Add parallel Print Page Options

Tinawag ng Diyos si Moises

Samantala, habang nagpapastol si Moises ng kawan ng biyenan niyang si Jetro na pari sa Midian, itinawid niya ang kawan sa gawing kanluran ng disyerto at nakarating siya sa Sinai,[a] ang Bundok ng Diyos. Doon,(A) ang anghel ni Yahweh ay nagpakita sa kanya na parang apoy na nagmumula sa gitna ng isang mababang punongkahoy. Kitang-kita ni Moises na nagliliyab ang puno ngunit hindi nasusunog. Kaya't nasabi niya sa kanyang sarili, “Nakakapagtaka naman ito! Titingnan ko ngang mabuti kung bakit hindi iyon natutupok gayong nagliliyab.”

Nang lalapit na si Moises, tinawag siya ni Yahweh buhat sa nagliliyab na punongkahoy, “Moises, Moises.”

“Ano po iyon?” sagot niya.

Sinabi ng Diyos, “Huwag kang lumapit. Hubarin mo ang iyong sandalyas sapagkat banal na lugar ang kinatatayuan mo. Ako ang Diyos na sinamba ng iyong mga ninuno, ang Diyos ni Abraham, ni Isaac at ni Jacob.” Tinakpan ni Moises ang kanyang mukha sapagkat natatakot siyang tumingin sa Diyos.

Sinabi sa kanya ni Yahweh, “Nakita kong labis na pinahihirapan ng mga Egipcio ang aking bayan. Alam ko ang hirap na kanilang tinitiis at narinig ko ang kanilang pagdaing. Kaya't bumabâ ako upang sila'y iligtas, ilabas sa Egipto at ihatid sa lupaing mainam, malawak, mayaman, at sagana sa lahat ng bagay. Ito'y ang lupain ng mga Cananeo, Heteo, Amoreo, Perezeo, Hivita at Jebuseo. Naririnig ko nga ang pagdaing ng aking bayan at nakikita ko ang pang-aaping ginagawa sa kanila ng mga Egipcio. 10 Kaya't papupuntahin kita sa Faraon upang ilabas mo sa Egipto ang aking bayang Israel.”

11 Sumagot si Moises, “Sino po ako para humarap sa Faraon at ilabas ang bayang Israel mula sa Egipto?”

12 “Huwag kang mag-alala, hindi kita pababayaan. At ito ang magiging katibayan na ako ang nagsugo sa iyo: sa bundok ding ito sasambahin ninyo ako kapag nailabas mo na sa Egipto ang aking bayan,” sabi ng Diyos.

13 Sinabi(B) ni Moises, “Pupunta ako sa mga Israelita at sasabihin sa kanilang ako'y sinugo ng Diyos ng aming ninuno. Ngunit ano po ang sasabihin ko kung itanong nila kung sino ang nagsugo sa akin?”

14 Sinabi(C) ng Diyos, “Ako'y si Ako Nga.[b] Sabihin mo sa mga Israelita na sinugo ka ng Diyos na ang pangalan ay ‘Ako Nga’. 15 Sabihin mo sa kanila na sinugo ka ni Yahweh, ng Diyos ng inyong mga ninuno, ang Diyos nina Abraham, Isaac at Jacob. At ito ang pangalang itatawag nila sa akin magpakailanman. 16 Lumakad ka na at tipunin mo ang mga pinuno ng Israel. Sabihin mo sa kanilang nagpakita ako sa iyo, akong si Yahweh, ang Diyos ng inyong mga ninunong sina Abraham, Isaac at Jacob. Sabihin mong ako'y bumabâ at nakita ko ang ginagawa sa kanila ng mga Egipcio. 17 Dahil dito, ilalabas ko sila sa bansang iyon na nagpapahirap sa kanila. Dadalhin ko sila sa isang mayaman at masaganang lupain; ang lupain ng mga Cananeo, ng mga Heteo, ng mga Amoreo, ng mga Perezeo, ng mga Hivita at ng mga Jebuseo.

18 “Papakinggan ka ng aking bayan. Pagkatapos, isama mo ang mga pinuno ng Israel at pumunta kayo sa Faraon. Sabihin mong si Yahweh, ang Diyos ng mga Hebreo, ay nagpakita sa iyo at kayo'y maglalakbay ng tatlong araw papunta sa ilang upang maghandog sa akin. 19 Alam kong hindi siya papayag hangga't hindi siya ginagamitan ng kamay na bakal. 20 Kaya't paparusahan ko ang buong Egipto sa pamamagitan ng mga kababalaghan. Pagkatapos, papayagan na niya kayong umalis.”

21 Idinugtong(D) (E) pa ng Diyos, “Pagagaanin ko sa inyo ang loob ng mga Egipcio upang may madala kayo pag-alis. 22 Ang inyong mga kababaihan ay manghihingi ng damit, alahas na ginto o pilak sa kanilang mga Egipciong kapitbahay at sa sinumang Egipciong babaing kasama nila sa bahay. Ipasusuot ninyo ang mga ito sa inyong mga anak. Sa ganitong paraan ay mapapasa-inyo ang ari-arian ng mga Egipcio.”

Sinugo ng Diyos si Moises

Itinanong ni Moises, “Anong gagawin ko kung hindi makinig sa akin ang mga Israelita at hindi maniwalang nagpakita kayo sa akin?”

“Ano iyang hawak mo?” tanong sa kanya ni Yahweh.

“Tungkod po,” sagot ni Moises.

“Ihagis mo sa lupa!” utos ni Yahweh. Inihagis nga ito ni Moises sa lupa at ito'y naging ahas, kaya't siya'y tumakbong palayo. Sinabi sa kanya ni Yahweh, “Hawakan mo sa buntot ang ahas.” Hinawakan nga ni Moises at ito'y naging tungkod muli. “Ganyan ang gagawin mo para maniwala silang nagpakita ako sa iyo, ang Diyos ng inyong mga ninuno, ang Diyos nina Abraham, Isaac at Jacob,” sabi ni Yahweh.

“Ipasok mo ang iyong kamay sa damit mo, sa tapat ng iyong dibdib,” utos ni Yahweh. Gayon nga ang ginawa ni Moises at nang ilabas niya, ito'y nagkaroon ng sakit sa balat na parang ketong na kasimputi ng niyebe. “Ipasok mo uli,” utos ni Yahweh at sumunod naman si Moises. Nang ilabas niyang muli ang kanyang kamay, nagbalik na ito sa dati. Sinabi ng Diyos, “Kung ayaw ka pa nilang paniwalaan sa unang kababalaghan, malamang na paniniwalaan ka na nila sa ikalawa. Kung ayaw pa rin nilang makinig sa iyo, kumuha ka ng tubig sa Ilog Nilo, ibuhos mo sa lupa at ang tubig na iyon ay magiging dugo.”

