Add parallel Print Page Options

17 Nilikha(A) ng Panginoon ang tao mula sa alabok,
    at ito'y sa alabok din uuwi.
Binigyan niya ang tao ng maikling buhay,
    ngunit ipinailalim sa kanyang kapangyarihan ang lahat ng bagay sa ibabaw ng lupa.
Pinagkalooban niya sila ng kalakasang tulad ng sa kanya,
    at ginawa silang kawangis niya.
4-5 Niloob ng Panginoon na ang lahat ng may buhay ay matakot sa tao,
    at maghari ito sa mga hayop sa lupa at ibon sa himpapawid.[a]
Binigyan niya ang tao ng dila, mga mata at tainga,
    at kapangyarihang mag-isip at magpasya.
Pinuspos(B) pa niya ng kaalaman at karunungan,
    at tinuruang kumilala ng mabuti at masama.
8-9 Pinaliwanag ng Panginoon ang isipan ng mga tao,
    at ipinakilala sa kanila ang kagandahan ng kanyang nilalang,[b]
10 upang papurihan nila ang kanyang pangalan
    at ipahayag ang kadakilaan ng kanyang mga gawa.
11 Ibinigay niya sa tao ang kanyang mga aral,
    at ipinamana sa kanila ang Kautusang nagbibigay-buhay.
12 Nakipagtipan siya sa mga tao magpakailanman,
    at ipinahayag sa kanila ang kanyang mga kautusan.

Read full chapter

Footnotes

  1. 4-5 at maghari…himpapawid: Sa ibang manuskrito'y may dagdag na Binigyan sila ng Panginoon ng limang patnubay sa pag-unawa, at binigyan pa rin ng pang-anim: ang katalinuhan. Ang pampito ay pangangatuwiran, at sa pamamagitan nito, nabibigyan nila ng kahulugan ang nagdaraan sa pandamdam .
  2. 8-9 at ipinakilala…nilalang: Sa ibang manuskrito'y may dagdag na At ipinahintulot niya na ipagkapuri nila magpakailanman ang kanyang mga kahanga-hangang ginawa .