Add parallel Print Page Options

Ang Bukal Mula sa Malaking Bato(A)

17 Mula(B) sa disyerto ng Sin, naglakbay ang mga Israelita, sila'y humihinto at nagpapatuloy kapag sinabi ni Yahweh. Sila'y nagkampo sa Refidim ngunit walang tubig doon, kaya nagalit sila kay Moises. Sinabi nila, “Bigyan mo kami ng tubig na maiinom.”

“Bakit kayo nagagalit? Bakit ninyo sinusubukan ang kakayahan ni Yahweh?” tanong ni Moises.

Ngunit talagang uhaw na uhaw na ang mga Israelita, kaya sinumbatan nila si Moises, “Inilabas mo ba kami sa Egipto para patayin sa uhaw pati mga anak namin at mga alagang hayop?”

Kaya, humingi ng tulong si Moises kay Yahweh, “Ano ang gagawin ko sa mga taong ito? Gusto na nila akong batuhin?” Sumagot si Yahweh, “Magsama ka ng ilang pinuno ng Israel at mauna kayo sa mga Israelita. Dalhin mo ang iyong tungkod na inihampas mo sa Ilog Nilo at lumakad na kayo. Hihintayin ko kayo sa ibabaw ng malaking bato sa Sinai.[a] Hampasin mo ito at bubukal ang tubig na maiinom ng mga tao.” Iyon nga ang ginawa ni Moises; at ito'y nasaksihan ng mga kasama niyang pinuno ng Israel.

Ang lugar na iyon ay pinangalanan niyang “Masah”[b] at “Meriba”[c] sapagkat nagtalu-talo doon ang mga Israelita at sinubok nila si Yahweh. Ang pinagtalunan nila ay kung pinapatnubayan nga sila ni Yahweh o hindi.

Ang Labanan ng mga Israelita at ng mga Amalekita

Nang ang mga Israelita'y nasa Refidim, sinalakay sila ng mga Amalekita. Sinabi ni Moises kay Josue, “Pumili ka ng ilang tauhan natin at pangunahan mo sa pakikipaglaban sa mga Amalekita. Hahawakan ko naman ang tungkod na ibinigay sa akin ng Diyos at tatayo ako sa ibabaw ng burol.” 10 Sinunod ni Josue ang utos ni Moises at hinarap niya ang mga Amalekita. Si Moises naman, kasama sina Aaron at Hur ay nagpunta sa burol. 11 Kapag nakataas ang mga kamay ni Moises, nananalo ang mga Israelita; kapag nakababa, nananalo naman ang mga Amalekita. 12 Nangawit na si Moises kaya sina Aaron at Hur ay kumuha ng isang bato at pinaupo roon si Moises habang hawak nilang pataas ang mga kamay nito hanggang sa lumubog ang araw. 13 Dahil dito'y natalo ni Josue ang mga Amalekita.

14 Sinabi(C) ni Yahweh kay Moises, “Isulat mo ang pangyayaring ito upang hindi ninyo malimutan, at sabihin mo naman kay Josue na lilipulin ko ang mga Amalekita.” 15 Nagtayo si Moises ng isang altar at tinawag niya itong, “Si Yahweh ang aking Watawat.” 16 At sinabi niya sa mga tao, “Itaas ninyo ang watawat ni Yahweh! Patuloy niya tayong pangungunahan sa ating pakikipaglaban sa mga Amalekita.”

Footnotes

  1. 6 Sinai: o kaya'y Horeb .
  2. 7 MASAH: Sa wikang Hebreo, ang kahulugan ng salitang “Masah” ay “pagsubok”.
  3. 7 MERIBA: Sa wikang Hebreo, ang kahulugan ng salitang “Meriba” ay “pakikipagtalo”.
'Exodo 17 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.

Ang tubig mula sa bato sa Rephidim.

17 (A)At ang buong kapisanan ng mga anak ni Israel ay naglakbay mula sa ilang ng Sin, sa kanilang paglalakbay ayon sa utos ng Panginoon, at humantong sa Rephidim: at walang tubig na mainom ang bayan.

(B)Kaya't ang bayan ay nakipagtalo kay Moises, at nagsabi, Bigyan mo kami ng tubig na aming mainom. At sinabi ni Moises sa kanila, Bakit kayo nakikipagtalo sa akin? (C)bakit ninyo tinutukso ang Panginoon?

At ang bayan ay nauhaw at (D)inupasala ng bayan si Moises, at sinabi, Bakit mo kami isinampa rito mula sa Egipto, upang patayin mo kami sa uhaw, at ang aming mga anak, at ang aming kawan?

At si Moises ay dumaing sa Panginoon, na nagsasabi, Anong aking gagawin sa bayang ito? kulang na lamang (E)batuhin nila ako.

At sinabi ng Panginoon kay Moises, Dumaan ka sa harap ng bayan, at ipagsama mo ang mga matanda sa Israel; at ang iyong tungkod na iyong (F)ipinalo sa ilog, ay tangnan mo sa iyong kamay, at yumaon ka.

(G)Narito, ako'y tatayo sa harap mo roon sa ibabaw ng bato sa Horeb; at iyong papaluin ang bato, at lalabasan ng tubig, upang ang bayan ay makainom. At gayon ginawa ni Moises sa paningin ng mga matanda sa Israel.

At (H)tinawag nila ang pangalan ng dakong yaon, na Massah at Meribah, dahil sa pakikipagtalo ng mga anak ni Israel, at dahil sa kanilang tinukso ang Panginoon, na kanilang sinasabi, Ang Panginoon ba'y nasa gitna natin o wala?

Pakikipaglaban kay Amalec.

Nang magkagayo'y (I)dumating si Amalec, at nakipaglaban sa Israel sa Rephidim.

At sinabi ni Moises kay Josue, Ipili mo tayo ng mga lalake, at ikaw ay lumabas, lumaban ka kay Amalec; bukas ay tatayo ako sa taluktok ng burol, na aking tangan ang (J)tungkod ng Dios sa aking kamay.

10 Gayon ginawa ni Josue, gaya ng sinabi ni Moises sa kaniya, at lumaban kay Amalec: at si Moises, si Aaron at si Hur ay sumampa sa taluktok ng burol.

11 At nangyari, pagka itinataas ni Moises ang kaniyang kamay, ay nananaig ang Israel: at pagka kaniyang ibinababa ang kaniyang kamay, ay nananaig si Amalec.

12 Datapuwa't ang mga kamay ni Moises ay nangalay; at sila'y kumuha ng isang bato, at inilagay sa ibaba, at kaniyang inupuan; at inalalayan ni Aaron at ni Hur ang kaniyang mga kamay, ang isa'y sa isang dako, at ang isa'y sa kabilang dako; at ang kaniyang mga kamay ay nalagi sa itaas hanggang sa paglubog ng araw.

13 At nilito ni Josue si Amalec, at ang kaniyang bayan, sa pamamagitan ng talim ng tabak.

14 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Isulat mo ito na pinakaalaala sa isang aklat, at ipagbigay alam mo kay Josue (K)na aking ipalilimot ang pagalaala kay Amalec sa silong ng langit.

15 At nagtayo si Moises ng isang dambana, at pinanganlang Jehovanissi.[a]

16 At kaniyang sinabi, Isinumpa ng Panginoon: ang Panginoon ay makikipagdigma kay Amalec sa buong panahon ng lahi nito.

Footnotes

  1. Exodo 17:15 o Watawat ng Panginoon.