10 Sinabi ni Moises kay Yahweh, “Panginoon, sa mula't mula pa'y hindi po ako mahusay magsalita. Bagama't nangusap ka na sa akin, hanggang ngayo'y pautal-utal pa rin ako kung magsalita.”

11 Sinabi ni Yahweh, “Sino ba ang gumagawa sa bibig ng tao? Sino ang may kapangyarihan para maging bingi o pipi ang isang tao? At sino rin ba ang nagbibigay ng paningin at nag-aalis nito? Hindi ba't akong si Yahweh? 12 Kaya nga, lumakad ka na at tutulungan kita sa pagsasalita at ituturo ko sa iyo ang iyong sasabihin.”

13 “Yahweh, maaari po bang iba na lang ang inyong suguin?” sagot ni Moises.

14 Dahil dito, nagalit si Yahweh kay Moises. Sinabi niya, “Hindi ba kapatid mo ang Levitang si Aaron? Alam kong mahusay siyang magsalita. Darating siya at makikipagkita sa iyo; matutuwa siya sa pagkikita ninyo. 15 Kausapin mo siya at sabihin mo ang lahat ng dapat niyang sabihin. Tutulungan ko kayo sa pagsasalita at ituturo ko sa inyo ang inyong dapat gawin. 16 Siya ang magiging tagapagsalita mo sa mga tao at ikaw ang magiging tagapagsalita ng Diyos na magsasabi naman sa kanya kung ano ang sasabihin niya. 17 Dalhin mo ang iyong tungkod sapagkat iyan ang gagamitin mo sa paggawa ng mga kababalaghan.”

Bumalik si Moises sa Egipto

18 Umuwi si Moises upang magpaalam sa biyenan niyang si Jetro. Sinabi niya, “Babalik po ako sa Egipto. Dadalawin ko po ang aking mga kamag-anak doon para malaman ko naman kung buháy pa sila.” Pumayag naman si Jetro.

19 Matapos magpaalam, sinabi ni Yahweh kay Moises, “Magbalik ka na sa Egipto sapagkat patay nang lahat ang mga taong ibig pumatay sa iyo.” 20 Kaya, isinakay niya sa mga asno ang kanyang asawa't mga anak at naglakbay sila patungong Egipto; dala niya ang kanyang tungkod.

21 Sinabi sa kanya ni Yahweh, “Pagdating mo sa Egipto, gawin mo sa harapan ng Faraon ang mga kababalaghang ipinagagawa ko sa iyo. Binigyan kita ng kapangyarihang gawin ang mga ito. Ngunit patitigasin ko ang puso niya upang hindi niya payagang umalis ang mga tao. 22 Kung magkagayon, ganito ang sabihin mo sa kanya: ‘Ipinapasabi ni Yahweh, Ang Israel ay aking anak na panganay. 23 Payagan(F) mo siyang umalis para sumamba sa akin. Kapag hindi mo pinayagan, papatayin ko ang iyong panganay.’”

24 Isang gabi, samantalang namamahinga sina Moises sa kanilang paglalakbay patungong Egipto, nilapitan siya ni Yahweh at pinagtangkaang patayin. 25 Kaya't kumuha si Zipora ng isang matalim na bato at tinuli ang kanyang anak. Pagkatapos, ipinahid niya sa mga paa[c] ni Moises ang pinagtulian, saka sinabi, “Tunay ngang asawa na kita sa pamamagitan ng dugo ng pagtutuli.” 26 Dahil dito, hinayaan ni Yahweh na mabuhay pa si Moises. Kaya, sinabi ni Zipora kay Moises, “Naging asawa kita sa pamamagitan ng dugo ng pagtutuli.”

27 Samantala, sinabi ni Yahweh kay Aaron, “Salubungin mo sa ilang si Moises.” Sinalubong nga niya si Moises sa Bundok ng Diyos at hinagkan niya nang sila'y magkita. 28 Sinabi ni Moises kay Aaron ang lahat ng sinabi sa kanya ni Yahweh, pati ang mga kababalaghang ipinagagawa sa kanya. 29 At magkasama silang lumakad upang tipunin ang mga pinuno ng Israel. 30 Lahat ng sinabi ni Yahweh kay Moises ay sinabi ni Aaron sa kanila. Pagkatapos, gumawa si Moises ng kababalaghan sa harapan nila 31 at naniwala ang buong bayan. Nang marinig nilang sila'y dinalaw ni Yahweh at hindi lingid sa kanya ang pang-aaping ginagawa sa kanila ng mga Egipcio, yumuko sila at sumamba kay Yahweh.

Sina Moises at Aaron sa Harapan ng Faraon

Pagkatapos nito, nagpunta sa Faraon sina Moises at Aaron. Sinabi nila, “Ipinapasabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, na payagan ninyong pumunta sa ilang ang kanyang bayang Israel upang magpista bilang parangal sa kanya.”

“Sinong Yahweh? Sino siyang mag-uutos sa akin na payagan kong umalis ang mga Israelita? Wala akong kilalang Yahweh. Hindi! Hindi ko papayagang umalis ang mga Israelita,” sagot ng Faraon.

Sinabi nila, “Nagpakita po sa amin ang Diyos naming mga Hebreo kaya isinasamo naming payagan na ninyo kaming maglakbay nang tatlong araw papunta sa ilang upang maghandog kay Yahweh na aming Diyos. Kung hindi, lilipulin niya kami sa pamamagitan ng sakit o digmaan.”

Sinabi ng hari ng Egipto kina Moises at Aaron, “At bakit ninyo ilalayo ang mga tao sa kanilang trabaho? Bumalik kayo ngayon din sa inyong mga trabaho. Mas marami na nga ang mga Hebreo kaysa mga Egipcio, nais pa ninyong tumigil sa pagtatrabaho?” sabi sa kanila ng Faraon.

Nang araw ding iyon, ipinatawag ng Faraon ang mga tagapangasiwang Egipcio at ang mga kapatas na Israelita. Sinabi niya, “Huwag na ninyo silang bibigyan ng dayaming ginagamit sa paggawa ng tisa. Hayaan ninyong sila ang manguha ng gagamitin nila. At ang dami ng gagawin nila ay tulad din ng dati; huwag babawasan kahit isa. Tinatamad lang ang mga iyan kaya nagpapaalam na maghandog sa kanilang Diyos. Lalo ninyong damihan ang kanilang gawain at lalo silang higpitan sa pagtatrabaho para hindi sila makapakinig ng kung anu-anong kasinungalingan.”

10 Pagkasabi nito ng Faraon, lumakad ang mga tagapangasiwang Egipcio at ang mga kapatas. Sinabi nila sa mga tao, “Ipinapasabi ng Faraon na hindi na kayo bibigyan ng dayami. 11 Kayo na ang bahalang manguha ng kailangan ninyo kung saan mayroon, at ang tisang gagawin ninyo araw-araw ay sindami rin ng dati.” 12 Ginalugad ng mga Israelita ang buong Egipto sa paghahanap ng dayami. 13 Sila'y inaapura ng mga tagapangasiwa at pilit na pinagagawa ng tisang sindami rin noong sila'y binibigyan pa ng dayami. 14 Kapag kulang ang kanilang nagawa, ang mga kapatas na Israelita ay binubugbog ng mga tagapangasiwa, at tinatanong: “Bakit kakaunti ang nagawa ninyo ngayon?”

