Add parallel Print Page Options

Pinarangalan si Mordecai

Nang gabing iyon, hindi hinayaan ng Panginoon na makatulog si Haring Xerxes. Kaya't pinakuha niya ang aklat ng mahahalagang pangyayari sa kaharian at ipinabasa ito sa kanyang personal na kalihim habang siya'y nakikinig. Nabasa ang bahagi ng kasaysayan tungkol sa pagkatuklas ni Mordecai sa masamang balak ng mga eunukong sina Gabata at Tara na patayin ang Haring Xerxes. Dahil dito, itinanong ng hari, “Anong gantimpala o pagpaparangal ang ginawa kay Mordecai dahil sa kabutihang ginawa niya sa akin?”

Sumagot ang mga tagapaglingkod, “Wala po, Kamahalan.”

Nagtanong ang hari, “Sino ba ang pumapasok sa bulwagan?” Samantala, noon ay papasok sa bulwagan si Haman upang sabihin sa hari na maaari nang bitayin si Mordecai sa pinagawa niyang bitayan.

Sinabi ng mga tagapaglingkod ng hari, “Si Haman po.”

At sinabi ng hari, “Palapitin ninyo siya rito.”

Lumapit naman si Haman. Itinanong sa kanya ng hari, “Ano ang dapat gawin sa sinumang ibig parangalan ng hari?”

Akala ni Haman ay siya ang tinutukoy ng hari, kaya sinabi niya, “Ganito po: Ipakuha ninyo ang damit na inyong isinuot at ang kabayong inyong sinakyan nang kayo'y koronahan bilang hari. Ang damit ay ibigay sa isa sa mga pangunahing pinuno ng kaharian para isuot sa pararangalan. Pagkatapos, isakay sa kabayo at ilibot sa buong lunsod habang isinisigaw ang: ‘Ito ang ginagawa sa taong pinaparangalan ng hari!’”

10 Sinabi ng hari kay Haman, “Magaling! Kung gayon, kunin mo ang aking damit at ang aking kabayo. Lahat ng sinabi mo'y gawin mo kay Mordecai, ang Judiong nakaupo sa may pasukan ng palasyo.”

11 Kinuha nga ni Haman ang damit at ang kabayo ng hari. Binihisan niya si Mordecai, isinakay sa kabayo at inilibot sa buong lunsod habang isinisigaw niyang, “Ito ang ginagawa sa taong pinaparangalan ng hari.”

12 Pagkatapos nito, nagbalik si Mordecai sa may pintuan ng palasyo. Nagmamadali namang umuwi si Haman, at pagdating sa bahay ay nanangis at nagtalukbong dahil sa inabot na kahihiyan. 13 Ang nangyari'y isinalaysay ni Haman sa asawa niyang si Zeres at sa kanyang mga kaibigan. Kaya sinabi nila sa kanya, “Kung Judio nga si Mordecai, na siyang dahilan ng iyong panghihina, hindi mo siya madadaig, kundi ikaw pa ang dadaigin niya. Hindi mo siya madadaig sapagkat ang buháy na Diyos ay sumasakanya.”

14 Nag-uusap pa sila nang dumating ang mga sugo ng hari at nagmamadaling isinama si Haman sa handaan ni Ester.

'Ester 6 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.

Si Mardocheo ay pinarangalan ng hari.

Nang gabing yaon ay hindi makatulog ang hari; at kaniyang iniutos na dalhin (A)ang aklat ng mga alaala ng mga gawa, at mga binasa sa harap ng hari.

At nasumpungang nakasulat, na si Mardocheo ay nagsaysay tungkol kay (B)Bigthana at kay Teres, dalawa sa mga kamarero ng hari, sa nangagingat ng pintuan na nangagisip magbuhat ng kamay sa haring Assuero.

At sinabi ng hari, Anong karangalan at kamahalan ang nagawa kay Mardocheo sa bagay na ito? Nang magkagayo'y sinabi ng mga lingkod ng hari na nagsisipaglingkod sa kaniya, Walang anomang nagawa sa kaniya.

At sinabi ng hari, Sino ang nasa looban? Si Aman nga ay pumasok (C)sa looban ng bahay ng hari, (D)upang magsalita sa hari na bitayin si Mardocheo sa bibitayan na inihanda niya sa kaniya.

At ang mga lingkod ng hari ay nagsabi sa kaniya. Narito, si Aman ay nakatayo sa looban. At sinabi ng hari, Papasukin siya.

Sa gayo'y pumasok si Aman. At ang hari ay nagsabi sa kaniya, Anong gagawin sa lalake na kinalulugdang parangalin ng hari? Sinabi nga ni Aman sa kaniyang sarili: Sino ang kinalulugdang parangalin ng hari na higit kay sa akin?

At sinabi ni Aman sa hari, Sa lalake na kinalulugdang parangalin ng hari,

Ay dalhan ng damit-hari na isinusuot ng hari, at (E)ng kabayo na sinasakyan ng hari, at putungan sa ulo ng putong na hari:

At ang bihisan at ang kabayo ay mabigay sa kamay ng isa sa pinakamahal na prinsipe ng hari, upang bihisang gayon ang lalake na kinalulugdang parangalin ng hari, at pasakayin siya sa kabayo sa lansangan ng bayan, at itanyag sa unahan niya; Ganito ang gagawin sa lalake na kinalulugdang parangalin ng hari.

10 Nang magkagayo'y sinabi ng hari kay Aman, Ikaw ay magmadali, at kunin mo ang bihisan at ang kabayo, gaya ng iyong sinabi, at gawin mong gayon kay Mardocheo, na Judio, na nauupo sa pintuang-daan ng hari; huwag magkulang ang anomang bagay sa lahat na iyong sinalita.

11 Nang magkagayo'y kinuha ni Aman ang bihisan at ang kabayo, at binihisan si Mardocheo, at pinasakay sa lansangan ng bayan, at nagtanyag sa unahan niya: Ganito ang gagawin sa lalake na kinalulugdang parangalin ng hari.

12 At si Mardocheo ay bumalik sa pintuang-daan ng hari. Nguni't si Aman ay nagmadaling umuwi, na tumatangis (F)at may takip ang ulo.

13 At isinaysay ni Aman kay Zeres na kaniyang asawa at sa lahat niyang mga kaibigan ang bawa't bagay na nangyari sa kaniya. Nang magkagayo'y sinabi ng kaniyang mga pantas na lalake, at ni (G)Zeres na kaniyang asawa sa kaniya: Kung si Mardocheo, na iyong pinasimulang kinahulugan sa harap, ay sa binhi ng mga Judio, hindi ka mananaig laban sa kaniya, kundi ikaw ay walang pagsalang mahuhulog sa harap niya.

14 Samantalang sila'y nakikipagsalitaan pa sa kaniya, dumating ang mga kamarero ng hari at nagmadaling dinala si Aman (H)sa pigingan na inihanda ni Esther.