kung gabi kapag inihahanda niya ang ilawan. Patuloy ninyo itong gagawin sa lahat ng inyong salinlahi. Huwag kayong magsusunog dito ng insensong iba sa iniuutos ko. Huwag din kayong magdadala rito ng handog na susunugin, maging hayop, pagkaing butil o inumin. 10 Minsan isang taon, gaganapin ni Aaron ang seremonya sa pagpapatawad ng kasalanan. Ang apat na tulis ng altar ay papahiran ng dugo ng hayop na handog para sa kasalanan. Gawin ninyo ito habang panahon. Ang altar na ito'y ganap na sagrado at nakalaan kay Yahweh.”

Ang Buwis para sa Templo

11 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 12 “Pagkuha mo ng sensus ng mga Israelita, bawat isa'y hingan mo ng pantubos sa kanilang buhay. Ihahandog nila ito sa akin para walang kapahamakang umabot sa kanila habang ginagawa ang sensus. 13 Lahat(B) ng mabilang sa sensus ay magbabayad ng kinakailangang timbang ng pilak ayon sa timbangan ng templo (ang kinakailangang timbang ay katumbas ng 6 na gramo), bilang handog sa akin. 14 Lahat ng may dalawampung taon at pataas ay isasama sa sensus. 15 Pareho ang halagang ibabayad na pantubos ng mayayaman at ng mahihirap, walang labis at walang kulang. 16 Lahat ng ibabayad nila ay gagamitin sa mga kailangan sa Toldang Tipanan. Ang halagang ibibigay nila'y pantubos ng kanilang buhay, at sa pamamagitan nito, maaalala ko ang mga Israelita.”

Ang Palangganang Hugasan

17 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 18 “Gumawa(C) ka rin ng palangganang tanso at ng tansong patungan nito. Ilagay mo ito sa pagitan ng altar at ng Toldang Tipanan. Pagkatapos, lagyan mo ito ng tubig. 19 Ito ang gagamitin ni Aaron at ng kanyang mga anak sa paghuhugas ng kanilang paa't kamay. 20 Kailangang sila'y maghugas bago pumasok sa Toldang Tipanan o bago magsunog ng handog sa altar. Kung hindi, sila'y mamamatay. 21 Kailangan ngang maghugas muna sila ng paa't kamay upang hindi sila mamatay. Ito'y tuntuning susundin nila at ng kanilang lahi habang panahon.”

Ang Langis na Pampahid at ang Insenso

22 Sinabi(D) ni Yahweh kay Moises, 23 “Pumili ka ng pinakamainam na pabango: 6 na kilong mira, 3 kilong kanela at 3 kilong mabangong tubó 24 at 6 na kilong kasia ayon sa sukatang gamit sa templo. Pagkatapos, kumuha ka ng 4 na litrong langis ng olibo. 25 Paghalu-haluin mo ito tulad ng ginagawa ng mahuhusay na manggagawa ng pabango at gagamitin mo itong pampahid upang 26 maging sagrado ang Toldang Tipanan at ang Kaban ng Tipan, 27 ganoon din ang mesa at lahat ng kagamitan nito, ang ilawan at mga kasangkapang kaugnay nito at ang altar na sunugan ng insenso. 28 Pahiran mo rin ang altar na sunugan ng mga handog at mga kasangkapan nito, ang palangganang hugasan at ang patungan nito. 29 Ganyan ang gagawin mo sa mga kasangkapang nabanggit upang ang mga ito'y maging ganap na sagrado; magiging sagrado rin ang lahat ng maisagi rito.

30 “Pagkatapos, si Aaron naman at ang kanyang mga anak ang bubuhusan ng langis na ito upang lubos silang maitalaga bilang mga pari. 31 Sabihin mo sa mga Israelita na ang langis na ito'y banal at siya ninyong gagamitin habang panahon. 32 Huwag ninyo itong gagamitin sa karaniwang tao at huwag gagayahin ang paggawa nito. Ito'y banal at dapat igalang. 33 Ititiwalag ang sinumang gumaya nito at ang sinumang gumamit nito sa dayuhan.”