15 Dahil dito, pumunta sa Faraon ang mga kapatas at nagreklamo, “Bakit po naman ninyo kami ginaganito? 16 Pinagagawa pa po kami ng tisa ngunit hindi na binibigyan ng dayami. At ngayon po'y binubugbog pa kami, gayong ang mga tauhan ninyo ang may pagkukulang!”

17 Sinabi ng Faraon, “Mga batugan! Tinatamad lang kayo kaya ninyo hinihiling sa akin na payagan kayong maghandog kay Yahweh. 18 Sige, magbalik na kayo sa inyong trabaho. Hindi kayo bibigyan ng dayami, at ang gagawin ninyong tisa ay sindami pa rin ng dati ninyong ginagawa.”

19 Nakita ng mga kapatas ang hirap ng kanilang katayuan nang sabihin sa kanilang sindami rin ng dati ang kanilang gagawin. 20 Pag-uwi nila mula sa pakikipag-usap sa Faraon, nakita nila sa daan sina Moises at Aaron na naghihintay sa kanila. 21 Sinabi nila sa dalawa, “Parusahan sana kayo ni Yahweh. Dahil sa ginawa ninyong ito, nagalit sa amin ang Faraon at ang mga tauhan niya. Binigyan pa ninyo sila ng dahilang patayin kami.”

Nanalangin si Moises

22 Kaya, nanalangin si Moises, “Yahweh, bakit po ninyo pinahihirapan ng ganito ang inyong bayan? Bakit pa ninyo ako sinugo kung ganito rin lamang ang mangyayari? 23 Mula nang makipag-usap ako sa Faraon ay lalo niyang pinahirapan ang inyong bayan, ngunit wala kayong ginagawa upang tulungan sila.”

Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Makikita mo ngayon kung ano ang gagawin ko sa Faraon. Hindi lamang siya mapipilitang pumayag na kayo'y umalis, ipagtatabuyan pa niya kayo.”

Muling Isinugo si Moises

Sinabi(G) ng Diyos kay Moises, “Ako si Yahweh. Nagpakita ako kina Abraham, Isaac at Jacob bilang Makapangyarihang Diyos ngunit hindi ako nagpakilala sa kanila sa pangalang Yahweh. Gumawa ako ng kasunduan sa kanila at nangako akong ibibigay sa kanila ang Canaan, ang lupaing tinirhan nila noon bilang mga dayuhan. Narinig ko ang daing ng bayang Israel na inaalipin ng mga Egipcio, at hindi ko nalilimutan ang ginawa kong kasunduan sa kanilang mga ninuno. Kaya ito ang sabihin mo sa mga Israelita: ‘Ako si Yahweh. Ililigtas ko kayo sa pagpapahirap ng mga Egipcio. Ipadarama ko sa kanila ang bigat ng aking kamay; paparusahan ko sila at kayo'y palalayain ko mula sa pagkaalipin. Ituturing ko kayong aking sariling bayan at ako ang magiging Diyos ninyo. At makikilala ninyong ako si Yahweh, ang inyong Diyos, ang nagligtas sa inyo sa pagpapahirap ng mga Egipcio. Dadalhin ko kayo sa lupaing ipinangako ko kina Abraham, Isaac at Jacob at iyon ay ibibigay ko sa inyo. Ako si Yahweh.’” Sinabi ito ni Moises sa mga Israelita, ngunit ayaw na nilang maniwala dahil sa panghihina ng loob at dahil sa matinding kahirapang kanilang dinaranas.

10 Nang muli silang mag-usap, sinabi ni Yahweh kay Moises, 11 “Pumunta ka sa Faraon, at sabihin mong payagan nang umalis ang mga Israelita.”

12 “Kung ang mga Israelita ay ayaw makinig sa akin, ang Faraon pa kaya? Ako'y hindi mahusay magsalita.” sagot ni Moises.

13 Ngunit sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron, “Sabihin ninyo sa mga Israelita at sa Faraon na inatasan ko kayo na ilabas sa Egipto ang mga Israelita.”

Ang Pinagmulang Angkan nina Moises at Aaron

14 Ito ang mga puno ng pinagmulang angkan nina Moises at Aaron: ang kay Ruben na siyang panganay ni Israel ay sina Enoc, Fallu, Hezron at Carmi. 15 Ang kay Simeon ay sina Jemuel, Jamin, Ohad, Jaquin, Zohar at Saul na anak ng isang Cananea. 16 Kay(H) Levi naman ay sina Gershon, Kohat at Merari. Si Levi ay nabuhay nang 137 taon. 17 Ang naging anak naman ni Gershon ay sina Libni at Seimei. 18 Ang kay Kohat naman ay sina Amram, Izar, Hebron at Uziel. Nabuhay si Kohat nang 133 taon. 19 Naging anak ni Merari sina Mahali at Musi. Ito ang mga angkan sa lipi ni Levi.

20 Napangasawa ni Amram si Jocebed na kapatid ng kanyang ama at naging anak nila sina Aaron at Moises. Si Amram ay nabuhay nang 137 taon. 21 Naging anak ni Izar sina Korah, Nefeg at Zicri. 22 Ang mga anak naman ni Uziel ay sina Misael, Elzafan at Sitri.

23 Napangasawa ni Aaron si Elisabet na kapatid ni Naason at anak ni Aminadab. Naging anak nila sina Nadab, Abihu, Eleazar at Itamar. 24 Ang mga anak ni Korah ay sina Asir, Elcana at Abiasaf. Ito ang mga angkan sa lipi ni Korah. 25 Napangasawa ni Eleazar na anak ni Aaron ang isang anak ni Futiel at naging anak nila si Finehas. Ito ang mga puno ng angkan ng mga Levita ayon sa kani-kanilang lipi.

26 Sina Aaron at Moises ang inutusan ni Yahweh na manguna sa Israel upang mailabas sila sa Egipto ayon sa kani-kanilang lipi. 27 Kaya't sinabi nila sa Faraon na palayain ang mga Israelita.

Inutusan sina Moises at Aaron

28 Nang si Moises ay kausapin ni Yahweh sa Egipto, 29 ganito ang sinabi sa kanya: “Ako si Yahweh. Sabihin mo sa Faraon, sa hari ng Egipto, ang lahat ng sinabi ko sa iyo.”

30 Ngunit sumagot si Moises, “Paano ako papakinggan ng Faraon gayong hindi ako mahusay magsalita?”

Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Gagawin kitang parang Diyos sa harapan ng Faraon, at ang kapatid mong si Aaron ang magiging tagapagsalita mo. Lahat ng sabihin ko sa iyo ay sasabihin mo kay Aaron; siya naman ang magsasabi sa Faraon na payagan na kayong umalis ng Egipto. Ngunit(I) patitigasin ko ang puso ng Faraon, at gumawa man ako ng maraming kababalaghan sa Egipto ay hindi siya makikinig sa iyo. Kung magkagayon ipadarama ko sa kanila ang bigat ng aking kamay. Paparusahan ko ang buong Egipto at ilalabas ko mula roon ang aking mga hukbo, ang aking bayan, ang mga Israelita. Makikilala ng mga Egipcio na ako si Yahweh kapag natikman nila ang bigat ng aking kamay at inilabas ko na sa Egipto ang mga Israelita.” At ginawa nina Moises at Aaron ang lahat ng iniutos ni Yahweh. Walumpung taon si Moises at walumpu't tatlo naman si Aaron nang makipag-usap sila sa Faraon.

Ang Tungkod ni Aaron

Sinabi pa ni Yahweh kina Moises at Aaron, “Kapag sinabi sa inyo ng Faraon na magpakita kayo ng kababalaghan bilang katunayan ng pagkasugo ko sa inyo, sabihin mo kay Aaron na ihagis ang kanyang tungkod sa harapan ng Faraon at magiging ahas iyon.” 10 Nagpunta nga sila sa Faraon tulad ng sinabi ni Yahweh. Pagdating doon, inihagis ni Aaron ang kanyang tungkod sa harapan ng Faraon at ng mga tauhan nito. At naging ahas nga ang tungkod. 11 Kaya ipinatawag ng Faraon ang mga matatalinong tao at mga salamangkero at sa pamamagitan ng kanilang lihim na karunungan ay ipinagaya ang ginawa ni Aaron. 12 Inihagis nila sa lupa ang kanilang mga tungkod at naging ahas din, ngunit ang mga ito'y nilulon ng tungkod ni Aaron. 13 Gayunma'y nagmatigas pa rin ang Faraon at hindi nakinig kina Moises at Aaron, gaya ng sinabi ni Yahweh.

Ang Unang Salot: Naging Dugo ang Tubig

14 Sinabi(J) ni Yahweh kay Moises, “Nagmamatigas ang Faraon. Ayaw pa ring paalisin ang mga Israelita. 15 Kaya, bukas ng umaga, dalhin mo ang tungkod na naging ahas, at hintayin mo ang Faraon pagpunta niya sa tabing ilog. 16 Sabihin mo sa kanya ang ganito, ‘Pinapunta ako rito ni Yahweh, ang Diyos ng mga Hebreo upang sabihin sa iyo na payagan mong umalis ang kanyang bayang Israel at sumamba sa kanya sa ilang. Hanggang ngayon ay ayaw mo pa ring sumunod. 17 Ngunit(K) tiyak na kikilalanin mo si Yahweh sa pamamagitan nitong gagawin niya. Tingnan mo, ihahampas ko sa Ilog Nilo ang tungkod na ito at magiging dugo ang tubig 18 at mamamatay ang mga isda. Dahil dito, babaho ang ilog at hindi maiinom ng mga Egipcio ang tubig nito.’”

19 Idinugtong pa ni Yahweh, “Pagkatapos, sabihin mo kay Aaron na itaas ang kanyang tungkod at sumpain ang lahat ng tubig sa Egipto. Ang lahat ng tubig sa mga ilog, kanal at lawa ay magiging dugo, pati ang nasa mga batya at tapayan.”

20 Ginawa nina Moises at Aaron ang iniutos sa kanila ni Yahweh. Sa harapan ng Faraon at ng mga tauhan nito ay inihampas ni Aaron sa tubig ang kanyang tungkod at naging dugo nga ang tubig. 21 Namatay ang mga isda at bumaho ang ilog, kaya't hindi mainom ng mga Egipcio ang tubig nito. Naging dugo rin ang lahat ng tubig sa buong Egipto. 22 Ngunit nagaya rin ito ng mga salamangkerong Egipcio sa pamamagitan ng kanilang lihim na karunungan kaya't lalong nagmatigas ang Faraon. Ayaw pa rin niyang pakinggan sina Moises at Aaron, tulad ng sinabi ni Yahweh. 23 Ang ginawa nila'y hindi pinansin ng Faraon, umuwi na lang ito sa palasyo. 24 Samantala, ang mga Egipcio ay humukay sa tabing ilog upang kumuha ng inumin sapagkat hindi nila mainom ang tubig sa ilog.

25 At lumipas ang pitong araw mula nang hampasin ni Yahweh ang tubig.

Ang Ikalawang Salot: Ang Napakaraming Palaka

Pagkaraan noon, sinabi ni Yahweh kay Moises, “Pumunta ka sa Faraon. Sabihin mong ito ang ipinapasabi ko: Payagan mo nang umalis ang mga Israelita upang sumamba sa akin. 2-3 Kapag hindi ka pumayag, patuloy kong pahihirapan ang buong Egipto. Pupunuin ko ng palaka ang Ilog Nilo. Papasukin ng mga ito ang palasyo at aakyatin pati higaan mo. Papasukin din ng mga ito ang bahay ng mga tauhan mo at ng lahat ng Egipcio, ganoon din ang inyong mga lutuan at lalagyan ng pagkain. Ikaw, ang iyong mga tauhan, at ang buong bayan ay pahihirapan nito.”

Sinabi pa ni Yahweh, “Sabihin mo naman kay Aaron na itapat niya sa ilog ang kanyang tungkod, gayon din sa mga kanal at mga lawa upang mapunô ng palaka ang buong Egipto.” Ganoon nga ang ginawa ni Aaron. Umahon sa ilog ang mga palakang di mabilang sa dami at kumalat sa buong Egipto. Ngunit nagaya rin ito ng mga salamangkero sa pamamagitan ng kanilang lihim na karunungan.

Ipinatawag ng Faraon sina Moises at Aaron. Sinabi niya, “Hilingin ninyo kay Yahweh na alisin ang mga palakang ito at papayagan ko na kayong maghandog sa kanya.”

Sinabi ni Moises, “Karangalan kong malaman kung kailan ninyo nais na idalangin ko kayo kay Yahweh, pati ang inyong mga tauhan at nasasakupan. At mawawala na ang mga palaka, maliban ang mga nasa ilog.”

10 “Bukas kung ganoon,” sabi ng Faraon.