Ang Insenso

34 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Kumuha ka ng magkakasindaming pabango ng estacte, onise, galbano at purong insenso. 35 Paghalu-haluin mo ito at gawing insenso tulad ng ginagawa ng mahusay na manggagawa ng pabangong inasinan, malinis, at banal. 36 Dikdikin mo nang pino ang kaunti nito at ilagay sa harap ng Kaban ng Tipan, sa Toldang Tipanan. Ituring mo itong ganap na sagrado. 37 Huwag ninyong gagayahin ito kung gagawa kayo ng insenso na pansariling gamit. Aariin ninyong ito'y bukod-tangi para kay Yahweh. 38 Ititiwalag ang sinumang gumamit nito bilang pabango.”

'Exodo 30 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.

Ang dambana ng kamangyan.

30 At gagawa ka ng isang (A)dambana na mapagsusunugan ng kamangyan: na kahoy na akasia iyong gagawin.

Isang siko magkakaroon ang haba niyaon, at isang siko ang luwang niyaon; parisukat nga: at dalawang siko magkakaroon ang taas niyaon: ang mga anyong sungay niyaon ay kaputol din.

At iyong babalutin ng taganas na ginto ang ibabaw niyaon, at ang mga tagiliran niyaon sa palibot, at ang mga sungay niyaon; at igagawa mo ng isang (B)kornisang ginto sa palibot.

At igagawa mo yaon ng dalawang argolyang ginto sa ilalim ng kornisa, sa dakong itaas ng dalawang tagiliran iyong gagawin; at magiging suutan ng mga pingga upang (C)mabuhat.

At ang iyong gagawing mga pingga ay kahoy na akasia, at iyong babalutin ng ginto.

At iyong ilalagay sa harap ng tabing na nasa siping ng kaban ng patotoo, (D)sa harap ng luklukan ng awa na nasa ibabaw ng kaban ng patotoo, na aking pakikipagtagpuan sa iyo.

At magsusunog si Aaron sa ibabaw niyaon ng kamangyan na mababangong espesia: tuwing umaga pagka kaniyang (E)inaayos ang mga ilawan, ay susunugin niya.

At pagka sinisindihan ni Aaron ang mga ilawan sa hapon, ay kaniyang susunugin, na isang kamangyang palagi sa harap ng Panginoon, sa buong panahon ng inyong mga lahi.

Huwag kayong maghahandog ng ibang (F)kamangyan sa ibabaw niyaon, o ng handog na susunugin, o ng handog na harina man: at huwag kayong magbubuhos ng inuming handog sa ibabaw niyaon.

10 At si Aaron ay tutubos ng sala (G)sa ibabaw ng mga anyong sungay ng dambana, minsan sa isang taon: kaniyang tutubusin sa sala na minsan sa isang taon, ng dugo (H)ng handog dahil sa kasalanan, sa buong panahon ng inyong mga lahi: kabanal-banalan nga sa Panginoon.

Salapi na pangtubos sa kaluluwa.

11 At ang Panginoon ay nagsalita kay Moises, na sinasabi,

12 (I)Pagbilang mo sa mga anak ni Israel, ayon sa mga nabilang sa kanila (J)ay magbibigay nga ang bawa't isa sa kanila ng katubusan ng kaniyang kaluluwa sa Panginoon, pagka iyong binibilang sila; upang (K)huwag magkaroon ng salot sa gitna nila pagka iyong binibilang sila.

13 Ito ang kanilang ibibigay, bawa't maraanan sa kanila na nangabibilang: (L)kalahati ng isang siklo ayon sa siklo ng santuario: (M)ang isang siklo ay dalawang pung gera): kalahating siklo na pinaka handog sa Panginoon.

14 Bawa't maraanan sa kanila na nangabibilang, mula sa dalawang pung taong gulang na patanda, ay magbibigay ng handog sa Panginoon.

15 Ang mayaman ay hindi magbibigay ng higit, at ang dukha ay hindi magbibigay ng kulang sa kalahating siklo, pagbibigay nila ng handog sa Panginoon, upang (N)ipangtubos sa inyong mga kaluluwa.