“Matutupad po ayon sa inyong sinabi para malaman ninyo na walang kapantay ang Diyos naming si Yahweh. 11 Mawawala ang mga palaka at ang matitira lamang ay ang nasa ilog.” 12 Lumakad na sina Moises at Aaron. At tulad ng pangako nila, idinalangin ni Moises na alisin ang mga palakang nagpapahirap sa Faraon. 13 Tinugon naman siya ni Yahweh; namatay lahat ang mga palaka sa mga bahay at mga bukid. 14 Ibinunton ng mga Egipcio ang mga patay na palaka at umaalingasaw ang baho nito sa buong Egipto. 15 Ngunit nagmatigas muli ang Faraon nang ito'y makahinga na naman nang maluwag. At tulad ng sinabi ni Yahweh, hindi pa rin siya nakinig kina Moises at Aaron.

Ang Ikatlong Salot: Ang mga Niknik

16 Inutusan ni Yahweh si Moises na sabihin kay Aaron na ihampas sa lupa ang tungkod upang maging niknik ang lahat ng alikabok sa buong Egipto. 17 Inihampas nga ni Aaron ang tungkod at ang lahat ng alikabok sa buong Egipto ay naging niknik na labis na nagpahirap sa mga tao't mga hayop. 18 Pinilit ng mga salamangkero na magpalitaw rin ng niknik sa pamamagitan ng lihim nilang karunungan ngunit hindi nila ito nagawa. At ang mga tao't hayop ay patuloy na pinahirapan ng mga niknik. 19 Dahil(L) dito'y sinabi ng mga salamangkero sa Faraon, “Diyos na ang may gawa nito.” Ngunit hindi rin natinag ang kalooban ng Faraon; hindi rin siya nakinig kina Moises at Aaron, tulad ng sinabi ni Yahweh.

Ang Ikaapat na Salot: Ang mga Langaw

20 Dahil dito, sinabi ni Yahweh kay Moises, “Bukas ng umaga, hintayin mo ang Faraon pagpunta niya sa ilog at sabihin mong payagan na niyang umalis ang mga Israelita upang sumamba sa akin. 21 Kapag hindi niya pinayagan, padadagsaan ko siya ng makapal na langaw, pati ang kanyang mga tauhan at mga kababayan. Mapupuno ng langaw ang mga bahay ng mga Egipcio, pati ang lupang kanilang lalakaran. 22 Ngunit ililigtas ko ang lupain ng Goshen, ang tirahan ng mga Israelita. Hindi ko sila padadalhan ni isa mang langaw para malaman niyang akong si Yahweh ang siyang makapangyarihan sa lupaing ito. 23 Sa pamamagitan ng kababalaghang gagawin ko bukas, ipapakita ko na iba ang pagtingin ko sa aking bayan at sa kanyang bayan.” 24 Kinabukasan, ginawa nga ito ni Yahweh. Dumagsa sa Egipto ang makapal na langaw hanggang sa mapuno ang palasyo ng Faraon, ang bahay ng mga tauhan niya at ang buong Egipto. Dahil dito'y nasalanta ang buong bansa.

25 Kaya, ipinatawag ng Faraon sina Moises at Aaron at sinabi, “Sige, maghandog na kayo sa inyong Diyos, huwag lamang kayong lalabas ng Egipto.”

26 Sumagot si Moises, “Hindi po maaaring dito sa Egipto. Magagalit po sa amin ang mga Egipcio kapag nakita nila kaming naghahandog kay Yahweh sa paraang kasuklam-suklam sa kanila. Tiyak na babatuhin nila kami hanggang mamatay. 27 Ang kailangan po'y maglakbay kami ng tatlong araw at sa ilang kami maghahandog kay Yahweh tulad ng utos niya sa amin.”

28 Sinabi ng Faraon, “Papayagan ko kayong umalis, ngunit huwag kayong masyadong lalayo. At ipanalangin din ninyo ako.”

29 Sumagot si Moises, “Pag-alis ko po rito'y ipapanalangin ko kay Yahweh na alisin sa inyo ang mga langaw, gayon din sa inyong mga tauhan at nasasakupan. Ngunit huwag na ninyo kaming dadayain; huwag ninyo kaming hahadlangan sa paghahandog namin kay Yahweh.”

30 Umalis si Moises at nanalangin. 31 Tinugon naman siya ni Yahweh, at umalis nga ang mga langaw; walang natira ni isa man. 32 Ngunit nagmatigas pa rin ang Faraon; hindi niya pinayagang umalis ang mga Israelita.

Ang Ikalimang Salot: Ang Pagkamatay ng mga Hayop

Dahil dito, sinabi ni Yahweh kay Moises, “Pumunta ka sa Faraon at sabihin mong ipinapasabi ni Yahweh, ng Diyos ng mga Hebreo, na payagan na niyang umalis ang mga Israelita upang sumamba sa akin. Kapag pinigil pa niya kayo, paparusahan ko ng kakila-kilabot na salot ang kanyang mga hayop: ang mga kabayo, asno, kamelyo, baka, tupa at kambing. Mamamatay ang lahat ng mga hayop ng mga Egipcio, ngunit isa mang hayop ng mga Israelita ay walang mamamatay. Naitakda ko na ang oras, bukas ito mangyayari.”

Kinabukasan, ginawa nga ni Yahweh ang kanyang sinabi at namatay ang lahat ng hayop ng mga Egipcio, ngunit kahit isa'y walang namatay sa hayop ng mga Israelita. At nang patingnan ng Faraon, wala ngang namatay sa mga hayop ng mga Israelita. Ngunit nagmatigas pa rin ito at ayaw pa ring payagan ang mga Israelita.

Ang Ikaanim na Salot: Ang mga Pigsa

Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron, “Dumakot kayo ng abo sa pugon at ito'y pataas na ihahagis ni Moises na nakikita ng Faraon. Mapupuno ng pinong alikabok ang buong Egipto at ang lahat ng tao at hayop sa lupain ay matatadtad ng mga pigsang nagnanaknak.” 10 Kumuha(M) nga sila ng abo sa pugon at pumunta sa Faraon. Pagdating doon, pataas na inihagis ni Moises ang abo at natadtad nga ng mga pigsang nagnanaknak ang mga tao't mga hayop sa buong Egipto. 11 Ang mga salamangkero'y hindi na nakaharap kay Moises sapagkat sila ma'y tadtad rin ng mga pigsang nagnanaknak. 12 Samantala, ang Faraon ay pinagmatigas pa rin ni Yahweh. Hindi nito pinansin ang mga Israelita, tulad ng sinabi ni Yahweh kay Moises.

Ang Ikapitong Salot: Ang Malakas na Ulan ng Yelo

13 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Bukas ng umagang-umaga, pumunta ka sa Faraon. Sabihin mong iniuutos ko na payagan na niyang sumamba sa akin ang mga Israelita. 14 Kapag hindi pa siya pumayag, magpapadala ako ng matinding salot sa kanya, sa kanyang mga tauhan at nasasakupan, upang malaman nilang ako'y walang katulad sa buong daigdig. 15 Kung siya at ang buong bayan ay pinadalhan ko agad ng salot na sakit, sana'y patay na silang lahat. 16 Ngunit(N) hindi ko ginawa iyon upang ipakita sa kanya ang aking kapangyarihan at sa gayo'y maipahayag ang aking pangalan sa buong daigdig. 17 Ngunit hanggang ngayo'y hinahadlangan pa niya ang aking bayan, at ayaw pa rin niyang payagang umalis. 18 Kaya, bukas sa ganitong oras, pauulanan ko sila ng malalaking tipak ng yelo na walang kasinlakas sa buong kasaysayan ng Egipto. 19 Pasilungin mo ang lahat ng tao at isilong ang lahat ng hayop, sapagkat lahat ng bagsakan nito ay mamamatay.” 20 Ang ibang tauhan ng Faraon ay natakot sa ipinasabi ni Yahweh kaya pinasilong nila ang kanilang mga alipin at mga hayop 21 ngunit ipinagwalang-bahala ito ng iba at hinayaan nila sa labas ang kanilang mga alipin at mga hayop.

22 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Iunat mong pataas ang iyong kamay at uulan ng malalaking tipak ng yelo sa buong Egipto, at babagsak ito sa mga tao't mga hayop na nasa labas, pati sa mga halaman.” 23 Itinaas nga ni Moises ang kanyang tungkod. Gumuhit ang kidlat, dumagundong ang kulog at umulan ng malalaking tipak ng yelo sa buong Egipto. 24 Malakas(O) na malakas ang pag-ulan ng malalaking tipak ng yelo at sunud-sunod ang pagkidlat. Ito ang pinakamalakas na pag-ulan ng yelo sa kasaysayan ng Egipto. 25 Bumagsak ito sa buong Egipto at namatay ang lahat ng hindi nakasilong, maging tao man o hayop. Nasalanta ang lahat ng mabagsakan, pati mga halaman at mga punongkahoy. 26 Ngunit ang Goshen na tinitirhan ng mga Israelita ay hindi naulanan ng yelong ito.

27 Kaya, ipinatawag ng Faraon sina Moises at Aaron. Sinabi niya, “Tinatanggap ko ngayon na nagkasala ako kay Yahweh. Siya ang matuwid at kami ng aking mga kababayan ang mali. 28 Ipanalangin ninyo kami sa kanya sapagkat hirap na hirap na kami sa pag-ulan ng malalaking tipak ng yelo at sa malalakas na kulog. Ipinapangako kong kayo'y papayagan ko nang umalis sa lalong madaling panahon.”

29 Sinabi ni Moises, “Pagkalabas ko ng lunsod, mananalangin ako kay Yahweh. Mawawala ang mga kulog at titigil ang pag-ulan ng malalaking tipak ng yelo. Sa gayo'y malalaman ninyo na si Yahweh ang siyang may-ari ng daigdig, 30 kahit alam kong kayo at ang inyong mga tauhan ay hindi pa natatakot sa Panginoong Yahweh.”

31 Ang mga tanim na lino at ang mga sebada ay sirang-sira sapagkat may uhay na ang sebada at namumulaklak na ang lino. 32 Ngunit hindi napinsala ang trigo at ang espelta sapagkat huling tumubo ang mga ito.

33 Umalis si Moises at lumabas ng lunsod. Nanalangin siya kay Yahweh at tumigil ang kulog, ang ulan at ang pagbagsak ng malalaking tipak ng yelo. 34 Nang makita ng Faraon na tumigil na ang ulan at wala nang kulog, nagmatigas na naman siya. Dahil dito, muli siyang nagkasala pati ang kanyang mga tauhan. 35 Lalo siyang nagmatigas sa pagpigil sa mga Israelita, tulad ng sinabi ni Yahweh kay Moises.

Ang Ikawalong Salot: Ang mga Balang

10 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Pumunta ka sa Faraon. Pinagmatigas ko ang kanyang kalooban at ng kanyang mga tauhan para maipakita ko sa kanila ang aking kapangyarihan. Ginagawa ko ang mga kababalaghang ito upang masabi ninyo sa inyong mga anak at apo kung paano ko ipinakita sa mga Egipcio ang aking kapangyarihan at sa gayo'y kikilalanin ninyong lahat na ako si Yahweh.”

Pumunta sa Faraon sina Moises at Aaron at sinabi, “Ito ang ipinapasabi ni Yahweh: ‘Hanggang kailan ka ba magmamatigas? Payagan mo nang umalis ang mga Israelita upang sumamba sa akin. Kapag hindi mo pa sila pinayagan, bukas na bukas din ay magpapadala ako ng makapal na balang sa iyong bansa. Mapupuno nito ang buong Egipto, kaya't wala kang makikita kundi balang. Uubusin nito ang lahat ng hindi nasira sa pag-ulan ng malalaking tipak ng yelo, pati ang mga punongkahoy. Papasukin ng mga ito ang iyong palasyo at ang bahay ng iyong mga tauhan at mga nasasakupan. Ang salot na ito ay higit na matindi kaysa alinmang salot ng balang na naranasan ng inyong mga ninuno.’” Pagkasabi nito'y umalis si Moises.

Sinabi sa Faraon ng kanyang mga tauhan, “Hanggang kailan pa kaya tayo guguluhin ng taong ito? Payagan na ninyo silang umalis upang sumamba sa Diyos nilang si Yahweh. Hindi ba ninyo nakikitang nawawasak na ang buong Egipto?”

Kaya't ipinasundo ng Faraon sina Moises at Aaron. Sinabi niya, “Kung papayagan ko kayong umalis upang sumamba kay Yahweh, sinu-sino ang inyong isasama?”

Sumagot si Moises, “Lahat po kami, mula sa pinakabata hanggang sa pinakamatanda. Dadalhin din naming lahat ang aming mga tupa, kambing at mga baka. Kailangan pong kasamang lahat sapagkat ipagpipista namin si Yahweh.”

10 Sinabi ng Faraon, “Tawagin na ninyo si Yahweh, hindi ko papayagang isama ninyo ang inyong mga asawa't mga anak. Maliwanag na may binabalak kayong masama. 11 Hindi ako papayag na isama ninyo ang lahat, kayo na lang mga lalaki ang umalis upang sumamba sa inyong Yahweh kung iyan ang gusto ninyo.” Pagkasabi nito'y ipinagtabuyan sila ng Faraon.

12 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Iunat mong pataas ang iyong kamay at dadagsa sa buong Egipto ang makapal na balang. Uubusin ng mga ito ang mga halamang hindi nasira sa pag-ulan ng malalaking tipak ng yelo.” 13 Itinaas nga ni Moises ang kanyang tungkod. Maghapo't magdamag na pinaihip ni Yahweh sa buong Egipto ang hangin mula sa silangan. Kinaumagahan, tangay na ng hangin ang makapal na balang 14 at(P) ito'y dumagsa sa buong Egipto. Kailanma'y hindi nagkaroon ng ganoon karaming balang sa lupaing ito at hindi na magkakaroon pang muli. 15 Nangitim ang lupa sa dami ng balang; inubos ng mga ito ang lahat ng halaman, pati mga bunga ng kahoy na hindi nasira sa pag-ulan ng malalaking tipak ng yelo. Walang halaman o punongkahoy na naiwang may dahon sa buong lupain.