16 At iyong kukunin sa mga anak ni Israel ang pangtubos na salapi, (O)at iyong gugugulin sa paglilingkod sa tabernakulo ng kapisanan; na maging (P)pinakaalaala sa mga anak ni Israel sa harap ng Panginoon, upang ipangtubos sa inyong mga kaluluwa.

Hugasang tanso.

17 At ang Panginoon ay nagsalita kay Moises, na sinasabi,

18 (Q)Gagawa ka rin ng isang hugasang tanso, at ang tungtungan ay tanso, upang paghugasan: at iyong ilalagay sa gitna ng tabernakulo ng kapisanan at ng dambana at iyong sisidlan ng tubig.

19 At si Aaron at ang kaniyang mga anak ay maghuhugas (R)doon ng kanilang mga paa:

20 Pagka sila'y pumapasok sa tabernakulo ng kapisanan, ay maghuhugas sila ng tubig, upang sila'y huwag mamatay, o pagka sila'y lumalapit sa dambana na mangasiwa, upang magsunog ng handog na pinaraan sa apoy sa Panginoon.

21 Gayon sila maghuhugas ng kanilang mga kamay at ng kanilang mga paa upang huwag silang mamatay: at magiging isang palatuntunan magpakailan man sa kanila, sa kaniya at sa kaniyang binhi, sa buong panahon ng kanilang mga lahi.

Langis na pangpahid.

22 Bukod dito'y nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,

23 Magdala ka rin ng mga pinakamagaling na espesia, ng taganas na (S)mira ay limang daang siklo, at ng mabangong kanela ay kalahati nito, dalawang daan at limang pu; (T)at ng mabangong kalamo ay dalawang daan at limang pu,

24 At ng kasia, limang daan, ayon sa siklo ng santuario, at ng langis ng oliva ay isang (U)hin:

25 At iyong gagawing banal na langis na pangpahid, isang pabangong kinatha ng ayon sa katha ng manggagawa ng pabango: siya ngang magiging banal na langis na pangpahid.

26 (V)At iyong papahiran niyaon ang tabernakulo ng kapisanan, at ang kaban ng patotoo,

27 At ang dulang, at ang lahat ng mga kasangkapan niyaon, at ang kandelero at ang mga kasangkapan niyaon, at ang dambanang suuban.

28 At ang dambana ng handog na susunugin sangpu ng lahat ng mga kasangkapan, at ang hugasan at ang tungtungan.

29 At pakabanalin mo upang maging mga kabanalbanalan: (W)lahat ng makahipo sa mga yao'y magiging banal.

30 (X)At iyong papahiran ng langis si Aaron at ang kaniyang mga anak, at iyong papagbabanalin sila, upang sila'y mangasiwa sa akin sa katungkulang saserdote.

31 At iyong sasalitain sa mga anak ni Israel, na iyong sasabihin, Ito'y magiging banal na langis na pangpahid sa akin sa buong panahon ng iyong mga lahi.

32 Sa laman ng tao ay huwag ninyong ibubuhos, ni huwag kayong gagawa ng gaya niyan sa pagkakatha: banal nga at aariin ninyong banal.

33 (Y)Sinomang kumatha ng gaya niyan, o sinomang gumamit niyan sa isang taga ibang lupa, (Z)ay ihihiwalay sa kaniyang bayan.

34 At sinabi ng Panginoon kay Moises, (AA)Magdala ka ng mababangong espesia, estacte, at onycha, at galbano; mabangong espesia na may taganas na kamangyan: na magkakaisa ng timbang;

35 At iyong gagawing kamangyan, na isang pabangong ayon sa (AB)katha ng manggagawa ng pabango, na tinimplahan ng asin, na pulos at banal;

36 At iyong didikdikin ang iba niyan ng durog na durog at ilalagay mo sa harap ng kaban ng patotoo, sa loob ng tabernakulo ng kapisanan (AC)na aking pakikipagtagpuan sa iyo: (AD)aariin ninyong kabanalbanalan.

37 At ang kamangyan na inyong gagawin, ayon sa pagkakatha niyan ay huwag ninyong gagawin para sa inyo: aariin mong banal sa Panginoon.

38 (AE)Sinomang gumawa ng gaya niyan, upang amuyin ay ihihiwalay sa kaniyang bayan.