16 Dali-daling ipinatawag ng Faraon sina Moises at Aaron. Sinabi niya, “Nagkasala ako kay Yahweh na inyong Diyos, gayundin sa inyo. 17 Patawarin ninyo ako at ipinapakiusap kong ipanalangin ninyo kay Yahweh na alisin na sa akin ang nakamamatay na parusang ito.” 18 Iniwan ni Moises ang Faraon at siya'y nanalangin. 19 Binago naman ni Yahweh ang takbo ng hangin. Pinaihip niya ang malakas na hangin mula sa kanluran at tinangay nito ang lahat ng balang papunta sa Dagat na Pula;[d] isa ma'y walang natira sa Egipto. 20 Ngunit pinagmatigas ni Yahweh ang Faraon; hindi nito pinayagang umalis ang mga Israelita.

Ang Ikasiyam na Salot: Ang Kadiliman sa Egipto

21 Sinabi(Q) ni Yahweh kay Moises, “Iunat mong pataas ang iyong kamay, at mababalot ng dilim ang buong Egipto.” 22 Ganoon(R) nga ang ginawa ni Moises at nagdilim sa buong lupain sa loob ng tatlong araw. 23 Hindi magkakitaan ang mga tao sa buong Egipto, kaya't walang taong umalis sa kanyang kinaroroonan sa loob ng tatlong araw. Madilim na madilim sa buong Egipto maliban sa tirahan ng mga Israelita.

24 Tinawag ng Faraon si Moises. Sinabi niya, “Makakaalis na kayo upang sumamba kay Yahweh. Maaari ninyong isama ang inyong mga pamilya, ngunit iiwan ninyo ang lahat ng tupa, kambing at baka.”

25 Sumagot si Moises, “Hindi po maaari. Kailangang bigyan ninyo kami ng mga hayop na ihahandog namin kay Yahweh na aming Diyos. 26 Kaya kailangang dalhin din namin ang lahat naming hayop at wala ni isa mang maiiwan sapagkat pipiliin pa namin sa mga ito ang ihahandog namin kay Yahweh. At hindi namin malalaman kung alin ang ihahandog namin sa kanya hanggang hindi kami dumarating sa lugar na pagdarausan namin ng pagsamba.”

27 Pinagmatigas pa rin ni Yahweh ang Faraon; ayaw na naman niyang paalisin ang mga Israelita. 28 Sinabi niya kay Moises, “Lumayas ka na at huwag ka nang magpapakita sa akin. Ipapapatay na kita kapag nakita ko pa ang pagmumukha mo.”

29 “Masusunod ang gusto ninyo,” sagot ni Moises. “Hindi mo na ako muling makikita.”

Ipinahayag ni Moises ang Pagkamatay ng mga Panganay

11 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Isa na lamang salot ang ipadadala ko sa Faraon at sa buong Egipto at papayagan na niya kayong umalis. Hindi lamang niya kayo papayagang umalis; ipagtatabuyan pa niya kayo. Sabihin mo sa mga Israelita, babae man o lalaki, na humingi sila ng mga alahas na pilak o ginto sa kanilang mga kapitbahay.” Niloob ni Yahweh na igalang ng mga Egipcio ang mga Israelita. Sa katunayan, si Moises ay dinakila sa buong Egipto, maging ng mga tauhan ng Faraon at ng buong bayan.

Sinabi ni Moises sa Faraon, “Ito ang ipinapasabi ni Yahweh: ‘Pagdating ng hatinggabi, maglalakad ako sa buong Egipto, at mamamatay ang lahat ng panganay na lalaki, mula sa anak na magmamana ng trono ng Faraon, hanggang sa panganay na anak ng hamak na aliping babae na tagagiling ng trigo; pati panganay ng mga hayop ay mamamatay. Walang maririnig sa buong Egipto kundi ang malakas na panaghoy na hindi pa naririnig at hindi na maririnig kailanman. Ngunit ang mga Israelita, maging ang kanilang mga hayop, ay hindi man lamang tatahulan ng aso upang kilalanin mo na may pagkakaiba ang pagtingin ni Yahweh sa mga Israelita at sa mga Egipcio.’ Lahat ng tauhan mo'y luluhod sa akin at magsasabi: ‘Lumayas na kayo ng mga kababayan mo.’ Pagkatapos nito'y aalis ako.” Pagkasabi nito'y galit na galit na iniwan ni Moises ang Faraon.

Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Hindi ka papakinggan ng Faraon kaya't gagawa pa ako ng mga kababalaghan sa Egipto.” 10 Ginawa nina Moises at Aaron ang lahat ng kababalaghang ito, ngunit hindi rin pumayag ang Faraon na umalis ang mga Israelita sa lupain ng Egipto.

Ang Pista ng Paskwa

12 Sinabi(S) ni Yahweh kina Moises at Aaron sa Egipto, “Mula ngayon, ang buwang ito ang siyang magiging unang buwan ng taon para sa inyo. At sabihin ninyo sa buong sambayanan ng Israel na sa ikasampung araw ng buwang ito, bawat pamilya ay pipili ng isang tupa o batang kambing para sa kanila. Kung maliit ang pamilya at hindi makakaubos ng isang buong tupa, magsasalo sila ng malapit na kapitbahay, na hindi rin makakaubos ng isang buo. Ang dami ng magsasalu-salo sa isang tupa ay ibabatay sa dami ng makakain ng bawat isa. Kailangang lalaki ang tupa o ang kambing, isang taóng gulang, walang kapintasan. Aalagaan ito hanggang sa ikalabing apat ng buwan at sa kinagabihan, sabay-sabay na papatayin ng buong bayan ang kani-kanilang inalagaang hayop. Kukuha sila ng dugo nito at ipapahid sa magkabilang poste at itaas ng pintuan ng bahay na kakainan ng kinatay na hayop. Sa gabi ring iyon, lilitsunin ito at kakaining kasama ng tinapay na walang pampaalsa at ng mapapait na gulay. Huwag ninyong kakainin nang hilaw o nilaga ang hayop; kundi lilitsunin ninyo ito nang buo, kasama ang ulo, ang mga pata at ang laman-loob. 10 Huwag kayong magtitira para sa kinabukasan. Kung may matira, kailangang sunugin kinaumagahan. 11 Kapag kakainin na ninyo ito, dapat nakabihis na kayo, nakasandalyas at may hawak na tungkod. Magmadali kayo sa pagkain nito. Ito ang Paskwa ni Yahweh.

12 “Sa gabing iyon, lilibutin ko ang buong Egipto at papatayin ang lahat ng panganay na lalaki, maging tao man o hayop. At paparusahan ko ang lahat ng diyus-diyosan sa Egipto. Ako si Yahweh. 13 Dugo ang magsisilbing palatandaan ng mga bahay na inyong tinitirhan. Lahat ng bahay na makita kong may pahid ng dugo ay lalampasan ko, at walang pinsalang mangyayari sa inyo habang pinaparusahan ko ang buong Egipto. 14 Ang(T) araw na ito'y ipagdiriwang ninyo sa lahat ng inyong salinlahi bilang pista ni Yahweh. Sa pamamagitan nito'y maaalala ninyo ang aking ginawa.

Ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa

15 “Pitong araw kayong kakain ng tinapay na walang pampaalsa. Sa unang araw pa lamang, aalisin ninyo sa inyong tahanan ang lahat ng pampaalsa, sapagkat ititiwalag ang sinumang kumain ng tinapay na may pampaalsa sa loob ng pitong araw na iyon. 16 Sa una at ikapitong araw ay magtitipun-tipon kayo upang sumamba. Sa loob ng dalawang araw na ito ay walang gagawa ng anuman liban sa paghahanda ng pagkain. 17 Ang pagdiriwang ng Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa ay gaganapin ninyo taun-taon sapagkat sa araw na ito, inilabas ko sa Egipto ang inyong mga lipi. Ito'y gagawin ninyo sa habang panahon ng inyong mga salinlahi. 18 Tinapay na walang pampaalsa ang inyong kakainin simula sa gabi ng ikalabing apat na araw hanggang sa gabi ng ikadalawampu't isa ng unang buwan ng taon. 19 Sa loob ng pitong araw, hindi dapat magkaroon ng pampaalsa sa inyong mga bahay. Ititiwalag sa sambayanan ng Israel ang sinumang kumain ng tinapay na may pampaalsa, maging siya'y dayuhan o purong Israelita. 20 Saanman kayo naroroon, huwag kayong kakain ng tinapay na may pampaalsa tuwing ganitong panahon. Ang kakainin ninyo'y tinapay na walang pampaalsa.”

Ang Unang Paskwa

21 Tinawag nga ni Moises ang mga pinuno ng Israel at sinabi sa kanila, “Pumili kayo ng isang tupa para sa inyong sari-sariling pamilya at katayin ninyo ito para sa Paskwa. 22 Kumuha kayo ng sanga ng halamang hisopo, basain ito ng dugo ng tupa at ipahid sa magkabilang poste at itaas ng inyong pintuan. At isa man sa inyo ay huwag lalabas ng bahay hanggang kinabukasan. 23 Sa(U) gabing iyon, lilibutin ni Yahweh ang buong Egipto at papatayin ang mga Egipcio. Lahat ng bahay na makita niyang may pahid na dugo sa magkabilang poste at itaas ng pintuan ay hindi niya hahayaang pasukin ng Anghel ng Kamatayan. 24 Sundin ninyo ang mga tuntuning ito at palagiang ganapin, pati ng inyong mga anak. 25 Patuloy ninyong ganapin ito maging sa lupaing ipinangako sa inyo ni Yahweh. 26 Kapag itinanong ng inyong mga anak kung bakit ninyo ginagawa ito, 27 sabihin ninyong ito'y pag-aalaala sa Paskwa ni Yahweh nang lampasan niya ang bahay ng mga Israelita at patayin niya ang mga Egipcio.”

Nang masabi ito ni Moises, yumuko ang buong bayan at sumamba sa Diyos. 28 Pagkatapos, umuwi na sila at isinagawa ang iniutos ni Yahweh sa pamamagitan nina Moises at Aaron.

Ang Huling Salot: Namatay ang Lahat ng Panganay

29 Nang(V) hating-gabing iyon, pinatay ni Yahweh ang lahat ng panganay na lalaki sa buong Egipto, mula sa panganay ng Faraon at tagapagmana ng trono, hanggang sa anak ng bilanggong nasa piitan; namatay din ang panganay ng mga hayop. 30 Nang gabing iyon, nagising ang Faraon, ang kanyang mga tauhan at lahat ng Egipcio, at nagkaroon ng napakalakas na iyakan sa buong Egipto, sapagkat lahat ng bahay ay namatayan ng panganay na lalaki. 31 Nang gabi ring iyo'y ipinatawag ng Faraon sina Moises at Aaron at kanyang sinabi, “Sige, umalis na kayo sa Egipto! Lumakad na kayo at sumamba kay Yahweh tulad ng hinihiling ninyo. 32 Dalhin na ninyo pati inyong mga tupa, kambing at baka. Umalis na kayo at ipanalangin din ninyo ako.”

33 Inapura sila ng mga Egipcio at sinabi sa kanila, “Mamamatay kaming lahat kapag hindi pa kayo umalis dito.” 34 Kaya, binalot nila ng damit ang minamasang harina na di na nalagyan ng pampaalsa, ni alisin sa sisidlan; pinasan nila iyon at umalis. 35 Noo'y(W) nahingi na nila sa mga Egipcio ang mga alahas na pilak at ginto at mga damit, tulad ng iniutos sa kanila ni Moises. 36 Ibinigay ng mga Egipcio ang anumang hingin ng mga Israelita sapagkat niloob na ni Yahweh na sila'y igalang ng mga ito. Sa ganitong paraan, nasamsam nila ang kayamanan ng mga Egipcio.

Ang Pag-alis ng mga Israelita sa Egipto

37 Mula sa Rameses, naglakbay ang mga Israelita patungong Sucot; humigit-kumulang sa animnaraang libo ang mga lalaki bukod pa sa mga babae at mga bata. 38 Maraming hindi Israelita ang sumama sa kanila; marami rin silang dalang tupa, kambing at baka. 39 At niluto nila ang dala nilang gagawing tinapay na wala pang pampaalsa. Hindi nila ito nakuhang lagyan pa ng pampaalsa sapagkat apurahan ang kanilang pag-alis sa Egipto; wala na silang panahong magluto ng pagkain.

40 Nanirahan(X) ang mga Israelita sa Egipto nang 430 taon. 41 Huling araw ng ika-430 taon nang umalis sa Egipto ang lahat ng lipi ng bayan ni Yahweh. 42 Nang gabing iyon sila iniligtas ni Yahweh at inilabas sa Egipto, kaya ang gabing iyon ay itinalaga nila sa pag-aalaala sa pagliligtas sa kanila ni Yahweh. Ang pag-aalaalang iyon ay patuloy nilang gagawin habang panahon.

Footnotes

  1. 1 Sinai: o kaya'y Horeb .
  2. 14 AKO NGA: Sa wikang Hebreo, ang mga salitang “Yahweh” at “Ako Nga” ay magkasintunog.
  3. 25 PAA: Sa panitikang Hebreo, karaniwang ginagamit ang salitang “paa” upang tukuyin ang ari ng lalaki.
  4. 19 Dagat na Pula: o kaya'y Dagat ng mga Tambo .